‘Magpatuloy Sana Kayo na Muling Mapawasto’
“NATITIYAK mo ba na hindi tayo sasala roon?” Ang ganiyang katanungan ay tanong ng isang pasahero sa first officer ng barko. Samantalang ang maliit na barko ay pinaiinda-indayog at pinahahagis-hagis ng napabantog na Cape rollers ng Timog Atlantiko, waring sa kaniya ay himala lamang ang tutulong sa kanila upang makarating sa pagkaliit-liit na kudlit sa mapa na kanilang patutunguhan.
Kaya inanyayahan ng first officer ang babaing ito sa plataporma ng barko at ipinaliwanag kung papaano gumagana ang mga aparatong pangnabigasyon—mga gyro compass, radar, satellite signal receivers, at maging ang karaniwang sextant. Bagaman ang teknikal na mga paliwanag ay medyo hindi niya maintindihan, naintindihan naman niya ang isang pangunahing simulain ng nabigasyon: pagtutuwid ng daang tinatahak. Sa tulong ng kaniyang kagamitang ito sa nabigasyon, naaring madaig ng kapitan ang nagagawa ng mga agos at hangin sa dagat sa pamamagitan ng patuluyang pagwawasto. Kung wala ang gayong pagwawasto, hindi nila mararating ang kanilang patutunguhan sa layong maraming-maraming milya.
Ang mga Kristiyano ay mistulang mga barko sa karagatan ng sangkatauhan. Ang ating tunguhin ay tayo’y “masumpungan sa wakas [ni Jehova] na walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.” (2 Pedro 3:14) Subalit tulad din sa isang barko, may mga puwersa—panloob at panlabas—na naghihiwalay sa atin sa daang dapat natin tahakin. Kung gayon, anong pagkaangkop nga ang mga salita ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Tungkol dito ay aming idinadalangin, na kayo’y muling mapawasto. . . . Magpatuloy sana . . . na kayo’y muling mapawasto.”—2 Corinto 13:9, 11.
Kung Ano ang Kasangkot sa Muling Pagwawasto
Ang terminong Griego na isinalin dito na “muling pagwawasto” ay tumutukoy sa pagdadala sa isang bagay “sa tumpak na pagkakahanay.” (Tingnan ang talababa ng Reference Bible.) Sa mga ibang teksto sa Bibliya, ito’y ginagamit upang tumukoy sa pagsasauli sa isang bagay sa tumpak na kalagayan. Halimbawa, sa Mateo 4:21, isang nakakatulad na termino ang ginagamit upang tumukoy sa “pagkukumpuni” ng mga lambat. (Kingdom Interlinear) Kung gayon, ano ba ang ibig sabihin na ang mga Kristiyano’y dapat na muling mapawasto?
Bueno, isaalang-alang ang mga Kristiyano sa Corinto na sinulatan ni Pablo. Sa isang naunang liham sa kanila, itinawag-pansin ni Pablo ang mga ilang di-nararapat na mga kalagayan na umiral noon sa kongregasyon: ang pagkakaroon ng mga sekta, pinapayagan nilang umiral ang imoralidad sa sekso, naghahabla ang kapatid laban sa kapatid, hindi iginagalang ang Hapunan ng Panginoon, at pati ang kanilang mga pulong ay nagugulo. (1 Corinto 1:10-13; 5:1; 6:1; 11:20, 21; 14:26-33) Kaya naman kailangan noon ng mga taga-Corinto na “kumpunihin” ang kalagayan doon, alalaong baga, mailagay iyon “sa tumpak na pagkakahanay” sa mga simulaing maka-Diyos.
Ang ikalawang liham sa kanila ni Pablo ay nagpapakita na ganoong-ganoon ang kanilang ginawa. (2 Corinto 7:11) Gayunman, batid ni Pablo na ang mga kagipitan buhat sa sanlibutan, kay Satanas, at maging sa kanilang sariling mga hilig ng laman ay patuloy na magtutulak sa kanila upang mapahiwalay sa tamang landas manakanaka. Sa gayon, angkop ang pagkapayo niya sa kanila na ‘magpatuloy sana kayo na muling mapawasto.’
