Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Matagumpay na Pagliligawan—Gaano Kahalaga?
KUNG baga ang isang pag-aasawa ay magiging maligaya o hindi ay kadalasang malalaman sa unang mga taon. Noong 1979, 52,000 mga mag-asawa sa Estados Unidos ay nagdiborsiyo bago matapos ang kanilang unang taon ng pag-aasawa. At sa susunod na ilang taon ng pag-aasawa, mas maraming mag-asawa ang nagdiborsiyo.
Paano nga posible para sa dalawang tao na nag-isip magtayo ng isang panghabang-buhay na kaugnayan at pagkatapos, sa loob lamang ng ilang buwan o sa loob ng dalawa o tatlong taon, ay nagpapasiya na ang kanilang pag-aasawa ay isang kabiguan?
“Karamihan ng mga kabiguan sa pag-aasawa ay mga kabiguan sa pagliligawan,” sabi ni Paul H. Landis, isang iginagalang na mananaliksik tungkol sa buhay pampamilya. “Ang puntong ito ay kailangang ulit-ulitin.” Sa mga lupain kung saan ang mga indibiduwal ay karaniwang pumipili ng kanilang mapapangasawa, ang pagliligawan ay isang yugto ng panahon kung kailan higit na nagkakakila ang lalaki’t babae taglay ang posibilidad ng pag-aasawa sa hinaharap. Bakit napakahalaga ng panahong ito?
Isang Panahon para sa Pagsusuri
Ang maligayang pag-aasawa ay nangangailangan ng totoong maingat na pagsisikap. Pagkatapos payuhan ang maraming di-maligayang mga mag-asawa, ang autor na si Nancy Van Pelt, sa kaniyang aklat na The Compleat Courtship, ay nagtanong: “Bakit napakaraming bigong pag-aasawa? Maraming dahilan, subalit ang pangunahing dahilan ay ang kakulangan ng paghahanda. . . . Nagagalit ako sa kanilang kawalang-alam tungkol sa kasalimuotan ng gawaing iyon.”
Ang asawang lalaki at babae ay gumagawa ng banal na panunumpa sa harap ng Diyos na magiging tapat sa isa’t isa habang sila’y nabubuhay. Ang Bibliya ay nagbababala na ang panunumpa ay isang seryosong bagay, na ang sabi: “Silo nga sa makalupang tao na padalus-dalos na magsabi, ‘Banal nga!’ at magsiyasat pagkatapos ng panata.” (Kawikaan 20:25) Sa isang simbuyo ng damdamin ang isang tao ay maaaring gumawa ng taimtim na pangako subalit sa dakong huli ay matalos niya na higit pa ang nasasangkot kaysa inaakala niya. Subalit ang panahon “upang magsiyasat” ay bago gumawa ng panata, hindi pagkatapos.
Ang pagliligawan ay nagbibigay sa lalaki’t babae ng pagkakataon upang gawin ang gayong pagsusuri o pagsisiyasat. Kung gagamitin nang wasto, ang pagliligawan ay hindi lamang tutulong sa lalaki’t babae na matiyak kung sila nga ba ay nababagay sa isa’t isa kundi ipaaalam din nito sa kanila ang mga hamon sa buhay may-asawa.
Ang pagliligawan ay pagkakataon upang siyasatin ng isa ang kaniya mismong puso, alamin kung ano ang mahalagang emosyonal na mga pangangailangan niya. Nang ligawan ni Steve si Barbara, pinag-isipan ni Barbara ang kaniyang pinagmulan at naghinuha: “Kakailanganin ko ang isang lalaki na magiging pasensiyoso sa akin.” Sabi pa niya: “Napakapasensiyoso ni Steve, pinagtitiisan ang napakaraming bagay na ginawa ko sa kaniya, at napakamakonsiderasyon niya. Lagi siyang nakikinig sa akin anuman ang sabihin ko. Dahil dito, lalo siyang napamahal sa akin.” Sapagkat nasasapatan ng bawat isa ang emosyonal na pangangailangan ng isa’t isa, ang kanilang pagliligawan ay humantong sa isang maligayang pag-aasawa.
Kaya sa panahon ng pagliligawan, tanungin ang iyong sarili: Anong uri ba ako ng tao? Ano ba ang aking mahalagang emosyonal na mga pangangailangan? At, ano ba ang mabubuti at mahihinang katangian ng aking personalidad at ng aking kapareha? Halimbawa, ganito ang sabi ng isang binata tungkol sa kaniyang nobya: “Mayroon siyang katatagan na kailangan ko. Ako ay di mapalagay at pabagu-bago. Inaakala ko na mayroon siyang nakapagpapanatag, nakapagpapahinahong impluwensiya.”
