Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/15 p. 25-28
  • Pagpapahiram ng Salapi sa mga Kapuwa Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapahiram ng Salapi sa mga Kapuwa Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtaya sa Magagastos Kung Uutang
  • ‘Pagsasalita ng Katotohanan’ sa mga Nagpapautang
  • Pagkakapit ng Ginintuang Alituntunin sa Negosyo
  • Maingat na mga Nagpapautang
  • Kabiguan
  • Dapat ba Akong Mangutang sa Aking Kapatid?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Pagpapahiram at Paghiram ng Salapi sa Pagitan ng Magkaibigan
    Gumising!—1999
  • Pautang
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/15 p. 25-28

Pagpapahiram ng Salapi sa mga Kapuwa Kristiyano

SINA Pedro at Carlos ay mabuting magkaibigan.a Sila’y kapuwa mga Kristiyano, at ang kani-kanilang mga pamilya ay kalimitang nagtatamasa ng kasiyahan sa mainit na pakikisalamuha sa isa’t isa. Kaya kapag nangangailangan si Carlos ng kaunting salapi para sa kaniyang negosyo, si Pedro ay hindi nag-aatubili na alukin siya na pahiramin ng pera. “Yamang kami’y mabuting magkaibigan,” ang sabi ni Pedro, “Bale wala iyon sa akin.”

Subalit, nakalipas lamang ang dalawang buwan, ang negosyo ni Carlos ay bumagsak, at huminto ang pagbabayaran ng inutang. Napag-alaman ni Pedro sa laki ng kaniyang ipinagtaka na ginamit ni Carlos ang karamihan ng salapi na kaniyang inutang upang ibayad sa mga pagkakautang na walang kinalaman sa kaniyang negosyo at upang itustos sa isang de-luhong istilo ng pamumuhay. Ang bagay na iyan ay hindi nalutas sa ikasisiya ni Pedro kahit na pagkatapos ng isang taon na mga pagdalaw at mga pagliham. Sa laki ng kaniyang kabiguan, si Pedro ay lumapit sa mga autoridad at kaniyang ipinabilanggo si Carlos​—​ang kaniyang kaibigan at kapatid na Kristiyano.b Ito ba ay isang nararapat na hakbangin? Tingnan natin.

Ang di-pagkakasundo at di-pagkakaunawaan tungkol sa mga salaping inutang ay kadalasang sanhi ng pagkasira ng mga pagkakaibigan sa buong daigdig. Kung minsan baka ito ang maging dahilan pa rin ng alitan sa gitna ng kapuwa mga Kristiyano. Sa maraming bansa ang pag-utang sa bangko ay may kahirapan, kaya naman ang karaniwang nilalapitan ng mga taong nangangailangan ng kapital ay ang mga kaibigan at mga kamag-anak. Gayumpaman, ang malungkot na karanasan nina Pedro at Carlos, ay nagpapakita na malibang maingat na sundin ang mga simulain ng Bibliya ng kapuwa mangungutang at ng nagpapautang, baka may bumangong malulubhang suliranin. Kung gayon, ano ba ang nararapat na paraan ng pagtatakip sa isang kahilingan na makautang sa isang kapuwa Kristiyano?

Pagtaya sa Magagastos Kung Uutang

Hindi sang-ayon ang Bibliya sa pag-utang kung hindi naman kinakailangan. “Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban sa mangag-ibigan kayo,” ang payo ni apostol Pablo. (Roma 13:8) Kaya bago ka mangutang, tayahin mo ang magugugol sa paggawa ng gayon. (Ihambing ang Lucas 14:28.) Talaga bang may pangangailangan na mangutang? Iyon ba ay may kinalaman sa inyong ikabubuhay upang matustusan ang inyong pamilya? (1 Timoteo 5:8) O iyon ba ay may kasangkot na kasakiman​—baka ang paghahangad na makapamuhay nang mas maluho?​—1 Timoteo 6:9, 10.

Ang isa pang mahalagang dapat isaalang-alang ay kung dahil sa pagkakautang ikaw ay mapipilitang magtrabaho ng karagdagang oras at marahil mapabayaan ang mga pagpupulong at paglilingkod sa larangan. At, talaga bang magagawa mo na ilagay sa panganib ang salapi ng iba? Ano kung ang negosyo na ipupundar mo ay bumagsak? Tandaan, “ang balakyot ay nangungutang at hindi nagbabayad.”​—Awit 37:21.

