-
Ang Bansang May KagalakanAng Bantayan—1991 | Enero 1
-
-
Ang Bansang May Kagalakan
ANG bansang may kagalakan! Ang ganito bang pangungusap ay nababagay sa anumang bansa ng sangkatauhan sa ngayon? May kagalakang masasabi ba ng anumang bansa na kaniyang napawi na ang karahasan, krimen, karalitaan, polusyon, mga sakit na lumilikha ng kapansanan, pulitikal na katiwalian, relihiyosong mga pagkakapootan? Mayroon bang anumang bansa na makapagbibigay ng tunay na pag-asa na marating ang ganiyang mga tunguhin? Malayung-malayo!
Kumusta naman ang pangglobong tanawin? Si Mikhail Gorbachev, pangulo ng U.S.S.R., ay nagsabi noong nakaraang Hulyo 16: “Tayo’y umaalis na sa isang yugto ng panahon sa internasyonal na relasyon, at pumapasok sa isa pa, isang yugto, sa palagay ko, ng matibay, mahabang panahon ng kapayapaan.” Gayunman, ang magasing Time na may gayunding petsa ay nag-ulat na nakatutok pa rin sa Moscow ang 120 nuclear warheads ng Estados Unidos, at kahit na isa lamang nito ay lubusang magwawasak sa siyudad na iyan. At walang alinlangan na ang mga Sobyet ay handa ring tumugon sa paraang iyan. Ngayong kung ilang miyembro na ng Nagkakaisang mga Bansa ang may kaalaman kung papaano lilikha ng mga armas nuklear, may bahagya lamang kagalakan kung pag-iisipan mo kung sino ang unang matutuwa na kumalabit ng gatilyo.
Isang Bansang May Tunay na Kagalakan
Minsan sa kasaysayan—mga 3,500 taon na ngayon ang nakalipas—nagkaroon ng isang bansang may tunay na kagalakan. Iyon ay ang sinaunang Israel. Nang palayain ng Diyos ang bayang iyan buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, sila’y nakisama kay Moises sa isang masayang awit ng tagumpay, at sila’y nagpatuloy na magalak habang sila’y sumusunod sa kanilang Diyos at Tagapagligtas.—Exodo 15:1-21; Deuteronomio 28:1, 2, 15, 47.
Sa ilalim ng pamamahala ni Solomon “ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan at nag-iinuman at nagkakatuwaan.” Iyon ay isang panahon ng malaking pagsasaya, na umabot sa tugatog sa pagtatayo ng marahil ang pinakamaningning na gusali sa buong kasaysayan, ang templo ukol sa pagsamba kay Jehova sa Jerusalem.—1 Hari 4:20; 6:11-14.
Ang Modernong-Panahong Bansa na May Kagalakan
Ang sinaunang Israel ay lumarawan sa isang modernong bansa. Alin? Ang makapulitikang Israel ba ng Gitnang Silangan? Ang mga iniuulat na balita ay nagpapakita na ang nagpupunyaging bansang iyan ay walang bahagya mang kagalakan. Ang di-umano’y Nagkakaisang mga Bansa (UN) ba ay nagdala ng tunay na kagalakan sa kaniyang mga miyembrong estado? Hindi, ang tunay na kagalakan ay hindi masusumpungan saanman sa gitna ng kasalukuyang namumulitikang mga bansa. Ang kasakiman, katiwalian, at pandaraya ang sagana, at sa maraming lupain ang karaniwang mga mamamayan ay malungkot na nakikipagpunyagi upang mabuhay.—Kawikaan 28:15; 29:2.
Gayunman, mayroon ngayon na isang kapuna-punang bansa na lubusang nagagalak. Ito ay hindi makapulitika, sapagkat ang Ulo nito, si Kristo Jesus, ay nagsabi tungkol sa mga mamamayan nito: “Kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Samantalang ang Nagkakaisang mga Bansa ay nagkakaisa lamang sa pangalan, ang may-kagalakang bansa ay kumukuha ng umiibig-sa-kapayapaang mga tagatangkilik “buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apocalipsis 7:4, 9) Ngayon ay may bilang ito na mahigit na apat na milyon na, kung kaya’t ang populasyon nito ay mas malaki kaysa mga 60 ng 159 miyembrong bansa ng UN. Ang katutubong wika ng apat na milyong kataong ito ay umaabot sa bilang na humigit-kumulang 200; gayunman lahat sila ay nagkakaisa sa pagsasalita ng isang “dalisay na wika.”—Zefanias 3:9.
