Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 2/15 p. 4-7
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagiging Matapat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagiging Matapat?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Ating Pagsasalita
  • Sa Trabaho
  • Mga Iba pang Paraan ng Pagtatapat
  • Mga Gantimpala at Pakinabang
  • Maging Tapat sa Lahat ng Bagay
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Maging Tapat sa Lahat ng Bagay
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Maging Matapat sa Lahat ng Bagay
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Sulit ang Maging Matapat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 2/15 p. 4-7

Ano ba ang Kahulugan ng Pagiging Matapat?

ANG pagiging matapat ay nangangahulugan ng pagiging mapagtapat at walang daya. Ang pagiging matapat ay humihiling sa iyo na ikaw ay maging makatuwiran sa pakikitungo sa iba​—prangka, honorable, hindi magdaraya o nagliligaw. Ang isang taong matapat ay isang taong may integridad. Palibhasa’y laging mapagkakatiwalaan, siya’y hindi kailanman magdaraya sa kaniyang kapuwa tao. Lahat tayo ay nagnanais na tratuhin tayo sa ganiyang paraan, di ba? Kaya lilipas pa ba kaya ang pagkamatapat?

Agad nakikita ng Kristiyano sa binanggit na mga depinisyon kung bakit ang sinumang nagsasabing siya’y isang tunay na mananamba ay kailangang maging isang taong matapat. (Juan 4:24) Kaniyang sinasamba “si Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5; Tito 1:2) Makatuwiran, tanging ang “matapat na mga tao” ang kuwalipikado na kumatawan sa kaniya.​—Exodo 18:21, New World Translation Reference Bible, talababa.

Ang pagkamatapat ay may epekto sa maraming pitak ng ating buhay, kaya mauunawaan kung bakit sinabi ni apostol Pablo: “Kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay.” Kasali na riyan ang pagsasalita, ang pagtatrabaho, ang mga bagay sa pamilya, ang pakikitungo sa iba sa kalakalan, at ang pagtugon sa anumang legal na kahilingan ng gobyerno sa atin.​—Hebreo 13:18.

Sa Ating Pagsasalita

Mayroong maraming paraan​—bagama’t malimit itinuturing na walang malay at maaaring sundin​—na kung saan ang mga tao ay hindi nagsasalita ng katotohanan. Kanilang pinapalsipika ang mga report ng mga oras ng pagtatrabaho, ang mga anak ay pinagsasabihan nila na magsabi ng di-katotohanan sa mga humahanap sa kanila, magbibigay ng di-wastong mga pangungusap sa mga ahente ng seguro, at nagbubulaan tungkol sa pagkakasakit upang huwag ituring na sila’y pumalya sa trabaho, bilang iilan lamang.

Kung minsan ang kailangang sabihin natin sa iba ay dapat na isulat. Sa ilang kadahilanan, may mga taong hindi kailanman magsisinungaling kung kausap mo sila ang nag-iisip na isa namang naiibang bagay kung nag-uulat ng kita na nangangailangang patawan ng buwis o sumusulat ng isang deklarasyon ng mga bagay na inaari niya para sa mga ahente ng adwana sa isang internasyonal na hangganan. Sa ganitong pandaraya ay nalulugi ang lahat ng mga mambubuwis. Iyan ba ay tunay na pag-ibig sa kapuwa? Isa pa, hindi ba ang mga Kristiyano ay may obligasyon na “ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”?​—Lucas 20:25; 10:27; tingnan din ang Roma 13:1, 2, 7, 8.

Sa ating sinasalita, tunay na ibig nating tularan “ang Diyos ng katotohanan,” hindi “ang ama ng kasinungalingan.” (Awit 31:5; Juan 8:44) Ang mga taong magdaraya ay baka nagdadalawang-dila upang makapanlinlang at makadaya. Subalit ang pagsisinungaling sa ating kapuwa ay hindi pag-ibig sa kaniya. Isa pa, ang mga sinungaling ay walang tunay na kinabukasan.​—Efeso 4:25; Apocalipsis 21:27; 22:15.