‘Pagsasalita ng Katotohanan’ sa mga Nagpapautang

Pagkatapos na isaalang-alang ang gayong mga bagay, baka inaakala mo pa rin na kailangan ang mangutang ng kapital para sa iyong negosyo. Kung hindi makautang sa labas, hindi naman masama na lumapit sa isang kapuwa Kristiyano, sapagkat karaniwan na ang lumapit sa mga kaibigan kung panahon ng pangangailangan, gaya nang binanggit ni Jesus sa Lucas 11:5. Gayunman dapat sikapin ng isa na “magsalita ng katotohanan.” (Efeso 4:25) May katapatang ipaliwanag ang lahat ng dapat malaman​—kasali na ang mga panganib, maging yaon mang mahirap mangyari. At huwag mong ipagdaramdam kung sakaling ang hinihiraman mo ay nagtatanong ng maraming matatalim na katanungan upang kaniyang masiguro na siya’y may wastong larawan ng mga bagay na kasangkot.c

Pagsasalita ba ng katotohanan na mangutang alang-alang sa isang kadahilanan at pagkatapos ay gamitin ang salaping inutang para sa ibang bagay? Hindi. Isang bangkero sa Latin Amerika ang may sabi: “Ang iyong pagkakautang ay kakanselahin ng bangko, at kung hindi mo babayaran agad ang iyong pagkakautang, sila’y kukuha ng utos sa hukuman na ilitin ang iyong mga ari-arian.” Kung nangungutang ng salapi sa pag-asang daragdagan pa niyaon ang kita ng isang negosyo, ang paggamit niyaon para sa ibang layunin ay waring nag-aalis sa nagpapautang ng kasiguruhan na muling mababayaran ang inutang. Totoo, marahil ay hindi ka mangangamba na ikaw ay ihahabla pagka nangutang ka sa isang kapuwa Kristiyano. Gayunman, “ang mangungutang ay alipin ng taong nagpapautang,” at ikaw ay obligado na maging matapat sa kaniya.​—Kawikaan 22:7.

Pagkakapit ng Ginintuang Alituntunin sa Negosyo

Sinabi ni Jesus: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Anong pagkahala-halaga nga na ang alituntuning ito ay pairalin pagka tayo ay lumapit sa isang kapananampalataya para sa isang bagay! Halimbawa, papaano ka ba maaapektuhan kung hindi pinaunlakan ng isang kapatid ang iyong pag-utang? Iisipin mo ba na ikaw ay kaniyang pinagtaksilan bilang isang kaibigan? O igagalang mo ang kaniyang karapatan na tanggihan ang iyong molestiya, sa pagkaalam na marahil ay kakailanganin din niya ang kaniyang salapi para sa ibang bagay o baka pag-isipan niya ang mga panganib na lalong malubha kaysa inaakala mo? Baka taimtim na pinagdududahan niya ang iyong kakayahan na gastahin sa mabuting paraan ang salaping iyon. Kung gayon, ang kaniyang pagtanggi ay masasabing kapuwa praktikal at mapagmahal.​—Kawikaan 27:6.

Kung sakaling pumayag ang isang kaibigan na magpautang sa iyo nang kaunting pera, ang mga detalye ay dapat na isulat, kasali na ang halaga na inutang, saan gagamitin ang salapi, anong ari-arian ang magsisilbing seguridad para sa utang, at kung papaano at kailan iyon babayaran. Sa mga ilang kaso na isa pa ngang kapantasan ang sumulat ng isang kontrata o ipakita iyon sa isang abogado at ipanotaryo. Pagkatapos, minsang napirmahan na ang kasunduan, “hayaang ang iyong Oo ay maging Oo, ang iyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Huwag mong pagsamantalahan ang kabutihan ng iyong kaibigan sa pamamagitan ng hindi mo pagtupad sa iyong obligasyon sa kaniya gaya ng kung sa isang bangko ka nangutang.

Maingat na mga Nagpapautang

Ano kung sakaling ikaw ay nilapitan para utangan? Malaki ang nakasalalay sa mga kalagayang kasangkot. Halimbawa, ang isang kapatid na Kristiyano, bagaman hindi niya kasalanan, ay baka mahulog sa paghihikahos sa pananalapi. Kung mayroon kang magagawa na tulungan siya, ang pag-ibig Kristiyano ang mag-uudyok sa iyo na ‘ibigay sa kaniya ang mga kinakailangan ng kaniyang katawan.’​—Santiago 2:15, 16.

Anong saklap na pagsamantalahan ang isang kapatid na nasa kagipitan sa pamamagitan ng pagpapatubo kung siya’y nasa ganiyang kalagayan! Ipinayo ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at gawan sila ng kabutihan at magpautang nang walang tubo, na hindi umaasa ng kagantihan.”​—Lucas 6:35; ihambing ang Levitico 25:35-38.