Hindi ba nakapagtataka na ang napakaraming iba’t ibang kultura ay magsasalita ng isang karaniwang wika? Hindi naman, sapagkat saklaw nitong kaisa-isang bumubuklod na wikang ito ang mensahe ng hahaliling Kaharian ng Diyos ng katuwiran. Ang may kagalakang bansang ito ay nanggagaling “sa kadulu-duluhan ng lupa” at kilala sa buong daigdig bilang ‘mga Saksi ni Jehova.’ (Isaias 43:5-7, 10; Zacarias 8:23) Halos sa lahat ng dakong marating mo sa ibabaw ng mundong ito, masusumpungan mo sila.
Sa Isaias 2:2-4, may inilalarawan ang propeta ng Diyos na isang pulutong na nanggagaling sa lahat ng bansa, na nagsasabi: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan ng kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” Taglay ang buong sigasig, ang mga ito’y nag-aanyaya sa iba na paturo kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, upang kanilang matutuhan na gawin ang kaniyang kalooban. Ang kaisa-isang bansang ito ay sumusunod sa landas ng tunay na kapayapaan, palibhasa’y ang mga mamamayan nito ay pinanday na ang kanilang ‘mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit, at sila’y hindi na nangag-aaral pa man ng pakikidigma.’ Tunay na isang bansang may kagalakan nga!
Ikaw man ay maaaring makibahagi sa kagalakang ito. Malalaman mo ang tungkol sa mabilis-na-dumarating na araw na aalisin ng Hari, si Kristo Jesus, ang nagpapahamak ng mga tao at mga pamahalaan at isasauli ang Paraiso dito sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Kahit na ngayon, bilang isang tunay na nagkakaisang bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay may malaking kagalakan sa kanilang gawaing paghahanda para sa maluwalhating panahong iyan ng tunay na kapayapaan, gaya ng ipakikita ng sumusunod na mga pahina.
-
-
Isang Pangglobong KagalakanAng Bantayan—1991 | Enero 1
-
-
Isang Pangglobong Kagalakan
“NARITO! Ang aking mga lingkod ay masayang magsisiawit dahilan sa kagalakan ng puso.” (Isaias 65:14) Ganiyan ang sabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, at anong ningning na natutupad ang kaniyang mga salita sa gitna ng mga Saksi ni Jehova! Saan nanggagaling ang kagalakan ng kanilang puso? Sa kanilang nagkakaisang pagsamba sa Diyos na Jehova. Siya “ang maligayang Diyos,” at yaong mga sumasamba sa kaniya ay “may kagalakan kay Jehova.” (1 Timoteo 1:11; Zacarias 10:7) Ang may kagalakang debosyong ito ang nagbubuklod sa kanila upang maging isang bansa samantalang sama-samang ipinangangaral nila ang mabuting balita ng Kaharian at nagbabangon ng isang buong-globong sigaw ng pagpuri sa kanilang Diyos.—Apocalipsis 7:9, 10.
“Isang Kagalakan na Hindi Maaalis Ninuman”
Oo, ang paglalathala sa pangalan at Kaharian ng Diyos ay pinagmumulan ng patuluyang kagalakan sa mga Saksi ni Jehova. (Marcos 13:10) Sila’y tumutugon sa mga salita ng salmista: “Ipagmalaki ninyo ang kaniyang banal na pangalan. Mangagalak ang puso nila na nagsisihanap kay Jehova.”—Awit 105:3.
Malimit, kanilang nadadaig ang mga hadlang sa paggawa ng ganito. Sa Espanya, si Isidro ay nag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova, at ibig niyang makipag-usap sa iba tungkol sa Kaniya. Ngunit siya’y isang tsuper ng trak na kaunti lamang ang kaniyang libreng panahon, nagbibiyahe nang malayo sa buong magdamag at natutulog kung araw. Nais ni Isidro na makapagpatotoo sa mga ibang tsuper ng trak, at papaano nga niya magagawa ito?
