“Manindigang Matibay”—Huwag Patisod
ANG pinakamahigpit na isyu na nakaharap sa tao ngayon ay yaong sa pansansinukob na soberanya. Tayo’y inaanyayahan ni Jehova na manindigan at mapabilang sa mga naninindigan sa bagay na ito sa pamamagitan ng kaniyang hinirang na Hari, si Kristo Jesus. May apurahang pangangailangan na tugunin ang kaniyang paanyaya, at noong nakalipas na limang taon lamang, mahigit na isang milyong katao ang gumawa na ng gayon. Ngunit ang mga ito’y nakabatid na higit pa ang nasasangkot sa pagkuha ng paninindigan kaysa isang napagpasiyahang desisyon lamang na maglingkod kay Jehova. Kailangan ang isang habambuhay na pag-aalay ng sarili. Tayo ba ay mananatili sa ating paninindigan kung sakaling maging mahirap ang paggawa ng gayon? O tayo ba’y unti-untng manghihina, pagkatapos ng sa simula’y ‘paninindigang matibay’?—1 Corinto 16:13; Hebreo 2:1.
Kung sakaling hindi mo natagpuang madali ang paglakad sa landasing Kristiyano, maaliw ka sana ng pagkaalam na gayundin ang naranasan ni Jesu-Kristo. Oo, maging ang bugtong na Anak ng Diyos ay nanalangin na bigyan siya ng lakas upang makapanatili sa kaniyang paninindigan, lalo na nang malapit na ang pinakasukdulang pagsubok sa kaniya. Gunigunihin na siya’y naroon sa halamanan ng Gethsemane, nananalangin nang buong ningas: “Abba, Ama, lahat ng bagay ay posible sa iyo; ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” (Marcos 14:36) Batid niya na ang landasing nakaharap sa kaniya ay mahirap lakaran. Ang lalo nang nakabahala sa kaniya ay ang magiging epekto niyaon sa pangalan ng kaniyang Ama. Sa gayon, ang tanging sakdal na tao sa lupa ay hindi nahihiya noon na humingi ng tulong.
Pagka ang landasin ay nagiging mahirap na lakaran natin, mayroon tayo ng gayunding mahihingan ng lakas na gaya ng hiningan ni Jesus. Tayo’y makapananalangin kay Jehova na tulungan tayo upang tayo’y huwag matisod o matumba. Ngunit anong uri ng mga panganib ang maaaring mapaharap at makatisod sa atin? Ang pagkaalam nito at ang paghahanda nang patiuna ay maaari marahil na makatulong sa atin na iwasan ang pagkatisod.
Ang Pag-uusig ay Maaaring Makatisod sa Atin
Ang Bibliya ay nagbababala: “Lahat ng ibig mamuhay nang may maka-Diyos na debosyon kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Ang pag-uusig ay maaaring maging sanhi ng ating pagkatisod, at ito’y nagaganap sa maraming paraan. (Marcos 4:17) Maaaring ito’y ang legal na mga pagbabawal—na may dalang panganib ng pagkabilanggo at kamatayan man—karahasan ng mga mang-uumog, nagpapahina-ng-pananampalatayang araw-araw na pananalansang ng isang desidido, salangsang na asawa, o patuluyang panlilibak ng mga kamag-aral.
Ang pag-uusig ay mahirap na tiisin, ngunit sa ati’y ibinababala na ito’y darating sa anumang anyo. Samakatuwid, maaari nating patatagin ang ating pananampalataya ngayon at matutong umasa sa lakas ni Jehova upang pagsapit ng panahon, tayo’y makapagtitiis na taglay ang lakas na iyan. (1 Pedro 4:13, 14; 5:6-11) Gayunman, ang mga katitisuran ay kalimitan lalong mapandaya kaysa malulubhang pag-uusig na dumarating.
Ang Pagkasira ng Loob ay Maaaring Makapagpahina ng Pananampalataya
Sino ba ang makalilimot sa nadama nating panghihina nang tayo’y mga bata at nakaranas ng pagkabigo? Nagugunita mo ba yaong panahon nang mangako si Itay ng isang espesyal na kasayahan para sa pamilya at pagkatapos ay magbago ng kaniyang isip? O ang panahon na kaniyang ipapasyal kayo sa zoo at sa huling sandali ay sinabi niyang hindi na matutuloy? Anong laki ng iyong nadamang pagkabigo!
Ang mga Kristiyanong may gulang na ay maaari ring makadama ng kabiguan, at sa mga ilang pagkakataon ay humantong ito sa espirituwal na kapahamakan. May mga iba na ang kanilang pag-asa ay inilalagak sa isang petsa na nasisiguro nila na darating ang Armagedon. Nang walang nangyari sa araw na iyon, sila’y nanghina. Ang iba naman ay nasiraan ng loob nang hindi matupad ang inaasahan nilang pribilehiyo na kakamtin nila. Gayundin, ang mga tao ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng loob. Isang 18-taóng gulang na dalagita ang nagtapat sa kaniyang mga magulang na siya’y lubhang nasiraan ng loob dahil sa iginagawi ng ilan sa mga binata sa kongregasyon—at sa hindi pagdisiplina sa kanila ng kani-kanilang magulang—anupa’t siya’y kumakalas na sa katotohanan.