Kumusta naman, kung ikaw ay hinihilingan na mangapital sa isang negosyo o magpautang? Pangkaraniwan, ang pinakamagaling na paglahok sa ganiyang mga bagay ay bilang mga pinangangapitalan ng salapi. Maliwanag na ipinapayo ng Bibliya ang pag-iingat, na ang sabi: “Huwag kang maging isa sa kanila na nakikikamay, sa kanila na nananagot sa mga utang.”​—Kawikaan 22:26.

Kung ganiyan ang kaso, una muna’y tiyakin mo kung talagang kaya mo na mangapital. Ikaw kaya ay maghikahos sa pananalapi kung sakaling bumagsak ang negosyo o ang umutang ay hindi makabayad ng pagkakautang pagsapit ng panahon? Kung kaya mong magpautang at may tatanggaping mga tubo, ikaw man ay mayroon ding karapatan na makihati sa mga iyon sa pamamagitan ng pagtanggap ng makatuwirang interes para sa iyong ipinautang. (Ihambing ang Lucas 19:22, 23.) Ang Kawikaan 14:15 ay nagbababala: “Sinumang walang karanasan ay naniniwala sa bawa’t salita, ngunit pinag-iisipan ng taong maingat ang kaniyang mga hakbang.” Ang ibang normal na mautak na mga negosyante ay kumikilos nang padalus-dalos pagka nakikitungo tungkol sa negosyo sa mga kapuwa Kristiyano. Dahil sa pagkaakit sa matataas na interes ang iba ay naakit sa padalus-dalos na pangangapital na humantong sa pagkapariwara ng kanilang salapi at ng kanilang pakikipagkaibigan sa kanilang mga kapuwa Kristiyano.

Kawili-wiling isaalang-alang, na ang mga bangkero ay malimit na tatlong bagay ang isinasaalang-alang sa pagtaya kung gaano ang panganib ng isang pagkakautang: (1) ang ugali ng taong nangungutang, (2) ang kaniyang kakayahang magbayad, at (3) ang mga kalagayang umiiral sa kaniyang pinatatakbong negosyo. Hindi baga pagpapakita ng “praktikal na karunungan” na tayahin muna ang mga bagay-bagay pagka pinag-iisipan ang pagpapautang ng salaping pinaghirapan mo?​—Kawikaan 3:21.

Halimbawa, ano ba ang pagkakilala mo sa kapatid na nangungutang? Siya ba’y kilala bilang mapagkakatiwalaan at maaasahan o padalus-dalos at di-matatag? (Ihambing ang 1 Timoteo 3:7.) Kung ibig niyang palawakin pa ang kaniyang negosyo, naging matagumpay ba siya sa pagmamaneho nito hanggang sa puntong ito? (Lucas 16:10) Kung hindi, ang praktikal na pagtulong sa pagpapaandar ng kaniyang salapi ay baka lalong makatutulong sa bandang huli kaysa pagpapautang sa kaniya ng salapi na baka hindi siya marunong humawak.

Ang isa pang salik ay ang kakayahan ng kapatid na magbayad. Magkano ba ang kaniyang kinikita? Ano ang kaniyang mga pagkakautang? Makatuwiran lamang ang siya’y maging prangka ng pakikitungo sa iyo. Gayon pa man, ang pag-ibig Kristiyano ay kailangang umiral pa rin. Halimbawa, baka ibig mong magkaroon ng garantiya sa pagbabayad ng utang sa pamamagitan ng mga ari-arian ng kapatid na maaaring ibenta. Ibinabawal ng Kautusang Mosaiko ang pag-ilit sa kagamitang ginagamit ng isang tao sa paghahanap-buhay o sa kaniyang mahalagang ari-arian upang magsilbing seguridad sa isang pagkakautang. (Deuteronomio 24:6, 10-12) Sa gayon, isang kapatid sa Timog Amerika na isang negosyante ang may patakaran na magpautang ng kalahati lamang ng halaga ng mga ari-arian ng kapatid na maaaring ibenta. “At hindi ko itinuturing na ang mga kagamitan niya sa kaniyang hanap-buhay o ang kaniyang bahay ay isang ari-arian na maaaring ibenta,” ang sabi niya. “Tunay na hindi ko nais na pilitin ang aking kapatid na magpalabuy-laboy sa kalye pagkatapos na ilitin ko ang kaniyang bahay upang mabayaran ang pagkakautang niya sa akin.”