Sa kaniyang trak ay nagkabit siya ng isang CB (citizens band) radio na magagamit niya upang kausapin ang ibang mga tsuper. Hindi nagtagal at nakadiskubre siya ng isang bahagyang-nagagamit na channel 13, at minabuti niyang samantalahin iyon. Mangyari pa, nang unang imungkahi niya sa mga ibang tsuper ng trak na talakayin nila ang Bibliya sa CB radio, ang tugon ay totoong negatibo. Ngunit may ilang nakinig. Kumalat ang balita, at parami nang parami sa mga tsuper na Kastilang iyon ang nakikinig na sa channel 13. Kamakailan, nabalitaan ni Isidro na isa na ang gumagawa ng hakbang upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya.
Sa Italya isang tao ang nakabalita tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang pakikipag-usap niya nang siya’y nasa bus. Nakilala sila ng kaniyang maybahay sa pamamagitan ng isang kaibigan. Kapuwa sila nag-aral ng Bibliya at nanabik na ang kanilang natutuhan ay ibahagi sa iba. Ganiyan na lamang ang kanilang kasabikan kung kaya’t tinanggihan ng lalaki ang isang promosyon sa kaniyang kompanya at ang kaniyang maybahay ay nagbitiw na sa isang trabahong malaki ang sahod upang sila’y makagugol ng higit na panahon sa pagdadala sa iba ng mabuting balita ng Kaharian. Sulit ba iyon? Oo, ganito ang sabi ng lalaki: “Magbuhat nang malaman namin ang katotohanan, kaming mag-asawa ay nagkaroon na ng kagalakan ng pagtulong sa 20 katao upang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa layunin ng Diyos. Pagsapit ng gabi, at ako’y makauwi na ng tahanan pagkaraan ng maghapong paglilingkod kay Jehova, ako’y nakadarama ng pagkapagod, totoo iyan. Pero ako’y maligaya, at napasasalamat ako kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng isang kagalakan na hindi maaalis ninuman.”
“Sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa”
Yaong mga nasa bansa ng Diyos na may kagalakan ay makikitaan ng isang nahahawig na sigasig saanman sila naroroon, maging sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Kakaunting mga lugar ang malayo pa kaysa hilagang Greenland. Subalit, kahit na roon, 320 kilometro sa gawing hilaga ng Arctic Circle, ay matatagpuan ang munting kongregasyon ng Ilulissat, binubuo ng 19 katao. Sila’y nangangaral ng gayunding mabuting balita na gaya niyaong ipinangangaral ng mag-asawang Italyano, at sila’y tuwang-tuwa noong nakaraang taon nang makitang pitong taga-Greenland ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.
Libu-libong milya ang layo sa Greenland, sa subtropikong isla ng Mauritius sa Indian Ocean, may gayunding kagalakan si Anjinee. Noong una ay mahirap ang mga bagay-bagay para kay Anjinee. Sa Mauritius ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pangmadlang pangangaral tungkol sa Diyos ay hindi itinuturing na nababagay gawin ng isang babaing walang asawa na Hindu Indian. Ngunit si Anjinee ay nagtiyaga. Ngayon, siyam na taon pagkatapos na siya’y magpasimula sa landasing Kristiyano, ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak ay nag-aaral na rin ng Bibliya.
May kaugnayan kay Anjinee dapat ding banggitin si Emilio, sa kabilang panig ng daigdig, sa Honduras. Narinig ni Emilio ang kaniyang mga kamanggagawa na nag-uusap tungkol sa Bibliya sa trabaho at hiniling niya na siya’y isali nila. Hindi siya makabasa ngunit nakinig siya nang may kaluguran nang binabasa ang mga teksto sa Bibliya. Samantalang tumitimo sa kaniyang puso ang katotohanang Kristiyano, iniwan ni Emilio ang kaniyang imoral na istilo ng pamumuhay at huminto ng labis na pag-inom. Ang mga Saksi ni Jehova ang nagturo sa kaniya na bumasa at sumulat, at ngayon siya ay isang ministro sa nagagalak na bansa ng Diyos.