Sa Trabaho

Ang pagtatrabaho ng walang daya kapalit ng kaukulang upa ay makatuwiran at kahilingan ng Kasulatan. (Colosas 3:22-24) Subalit, nariyan ang maraming libu-libong nagnanakaw ng oras na nag-aaksaya ng oras ng kompanya sa mga pagmimiryenda nang matagal, sila’y pumapasok nang huli at umaalis nang maaga, gumagasta ng malaking panahon sa pag-aayos ng kanilang sarili pagkatapos na dumating sa trabaho, gumagamit ng telepono ng kompanya sa walang pahintulot na personal na mga pagtawag, nagpapaandar ng kanilang sariling mga negosyo kahit na oras iyon ng trabaho, at natutulog pa mandin sanda-sandali. Ang kanilang pagnanakaw ay nakadaragdag lamang sa gastos na dinadala ng lahat.

Ang iba pang anyo ng pagnanakaw sa trabaho ay yaong pagkuha ng mga gamit at mga kasangkapan para gamitin ng personal. Sinasabi ng iba ito ay wala kundi kapupunan lamang para sa di-sapat na suweldo, anupa’t sila’y gumaganti lamang sa isang maramot na amo! Subalit kung ang pagkuha ng mga bagay-bagay ay lingid sa kaalaman at walang permiso ng may-ari o amo, iyon ay tunay na isang anyo ng pagnanakaw.

Sa lahat ng mga situwasyong ito, ang tunay na Kristiyano ay magkakapit ng kinasihang payo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi bagkus . . . ang kaniyang mga kamay ay gamitin niya sa mabuting bagay, upang may maibigay siya sa nangangailangan.”​—Efeso 4:28; Gawa 20:35.

Subalit, ano kung ang iyong pinagtatrabahuhang amo ay humiling sa iyo na gumawa ng isang gawang pandaraya o labag sa batas, anupa’t pinagbabantaan ka na aalisin ka sa trabaho kung hindi ka susunod? Narito ang mga ilang halimbawa: Singilin ang isang parokyano sa inihaliling mga parte ng awto na kailanman ay hindi naman napalagay sa behikulo; maglagay ng di-gaanong mahal, at palsong klaseng mga kalakal sa mga kahon upang ang bumibili niyaon ay mapagtubuan ng lalong malaki; sulatan ng bago, “binawasan” na mga presyo sa mga kalakal, gayong ang orihinal na mga presyo ay kapareho rin o mas mababa. Maraming empleado ang kumikilala na ito’y responsabilidad ng amo, hindi ng manggagawa. Ano ba ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova nang sila’y mapaharap sa ganitong mga situwasyon? Ganito ang bida ni Daryl J​—​—:

“Samantalang nagtatrabaho bilang isang produce manager sa isang grocery store, ako’y nilapitan ng manedyer at hinilingan na palakihin ang tubo nang hindi tinataasan ang anumang presyo. Ganito ang mungkahi upang maisagawa ito: Pagtingining mabigat ang timbang ng mga ilang produkto, at magbigay ng ‘dummy’ ng mga listahan ng utang sa isang suplayer. Palasak na kinaugalian na ngunit pandaraya.”

Si Daryl ay tumangging gumawa ng tiwali at magdaya. (Kawikaan 20:23) Makalipas ang mga ilang linggo siya ay pinaalis sa trabaho. Isa bang kamangmangan ang ginawa niya na pati kaniyang pamilya ay naapektuhan ng kaniyang pagkaalis sa trabaho? Kaniya bang pinagsisihan ang pagiging matapat? Hindi, sapagkat nang isang kapuwa niya Saksi ang makabalita sa nangyari, siya’y binigyan nito ng trabaho. Ganito ang sinabi ni Daryl: “Sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo, ako ay nanumbalik sa dati na nasuportahan ko ang aking sarili at ang aking pamilya sa pamamagitan ng matapat na paghahanapbuhay. Itinuturing ko na isang pribilehiyo na pagpalain ni Jehova sa aking pananatiling tapat sa kaniya.”