Bagaman ang pagkasira ng loob ay maaasahang mangyayari sa ilalim ng lahat ng mga kalagayang ito, ang mga nasiraan ba ng loob ay dapat na matisod sa kanilang kaugnayan kay Jehova? Gunigunihin ang pagkasira ng loob ni Jesus nang ang kaniyang mga apostol ay patuloy na magtalu-talo tungkol sa kung sino baga ang pinakadakila sa kanila, sa ganoo’y nahahayag ang isang saloobing ambisyoso. (Lucas 9:46; 22:24) Gunigunihin din, ang pagkasira ng loob ni Job nang ang tatlong kasama niya na inakalang dapat tumulong sa kaniya ay sumalungat pa sa kaniya at nagsimulang mag-alinlangan sa kaniyang katapatan! (Job 22:5-10) Gayunman, si Jesus at si Job ay hindi napatisod.
Lahat ng tao ay mahihina, kaya’t di-makatuwiran na ang ating kaugnayan kay Jehova ay payagang maapektuhan ng kabiguan ng iba. (Awit 51:5) Ang di-kasakdalan ng iba ay hindi dapat bumulag sa atin upang huwag makita ang kamangha-manghang gawain na ginagawa ni Jehova sa kaniyang pagtitipon “sa lahat ng bagay upang magkasama-sama uli sa Kristo.” (Efeso 1:9, 10) Isaisip na ang tinitipon ni Jehova ay di-sakdal, makasalanang mga tao na gaya natin, mga taong nangangailangan ng disiplina at pagdalisay upang lumakas. (Awit 130:3) Ang ating kaaway ay hindi ang ating di-sakdal na kapatid Kristiyano kundi si Satanas na naghahangad na tayo’y masilà kung magagawa niya. Siya’y hindi magtatagumpay kung tayo’y ‘maninindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.’ (1 Pedro 5:8, 9) Kung tayo’y may ganiyang pananampalataya, sa anumang paraan ay hindi tayo “masisiraan ng loob.”—Roma 9:33.
Ang Paghatol sa Sarili ay Maaaring Makapagpahamak
Ang iba’y naputol ang kaugnayan sa Diyos na Jehova dahil sa pagkadama na sila’y di-karapat-dapat. Palibhasa’y palaisip sila tungkol sa kanilang sariling mga kahinaan at kakulangan, sila’y nanghihinuha na hindi tatanggapin ni Jehova ang kanilang paglilingkod. Kanilang inaakala na kung ang sinuman na katulad nila’y mag-aangkin na isa sa mga Saksi ni Jehova, iyon ay pagpapaimbabaw. Ikaw ba’y nakaranas na tratuhin ang iyong sarili nang ganiyan? Kung gayon, dapat mong labanan ang gayong damdamin.
Inaakala mo bang ikaw ay di-karapat-dapat maglingkod kay Jehova? Kung gayo’y tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ang karapat-dapat sa malaking pribilehiyong ito?’ Lahat ng Kristiyano ay may patuluyang pakikipagbaka laban sa kanilang sariling mga di-kasakdalan. Maging si apostol Pablo man ay nagreklamo: “Kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ang nasa akin.” (Roma 7:21) Si Pablo ba ay isang mapagpaimbabaw dahil sa kung minsan ay gumagawa siya ng mga bagay na mali? Hindi. Ang isang mapagpaimbabaw ay isang taong nagkukunwaring siya ay ganoo’t ganito bagaman hindi siya gayon. Kung tayo’y nagsusumikap na gawin ang matuwid ngunit nadudulas manakanaka dahil sa ating mga kahinaan, iyan ba ay pagkukunwari? Hindi naman.
Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na “magbihis ng bagong pagkatao.” (Efeso 4:24) Ngunit, ibig bang sabihin na nawawala sa atin ang lahat ng ugali ng matandang pagkatao? Hindi. Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, sinabi ni Pablo na ang bagong pagkatao ay “nagbabago” sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman. (Colosas 3:9, 10) Ang pananalitang “nagbabago” ay nagpapahiwatig ng patuloy na aksiyon. Samakatuwid ang pagbabago ng ating pagkatao ay isang bagay na patuloy. Hindi kataka-taka, kung gayon, na paminsan-minsan tayo’y nakatutuklas ng mga kahinaan sa ating sarili.
Mangyari pa, ito’y hindi nagbabawas ng anuman sa kalubhaan ng kasalanan, ni nangangahulugan man ito na tayo’y maaaring magbigay-daan sa tukso nang hindi man lamang pinaglalabanan iyon, sa pagpapalagay na kusang patatawarin tayo ni Jehova. Ngunit ito’y tumutulong sa atin na huwag maging palapintasin sa ating sarili nang walang anumang dahilan. At ito’y umaakay sa atin na lalo pang ibigin si Jehova sapagkat siya’y naglaan ng haing pantubos na inihandog ni Kristo upang tayo’y makapaglingkod sa Kaniya sa kabila ng ating likas na pagkamakasalanan.
