Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 9/15 p. 5-7
  • Kung Paano Ka Magkakaroon ng mga Tunay na Kaibigan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Ka Magkakaroon ng mga Tunay na Kaibigan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Aklat ng Tunay na Pagkakaibigan
  • Pagkakaibigan sa Isang Lalong Mataas na Kalagayan
  • Ang Ating Pinakamabubuting Kaibigan
  • “Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako”
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Sina Ruth at Noemi
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • “Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Sina Ruth at Naomi
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 9/15 p. 5-7

Kung Paano Ka Magkakaroon ng mga Tunay na Kaibigan

“ANG tanging paraan upang magkaroon ng isang kaibigan ay ang maging isang kaibigan,” ang isinulat ni Emerson, ang makatang Amerikano. Ang pagkakaibigan ay isang dalawahing bagay na kinasasangkutan ng espiritu ng pagbibigay. Ang mga makaako at yaong mayroong mapag-imbot na hilig ay nahihirapan na magkaroon ng mga tunay na kaibigan. Gayunman, sila’y maaaring magtagumpay, gaya ng makikita natin.

Ang tunay na pagkakaibigan ay nagmumula sa pag-ibig sapagkat ang pag-ibig ay umaakit sa mga tao. Gayunman ang iba ay nahihirapan na gumawa ng mga kaibigan. Paano nga mapagtatagumpayan ito ng isang tao?

“Maging isang mabuting tagapakinig. Himukin ang iba na magsalita tungkol sa kanilang sarili,” ang payo ni Dale Carnegie. Pagka nagkatagpo ang mga taong di magkakakilala, maaaring sa isang sosyal na pagtitipon, sino ba ang gumagawa ng mga kaibigan? Hindi yaong mga masasalita kundi yaong mga interesado sa iba, na sila’y pinagsasalita at tunay na nakikinig sa kanila. Ang pagtatanda ng mga pangalan at ng interesanteng mga katotohanan tungkol sa mga bagong kakilala ay tutulong din upang mapasulong ang pagkakaibigan.

Sa Fundamentals of Interpersonal Communication, sina Kim Giffin at Bobby R. Patton ay nagrekomenda ng pagsisiwalat ng mga bagay-bagay tungkol sa sarili at ng pagiging tapat sa sinasabi. “Para ang sinuman ay maging importante sa iyo,” anila, “kailangang mayroon kang nalalaman tungkol sa kaniya na magiging mahalaga sa iyo . . . [Maging] lantaran at prangka sa lahat ng panahon . . . Ang iyong pagtugon sa isang tao ay kailangang maging sinsero.”

Ang mga tunay na kaibigan ay hindi lamang mapagtapat sa iyo kundi makonsiderasyon din naman, anupa’t hindi nagiging mapaghanap sa isa’t isa o labis na mapag-angkin. Sila’y nagkakaunawaan sa isa’t isa, naiintindihan nila ang pangmalas sa mga bagay-bagay ng isa’t isa, at sa gayo’y nakapagpapakita ng empatiya. Habang umuunlad ang kanilang pagkakaibigan, kanilang binubuksan sa isa’t isa ang kanilang puso, at magiging hindi lamang tunay na magkakaibigan kundi matatalik na magkaibigan. Hindi lahat ng tunay na mga kaibigan ay matatalik na kaibigan. Si Jesu-Kristo, ang pinakapalakaibigan na kailanma’y nabuhay rito sa lupa, ay gumawa ng maraming kaibigan, subalit ilan lamang ang talagang matatalik na kaibigan niya.​—Marcos 9:1-10; Lucas 8:51.

Ang Aklat ng Tunay na Pagkakaibigan

Ang Bibliya, na siyang pinakamagaling na aklat sa paksang pagkakaibigan, ay nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa kagipitan.” (Kawikaan 17:17) Ang mga tunay na kaibigan ay mahabagin at handang tumulong pagka may bumangong mga problema. Narito ang isang mainam na halimbawa nito​—isang kuwento buhat sa mga kaarawan ng sinaunang Israel.

