Saan Patungo ang Kilusan ng mga Manggagawa?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
“ANG kayamanan ay dumarami, at ang mga tao’y nabubulok,” sabi ng isang makata. Gayunman, marami ang naaakit sa panghalina ng walang katapusang pagdami ng materyal na kayamanan. Iyan ang dahilan kung bakit lumitaw ang kapitalismo noong Edad Medya.
Natanto ng mga manggagawa na, para sa marami, kadalasang kaagapay ng kapitalismo ang paghina ng kalidad ng buhay. Upang pangalagaan ang kanilang sarili, nagtatag sila ng mga unyon. Saanman umuunlad ang kapitalismo, nagkakaroon ng mga kilusan ng mga manggagawa.
Gayunman, ang mga kritiko at pati na ang ibang mga tagasuporta ay nagpahayag ng pagkabahala na ang organisadong manggagawa ay maaaring manghina. Ang kolumnistang si Anthony Westell ay nagpaparatang: “Ang kilusan ng mga manggagawa ay nabubuhay sa nakaraan, hindi kaya o ayaw magbago.” Binabanggit ng The Economist, sa ilalim ng pamagat na “Umuunting Pangkat ng Magkakapatid,” na ang mga kasapi sa mga unyon ng mga manggagawa sa Britaniya ay bumaba ng “di-kukulanging dalawang milyon” sa loob ng limang taon. Ang propesor sa University of Illinois na si Adolf Sturmthal ay sumulat tungkol sa isang “krisis sa internasyonal na kilusan ng mga manggagawa.”
Waring itinataguyod ng mga estadistika ang kanilang mga tuklas. Ang Japan Quarterly ay nag-ulat ng pagbaba ng unyon ng mga manggagawa sa Hapón mula sa 32 porsiyento noong 1960 tungo sa 29 porsiyento noong 1984 at sa Estados Unidos mula sa 33 porsiyento tungo sa 19 porsiyento. Samantalang ang Britaniya at ang Kanlurang Alemanya ay nagkaroon ng mga pagsulong, ang The German Tribune ay nagsabi na “ang larawan ay hindi maganda na gaya ng maaaring ipahiwatig ng mga bilang.” Binanggit nito ang kawalan ng pangako ng mga miyembro at ang pagdami ng walang unyong mga sektor ng ekonomiya. Ang mga kasapi sa unyon sa Australia, sabi ng Far Eastern Economic Review, bagaman mataas na 55 porsiyento, ay “ginigipit ng pagkabalisa, ng krisis pa nga.”
Mga Problema sa Loob ng Kilusan ng mga Manggagawa
Upang magtagumpay, ang mga manggagawa ay dapat na nagkakaisa. Gayunman, maraming kilusan ng mga manggagawa ang hindi nagkakaisa. Sinabi ng The Times ng London na dahil sa mga pagbabago sa mga saloobin sa trabaho, ang iharap mo ang “punto de vista ng isang empleado ay magiging suspetsa: iyan ay maliwanag na wala.” Ang mga welga sa Australia ay kadalasang dahil sa pagtatalo sa pagitan ng mga unyon. Dahil sa mga unyon na kinakalaban ang mga unyon sa Canada, ang mga unyon ay iniulat na galit na galit sa nanggigipit na mga taktika ng isang unyong base sa Estados Unidos. Pinaratangan ng mahigit na 400 natanggal na mga manggagawa sa Canada ang dalawang unyon ng “pagwawaksi sa . . . transaksiyon” na maaari sanang nakaligtas sa kanilang trabaho.
Ang ikalawang suliraning panloob na sumasalakay sa mga unyon ay ang kakulangan ng pangako (commitment). Ang uring manggagawa, dati’y pawang mga obrero, ay higit at higit na nagiging klerikal, teknikal, o propesyonal. Ang sektor na ito ng mga manggagawa sa opisina “ay naging tradisyunal na mahirap pasukin ng mga unyon,” sabi ng Labour Law and Industrial Relations in Canada.
Para sa marami, ang pagiging kasapi sa isang unyon ay mahalaga. Kunin halimbawa ang isang nagtapos na inhinyero na nakisama sa kawani ng isang departamento ng gobyerno. Sabi niya sa Gumising!: “Hindi nga ako sinabihan na sumali sa unyon. Ang pangalan ko ay basta lumitaw sa talaan ng mga kasapi. Nang ang pahayag na magwelga ay ipinatalastas, wala akong mapagpilian, kaya’t ako’y hindi bumoto.”