Libu-libong milya sa gawing hilagang-kanluran ng Honduras, isang inang Eskimo sa Alaska ang natuto ng gayunding katotohanang Kristiyano. Ang ginang na ito ay doon nakatira sa isang napakailang na nayon, at ang kaniyang tanging pakikipagtalastasan sa mga Saksi ni Jehova ay sa pamamagitan ng koreo. Kaya’t siya’y nag-aral sa pamamagitan ng koreo, nagtanong ng kaniyang mga katanungan sa pamamagitan ng koreo, at ngayon ay masigasig na ibinabahagi sa kaniyang mga kapitbahay ang kaniyang natutuhan. Mga halimbawang katulad ng mga ito ang napakarami na halos walang katapusan. Sa buong mundo, mga taong maaamo ang pumaparito upang “maglingkod kay Jehova nang may kagalakan.”—Awit 100:2.
“May Pag-ibig sa Isa’t Isa”
Ang isang bagay na umaakit sa lahat ng mga taong ito ay ang pag-ibig na umiiral sa gitna ng may kagalakang bayan ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig Kristiyano ay nakikita sa araw-araw na pamumuhay ng tunay na mga Kristiyanong ito, at lalo na kung panahon ng sakuna.
Sa isang lupain sa Aprika na kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay, nagkataon naman, ipinagbawal, nagkaroon ng matinding tagtuyot. Sampung libong katao ang nangamatay, at buu-buong kawan ng mga baka ang nangalipol. Papaano nakaligtas sa gutom ang mga Saksi? Ang kinain nila ay mga ugat ng mga halaman at nilutong mga buto ng abokado! Ngunit biglang naginhawahan sila nang, sa tulong ng Diyos, may mga Saksi sa mga ibang bansa na sa di-inaasahan nakakuha ng permiso na magpadala ng 25 toneladang panustos-buhay. Tunay, sa kabila ng pagbabawal, ang mga paglalaang ito ay binigyan ng proteksiyon ng militar upang masiguro na ligtas na maihahatid sa kinauukulan!
Tunay, ang mga Saksing iyon sa Aprika ay labis na nagalak na tanggapin ang katunayan ng pag-ibig sa kanila ng kanilang mga kapatid samantalang kanilang nararanasan ang katuparan ng mga salita ni Isaias: “Narito! ang kamay ni Jehova ay hindi umigsi na anupa’t hindi makapagligtas, ni hindi man nanghina ang kaniyang pakinig na anupa’t hindi makarinig.”—Isaias 59:1.
Isang Mapayapang Bayan
Ang maaamong mga tao ay naaakit din sa maligayang bansa ng Diyos sapagkat ang mga mamamayan nito ay nagsialis na sa mahilig-digmaang mga lakad ng sanlibutang ito at ‘pinanday na ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isaias 2:4) Sa El Salvador, ang bahay ng isang dating kaanib sa hukbo ay punô ng nakamit niyang mga bagay na nagpapagunita ng kaniyang karerang militar. Ngunit nang siya’y magsimulang mag-aral ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, mapayapang mga kapakanan ang kaniyang pinaunlad. Sa wakas, sa kaniyang bahay ay inalis niya ang lahat ng bagay na may kinalaman sa digmaan at buong-sigasig na nakibahagi na siya sa gawaing pangangaral.
Nang ang kaniyang bayan ay sumailalim ng mga puwersang laban sa gobyerno, siya’y ibinilanggo—marahil may nagnguso sa mga autoridad na siya’y isang dating kaanib sa hukbo. Gayunman, kaniyang ipinaliwanag na hindi na siya isang kawal kundi isa sa mga Saksi ni Jehova. Inakusahan siya ng mga subersibo na siya’y may mga armas sa kaniyang bahay, ngunit wala namang nakita nang ito’y halughugin. Pagkatapos ang hepe ng mga subersibo ay nagtanong sa mga kapitbahay tungkol sa kaniya. Ang karaniwang sinasabi nila ay: “Paroo’t parito siya sa kalye sa pangangaral ng tungkol sa Bibliya araw-araw.” Ang taong iyon ay pinakawalan. Walang-duda, ang kaniyang sigasig ang nagligtas ng kaniyang buhay.