Si apostol Juan ay nagharap ng isang timbang na pangmalas sa bagay na iyan nang kaniyang sabihin: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala.” Ngunit makatotohanang isinusog niya: “Gayunman, kung magkasala ang sinuman [dahilan sa di-kasakdalan ng tao], tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1) Imbis na labis-labis na hatulan ang ating sarili, ang ganitong matalinong pag-unawa sa ating kalagayan at sa tulong na inilaan ni Jehova tayo’y maaakay na ibulalas ang mga salita ni Pablo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”—Roma 7:25.
Huwag Manatili sa Pagkatisod
Si Jesus ay nagbigay ng mahigpit na babala sa kaninuman na maaaring maging sanhi ng pagkatisod: “Sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pa sa kaniya na bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan na gaya ng pinaiikot ng isang asno at siya’y ilubog sa isang malawak na kalaliman ng dagat.” (Mateo 18:6) Subalit kumusta naman ang taong natisod? Kung tayo’y natitisod sa kaninuman o sa anumang kalagayan, dapat ba nating patawarin ang ating sarili at sabihin, “Bueno hindi ko kasalanan iyan, kaya’t hindi na ako maglilingkod kay Jehova”?
Isaalang-alang ang isang halimbawa. Ikaw ba’y nadulas na sa isang piraso ng yelo o natalisod sa iyong paghakbang? Marahil nabigla ka nang mangyari sa iyo ang gayon. Naintindihan mo na may dahilan kung bakit natimbuwang ka sa lupa. Ngunit ano ba ang ginawa mo pagkatapos? Sinabi mo bang: “Hindi ko kasalanan na ako’y nakatimbuwang dito. Ang yelo [o ang paghakbang] ang dapat sisihin. Kaya hindi na ako titindig uli”? Malamang, ikaw ay tumindig at lumayo sa nakahihiyang tanawing iyon sa pinakamabilis na magagawa mo.
Hindi ba ganiyan din kung tungkol sa espirituwal na mga bagay? Kung tayo’y natisod sa anumang kalagayan o sa isang kapuwa natin Kristiyano, iyan ay isang malubhang problema na dapat ayusin. Lalo pa’t kung tayo’y mananatiling tisod, na iginigiit na sisihin ang sinuman sa ating suliranin, hindi baga totoo na ang ating kalagayan ay patuloy na nagpapakitang tayo ang dapat na sisihin?
Nakatutuwa naman, kung tayo’y natisod, ang matatanda at iba pang maygulang na kapatid sa kongregasyon ay handang-handang tumulong sa atin. (Galacia 6:1) At si Jehova mismo ay nagbibigay ng lakas sa mga taong nagnanasang maglingkod sa kaniya sa kabila ng di-pagkakaunawaan. (Filipos 4:13) Kaya tayo’y dapat na laging handang humingi ng tulong kung wari ngang may isang bagay na nakahahadlang sa ating matatag na paninindigan sa panig ni Jehova at sa kaniyang Kaharian. Kung magkagayo’y hindi natin bibigyan si Satanas ng tagumpay sa pagiging natisod at pananatiling tisod.
Saan Ka ba Nakatayo?
Bawat araw, ang nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay napapaharap sa mga isyu na sumusubok sa kanilang debosyon kay Jehova. Anuman ang kailangang labanan nila, sila’y kailangang tumayo at ibilang na nakatayo sa panig ng Mesyanikong Hari ni Jehova. Ang makapangyarihang mga pangulo sa lupang ito ay nanindigan na “laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.” Anong laking pribilehiyo na tayo’y naninindigan sa panig niya!—Awit 2:2.
Gayunman, hindi tayo makapaninindigan laban sa impluwensiya ng buong sistemang ito ng sanlibutan kung sa ganang sarili lamang natin, kaya’t tayo’y inaaliw ng pangako ni Jesus na lumakip sa kaniyang kongregasyon “hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Kaniya tayong tatangkilikin. Bukod dito, malaking tulong ang dumarating pagka tayo’y kumapit nang mahigpit kay Jehova at hingin ang kaniyang pagtangkilik. Ang pagbaling sa kaniyang Salita ay makapagbibigay sa atin ng lakas. Pagka marahil naiisip natin na hindi na tayo makaagwanta, ang Awit 55:22 ay nag-aanyaya sa atin na ‘ipapasán kay Jehova mismo ang ating pasanin, at siya mismo ang aalalay sa atin. Kailanman ay hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.’ Oo, lahat ng lingkod ng Diyos ay hinihimok ng Bibliya na “manindigang matibay sa pananampalataya”—at huwag patisod.—1 Corinto 16:13.