Sa kabilang dako naman, baka ikaw ay makakuha ng trabaho dahil sa ikaw ay matapat. Isang ahente ng isang kilalang pandaigdig na kompanya ng seguro ang nagpayo sa may-ari ng isang maunlad na tindahan sa kabayanan ng Toronto, Canada, na tapusin ang kaniyang mga problema sa pagnanakaw na ginagawa ng mga empleado sa pamamagitan ng pagkuha ng mga manggagawang mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sabi ng ahente: ‘Nang ako ay nasa ibang siyudad at dumaraan sa aking pagsasanay sa seguro, natagpuan ko na ang isa sa kanilang kliyente ay isang malaking sangay-sangay na mga supermarket na mga Saksi lamang ang kinuhang mga manggagawa na sa gabi naglalagay ng mga paninda sa bakanteng mga estante ng grocery. Sila’y nagkaroon ng mga ilang masasaklap na karanasan sa mga ibang manggagawa subalit hindi sila nawalan ng isa mang kalakal sapol nang sa mga Saksi ibigay nila ang mga susi upang makapasok ang mga ito para punuin ang bakanteng estante.’

Mga Iba pang Paraan ng Pagtatapat

Sa panahon ng pag-utang ng pera, ang mangungutang malimit ay makikitaan ng kapakumbabaan at pagkamagalang, at nagpapahayag ng mga salitang paniniguro na siya’y magbabayad at pinasasalamatan niya ang tulong na iyon. Subalit pagsapit ng panahon para magbayad ng utang, kataka-taka na ang mga ibang mangungutang ay agad nagbabago ng kanilang pakikitungo sa pinagkautangan. Karaniwan nang nangingibabaw ang galit, pagkayamot, pagrireklamo na sila’y laging sinisingil para magbayad, at sinasabi na ang may pautang ay walang habag. Sa paningin ng mangungutang, ang bukas-palad na nagpautang ay naging isang halimaw! Subalit, ang Bibliya ay nagsasabi na ‘ang masama ay humihiram at hindi nagbabayad.’ (Awit 37:21; Roma 13:8) Ito nga’y lalung-lalo nang totoo kung ang nangutang ay hindi nagsisikap na magbayad kahit na sa maliliit na halaga lamang na inutang upang ipakilala na ibig niyang magbayad, marahil ay ayaw man lamang niyang makipag-usap sa kaniyang inutangan.

Sa buhay pampamilya, kailangan ang pagiging tapat sa maraming bagay: Ang ulo ng sambahayan ay dapat na maging tapat sa kaniyang maybahay sa kaniyang kinikita at tungkol sa pananalapi; ang asawang babae naman ay dapat na maging matapat sa lalaki tungkol sa kung paano niya ginagasta ang pondo ng pamilya; kapuwa sila kailangang maging matapat, at sa isa’t isa lamang nakikipagtalik; ang mga anak ay dapat ding maging mapagtapat at masunurin may kaugnayan sa kanilang mga kahalubilo at sa libangan, hindi lumilihis sa kagustuhan ng kanilang mga magulang.​—Efeso 5:33; 6:1-3.

Batay sa lahat ng nasabi na, dapat na magliwanag nga na ang isang tunay na Kristiyano ay kailangang “lumayo sa kalikuan”​—ang masasamang gawa at masasamang bunga na kasama ng pandaraya, pagsisinungaling, panlilinlang, panloloko, at imoralidad.​—2 Timoteo 2:19; Roma 2:21-24.

Mga Gantimpala at Pakinabang

Ang katarungan at katuwiran, ang tapat na pakikitungo sa iba, ay nagpapaunlad ng katapatan. Isang kalagayan ng pagtitiwala at kompiyansa ang umiiral kung gayon, na humahantong sa magagandang saloobin at relasyon. Ang pagkamatapat ay nagbibigay rin ng isang kapaligiran sa may pagtitiwalang pamumuhay, na kung saan walang inaaksayang panahon at lakas sa pagtatanggol dahilan sa mga paghihinala, mga pag-aalinlangan, at pangamba tungkol sa iba.​—Ihambing ang Isaias 35:8-10.

Ang pagkamatapat ay tumutulong sa pagkakaroon natin ng isang malinis na budhi, na kailangan upang tayo’y maging karapat-dapat na “maghandog ng banal na paglilingkod sa Diyos na buháy.” (Hebreo 9:14; 1 Timoteo 1:19) Ito’y nagbibigay ng kapayapaan ng isip, na ang resulta’y ang mahimbing na tulog sa gabi. Ikaw ay makahaharap sa iba nang walang anumang pagkahiya. Dahil sa pagiging matapat ay nawawala ang pangamba na ikaw ay mahuhuli sa gawang masama. Sa ganitong paraan ay mapananatili nating ang karangalan at paggalang sa sarili ng isang tao. Paano ngang iyan ay magiging lipás na o di-praktikal?

