Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bakit Nananalangin ang mga Tao?
    Ang Bantayan—2015 | Oktubre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?

      Bakit Nananalangin ang mga Tao?

      “Adik ako noon sa sugal. Nagdarasal ako para yumaman. Pero walang nangyari.”—Samuel,a Kenya.

      “Wala kaming ginawa sa klase kundi manalangin ng sauladong mga dasal na itinuro sa amin.”—Teresa, Pilipinas.

      “Nagdarasal ako kapag may problema. Humihingi ako ng tawad sa mga kasalanan ko. Nagdarasal ako para maging mas mabuting Kristiyano.”—Magdalene, Ghana.

      1. Lalaking nananalangin sa sugalan; 2. Batang babaeng nananalangin sa paaralan; 3. Babaeng nananalangin

      Ipinakikita ng mga sinabi nina Samuel, Teresa, at Magdalene na nananalangin ang mga tao sa iba’t ibang dahilan—ang ilan ay mas may kalidad kaysa sa iba. Taos-puso ang panalangin ng ilan; ang iba naman ay walang damdamin. Anuman ang ipinananalangin nila—pumasa man sa exam sa paaralan o manalo ang kanilang paboritong koponan sa isport, hingin ang patnubay ng Diyos para sa kanilang pamilya, o iba pang mga dahilan, nadarama ng milyon-milyon na kailangan nilang manalangin. Sa katunayan, ipinakikita ng mga surbey na kahit ang ilan na walang relihiyon ay regular ding nananalangin.

      Nananalangin ka ba? Ano ang ipinananalangin mo? Madasalin ka man o hindi, baka maitanong mo: ‘May naitutulong ba talaga ang panalangin? May nakikinig ba?’ Sinabi ng isang manunulat na ang panalangin ay isa lang “anyo ng terapi . . . na para bang kinakausap mo ang iyong alagang hayop.” Ganiyan din ang pananaw ng ilang awtoridad sa medisina, anupat tinatawag ang panalangin na isang anyo ng “alternatibong medisina.” Nananalangin ba ang mga tao dahil nakagawian na lang nila ito o dahil nadarama nilang gumagaan ang kanilang pakiramdam?

      Pero ipinakikita ng Bibliya na ang panalangin ay hindi lang basta isang anyo ng terapi. Sinasabi nito sa atin na may isa na talagang nakikinig sa mga nananalangin sa tamang paraan at para sa tamang mga bagay. Totoo ba ito? Tingnan natin ang ebidensiya.

      a Binago ang ilang pangalan.

  • Mayroon Bang Nakikinig?
    Ang Bantayan—2015 | Oktubre 1
    • Habang nakayuko ang kaniyang mga alagad, tumingala si Jesus at nanalangin

      TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?

      Mayroon Bang Nakikinig?

      Nadarama ng ilan na ang pananalangin ay pagsasayang lang ng panahon, dahil wala namang nakikinig. Sinubukan naman ng iba na manalangin pero pakiramdam nila, hindi sila sinasagot. Isang ateista ang kumatha sa isip niya ng isang Diyos at saka nanalangin: “Magparamdam ka lang.” Pero sinabi niyang ang Diyos ay nanatiling “walang kibo.”

      Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na may Diyos at na nakikinig siya sa mga panalangin. Iniuulat ng Bibliya ang pananalitang ito sa isang sinaunang bayan: “Walang pagsalang pagpapakitaan ka niya [ng Diyos] ng lingap sa tinig ng iyong pagdaing; kapag narinig niya iyon ay sasagutin ka nga niya.” (Isaias 30:19) Sinasabi ng isa pang teksto sa Bibliya: “Ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Kawikaan 15:8.

      Nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama, “at malugod siyang pinakinggan.”—Hebreo 5:7

      Isinasalaysay rin ng Bibliya ang halimbawa ng mga taong pinakinggan ang kanilang mga panalangin. Sinasabi ng isang teksto na si Jesus ay naghandog ng “mga pakiusap . . . sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya” at na “malugod siyang pinakinggan.” (Hebreo 5:7) Makikita ang iba pang halimbawa sa Daniel 9:21 at 2 Cronica 7:1.