Dahilan sa taggutom, isang lalaking taga-Juda ang lumipat sa Moab kasama ang kaniyang asawa, si Noemi. Sumapit ang panahon na siya’y namatay. Sa kalaunan, ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay napangasawa ng Moabitang mga babaing sina Ruth at Orpha. At nangyari na namatay ang mga anak na lalaki, anupa’t ang naiwan ay tatlong biyuda. Si Noemi, ang ina, ay nagpasiya na bumalik sa Juda, at ang kaniyang dalawang manugang na babae ay kasama niya nang pagbabalik. Subalit, nang sila’y nasa daan na sinabi ni Noemi sa dalawang babae na sila’y magsibalik at humanap muli ng magiging mga asawa sa kanilang sariling mga kababayan. Ganoon nga ang ginawa ni Orpha, subalit si Ruth ay pilit na sumama kay Noemi. Bakit? Sapagkat siya’y hindi lamang isang manugang na babae; siya’y isa rin namang tunay na kaibigan. Unang-una, dahilan sa siya’y maawain hindi niya papayagan ang may edad nang biyuda na ulila na sa kaniyang pamilya, na umuwing nag-iisa.​—Ruth 1:1-17.

Si Ruth ay nagpakita ng tunay na empatiya, kabaitan, katapatan, at pag-ibig. Ang mga katangiang iyan ang siyang matatag na saligan ng tunay na pagkakaibigan. Subalit, may isa pang salik na kasangkot sa relasyon ni Ruth kay Noemi.

Pagkakaibigan sa Isang Lalong Mataas na Kalagayan

Nang himukin siya ni Noemi na bumalik na, sinabi ni Ruth: “Huwag mong ipamanhik sa akin na iwan ka, . . . sapagkat kung saan ka pumaroon doon din ako paroroon . . . Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos.” (Ruth 1:16) Si Noemi ang tumulong kay Ruth, na dating isang pagano, upang makilala at ibigin ang tunay na Diyos, si Jehova. Ang kanilang iisang paniniwala ang naging matibay na espirituwal na buklod sa dalawang babae upang maging tunay na magkaibigan. Sila’y pinagpala ni Jehova upang magkaroon ng isang bagong pamilya. Nang sumapit ang panahon, si Ruth ay nakapag-asawa kay Boaz, isang mayamang may-ari ng lupa sa Juda, at naging anak nila si Obed, na naging ninuno ni Haring David.​—Ruth 4:13-22; Mateo 1:5, 6.

Ang espirituwal na salik na ito ang naglagay sa pagkakaibigan sa isang lalong mataas na kalagayan. Sa paano? Kung tungkol kay Ruth at Noemi, kapuwa sila sumasamba kay Jehova, “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging awa at katotohanan.” (Exodo 34:6) “Ang Diyos ay pag-ibig,” at kung taimtim na sumasamba tayo sa kaniya sa espiritu at katotohanan, tiyak na tayo’y lalago sa pag-ibig sa kaniya at sa ating mga kapuwa nilalang. (1 Juan 4:8; Juan 4:24) Sa gayon, tayo’y nagbabago. Tayo’y nagkakaroon ng isang palakaibigang interes sa iba, lalung-lalo na ang maaamo, na nagdurusang mga tao sa lahat ng lahi. Ang mga taong makaako ay nababawasan ang pagiging gayon. Ang mga taong mapag-imbot ay nagkakaroon ng malasakit sa iba. Tayo’y nagsisimulang kakitaan ng bunga ng espiritu ng Diyos​—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:22, 23.

Ang mga katangiang ito ay tumutulong sa atin na magpaunlad ng mahalagang kakayahan na magpatawad sa kahinaan at mga pagkakamali ng iba​—“hindi, Hanggang sa makapito, kundi, Hanggang sa makapitumpu’t-pitong beses,” gaya ng sinabi ni Jesus. (Mateo 18:21, 22) Maraming pagkakaibigan ang nababagbag sa puntong ito. Subalit si Jesu-Kristo ay ginawa ang kaniyang ipinangaral. Anong dalas na siya’y nagpatawad sa kaniyang di sakdal, na nagkakamaling mga alagad sa kanilang mga pagkakasala, kasali na maging ang kahiya-hiyang pagtatatwa ni Pedro sa Panginoon!​—Mateo 26:69-75.

Bilang bunga ng lahat ng espirituwal na kaunlarang ito, dumarami ang ating kaibigan. Sa wakas, ating nasusumpungan na tayo’y bahagi ng isang malawak na pangglobong pamilya ng magkakaibigan! Nasusumpungan din natin na ang pangkalahatang pamantayan ng ating mga kaibigan ay lalong higit na mataas. Halimbawa, si Brian, na isang di pa naluluwatang mananamba kay Jehova, ay nagbibida na ang kaniyang dating mga kaibigan ang humila sa kaniya sa pag-inom at sa pagpapabaya sa kaniyang asawang babae at mga anak. Subalit ngayon siya ay lubhang mapag-asikaso sa kaniyang pamilya. Tungkol sa kaniyang maraming mga bagong kaibigan na mayroong ganoon ding pananampalataya kay Jehova, kaniyang sinasabi: “Kung sakaling ako’y magkaproblema, batid ko na maaari kong tawagan sa telepono ang sinuman sa kanila, at sila’y malulugod na tumulong.”