Nasumpungan sa isang pag-aaral ng isang libong pares na magkatipan, ang marami ay tinanong pa pagkatapos ng ilang taon ng pag-aasawa na ang katuparan ng gayong emosyonal na mga pangangailangan “ay waring siyang pinakamahalaga sa mga pag-aasawa ngayon.” (Courtship, Engagement and Marriage, nina Burgess, Wallin, at Shultz) Bagaman mahalaga ang pag-ibig, ang pagkakaroon ng magkatulad na mga tunguhin at ang kakayahan na sapatan ang emosyonal na pangangailangan ng isa’t isa ay mahalaga para sa isang nagtatagal na kaugnayan.
Huwag Magmadali!
Kung ano ang sinasabi sa Kawikaan 21:5 ay wastong maikakapit sa pagliligawan: “Bawat nagmamadali ay tiyak na nauuwi sa pangangailangan.” Maaari kang magwakas na lubhang nasaktan—sa emosyonal, espirituwal, at pisikal na paraan.
Halimbawa, sabi ni Evelyn: “Ayaw kong aminin ito, subalit dalí-dalì akong nag-asawa sa isang lalaki na hindi ko gaanong nakikilala. Nagmamadali akong mag-asawa, akala ko bubuti naman ang mga bagay-bagay. Iniwan ko siya pagkaraan ng tatlong buwan.”
Inihambing ng isang pag-aaral sa 51 asawang babae na matagal nang nag-asawa ang haba ng kanilang pagliligawan sa kung gaano sila kaligaya sa kasalukuyan. Ang resulta? Yaong may matagal na pagliligawan ay nag-ulat ng mas malaking “kasiyahan sa pag-aasawa.” Nang tanungin, “Gaano kadalas na pinagsisisihan mong ikaw ay nag-asawa?” at, “Gaano kadalas kayong ‘nininerbiyos’ sa isa’t isa?” ang nag-date ng sandaling-panahon ay “hindi gaanong maligaya sa kanilang pag-aasawa,” ulat ng pangkat ng mga mananaliksik sa babasahing Family Relations (1985). Ano ang dahilan?
“Ang maikling panahon ng pagdi-date ay maaaring mangahulugan na ang mga indibiduwal ay walang gaanong pagkakataon na maranasan ang magulong mga di-pagkakasundo, at sa gayon kapag hindi maiwasang bumangon ang mga di-pagkakasundo sa dakong huli, mas malaking problema ang nagagawa nila sa pag-aasawa,” sabi ng mga mananaliksik sa Kansas State University. “Sa kabaligtaran naman, maaaring tingnan ng lalaki’t babae na nagkaroon ng gayong karanasan bago ang pag-aasawa ang mga ito bilang bahagi ng buhay, walang sukat ikabahala.” Minsang nasimulan, ang pagliligawan ay maaaring maging basta pagpapakita ng mabuting impresyon kung nais ng lalaki at babae na makamit ang pag-ibig ng isa’t isa. Subalit kung bibigyan ng sapat na panahon, ang di-kanais-nais na mga ugali at mga hilig ay may paraan ng paghahayag ng sarili nito. Ang lalaki’t babae na hindi nagmamadali sa pagliligawan ay malamang na makasusumpong ng isang mas madaling pakikibagay pagkatapos ng kasal, na may kaunting di-nakasisiyang mga sorpresa.
Kaya ang isang matagumpay na pagliligawan ay dapat na may sapat na haba ng panahon upang ang lalaki’t babae ay higit na magkakilala. Ang talagang mahalagang bagay ay hindi laging kung ilang buwan o taon ang pagliligawan kundi kung ano ang nagagawa sa panahong iyon.
Gayunman, kumusta naman kung ang pagliligawan ay waring kumukuha ng napakaraming panahon?