Ang kabulukan o kriminal na gawain ay pinagmumulan ng kawalang-kasiyahan. Sa New York City, inilantad ng isang malaking paglilitis sa kilalang kriminal na mga gang ang malaganap na pagkasangkot ng unyon. Ang ilang mga unyon sa Australia ay iniulat na “pinamumugaran ng mga kriminal.” Ang ilegal na mga kilos noong nakaraang mga welga sa Canada ay nagbunga ng mahigit na 700 mga pag-aresto, kasali na ang isang pulitikal na lider sa lalawigan.
Mga Problemang Hindi Kayang Supilin ng mga Manggagawa
Ang iba pang salik na hindi kayang supilin ng unyon ay nakapanghihinang-loob sa mga lider ng manggagawa. Ang lipunan ng tao ay nasa kaguluhan. Ang pakikipagkaibigan ng mga kasapi sa unyon ay naglaho. Isang lalaki—49 na taon na boilermaker at sa ilang panahon ay isang tagapangasiwa sa pagawaan—ay nagsabi sa Gumising! kung paanong walang gaanong halaga ang kaniyang pagreretiro sa kaniyang mga kapuwa kasapi sa unyon: “Noong huling araw ko, nagpasa sila ng isang sombrero at binigyan ako ng $35. Dalawang lalaki ang nakipagkamay sa akin, at iyon na. Dahil sa ako’y natanggal sa trabaho noong panahon ng ‘depression,’ kulang ako ng anim na buwan para mabuo ang 50 taon, kaya hindi ko nakuha ang karaniwang ibinibigay na gintong relo!”
Sa paano man, ang paglipat ng pag-aari ay dahil sa hindi pananatiling totoo sa makasaysayang mga huwaran. Ang interes sa negosyo ng ibang unyon ay lumaki tungo sa pagkalalaking imperyo kung saan ang unyon ang nag-eempleo. Ganito ang sabi ni Gerald Stewart ng The Canberra Times: “Naiwala ng mga unyon ang kanilang moral na karapatang batikusin ang kapitalismo nang kanilang gayahin ang di-gaanong kaakit-akit na aspekto nito.”
Ang teknolohikal na mga pagbabago at pag-urong ay maaaring magbunga ng mas kaunting assembly-line na mga trabaho. Iniulat ng magasing Time ang isang pagbaba ng trabahong pang-obrero sa Milwaukee mula sa 223,600 noong 1979 tungo sa 171,300 noong 1986. Gayundin, ang mas bagong uri ng mga trabaho ay nakaaakit sa mga kabataang may espisipikong kahusayan o galing. Ang unyon ay hindi laging nauugnay sa ganitong uri ng indibiduwal na manggagawa.
Ang mga manggagawa ay humahanap ng higit pa kaysa salapi lamang. At ang mga paglilingkod ng day-care, mas maikling araw ng trabaho, naibabagay na mga paghahalili sa trabaho, paghahati sa trabaho, at mga plano sa kalusugan ay maaaring pakinabangan lamang ng ilang uri ng manggagawa. Mas mahirap para sa alinmang organisasyong makalugod sa napakaraming interes. At karaniwang dinadaig ng mga maypatrabaho ang mga unyon sa pag-aalok ng mapanlikhang mga benepisyo nang tuwiran sa mga empleado.
Sa ibang bansa, ang pulitikal at relihiyosong pagkasangkot ng mga unyon ay binabatikos ng mga miyembro nito. Maaaring hindi nila nagugustuhan na ang butaw sa pagiging kasapi ay gamitin upang suportahan ang mga gawaing hindi nila sinasang-ayunan. Pinagtibay ng mga hukuman sa Canada ang karapatan ng isang kasapi na huwag magbayad ng butaw sa isang unyon sa gayong mga dahilan.
Bagaman ang ultimong sandata ng unyon ay ang welga, ito’y hindi gaanong matagumpay na gaya ng dati. Sa Canada ipinaalis ng ministro ng hustisya sa isang lalawigan ang karapatan ng mga pulis na magwelga, at ang Quebec ay nagpasa ng mahihigpit na batas upang makitungo sa ilegal na pagwewelga ng sektor ng kalusugan. Sa Estados Unidos, ang pederal na gobyerno ay namagitan upang buwagin ang unyon ng mga air-traffic controller nang ito ay magwelga. Ang ibang bansa, gaya ng Australia, ay mayroong sapilitang arbitrasyon.
Ang mga maypatrabaho ay nakagawa ng mga estratihiya upang lansagin ang mga unyon. Ang ilang malalaking korporasyon ay nagtiis ng isang anyo ng pagkabangkarote upang takasan ang mabigat na mga kontrata ng mga manggagawa. Ang iba ay nagdemanda ng panliligalig, samantalang ang iba naman ay nagsama-sama upang magharap ng nagkakaisang pagkilos sa kilusan ng unyon.