      Kung gayon, bakit inaakala ng ilan na hindi sinasagot ang kanilang panalangin? Para pakinggan, dapat tayong manalangin tangi lamang sa Diyos ng Bibliya, si Jehova,a at hindi sa ibang diyos ni sa mga ninuno. Hinihiling din ng Diyos na humingi tayo “ayon sa kaniyang kalooban”—sa mga bagay na sinasang-ayunan niya. Tinitiyak sa atin ng Diyos na kung gagawin natin ito, ‘pakikinggan niya tayo.’ (1 Juan 5:14) Kaya para pakinggan ang ating mga panalangin, kailangan nating makilala ang Diyos ng Bibliya at alamin ang kaniyang kalooban.

      Naniniwala ang marami na ang panalangin ay hindi lang isang ritwal kundi na talagang nakikinig ang Diyos at sinasagot ang mga ito. Sinabi ni Isaac, taga-Kenya: “Nanalangin ako na tulungan akong maunawaan ang Bibliya. Di-nagtagal, may lumapit sa akin at inalok ako ng tulong na kailangan ko.” Sa Pilipinas naman, gusto ni Hilda na huminto sa paninigarilyo. Pagkatapos mabigo nang ilang beses, iminungkahi ng mister niya, “Bakit hindi ka manalangin sa Diyos at humingi ng tulong?” Sinunod niya ang payo at sinabi: “Hindi ako makapaniwala! Tinulungan Niya ako. Parang nawalan ako ng ganang manigarilyo. Naihinto ko ito.”

      Interesado rin kaya ang Diyos na tulungan ka sa iyong mga ikinababahala na kaayon ng kaniyang kalooban?

      a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

  • Bakit Tayo Inaanyayahan ng Diyos na Manalangin?
    Ang Bantayan—2015 | Oktubre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?

      Bakit Tayo Inaanyayahan ng Diyos na Manalangin?

      Nakikipagkaibigan sa atin ang Diyos.

      Nag-uusap ang magkaibigan para lumalim ang samahan. Inaanyayahan din tayo ng Diyos na makipag-usap sa kaniya para maging matalik na kaibigan natin siya. Sinabi niya: “Kayo ay tiyak na tatawag sa akin at paririto at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.” (Jeremias 29:12) Habang nakikipag-usap ka sa Diyos, magiging malapít ka sa kaniya, “at lalapit siya” sa iyo. (Santiago 4:8) Tinitiyak ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Habang madalas tayong nananalangin, lalong lalalim ang kaugnayan natin sa Diyos.

      “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”—Awit 145:18

      Gusto ng Diyos na tulungan ka.

      Sinabi ni Jesus: “Sinong tao sa gitna ninyo ang hinihingan ng kaniyang anak ng tinapay—hindi niya siya bibigyan ng bato, hindi ba? O, kaya, hihingi siya ng isda—hindi niya siya bibigyan ng serpiyente, hindi ba? Samakatuwid, kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya!” (Mateo 7:9-11) Oo, inaanyayahan ka ng Diyos na manalangin dahil “siya ay nagmamalasakit sa [iyo]” at gusto niyang tulungan ka. (1 Pedro 5:7) Hinihimok ka pa nga niyang lumapit sa kaniya kapag may problema ka. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.

      May espirituwal na pangangailangan ang tao.

      Ayon sa mga eksperto tungkol sa kalikasan ng tao, daan-daang milyon ang nakadaramang kailangan nilang manalangin. Kabilang dito maging ang ilang ateista at agnostiko.a Patunay ito na nilalang nga ang tao na may espirituwal na pangangailangan. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Para matugunan ang pangangailangang iyan, mahalagang regular na makipag-usap sa Diyos.

      Kung tatanggapin natin ang paanyaya ng Diyos na manalangin sa kaniya, ano ang maitutulong nito sa atin?

      a Sa surbey na isinagawa ng Pew Research Center noong 2012, ipinakikitang 11 porsiyento ng mga ateista/agnostiko sa Estados Unidos ang nananalangin kahit man lang minsan sa isang buwan.

      Ano ang Puwedeng Ipanalangin?

      Ipinakikita ng Bibliya na maaaring ipanalangin ang bawat aspekto ng ating buhay. Puwedeng isali sa panalangin ang sumusunod:

      • Pagtatapat ng Kasalanan “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo . . . , at ang aking kamalian ay hindi ko pinagtakpan.”—Awit 32:5.

      • Pasasalamat “Mabuti ang magpasalamat kay Jehova.”—Awit 92:1.