Ang Panahon para sa Maygulang na Pag-iisip
Ang ibang tao, samantalang nagnanais na panatilihing maginhawa ang kaugnayan, ay iniiwasang pag-usapan ang posibilidad ng pag-aasawa. Sila’y nangangatuwiran: “Bakit hindi na lamang natin panatilihing ganito ang mga bagay?” Sa ilang bagay ito ay katulad ng isang tao na nagtutungo sa isang restauran at nauupo sa may isang mesa. Ang serbidor, pagkatapos magdala ng tubig, tinapay, at listahan ng mga pagkain, ay naghihintay ng order. Subalit ang parokyano ay laging nagsasabi, “Hindi na, ayos naman itong ganito. Wala pa akong nais na orderin.” Bakit ka papasok sa isang restauran kung ayaw mong kumain? Gayundin sa pagliligawan, bakit ka papasok sa gayong kaugnayan kung ayaw mong mag-asawa?
Ang maygulang na pag-iisip ay mag-uudyok sa lalaki’t babae na isaalang-alang at pag-usapan ang hinaharap ng isang kaugnayan. Hindi makatuwiran o maibigin man na paasahin ang isa kung ang layon ay hindi naman tutuluyan at pakakasalan. “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” sabi ng Kawikaan 13:12. Mangyari pa, ang pagiging malapit at pangako ay unti-unting sumisidhi at hindi maaaring madaliin. Gayunman, sa panahon ng pagliligawan lalo na, ‘ang pag-ibig [ng isang tao] ay maging walang pagpapaimbabaw’ upang ang kaniyang katipan, na maaaring umaasa na ang kaugnayan ay hahantong sa pag-aasawa, ay hindi naman masaktan.—Roma 12:9.
Samantalang dibdibang isinasaalang-alang ng lalaki’t babae ang pag-aasawa, ang pagliligawan ay nagbibigay ng panahon upang sila ay prangkahang mag-usap tungkol sa kanilang mga pagpapahalaga at mga tunguhin. Ang pagliligawan ay nagbibigay rin sa kanila ng panahon upang higit na makilala ang pamilya ng katipan at pag-usapan kung paano sila makikitungo sa pamilya ng lalaki at sa pamilya ng babae.
Ang pagliligawan ay karaniwang nauuwi sa kasunduang pakasal, kapag ang lalaki’t babae ay gumagawa ng pormal na pangako na magpapakasal. Nasumpungan ng nabanggit na pag-aaral tungkol sa isang libong pares ng magkatipan na ang matagumpay na kasunduang pakasal ang siyang pinakamabuting tagapahiwatig ng isang kasiya-siyang pag-aasawa. Subalit ang isang matagumpay na kasunduang pakasal ay hindi laging nangangahulugan ng isang lubos na maginhawang panahon. Habang ang lalaki’t babae ay gumugugol ng mas maraming panahon na magkasama, naisasaisang-tabi ang pormalidad. Ang dumarating na kasal ay maaaring maglagay sa lalaki’t babae sa ilalim ng kaigtingan. Kaya, maaaring magkaroon ng di-pagkakaunawaan, at away pa nga. Ang paglutas ng gayong mga suliranin ay nagpapakita sa kakayahan ng lalaki’t babae na lutasin ang mga bagay.
Gaano man kahaba ang kasunduang pakasal, dapat iwasan ng Kristiyanong lalaki’t babae ang pagiging masyadong matalik sa pagpapahayag ng pagmamahal. (1 Tesalonica 4:3-8) Sa ganitong paraan, mapananatili nila ang isang mabuting budhi sa harap ng Diyos. Maiiwasan din nila ang silo na hayaan ang pang-akit ng sekso na magpangyaring waling-bahala nila ang mahalagang mga isyu.
Kadalasang masusumpungan ng lalaki’t babae na nagbabalak mag-asawa na kapaki-pakinabang na hingin ang payo ng isang ministrong Kristiyano o ng mas matanda at maligayang mag-asawa. Ang gayong payo bago ang pag-aasawa ay maaaring makatulong sa kanila na iwasan ang ilan sa mga kabiguan pagkatapos ng kasal.—Kawikaan 15:22.
Ang matagumpay na pagliligawan ay umaani ng maraming kaaya-ayang alaala at naglalagay ng isang mabuting pundasyon para sa isang maligayang pag-aasawa. Kung paano magpapatuloy sa gayong pagliligawan ay tatalakayin sa darating na artikulo.
[Blurb sa pahina 22]
Ipinakita ng pananaliksik na ang mas matagal na pagliligawan ay kadalasang nauuwi sa mabuting pag-aasawa
[Larawan sa pahina 23]
Kapaki-pakinabang para sa mga nagbabalak mag-asawa na hingin ang payo ng matanda at maligayang mag-asawa