Mga Pagbabago Upang Makaligtas
Sa maraming paraan, ang mga pangangailangan na dating pinagmulan ng kilusan ng mga manggagawa ay hindi na umiiral. Ang batas panlipunan—na inudyukan ng organisadong mga manggagawa—ay nagsasanggalang ngayon sa mga bata, nagtatakda ng minimum na mga pamantayan sa trabaho, at tinatangkilik ang collective bargaining. Ngunit nakikita ng mga lider ng manggagawa ang kapangyarihan ng malalaking negosyo at ang dumaraming walang trabaho sa ilang bansa bilang katibayan ng kanilang patuloy na pangangailangan.
Ang bagong lahi ng mga lider ng manggagawa ay pinasisiglang-muli ang pagsuporta. Kinikilala na ang mga unyon ay hindi na popular sa marami sa publiko, sabi ng isang presidente ng unyon na “ang lider ng manggagawa ngayon ay sinusuring mabuti ang paghahanda at pananaliksik,” sa halip na ang pagpapasiya. Ang kanilang tagumpay ay hihiling ng mga pagbabago sa organisasyon at mga paraan ng mga unyon ng mga manggagawa.
Sa ilang industriya, ang kilusan ng mga manggagawa ay nakibagay at nakaligtas. Ang mga manggagawa-ng-kotse ay nagwagi ng maraming konsesyon mula sa mga unyon ng industriya upang damihan ang paggawa. Ang mga bagong pagawaan na nagbawas ng mga manggagawa alang-alang sa mga robot ay nakaakit din ng suporta ng unyon. “May pagkabalisa,” sabi ng isang opisyal ng unyon may kaugnayan sa gayong pagkilos, “subalit mayroon din pagkadama ng tagumpay na ang ating mga tao ay gumanap ng bahagi.”
Bagaman tinutulan ng ilang unyon ang mga pagsisikap na bawasan ang mga manggagawa, ang iba ay nakipagkompromiso sa pangasiwaan at nag-eksperimento sa paghahati sa trabaho, o halinhinan sa trabaho. Ang Seafarers International Union ng Canada ay isang halimbawa. Isang proyektong pagsubok ay naglalaan ng mga yunit para sa apat katao, na ang bawat isa, sa halinhinang iskedyul, ay nagtatrabaho ng 90 araw sa isang panahon at pagkatapos ay hindi magtatrabaho ng 30 araw. “Ang pangunahing bentaha,” ulat ng Globe and Mail ng Toronto, “ay na mas maraming marino ang nakapagtatrabaho.”
Bagaman may kapansin-pansing mga kabiguan sa pagtatatag ng mga unyon sa malalaking industriya, ang mga unyon ay nagtatagumpay pa rin sa mas maliliit na mga maypatrabaho. Sa isang lalawigan sa Canada, 42 lamang ng 704 na bagong yunit na pinagtibay sa loob ng isang taon ay nag-empleo ng mahigit na isang daan katao. “Subalit malaon nang lumipas ang mga araw kung kailan ang mga unyon ay nakadaragdag ng maraming miyembro,” sabi ng isang tagamasid.
Maliwanag kung gayon, marami sa mga kaso ng pagkasira sa kilusan ng mga manggagawa, gaya sa pagkasira ng lipunan sa pangkalahatan, ay hindi kayang supilin ng tao. Ang mga lalaki’t babaing naaakit sa kilusan ng mga manggagawa dahil sa isang pagnanais para sa mas mabuting daigdig ay karapat-dapat papurihan sa kanilang taimtim na mga pagsisikap na tulungan ang kanilang kapuwa-tao. Kinikilala ng mga taong may matuwid na isipan ang gayong mga pagsisikap upang magkaroon ng mas mabuting mga kalagayan sa pagtatrabaho. At, ang kasalukuyang kalagayan ng mga unyon ay nagbibigay sa atin ng isa pang katibayan ng may mabuting layunin subalit mga hamak na institusyon ng tao na talagang natangay ng ating kritikal na mga panahon.—2 Timoteo 3:1-5.
[Kahon sa pahina 19]
Kapitalismo
Sang-ayon sa isang diksiyunaryo, ang kapitalismo ay isang sistema kung saan “ang paraan ng produksiyon at pamamahagi ay pribadong pag-aari at pinatatakbo para sa pakinabang.”