Kailangan na Muling Mapawasto sa Ngayon
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay dapat ding magpatuloy na muling mapawasto. Si Satanas na Diyablo ay ‘nakikipagdigma’ sa atin, gumagawang puspusan upang sirain ang ating katapatan. (Apocalipsis 12:17; Efeso 6:12) Tayo ay napalilibutan din ng isang pambuong-daigdig na sistema ng mga bagay na gumagana “ayon sa tagapamahalang maykapangyarihan sa hangin.” Ang ating mga kamanggagawa at mga kamag-aral ay baka mga taong ‘namumuhay na naaayon sa mga pita ng kanilang laman, ginagawa ang mga bagay na kagustuhan ng laman.’ (Efeso 2:2, 3) Tayo ay may patuluyang pakikipagbaka rin sa ating minanang makasalanang mga hilig. (Roma 7:18-25) Kung hindi tayo laging gagawa ng pagwawasto sa ating sarili, tayo’y madaling mapapahiwalay sa tamang landas.
Isang karanasan ni apostol Pedro ang mainam na halimbawa nito. Pagkatapos ng kaniyang tamang pagkakilala kay Jesus bilang “ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy,” si Pedro ay pinapurihan ng mga salitang: “Maligaya ka, Simon anak ni Jonas, sapagkat ito’y hindi ipinahayag sa iyo ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 16:16, 17) Maliwanag, ang kaisipan ni Pedro ay nasa tamang landas noon. Subalit, sa loob lamang ng panahong nasasaklaw ng susunod na anim na talata Mat 16:18-23, siya’y matinding pinagwikaan ni Jesus! Nang kaniyang malaman na si Kristo’y “magdaranas ng maraming bagay . . . at papatayin,” sinabi ni Pedro kay Jesus: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; kailanman ay hindi mangyayari sa iyo ang ganito.” Si Jesus ay dagling tumugon: “Lumagay ka sa likod ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat hindi mo pinag-iisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”—Mateo 16:21-23.
Ang iniisip noon ni Pedro ay buhat sa isang makalamang punto-de-vista. Ang kaniyang mga kaisipan at saloobin ay kailangang maiwasto. Hindi ba totoo rin iyan sa ating lahat manakanaka? Hindi ba tayo’y may hilig na tingnan ang mga bagay-bagay buhat sa ating sariling punto-de-vista sa halip na buhat sa pangmalas ng Diyos? Kaya, tayo’y kailangang manakanaka ay maiwasto. Tulad ng isang barko sa dagat, ang gayong pagwawasto minsan ay maaaring maliit lamang, halos parang wala. Ngunit ang mga iyan ay maaaring siyang dahilan kung tayo baga ay makararating sa ating patutunguhan o tayo’y daranas ng espirituwal na pagkalubog ng ating barko. Oo, sa pamamagitan ng bahagyang pagwawasto ngayon ay makaiiwas tayo sa paggawa ng malalaki—marahil masasaklap—na mga pagwawasto sa bandang huli.
Mga Pamantayan ng Diyos
Kung ang mga instrumento sa nabigasyon ng isang barko ay hindi tumpak ang kalibrasyon (pagkagatla), hindi makagagawa ng nararapat na pagtutuwid sa landas na tinatahak. Sa katulad na paraan, kung ibig nating ang ating buhay ay palaging nasa tamang landas, kailangan natin ang tumpak na patnubay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Sa kinasihang Salitang iyan ay makikita ang mga pamantayan ng Diyos ng asal at pag-iisip. Ang palagiang pagbabasa niyan ay kailangan upang makalakad sa “mga landas ng katuwiran.”—Awit 23:3.
Mayroon pa ring patnubay na nanggagaling sa uring “tapat at maingat na alipin” ng pinahirang mga Kristiyano. Ang mga ito ay tinulungan ng espiritu ni Jehova na maunawaan sa pasulong na paraan ang kaniyang kalooban. (Mateo 24:45, 47; Kawikaan 4:18) Samakatuwid, pagka ang patnubay ay nanggagaling sa organisasyon ni Jehova, may karunungan na tayo’y makapagpapasakop doon, sa pagkaalam na tayo’y aakayin ni Jehova sa daan na tiyakang maghahatid sa atin ng walang-hanggang kapakinabangan.—Isaias 48:17.
Gayunman, kung minsan, kailangan natin ang personal na tulong upang tayo’y makapanatili sa tamang landas. Ganito ang payo ni Pablo sa Galacia 6:1: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon, sikapin ninyong maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” Ang matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay kabilang sa mga taong may gayong espirituwal na mga kuwalipikasyon. Malimit na tuwirang tutukuyin nila sa atin kung saang pitak kailangang gumawa tayo ng mga pagwawasto.