Si Alan ay may mga kaibigan at ang kanilang mga usapan ay kadalasan pulos tungkol sa mga kotse at mga babae. Subalit napatunayan niya na ang mga paksang iyan ay “walang lasa at walang kabuluhan” nang siya’y magkaroon na ng maraming mga bagong kaibigan, mga kapuwa mangingibig kay Jehova. Naantig ang damdamin ni Alan dahilan sa kanilang “kusa, tunay, na mapagmahal na interes” sa kaniya.

Ang Ating Pinakamabubuting Kaibigan

Lahat ng mga indibiduwal na ito at angaw-angaw pa na mapapadagdag ay bumubuo ng isang pandaigdig, hiwalay sa pulitikang pamilya ng magkakaibigan na hindi alintana ang pambansa, panlahi, at panlipunang mga balakid, isang tunay na pagkakapatiran ng mga tao, katulad na katulad ng mga sinaunang Kristiyano. (3 Juan 14) Ang buklod na nagbuklod kay Ruth at kay Noemi ang siya ring nagbubuklod sa pamilyang ito, samakatuwid nga, ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Lahat sila ay may pakumbaba at may pasasalamat na kumikilala na si Jehova at si Jesu-Kristo ang kanilang pinakamabubuting kaibigan.

‘Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at ang kaniyang Anak bilang mga kaibigan?’ marahil ay itatanong mo. ‘Paano nga mangyayari iyan? Hindi ba iyan isang kapangahasan?’ Bueno, ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Abraham ay naglagak ng pananampalataya kay Jehova, . . . at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” Tunay na iyan ay di-sana-nararapat na awa. Gayunman ang Salita ni Jehova ay nagsasabi: “Ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.”​—Santiago 2:23; 4:6.

Marahil ay aakalain ng iba na sila’y totoong makasalanan para tumanggap ng ganiyang pribilehiyo. Subalit si Santiago ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong kamay, kayong makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong puso kayong may dalawang akala. Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova, at kaniyang itataas kayo.”​—Santiago 4:8, 10.

Sinabi ni Jesus: “Kayo’y aking mga kaibigan kung gagawin ninyo ang iniutos ko sa inyo.” Kaniya ring tinukoy na ang pinakadakilang utos ay ‘ibigin si Jehovang Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, at isip, at ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili.’ (Juan 15:14; Mateo 22:37-40) Kung gagawin natin iyan, tayo’y magkakaroon ng maraming mga tunay na kaibigan. Isa pa, sa gayo’y magiging kuwalipikado tayo para sa isa pang dakilang pribilehiyo​—buhay na walang-hanggan sa isang nilinis na lupa sa ilalim ng paghahari ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang utos niya [ni Jehova] ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 12:50.

Hahayaan mo bang tulungan ka ng mga Saksi ni Jehova? Bilang tunay na palakaibigang mga tao, sila’y nalulugod na dumalaw sa iyo at talakayin ang mahalagang bagay na ito nang libre. Sila’y makatutulong sa iyo na makagawa ng maraming mga tunay na kaibigan.

[Kahon sa pahina 6]

Mga Ilang Alituntunin Para sa Tunay na Pagkakaibigan

Piliin mo ang mga taong iyong makakasalamuha.

Magkaroon ng masiglang interes sa iba, at maging isang mabuting tagapakinig.

Magkasamang gawin ninyo ang mga bagay-bagay​—ang gayon ay nagpapatibay ng pagkakaibigan.

Maging prangka, lantaran, at taimtim sa lahat ng panahon.

Magpakita ng empatiya at pagkamaawain pagka ang iba’y nasa kagipitan.

Pagka ang mga kaibigan ay nagkamali o hindi nakalugod sa iyo, maging handa na magpatawad​—“hanggang sa makapitumpu’t-pitong ulit.”​—Mateo 18:22.

Pagka ang mga kaibigan ay siniraan o pinintasan nang walang katuwiran, maging tapat ka at ipagtanggol mo sila.

Ang magkaparehong sumasamba kay Jehova ay nagpapalakas na lubha sa pagkakaibigan.

[Larawan sa pahina 7]

Hindi iniwan ni Ruth si Noemi sapagkat ang kanilang pagkakaibigan ay may matatag na saligan sa espirituwal. Ikaw ba’y may ganiyang mga tunay na kaibigan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share