Pagpapakita ng Tiwala kay Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapayunir
1 Ang pag-una sa Kaharian ay nangangailangan ng tiwala kay Jehova. (Awit 56:11; Kaw. 3:5; Mat. 6:33) Dapat nating ibaling ang ating kaisipan mula sa itinuturing ng sanlibutan na mahalaga at magbigay-pansin sa mga espirituwal na bagay. Samantalang humihikayat ang sanlibutan sa pagnanasa sa materyal na mga bagay, hinihimok tayo ni Jehova na masiyahan na sa tunay na mahahalagang bagay.—1 Tim. 6:8; Fil. 1:10.
2 Ito’y isang hamon lalo na sa mga Kristiyanong kabataan na nagnanais na isaalang-alang nang taimtim ang mga utos ni Jehova. Sila’y maaaring gipitin ng kanilang mga guro at ng kanilang mga kamag-aral na naniniwalang ang mataas na edukasyon ay mahalaga sa pagtatagumpay sa buhay. Bagaman kinikilala na sila’y may mga materyal na pangangailangan, maraming kabataang Kristiyano ang lumaban sa gayong panggigipit at pinili ang ministeryo ng pagpapayunir bilang kanilang karera. Sa pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova, sila’y umaasa sa kaniya ukol sa kanilang mga pangangailangan.—Awit 62:2; 68:19; 1 Tim. 5:8; 6:9, 10.
SURIIN ANG MGA PERSONAL NA KALAGAYAN
3 Ang The Watchtower ng Nobyembre 15, 1982 ay nagpasigla sa bawa’t isa na magtanong sa sarili: “Talaga bang maipangangatuwiran ko sa harapan ni Jehova ang bagay kung bakit ako ay hindi isang payunir?” Noon ang marami ay wala sa kalagayang magpayunir. Subali’t sila’y hindi nasiraan ng loob, na nalalamang ang buong pusong paglilingkod gaano mang kalaki iyon ay laging kalugod-lugod kay Jehova. (Mik. 6:8; 2 Cor. 8:12) Sa dakong huli, habang nagbabago ang mga kalagayan, ang may pananalanging pagsasaalang-alang muli ng artikulong iyon ng 1982 Watchtower ay nagpangyari sa ilan na mapabilang sa libu-libong nagpatala bilang regular payunir kamakailan.
4 Kung hinadlangan kayo ng personal na mga kalagayan para makapagpayunir nang inilathala ang pangungusap sa itaas noong 1982, nagbago na ba ang inyong kalagayan? Sa Pilipinas, 3,417 mga aplikasyon ng payunir ang inaprobahan sa 1989 taon ng paglilingkod! Walang pagsalang marami sa mga aplikanteng ito ay may pagnanais na maging payunir noon pa man subali’t sila’y naghintay ng pagbabago ng kanilang personal na mga kalagayan.
5 Sa ilang mga kaso, ang kinakailangang pagbabago ay maaaring hinggil sa saloobin sa paglilingkurang payunir. O kaya’y may kaugnayan lamang sa isang mabuting eskedyul sa paglilingkuran. Kung minsan ay isang pagbabago sa personal na mga pananagutan at obligasyon ang kinakailangan upang mabuksan ang daan sa paglilingkurang payunir. Kung gayon, makabubuting regular na ipanalangin ito kay Jehova kasama ng isang tapat na pagsusuri sa ating sarili at sa ating mga kalagayan. Libu-libo ang gumawa nito at ngayon ay nagtatamasa ng mga pagpapala sa paglilingkurang payunir.
6 Kapag ang isang tapat na pagsusuri sa inyong kalagayan ay nagpapakitang kayo’y isa na maaaring magpasimulang magpayunir sa malapit na hinaharap, bakit hindi magpasimula bilang auxiliary payunir sa regular na paraan ngayon? Ang Abril at Mayo ay napakaiinam na buwan upang pasimulan ito, at ito’y magbibigay sa inyo ng pagkakataong makita kung maaari ninyong maabot ang mga kahilingan bilang regular payunir sa hinaharap. Sa loob lamang ng ilang buwan maaaring mapasulong ninyo ang mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya. Ito’y makatutulong sa inyo sa paggawa ng isang maayos na paglipat tungo sa paglilingkurang regular payunir, kaypala’y bago ang pagpapasimula ng bagong taon ng paglilingkod sa Setyembre.
7 Si Jehova ay nagsasagawa ng mga dakilang bagay sa huling mga araw ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ngayon na ang panahon para tayong lahat ay maging malapit sa kaniya at pagpalain ang kaniyang pangalan “sa buong maghapon.” (Awit 145:2; Sant. 4:8) Ang mga payunir ang siyang nasa unahan ng dakilang gawaing ito, na nag-ulat noong nakaraang taon ng 69% ng kabuuang oras at 71% ng kabuuang mga pag-aaral sa Bibliya sa Pilipinas. Kung ang inyong mga kalagayan ay nagpapahintulot sa inyo na gawin iyon at kayo ay kuwalipikado, hayaang ang paglilingkurang payunir ay maging isang katunayan na kayo ay nagtitiwala kay Jehova at hindi lamang sa inyong sariling lakas. Tumitingin kami sa hinaharap na tanggapin ang marami pa sa ranggo ng payunir sa 1990!—Awit 94:18.