      • Papuri “[Pupurihin] ko si Jehova sa lahat ng panahon; ang papuri sa kaniya ay laging sasaaking bibig.”—Awit 34:1.

      • Paghiling ng Patnubay “[Patnubayan] mo ako sa landas ng iyong mga utos, sapagkat iyon ay kinalulugdan ko.”—Awit 119:35.

      • Paghingi ng Lakas “Bumaling ka sa akin at pagpakitaan mo ako ng lingap. Ibigay mo ang iyong lakas sa iyong lingkod.”—Awit 86:16.

  • Panalangin—Ang Magagawa Nito Para sa Iyo
    Ang Bantayan—2015 | Oktubre 1
    • Babaeng nananalangin, habang inaalaala ang kaniyang inang may sakit

      TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?

      Panalangin​—Ang Magagawa Nito Para sa Iyo

      Bago ka gumawa ng anumang bagay, natural lang na maisip mo, ‘Ano’ng mapapala ko rito?’ Hindi kaya pagiging makasarili kung iyan ang itatanong mo pagdating sa panalangin? Hindi naman. Natural lang na gusto nating malaman kung may maitutulong ito sa atin. Kahit ang mabuting taong si Job ay nagtanong: “Kung tatawagin ko siya, sasagot ba siya sa akin?”—Job 9:16.

      Sa naunang mga artikulo, tinalakay natin ang katibayan na ang panalangin ay hindi lang basta isang relihiyosong rutin o isang uri ng mental na terapi. Ang tunay na Diyos ay talagang nakikinig sa panalangin. Kung mananalangin tayo sa tamang paraan at para sa tamang mga bagay, makikinig siya. Sa katunayan, hinihimok niya tayo na lumapit sa kaniya. (Santiago 4:8) Ano, kung gayon, ang maitutulong sa atin ng panalangin kung magiging bahagi ito ng ating buhay? Tingnan natin ang ilang pakinabang.

      Kapayapaan ng isip.

      Kapag may problema ka, labis ka bang nababalisa? Hinihimok tayo ng Bibliya na “manalangin . . . nang walang lubay” kapag may problema tayo at “ipaalam ang [ating] mga pakiusap sa Diyos.” (1 Tesalonica 5:17; Filipos 4:6) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung mananalangin tayo sa Diyos, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan.” (Filipos 4:7) Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ng isip kung sasabihin natin sa ating Ama sa langit ang mga ikinababahala natin. Sa katunayan, hinihimok niya tayong gawin iyan. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo,” ang sabi sa Awit 55:22.

      “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22

      Nararanasan na ng maraming tao sa buong daigdig ang kapayapaang ito. Sinabi ni Hee Ran, taga-South Korea: “Gaano man kabigat ang mga problema ko, kapag nasabi ko na ito sa panalangin, gumagaan na ang pakiramdam ko at para bang kaya ko na itong mabata.” Sinabi naman ni Cecilia, taga-Pilipinas: “Bilang isang ina, labis akong nag-aalala sa mga anak kong babae at sa nanay ko na hindi na ako nakikilala ngayon. Pero sa tulong ng panalangin, nakapagpapatuloy ako sa buhay nang hindi masyadong nag-aalala. Alam kong tutulungan ako ni Jehova na maalagaan sila.”

      Kaaliwan at lakas sa panahon ng pagsubok.

      Napapaharap ka ba sa matinding stress, dahil marahil sa masasaklap na karanasan o mga kalagayang nagsasapanganib ng buhay? Ang pananalangin sa “Diyos ng buong kaaliwan” ay makapagdudulot ng malaking ginhawa. Ayon sa Bibliya, siya ang “umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Halimbawa, nang lubhang mabagabag si Jesus, “iniluhod [niya] ang kaniyang mga tuhod at nagsimulang manalangin.” Ang resulta? “Nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya.” (Lucas 22:41, 43) Ang tapat na si Nehemias ay pinagbantaan ng masasamang tao na gusto siyang pahintuin sa paggawa ng gawain ng Diyos. Nanalangin siya: “Ngayon ay palakasin mo ang aking mga kamay.” Ipinakikita ng kasunod na mga pangyayari na talagang tinulungan siya ng Diyos na madaig ang kaniyang takot at magtagumpay sa kaniyang gawain. (Nehemias 6:9-16) Ikinuwento ni Reginald, taga-Ghana, ang karanasan niya tungkol sa panalangin: “Kapag nananalangin ako, lalo na kung may problema, para bang nasasabi ko ang problema ko sa isa na kayang tumulong sa akin at nagpapatibay na hindi ako dapat mag-alala.” Oo, kapag nanalangin tayo sa Diyos, bibigyan niya tayo ng kaaliwan.