Samakatuwid, marami ang kasalukuyang gantimpala at mga pakinabang na dumarating sa atin at sa mga iba kung tayo’y mga taong matapat. Gayunman, higit sa anupaman, ibig nating maging matapat hindi lamang dahil sa ito ang pinakamagaling na patakaran o dahil sa tayo’y inuutusan na maging matapat kundi dahil sa iniibig natin ang ating Amang si Jehova. Ibig nating makapanatili sa ating mahalagang kaugnayan sa kaniya at kamtin ang kaniyang pagsang-ayon. Ibig din nating maging matapat sapagkat sa ganoon ay nagpapahayag tayo ng pag-ibig sa kapuwa. Samakatuwid, sa simpleng pananalita, ang ibig sabihin ng isang tunay na Kristiyano ay ang pagiging matapat.​—Mateo 22:36-39.

Ang salmista ay nagsasabi: “Oh Jehova, sino ang makapanunuluyan sa iyong tabernakulo? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok? Siyang lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso. . . . Sa kaniyang kasamahan ay hindi siya gumagawa ng anumang masama.” (Awit 15:1-3) Kung tayo ay namumuhay nang tapat bilang mga mananamba kay Jehova, pagka kaniyang winakasan ang kasalukuyang di-matuwid na sistema at pagka “ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan,” tayo ay makakabilang sa mga taong magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala bilang kaniyang “panauhin.” Kung magkagayon, tayo ay hindi lilipas magpakailanman!​—Apocalipsis 21:1-5.

[Kahon sa pahina 5]

Mahaharap Mo ba ang Hamon sa Iyong Pagiging Matapat?

Ang daigdig na ating pinamumuhayan ay isang hamon sa ating mga pananalig at sa ating determinasyon na gawin ang matuwid. Ang kayarian nito ay sadyang ginawa na ang ating sarili ang inuuna kahit na sa kapinsalaan ng iba.

Taimtim bang naniniwala ka na ang pagtatapat ang siya pa ring pinakamagaling na patakaran? May sapat na tibay ba ang iyong mga pananalig upang panatilihin kang matapat pagka ang mga kagipitan ay naglagay sa iyo sa pagsubok? Halimbawa, ano kaya ang gagawin mo kung:

◻ Matapos na maalis ka sa trabaho sa loob ng maraming buwan, ikaw ay nakapulot ng malaking halaga ng salapi na makapagtatakip ng iyong mga pagkakautang at may matitira pang pera upang magasta mo?

◻ Ang pagdaraya sa isang importanteng eksamen sa inyong paaralan ang tanging paraan na magbibigay sa iyo ng marka na makatitiyak ng maunlad na kabuhayan sa hinaharap?

◻ Upang kilalanin ka bilang isang siyentipiko kailangan na “baguhin” mo ang impormasyon na bunga ng iyong pananaliksik upang ang iyong report ay mailathala?

◻ Sa iyong pagbabakasyon sa ibang bansa, ikaw ay nakabili ng isang mamahaling bagay sa isang napakababang halaga subalit kung iyong idedeklara iyon sa pagdating mo sa hangganan ng bansang iyon ay kakailanganin na magbayad ka ng mataas na buwis?

[Kahon sa pahina 6]

Hindi Pa Lipás ang mga Gawang Pagtatapat

Ang mga tao ba ay nagmamalasakit pa rin sa kanilang kapuwa tao? Oo, kahit na ang mga pahayagan ay nag-uulat ng mga gawang pagtatapat na para bang ang mga ito ay kataliwasan at samakatuwid nararapat na ilathala sa mga pahayagan.

Ang pulisya sa Fort Wayne, Indiana, E.U.A., ay sumubok na maglagay ng pain sa mga magnanakaw sa pamamagitan ng paglalagay ng isang mamahaling TV set sa isang kotseng di-nakakandado. Sila’y nagbantay ng kung mga ilang linggo upang tingnan kung ano ang mangyayari. “Ang aming natagpuan ay mga taong naglalakad at humihinto sa kotse, sisilip sila at titingnan ang TV, bubuksan ang pinto, itutulak na pababa ang buton na pangkandado, isasara ang pinto at pagkatapos ay aalis na.” Sa ganoon ay nagpakita sila ng pagiging matapat.