Isang ulat buhat sa isang bansa sa Aprika ang nagsasabi tungkol sa dalawang sundalo na nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang isa’y nagsisilbi sa hukbo ng gobyerno, ang isa naman ay nasa panig ng mga rebelde. Sa wakas, kapuwa sila nagpasiya na “pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod” at nagbitiw sa hukbo. Nang sila’y dumalo sa mga pulong Kristiyano sa unang pagkakataon, ang sundalong laban sa gobyerno ay nagtanong sa isa: “Ano ang kailangan mo rito?” Siya’y tumugon: “At ikaw, ano rin ang kailangan mo rito?” “Pagkatapos,” nagtapos ang ulat, “sila’y nagyakapan, samantalang tumutulo ang mga luha ng kagalakan sapagkat maaari nang sila’y magsama sa kapayapaan.” Ang dating mga sundalong ito ay tiyak na kapuwa nanalangin sa Diyos: “Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Diyos ang Diyos ng aking kaligtasan, na anupa’t ang aking dila ay umawit nang may kagalakan tungkol sa iyong katuwiran.”—Awit 51:14.
“Iyong Nakita ang Aking Kadalamhatian”
“Ako’y matutuwa at magagalak sa iyong kagandahang-loob, sapagkat iyong nakita ang aking kadalamhatian; iyong nakilala ang tungkol sa mga paghihirap ng aking kaluluwa.” (Awit 31:7) Ganiyan ang panalangin ng salmista, at marami sa ngayon ang nagagalak sapagkat tinutulungan sila ng Salita ng Diyos na manaig sa kanilang mga kadalamhatian. Sa Pransiya isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng isang pakikipag-aral sa isang babae na may sakit na schizophrenia. Ang babaing ito ay mga ilang panahon na ring nagpapagamot sa isang sikayatrista ngunit ito’y hindi nakatulong sa kaniya. Nang linggo pagkatapos na siya’y magsimula ng kaniyang pakikipag-aral, ang tanong ng sikayatrista: “Talaga bang naiintindihan mo ang ipinaliliwanag sa iyo ng babaing ito buhat sa Bibliya?” Kaya nang sumunod na linggo, ang Saksi ay naparoon sa kaniyang tanggapan at sa kaniyang harapan ay inaralan sa Bibliya ang babae.
Pagkatapos ng pag-aaral, sinabi ng sikayatrista sa Saksi: “Sa lumipas na mga taon ako’y nagkaroon ng interes sa mga relihiyon ng aking pasyente, pero napansin ko na walang naialok na tunay na lunas ang anumang relihiyon. Ngunit, sa kaso ninyo ay naiiba. Si Mrs. P—— ay kumukunsulta makalawang beses isang linggo, at siya’y nagbabayad para roon. Subalit, sa pamamagitan ng inyong pagtuturo ng Bibliya at ng mabuting pagpapayo, mas magaling na gawain ang ginagawa ninyo nang libre. Mahusay ang kaniyang pagsulong. Magpatuloy kayo, at tinitiyak ko sa inyo ang aking lubos na pakikipagtulungan kailanma’t kakailanganin ninyo.”
Ang Bibliya’y nagsasabi: “Maligaya ang bayan na nakaaalam ng masayang awitan. Sila’y patuloy na nagsisilakad, Oh Jehova, sa liwanag ng iyong mukha. Sa iyong pangalan ay nagagalak sila buong araw.” (Awit 89:15, 16) Alam ng bawat Saksi ni Jehova na ang awit na ito ay totoo. Buhat sa kanilang mga bibig ay nanggagaling ang isang pangglobong pagsigaw ng kagalakan sa ikapupuri ni Jehova. Parami nang parami ang humuhugos galing sa mga bansa upang purihin ang Diyos kasama nila. Bakit hindi makisama sa kanila at malasap din ang kagalakang iyon para sa inyong sarili?
-