      Karunungan mula sa Diyos.

      May mga desisyon tayo na habambuhay na makaaapekto sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Paano tayo makagagawa ng matatalinong pasiya? Sinasabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan [lalo na sa panahon ng pagsubok], patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Kung hihingi tayo ng karunungan sa Diyos, maaari niyang gamitin ang kaniyang banal na espiritu para patnubayan tayong makagawa ng matatalinong desisyon. Sa katunayan, maaari nating espesipikong hingin ang banal na espiritu dahil tinitiyak sa atin ni Jesus na “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:13.

      Lalaking nananalangin

      “Patuloy akong nanalangin kay Jehova na gabayan ako sa paggawa ng tamang desisyon.”—Kwabena, Ghana

      Maging si Jesus ay humingi ng tulong sa kaniyang Ama sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Ayon sa Bibliya, nang pumili siya ng 12 lalaki na maglilingkod bilang mga apostol niya, “nagpatuloy siya sa pananalangin sa Diyos nang buong gabi.”—Lucas 6:12.

      Gaya ni Jesus, marami ngayon ang napapatibay kapag nakita nilang sinagot ng Diyos ang hiling nila na tulungan silang makagawa ng matatalinong desisyon. Sinabi ni Regina, taga-Pilipinas, ang iba’t ibang problemang nakaharap niya, gaya ng pagsuporta sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya nang mabiyuda siya, pagkawala ng trabaho, at pagpapalaki ng mga anak. Ano ang tumulong sa kaniya na makagawa ng matatalinong desisyon? Sinabi niya, “Umasa ako sa tulong ni Jehova sa pamamagitan ng panalangin.” Sinabi naman ni Kwabena, taga-Ghana, kung bakit siya humingi ng tulong sa Diyos, “Nawalan ako ng trabaho sa konstruksiyon na may malaking suweldo.” Tungkol sa kung ano ang posible niyang gawin, sinabi niya, “Patuloy akong nanalangin kay Jehova na gabayan ako sa paggawa ng tamang desisyon.” Sinabi pa niya, “Kumbinsido akong tinulungan ako ni Jehova na makapili ng trabahong tutulong sa akin na mapaglaanan ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ko.” Mararanasan mo rin ang patnubay ng Diyos kung ipananalangin mo ang mga bagay na makaaapekto sa kaugnayan mo sa kaniya.

      Ilan lamang ito sa mga bagay na magagawa sa iyo ng panalangin. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang kahong “Mga Pakinabang ng Panalangin.”) Subalit para makamit mo ang mga pakinabang na ito, dapat mo munang makilala ang Diyos at alamin ang kaniyang kalooban. Kung iyan ang gusto mo, hinihimok ka naming hilingin sa mga Saksi ni Jehova na tulungan kang mag-aral ng Bibliya.a Maaaring ito ang unang hakbang para mapalapít ka sa “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.

      a Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming website na www.pr418.com/tl.

      Mga Pakinabang ng Panalangin

      Kapayapaan ng isip “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.

      Kaaliwan mula sa Diyos “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.”—2 Corinto 1:3, 4.

      Patnubay sa paggawa ng matatalinong desisyon “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.”—Santiago 1:5.

      Tulong para makaiwas sa tukso “Magpatuloy kayo sa pananalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”—Lucas 22:40.

      Kapatawaran ng mga kasalanan Kung “ang aking bayan na tinatawag sa aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin at hanapin nila ang aking mukha at tumalikod mula sa kanilang masasamang lakad, kung magkagayon ay diringgin ko mula sa langit at patatawarin ko ang kanilang kasalanan.”—2 Cronica 7:14.

      Isang paraan para makatulong sa iba “Ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa.”—Santiago 5:16.

      Pampatibay-loob kapag sinagot ang mga panalangin “Si Jehova ay nagsabi sa kaniya [kay Solomon]: ‘Narinig ko ang iyong panalangin at ang iyong paghiling ng lingap na iyong inihiling ng lingap sa harap ko.’”—1 Hari 9:3.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share