Ang mga paulong-balita sa mga pahayagan sa Canada ay nag-uulat ng tungkol sa pagsasauli ng nawalang pera dahilan sa kapaki-pakinabang na epekto ng turo ng Bibliya:

“Natuloy ang bakasyon dahilan sa Mabubuting Samaritano.”​—The Windsor Star

“Ang Matapat na si Pat ay nagsauli ng $421.”​—The Spectator

“Dahilan sa pagsasauli ng $983 ay nanumbalik ang pananampalataya ng mangangalakal.”​—The Toronto Star

Sa mga kasong ito, ang nagsauli ng nawalang pera ay mga Saksi ni Jehova. Sa unang kaso, dalawang kabataang mga Saksi na nagbabahay-bahay ang nakasumpong at nagsauli ng isang pitaka sa isang babae. Ang sabi niya: “Sa palagay ko’y ang mga batang lalaking iyon ay isa sa isang milyon. . . . Alam mo, tunay na dahil diyan ay napabalik ang aking pagtitiwala sa kalikasan ng tao.” Yamang siya’y hindi tagaroon sa bayang iyon, kaypala’y magiging madali para sa mga kabataan na itago ang salapi, subalit sinabi nila: “Walang anuman iyon. Gumagawa lamang kami ng kabutihan sa iba.”

Ang ikalawang sulat ay may kinalaman din sa isang manlalakbay. “Subalit ang tukso ay hindi nag-iwan ng anumang agam-agam sa isip [ng nakakuha],” ang pag-uulat ng pahayagan. Ipinaliwanag ng nakakuha na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova, “at kami’y may matinding paniniwala sa katapatan.”

Sa ikatlong kaso, ang taong nawalan ng pera ay “nagtapat na halos nawala na ang kaniyang pananalig sa sangkatauhan.” Ang asawang lalaki ng Saksi na nakakuha sa kulay-tsokolateng papel na bag ng salapi ay nagsabi sa isang reporter na ang pinaka-susi niyaon ay ang patnubay na nanggagaling sa Bibliya: “Kaya naman naging madali para sa aking maybahay” na isauli iyon.

Sa isa pang kaso, dalawang Saksi na nagbabahay-bahay ang nakatagpo ng isang nawalang sobre ng kita. Nang kanilang dalhin iyon sa lokal na himpilan ng pulisya, ang sarhentong nanunungkulan noon ay nagsabi na wala namang nagrireport ng nawalang salapi. Iminungkahi ng Saksi na ang natagpuang iyon ay ipatalastas sa lokal na himpilan ng radyo. Ang pulis ay parang takang-taka. Sinabi niya: “Nagsisikap kayong mabuti upang isauli ang perang ito. Siyanga pala ano ba ang relihiyon ninyo?” Nang sumagot ang Saksi, sinabi naman ng sarhento: “Ganiyan na nga ang naisip ko, sapagkat kayo lamang ang tanging mga tao na may sapat na pagiging matapat upang gumawa kayo ng gayong mga pagsisikap.”

Samantalang nagbabahay-bahay, isa sa mga Saksi ni Jehova, si W.K   , ay napaharap sa isang pinakapambihirang kahilingan. Ang asawang lalaki at ang kaniyang maybahay ay medyo mabigat ang sakit ngunit kailangang magdeposito sa bangko nang araw na iyon. Kanilang itinanong kung magagawa nga iyon ng Saksi. Pagkatapos sumang-ayon, siya’y binigyan ng $2,000 na salapi upang ideposito sa bangko. Nang siya’y makabalik na sa bangko, hindi niya maiwasan na magtanong: “Paano ninyo ako pinagtitiwalaan gayong hindi man lamang ninyo ako nakikilala?” Ang sagot: “Alam namin, at nalalaman ng balana, na ang mga Saksi ni Jehova ang tanging mga tao na mapagkakatiwalaan.”

Bagama’t tunay nga na mayroong mga taong matapat na matatagpuan sa lahat ng bansa, bukod pa sa mga Saksi ni Jehova, wari ngang ang mga ito’y bihirang-bihira upang maging karapat-dapat na pantanging banggitin. Anong laki ng ating pasasalamat na ang mga turo ng Bibliya tungkol sa pagkamatapat ay nagbubunga ng kapaki-pakinabang at praktikal na mga resulta!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share