Sa wakas, dapat na makatotohanang isaalang-alang mo ang pangkalahatang kalagayan sa negosyo sa iyong kinatitirhang lugar. Tayo’y namumuhay sa “mga huling araw,” na ang mga tao ay “maibigin sa salapi, . . . mga lilo.” (2 Timoteo 3:1-4) Bagaman ang iyong kaibigan at kapatid ay mapagtapat marahil, ang kaniyang mga kasamá, empleyado, at mga kliyente ay baka hindi gayon. Bilang isang Kristiyano, hindi siya maaaring padala sa suhol at pagsisinungaling​—mga taktika na marahil ay gagamitin ng kaniyang mga kakompetensiya upang sila’y malagay sa bentaha. Dapat ding isaalang-alang ang mga pinsalang magagawa ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Ang halaga ng kalakal ay maaaring biglang bumaba. Ang di-makontrol na implasyon ay makapipinsala sa isang negosyo o mapapalis nito ang halaga ng iyong ipinautang. Ang pagnanakaw, aksidente, bandalismo, at mga kapinsalaan ay kabilang din sa di-kaaya-ayang mga katotohanan ng negosyo. Lahat ng mga aspektong ito ay kailangang isaalang-alang mo sa iyong pagpapasiya.

Kabiguan

Kung minsan, sa kabila ng lahat ng pag-iingat, talagang hindi mabayaran ng isang Kristiyano ang kaniyang pagkakautang. Ang Ginintuang Alituntunin ay dapat magpakilos sa kaniya na palagiang makipagtalastasan sa kaniyang pinagkakautangan. Maaaring sa loob ng sandaling panahon ay makagawa nang unti-unti lamang na pagbabayad. Gayunman, hindi dapat isipin ng isang Kristiyano na ang unti-unting mga pagbabayad ay nag-aalis sa kaniya ng paggawa ng tunay na pagsasakripisyo upang magampanan ang kaniyang mga obligasyon. (Awit 15:4) Ang isang pinagkakautangan na isang Kristiyano ay obligado rin na magpakita ng pag-ibig. Kung inaakala niyang siya’y dinaya, maikakapit niya ang payo sa Mateo 18:15-17.

Ang pagsasangkot sa makasanlibutang mga autoridad, gaya ng ginawa ni Pedro sa kasong nabanggit na sa pasimula, ay hindi nararapat. Ang sabi ni apostol Pablo: “Nangangahas baga ang sinuman sa inyo na may kaso laban sa iba na siya’y magsakdal sa harap ng mga taong liko, at hindi sa harap ng mga banal? . . . Totoo ba na sa inyo’y walang isa mang marunong na makahatol sa gitna ng kaniyang mga kapatid, kundi ang kapatid ay nagsasakdal sa kapatid, at iyan ay sa harap ng mga di-kapananampalataya? Tunay nga, kung gayon, na isang pagkukulang na kayu-kayo’y nagbabangon ng usapin sa hukuman laban sa isa’t isa. Bakit nga hindi ninyo tiisin na kayo’y maagrabyado? Bagkus, bakit hindi kayo pumayag na kayo ang madaya?”​—1 Corinto 6:1-7.

Mayroong mga ilang kalagayan​—tulad baga ng mga kasong kinasasangkutan ng di-sumasampalatayang mga magkakasosyo, makasanlibutang mga suplayer, o tungkol sa seguro​—​na waring nangangailangang lutasin sa hukuman ng sanlibutan o sa pamamagitan ng isang ahensiya ng gobyerno. Ngunit sa karamihan ng kaso, pipiliin pa ng isang Kristiyano na makaranas ng pagkalugi sa negosyo kaysa payagang ang kongregasyon ay malagay sa kahihiyan na resulta ng pagsasakdal sa isang kapatid dahil sa isang pagkakautang na di mabayaran.

Sa karamihan ng kaso ang gayong kahila-hilakbot na mga kinahinatnan ay maaaring maiwasan. Papaano? Bago magpautang o mangutang sa isang kapatid, maging palaisip tungkol sa isang potensiyal na panganib. Maging maingat at gumamit ng karunungan. Higit sa lahat, “lahat ng inyong ginagawa,” kasali na ang may kinalaman sa negosyo, “ay gawin ninyo nang may pag-ibig.”​—1 Corinto 16:14.

[Mga talababa]

a Ang mga pangalan ay binago.

b Sa mga ibang bansa ang pagkabangkarote at ang di-pagtupad sa pagbabayad ng utang ay karaniwan pa ring nagbubunga ng pagkabilanggo.

c Ang iba ay nangutang ng maliliit na halaga sa maraming mga nagpapautang. Ang bawa’t nagpapautang, palibhasa’y hindi alam ang lahat ng mga bagay na kasangkot, ay baka mag-isip na madali namang makababayad ang nangungutang.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share