Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Pista Opisyal
1 Bagaman marami sa mga kostumbre sa Pasko at Bagong Taon ay may paganong pinagmulan, mahigit sa isang bilyong nag-aangking Kristiyano ang nagdiriwang ng mga ito taun-taon. Papaano natin maaabot ang puso ng mga ito sa mabuting balita sa panahon ng mga pista opisyal?
2 Maging Makonsiderasyon at Magalang: Ang mga matanda ay gumagawa ng pantanging kaayusan para sa pagpapatotoo sa mga pista opisyal, lalo na sa Disyembre 25 at Enero 1. Sa paggawa ng ating ministeryo, malamang na may masumpungan tayong mga taong abala dahil sa mga bisita at paghahanda ng pagkain. Bilang konsiderasyon, maaari nating gawing maikli at tuwiran sa punto ang ating mga komento. Ito’y maaaring magbukas ng daan para sa higit na pagpapatotoo sa hinaharap.
3 Hindi tayo nakikibahagi sa makasanlibutang relihiyosong mga pagdiriwang, at hindi tayo gumagamit ng mga pagbating pangkaraniwan sa mga pista opisyal. Hindi kinakailangang gawing isyu ang bagay na ito, kundi karaniwa’y sapat na basta pasalamatan natin ang maybahay dahil sa kaniyang mabuting hangarin. Kung may mag-uusisa hinggil sa ating paniniwala, masisiguro natin sa kanila na may paggalang tayo kay Kristo Jesus, yamang ito ang hinihiling sa mga gumagalang sa Diyos. (Juan 5:23) Kung nais ng iba ang higit na impormasyon sa panahong iyon o sa ibang pagkakataon, maaari nating ibahagi sa kanila ang materyal sa aklat na Nangangatuwiran sa mga pahinang 111-13 at 115 (176-8 at 180 sa Ingles).
4 Mga Pambungad: Maaari nating masumpungan na ang mga tao ay mas mahilig makipag-usap hinggil sa Diyos sa panahong ito ng taon. Maaari nating samantalahin ito sa ating pambungad. Halimbawa, maaari nating sabihin: “Sa panahon ng Pasko, madalas natin naririnig ang pag-asa na magkaroon ng kapayapaan sa lupa at kabutihang loob sa mga tao. Sa palagay kaya ninyo magdadala ang Diyos ng kapayapaan sa panahon natin?” Pagkatapos ay maaari nating ipakita na si Jesu-Kristo ay ang inihulang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa. 9:6, 7) Bilang hinirang na Pinuno sa pamahalaan ng Diyos, malapit nang kikilos si Kristo upang magdala ng namamalaging kapayapaan sa lupa.—Dan. 2:44; Apoc. 21:3-5.
5 Bagaman ang karamihan ng mga tao ay walang interes sa pabalita ng Kaharian at nagsasaya na lamang sa kanilang huwad na relihiyosong mga pagdiriwang, tiyak na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na hanapin ang mga naghahangad ng katotohanan at aakayin sila sa kaniyang organisasyon.—Juan 4:23, 24.