Ang Pakikipagbaka ni Casiodoro de Reina Para sa Bibliyang Kastila
ANG Espanya noong ikalabing-anim na siglo ay isang mapanganib na lugar para sa pagbabasa ng Bibliya. Itinagubilin ng Simbahang Katoliko sa Inkisisyon na pawiin ang pinakamaliit na palatandaan ng di-tradisyunal na mga turo. Subalit may isang kabataang lalaki sa timugang Espanya na hindi lamang bumabasa ng Kasulatan kundi nanata pa na isasalin ito sa katutubong wika upang bawat Kastila ay makabasa nito. Ang pangalan niya ay Casiodoro de Reina.
Ang interes ni Reina sa Bibliya ay nagsimula noong mga taon ng kaniyang pamamalagi sa monasteryo ng San Isidro del Campo, na nasa labas ng Seville, Espanya. Noong dekada ng 1550, ang karamihan sa mga monghe sa di-karaniwang monasteryong ito ay gumugugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng Kasulatan kaysa sa pagganap sa kanilang kanonikal na mga atas. At binago ng mensahe ng Bibliya ang kanilang pag-iisip. Tinanggihan nila ang doktrinang Katoliko hinggil sa paggamit ng mga imahen at paniniwala sa purgatoryo. Sa wakas, ang kanilang pangmalas ay naging hayag sa lugar na iyon, at palibhasa’y natatakot na maaresto ng Inkisisyong Kastila, ipinasiya nilang tumakas tungo sa ibang bansa. Si Reina ay isa sa 12 na nagtagumpay sa pagtakas patungong Geneva, Switzerland.
Pagkatapos ng muntik nang mabigong pagtakas na iyon, nagpalipat-lipat siya sa mga lunsod sa Europa, anupat kahit paano ay nagagawa niyang makatalilis mula sa mga nang-uusig sa kaniya. Noong 1562 ay sinunog ng bigong mga inkisidor ang kaniyang larawan sa Seville, ngunit kahit ang malupit na bantang iyon ay hindi nagpaurong kay Reina sa kaniyang pagsasalin ng Kasulatan. Bagaman may halagang nakapatong sa kaniyang ulo at namumuhay na laging nangangamba na maaresto, ginawa pa rin niya nang walang humpay ang kaniyang saling Kastila. “Liban na lamang kapag ako’y maysakit o naglalakbay, . . . hindi ko binibitiwan ang aking panulat,” paliwanag niya.
Natapos ni Reina ang gawain sa loob ng sampung taon. Noong 1569 ay inilathala sa Basel, Switzerland ang kaniyang salin ng buong Bibliya. Ang tanyag na akdang ito ang siyang unang kumpletong saling Kastila na hango mula sa orihinal na mga wika. Sa loob ng ilang siglo ay makukuha ang mga Bibliyang Latin, subalit ang Latin ay wika ng mga piling tao. Pinaniniwalaan ni Reina na ang Bibliya ay dapat maunawaan ng lahat, at isinapanganib niya ang kaniyang buhay upang mapaunlad ang tunguhing iyan.
Sa pambungad ng kaniyang salin, ipinaliwanag niya ang kaniyang mga dahilan. “Ang pagbabawal sa Banal na Kasulatan sa pangkaraniwang wika ay tiyak na nagdudulot ng malaking upasala sa Diyos at pinsala sa kapakanan ng mga tao. Ito ay maliwanag na gawa ni Satanas at niyaong kaniyang mga nasusupil. . . . Yamang ibinigay ng Diyos ang kaniyang Salita sa mga tao, anupat inaasahan na ito ay mauunawaan at maikakapit ng lahat, siya na magbabawal nito sa alinmang wika o sa anupaman ay walang mabuting motibo.”
Ito ay isang prangkahang pahayag, na ginawa noong 18 taon lamang matapos na tuwirang ipagbawal ng Indise ng Inkisisyong Katoliko ang Bibliya “sa romansa ng Castile [Kastila] o sa alinmang karaniwang wika.” Maliwanag, hindi pinahintulutan ni Reina na supilin ng pagkatakot sa tao ang kaniyang pag-ibig sa katotohanan.
Liban sa pagkakaroon ng masidhing hangarin na mapadali ang pagkuha ng Bibliya para sa lahat ng taong nagsasalita ng Kastila, nais din ni Reina na mailathala ang pinakawastong salin na magagawa. Sa kaniyang pambungad, nilinaw niya ang mga bentaha ng tuwirang pagsasalin mula sa orihinal na mga wika. Ipinaliwanag ni Reina na ang ilang pagkakamali ay nakasingit sa tekstong Latin ng Vulgate. Ang isa sa pinakakapansin-pansin sa mga ito ay ang pag-aalis sa banal na pangalan.
Ang Banal na Pangalan sa mga Saling Kastila
Natanto ni Reina na ang pangalan ng Diyos, na Jehova, ay nararapat lumitaw sa alinmang maingat na isinaling Bibliya, gaya ng makikita sa orihinal na teksto. Tumanggi siyang sumunod sa kinagawiang pagpapalit sa banal na pangalan ng mga titulong gaya ng “Diyos” o “Panginoon.” Sa paunang salita ng kaniyang salin, ipinaliwanag niya ang kaniyang mga dahilan nang prangkahan.
“Aming pinanatili ang pangalang (Iehoua), hindi naman sa walang lubhang matibay na mga dahilan. Una, sapagkat sa tuwing ito ay masusumpungan sa aming bersiyon, ito man ay naroroon sa tekstong Hebreo, at para sa amin ay hindi namin maaalis o mapapalitan ito nang hindi nagkakasala ng kawalang-katapatan at paglapastangan sa kautusan ng Diyos, na nag-uutos na walang dapat na alisin o idagdag. . . . Ang kinagawian [na pag-aalis sa pangalan], na isinagawa ng Diyablo, ay umusbong buhat sa mga pamahiin ng modernong mga rabbi na, bagaman nag-aangking gumagalang dito, sa katunayan ay nagkubli sa Kaniyang banal na pangalan, anupat pinapangyayaring malimutan iyon ng bayan ng Diyos na sa pamamagitan niyaon ay nilayon niyang mapatangi siya buhat sa lahat ng ibang . . . mga diyos.”
Ang kapuri-puring hangarin ni Reina na dakilain ang pangalan ng Diyos ay nagkaroon ng malaking epekto. Hanggang sa panahon natin, ang malaking bilang ng mga saling Kastila—kapuwa Katoliko at Protestante—ay sumunod sa pamarisang ito, anupat ginamit sa kabuuan ang banal na pangalan. Pangunahin na dahil sa nagawa ni Reina, ang mga mambabasa ng halos lahat ng salin ng Bibliya sa Kastila ay madaling makauunawa na ang Diyos ay may personal na pangalan na nagtatangi sa kaniya buhat sa lahat ng ibang diyos.
Kapansin-pansin ang bagay na ang pangalan ni Jehova sa Hebreo ay kitang-kita sa pamagat na pahina ng Bibliya ni Reina. Itinalaga ni Reina ang kaniyang buhay sa marangal na layunin na maingatan ang Salita ng Diyos, anupat pinapangyayari na madali itong makuha sa isang wika na mababasa ng milyun-milyon.