Kailangan ang Pagsisikap
Sa tuwina’y di-madali ang gumawa ng kinakailangang pagbabago sa ating buhay. Muli, isaalang-alang si Pedro. Palibhasa’y isinilang na isang Judio, si Pedro ay lumaki na taglay ang umiiral na negatibong pagkakilala sa mga tao ng mga ibang lahi. Gaya ng sinabi niya sa Gentil na si Cornelio: “Nalalaman ninyo na hindi matuwid para sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang taong may ibang lahi.” Gayunman, pagkatapos niyang matalos na kalooban ng Diyos na ang katotohanang Kristiyano ay dapat niyang ibahagi sa taong ito at sa kaniyang pamilya, sinabi ni Pedro: “Tunay ngang natatalastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao, kundi sa bawat bansa siya na may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:28, 34, 35.
Si Pedro ay gumawa ng isang kagila-gilalas na pagbabago sa kaniyang kaisipan at saloobin tungkol sa mga ibang lahi! Ngunit lumilitaw na kailangang siya’y patuloy na iwasto may kaugnayan dito, sapagkat makalipas ang mga ilang taon, si Pedro ay naimpluwensiyahan ng iba at nagsimulang hamak-hamakin ang mga kapananampalatayang Gentil. Kinailangan na siya’y sawayin ni apostol Pablo, ginamitan siya ng pinakamatitinding salita upang tulungan siya na higit pang maiwasto ang kaniyang kaisipan!—Galacia 2:11-14.
Katulad din naman ngayon, baka ang isang Kristiyano ay lumaki sa isang lugar na doo’y may pagtatangi-tangi ng lahi. Pagkatapos na mapasakatotohanan, sa kaniyang kaisipan ay maaaring siya’y naniniwala na ang Diyos ay hindi nagtatangi ngunit baka siya’y mayroon pa ring nadaramang pagtatangi ng lahi. Bagaman hindi naman siya namumuhi sa mga ibang lahi, baka kaniyang kusang ipinagpapalagay na sila’y may di-kanais-nais na mga ugali na kanilang namana sa kanilang lahi. Baka subukin niya ang kanilang pagkamatiisin sa pamamagitan ng mga pagbibiro may kaugnayan sa lahi o pagsasalita ng mga bagay na ang palaging itinatawag-pansin ay lahi, o pagkakaiba-iba dahil sa lahi. Baka tanggihan pa man din niya ang espirituwal na payo na nanggagaling sa isang kapuwa Kristiyano na, dahilan sa hindi naman gaanong nakapag-aral o may mababang katayuan sa lipunan, ay hindi makapagpahayag ng kaniyang sarili sa isang tiyakang paraan. Maliwanag, kakailanganin ang tunay na pagsisikap upang ang gayong tao ay maiwasto ang kaniyang kaisipan kasuwato ng kaisipan ni Jehova!a
Ngunit ang isyu man ay pagtatangi ng lahi, materyalismo, pagkasangkot sa mga gawaing panlipunan sa paaralan at trabaho, o ang pangangailangan na dumalo sa mga pulong Kristiyano, kailangang tumugon sa patnubay na inilaan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at ng kaniyang organisasyon. Huwag nating isipin na ang makatuwirang payo ng Kasulatan ay hindi kumakapit sa atin at sa gayo’y ating ipinagwawalang-bahala. Alalahanin na sinabi ng di-tapat na mga Israelita: “Ang daan ni Jehova ay hindi wasto at matuwid.” Hindi baga tayo ang kailangang iwasto upang makalakad sa mga daan ni Jehova?—Ezekiel 18:25.
Tayo’y nagagalak na si Jehova’y totoong interesado sa paraan ng ating paglakad sa harap niya, naglalaan siya ng patuluyang pagtutuwid para sa kaniyang bayan. Iyon ay gaya ng inihula ni Isaias: “At ang inyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan,’ pagka kayo’y pumipihit sa kanan o pagka kayo’y pumipihit sa kaliwa.” Harinawang tayo, sa ganang atin, ay maging palaisip sa ganiyang maibiging patnubay buhat kay Jehova at maging “handang sumunod.” (Isaias 30:21; Santiago 3:17) Oo, tayo’y patuloy sana na mapawasto upang ang ating nilalakarang landas ay umakay sa atin sa ating tunguhin na pagkakamit ng walang-hanggang biyaya ng Diyos!
[Talababa]
a Tingnan ang mga artikulo tungkol sa pagtatangi na nalathala sa Nobyembre 8, 1984, na labas ng ating kasamang magasing, Gumising! Tingnan din ang Mayo 15, 1988, Bantayan, pahina 10-20.