Si Jakob Fugger, isang mayamang negosyante noong Edad Medya mula sa Augsburg, Alemanya, ang siya rin nagpatakbo sa Panlahat na Ahensiya ng papa, na siyang nangongolekta ng mga kabayaran para sa mga indulhensiya. Ang mananalaysay na si Erich Kahler ay naniniwala na ang kapitalismo ay nagmula kay Fugger, na sumusulat:
“Sinikap patunayan ng ilang modernong mga ekonomista at mga sosyologo na may mga bakas ng kapitalismo noon pa sa Babilonya. Subalit ang natuklasan nila ay hindi kapitalismo. Ang kapitalismo ay hindi katulad ng kayamanan at naililipat na ari-arian, hindi ito katulad ng paggawa-ng-pera at pagpapahiram-ng-pera, ni katulad man ito ng basta produktibong pamumuhunan ng ari-arian. Ang lahat ng ito ay hindi kapitalismo sa ganang sarili, sapagkat ang lahat ng ito ay maaaring magsilbing isang simulain sa buhay, malayo sa mga layuning pangkabuhayan, maaari itong gawin para sa isang makataong tunguhin, isang makataong layunin, isang bagay na maaaring tamasahin ng tao. Subalit dito, sa kauna-unahang pagkakataon, . . . ang negosyo sa ganang sarili, ang pagkita ng salapi sa ganang sarili, paggawa ng mga kalakal at pagtatambak ng mga kaalwanan, ay nagbibigay ng gayong kapangyarihan sa tao anupa’t ginugugol niya ang buong lakas niya, ang kaniyang puso, lahat ng kaniyang kasalukuyan at kinabukasan, ang kaniyang buong pagkatao, sa literal na diwa ng salita, sa isang balisa, patuloy na lumalago at lumalamong produksiyon sa ganang sarili, isang produksiyon, ang pangwakas na kahulugan kung saan siya ay ganap na nawawala at nakalilimutan.
“At ito ang pasimula ng kapitalismo, na siyang pamumuno ng kapital sa tao, ang pamumuno ng gawaing pangkabuhayan sa puso ng tao. Dito nagsisimula ang autonomiya ng kabuhayan, ang di-mapalagay, walang takdang pagsulong ng pagsasamantala sa kalikasan at produksiyon ng mga kalakal na walang sinuman ang may panahon o kakayahang tamasahin pa ito. Ang mga resulta ng pag-unlad na ito ay maliwanag na nakikita sa ngayon.”—Man the Measure.
[Kahon sa pahina 20]
Kasaysayan ng Kilusan ng mga Manggagawa
Ang “kilusan ng mga manggagawa” ay “katagang ginagamit upang tawagin ang lahat ng organisadong mga gawain ng mga suwelduhan na ang kanilang layunin ay mapabuti ang kanila mismong mga kalagayan sa kasalukuyan o sa hinaharap.”—The American Peoples Encyclopedia.
Sinasabi ng ilan na ang pagtanggi ng mga aliping Hebreo sa Ehipto na gumawa ng mga laryo nang walang dayami ang kauna-unahang welga ng mga manggagawa, subalit ang mga Israelita ay hindi suwelduhan; sila’y mga alipin. (Exodo 5:15-18) Sa gayunding paraan, ang pagpapabalik ni apostol Pablo kay Onesimo kay Filemon ay hindi kumakapit sa mga suwelduhan sapagkat si Onesimo ay isang alipin.—Filemon 10-20.
Ang pagkakaroon ng mga samahan ng mga artesano, mga kapisanan ng mga artesanong nag-eempleo ng mga manggagawa at mga aprendis, ng ika-14 at ika-15 siglo ang nagbukas ng daan sa mga unyon. Kasing-aga ng 1383, sang-ayon sa The History of Trade Unionism, ang upahang mga lalaki “ay nagsama-sama laban sa kanilang mga pinuno at mga gobernador.”
Ang unang batas ng mga manggagawa sa Inglatera ay ang Ordenansa ng mga Manggagawa (1349 o 1350). Ang Batas ng mga Aprendis (1563) ang naging alituntunin ng mga ugnayan ng manggagawa sa Inglatera sa loob ng mga salinlahi. Noong ika-20 siglo, niluwagan ng karamihang mga bansa ang mga batas na nagbabawal sa mga unyon.
Ang I.L.O. (International Labor Organization) ay itinatag noong 1919 sa ilalim ng Artikulo 23 ng Kasunduan ng Liga ng mga Bansa at umiiral pa rin. Ang mga kasunduan ng I.L.O. ay pinagtibay sa mga batas panlipunan ng karamihan sa mga bansa.
Ang mga unyon ay ipinahihintulot ng batas sa karamihang mga bansa. Ang mga ito ay maaaring open-shop na mga unyon, kung saan ang mga empleado ay maaaring sumali o hindi sumali sa pagsisimulang magtrabaho, o ang closed-shop na mga unyon, kung saan ang pagiging kasapi ay sapilitan bilang kondisyon ng trabaho.