Paghaharap ng Mabuting Balita—Itinatampok Ang Bantayan
1 Ang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay higit na mahalaga kaysa ginto o pilak. (Kaw. 8:10) Bakit? Sapagka’t ito’y umaakay patungo sa walang hanggang buhay. (Juan 17:3) Gayunman, ang tumpak na kaalaman ay hindi natatamo nang walang pagsisikap ang isa. Hindi katakatakang sinabi ni Solomon: “Kung patuloy mong hahanapin ito . . . , kung gayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Diyos.”—Kaw. 1:7; 2:4,5.
2 Ang mahalagang kaalaman hinggil kay Jehova ay sumasapit sa atin sa pamamagitan ng napapanahong mga artikulong inilalathala sa Ang Bantayan. Anong pribilehiyo ang taglay natin na ibahagi ang mahalagang impormasyong ito sa iba! Sa Abril at Mayo, isang serye ng mga artikulo na naglalantad sa Babilonyang Dakila at sa kaniyang pagkapuksa ang ilalathala.
ANO ANG MAAARI NATING ITAMPOK?
3 Ang mga isyu sa Abril ng Ang Bantayan ay nagsusuri sa pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila. (Apoc. 17:5) Pagkatapos na ipakilala ang sarili, antigin ang interes ng maybahay sa isyu para sa Abril sa pamamagitan ng pagsasabing: “Mula pa nang unang siglo, ang mga tao ay nahihiwagaan sa mga pangitain sa aklat ng Apocalipsis. Ang isa sa pinakamalaking hiwaga ay ang tungkol sa patutot na Babilonyang Dakila sa Apocalipsis kabanata 17 at 18. Ano ang inilalarawan ng Babilonyang ito? Sa tulong ng artikulong ‘Isang Hiwaga—Sino ang Patutot na Babilonyang Dakila?’ masusumpungan ninyo ang kasagutan.” Sa pamamagitan nang hindi pagsagot sa katanungan, makukuha ninyo ang pansin ng tao.
4 Sa isyu ng Abril 15, ang artikulong “Ang Babilonyang Dakila ang Gumaganap ng Pagkapatutot” ay nagpapaliwanag sa kahulugan ng espirituwal na pangangalunya. Ang pahayag sa “Banal na Katarungang” kombensiyon na “Ang Walang Kasingsamang Patutot” at ang Resolusyon ay kasama rin dito. Magbangon ng pumupukaw ng kaisipan na mga katanungan gaya ng: Bakit ang Babilonya ay hinahatulan nang lubusan sa Bibliya? Papaano makakaapekto sa ating lahi at sa inyong kinabukasan ang kaniyang pagkapuksa? Laging ingatang payak at tuwiran ang presentasyon, na ginagawa iyon sa loob ng 30 hanggang 60 segundo.
MAGPLANO NANG PATIUNA
5 Makabubuting idiin na ang lahat ng limang Sabado sa Abril ay mga araw ng magasin yamang mayroon tayong mahahalagang magasin upang iharap. Isang malawak na sirkulasyon ng napapanahong mga isyung ito ang kailangan upang madala ang babala para marinig ng lahat.—Isa. 6:2; Apoc. 18:4, 5.
6 Magpapasimula ang Abril sa pamamagitan ng isang bagong kampanya sa suskripsiyon ng Bantayan. Di tulad nang maikling presentasyon sa araw ng magasin, nanaisin nating gamitin ang Paksang Mapag-uusapan kapag nag-aalok ng suskripsiyon.
7 Lubusan ba ninyong pinahahalagahan ang namumukod-tanging kahalagahan ng Ang Bantayan? Sa pamamagitan ng pamamahagi nito, may pribilehiyo tayong magbigay ng babala sa mga bansa hinggil sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila.