-
Mga Kabataang—Kristiyano Magpakatibay sa PananampalatayaAng Bantayan—1991 | Hulyo 15
-
-
Mga Kabataang—Kristiyano Magpakatibay sa Pananampalataya
“KAILANGANG dumalo ang bawat isa.” Ganiyan ang patalastas. Lahat ng estudyante sa isang paaralang Hapones ay kailangang naroroon sa isang pangkalahatang asamblea sa auditorium. Isang kabataang estudyanteng Kristiyano ang hindi umaayon sa ilang mga kaisipan na ipinahahayag sa awit ng paaralan. “Bueno,” naisip niya, “alam ko na tutugtugin doon ang awit ng paaralan. Pero hindi naman problema ito para sa akin. Basta uupo ako sa likod gaya ng dati.”
Subalit, nang pumasok sa auditorium ang batang Saksi ni Jehova, kaniyang nakita na ang lahat ng mga guro ay pawang nangakaupo sa huling hanay na mga upuan. Kaya, siya’y naupo na lamang sa harap nila. Nang ang ibang estudyante ay magsitindig para sa pag-awit ng awitin ng paaralan, siya’y magalang na nanatiling nakaupo. Subalit ang mga guro ay nagalit nang makita ito. Kanilang tahasang pinilit siya na tumayo. Maguguniguni mo ba kung ikaw ang nasa gayong katayuan? Ano kaya ang gagawin mo?
Kung Bakit Kailangan ang Matibay na Pananampalataya
Mabuti sana kung ang mga Kristiyano’y hahayaan na lamang ng mga tao sa kanilang sarili at papayagan na mamuhay ayon sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya. Subalit, malimit na ang mga Kristiyano ay kailangang humarap sa maigting na mga kalagayan. Ito’y hindi naman katakataka, sapagkat ang sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nagsabi: “Kung ako’y pinag-usig nila, kayo man ay pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Bukod sa tahasang pag-uusig, ang mga lingkod ni Jehova ay nakaharap sa sarisaring pagsubok ng pananampalataya.
Ang mga kabataang Kristiyano kadalasan ang nangangailangan ng matibay na pananampalataya upang maharap ang mga pagsubok na dumarating sa kanila sa paaralan. Baka sila’y kailangang makisama sa mga kaklase na gumagamit ng mga salitang mahahalay o may mga saloobing lumalapastangan sa Diyos. Ang kabataang mga Kristiyano ay baka mapaharap sa tumitinding panggigipit ng nasyonalismo at ng pagkasangkot sa mga iba’t ibang samahan, sa pulitika sa paaralan, o sa iba pang mga gawain na makapipinsala sa espirituwal. Ang mga guro o mga kamag-aral ay baka gipitin ang mga kabataang Kristiyano na kumompromiso. Kung gayon, ang maka-Diyos na mga kabataan ay kailangang umasa sa espiritu ni Jehova ukol sa pananampalatayang kailangan upang magbigay ng malinaw na pagtatanggol ng kanilang pag-asa.—Mateo 10:19, 20; Galacia 5:22, 23.
‘Maging Handa na Magtanggol’
Ang payo ni apostol Pedro ay angkop sa kapuwa mga Kristiyanong kabataan at mga adulto. Sinabi niya: “Lagi kayong [maging] handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:15) Ano ba ang ibig sabihin ng maging handang gumawa ng gayong pagtatanggol? Una, kailangang maunawaan mo ang itinuturo ng Kasulatan. Upang makapanindigan sa paaralan sa mga bagay na gaya ng nasyonalismo, pulitika, pag-aabuso sa droga, o moral, kailangan munang maunawaan mo ang dahilan ng paninindigang Kristiyano at taimtim na maniwala ka roon.
Halimbawa, si apostol Pablo ay nagsabi sa mga kapuwa Kristiyano: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Sang-ayon ka ba riyan? Gaya ng ipinakita ni Pablo, madali na ang isa’y maligaw kung tungkol sa mga kasama. Maaaring ang isang tao ay sa tingin mukhang palakaibigan at nakalulugod naman. Ngunit kung wala siya ng katulad na pagkabahala na gaya mo sa paglilingkod kay Jehova o hindi naniniwala sa mga pangako ng Bibliya, siya ay isang masamang kasama. Bakit? Sapagkat ang kaniyang buhay ay salig sa naiibang mga simulain, at ang mga bagay na napakahalaga sa isang Kristiyano ay baka walang gaanong kabuluhan sa kaniya.
Ito ay hindi katakataka, sapagkat sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Imposible para sa isang tao na maging isang tunay na Kristiyano at kasabay nito ay maging bahagi ng sanlibutang ito, na ang diyos ay si Satanas. (2 Corinto 4:4) Nakikita mo ba kung papaanong ang gayong paghiwalay sa sanlibutan ay isang proteksiyon sa isang Kristiyano buhat sa kalikuan at alitan na dinaranas ng napakarami sa ngayon? Kung gayon, mauunawaan mo kung bakit ikaw ay kailangang manatiling hiwalay, kahit na kung ito’y nangangahulugan na ikaw ay hindi maaaring sumali sa ilang gawain ng paaralan.a
Ang kahalagahan ng pagiging matatag sa pananampalataya at paglalagay na una sa iyong buhay ng mga kapakanan ng Kaharian ay makikita sa naranasan ng isang dalagitang Kristiyano. (Mateo 6:33) Nang ipatalastas ang pagsasanay ukol sa graduwasyon, kaniyang napag-alaman na iyon ay nakaiskedyul na kasabay ng asambleang pansirkito ng mga Saksi ni Jehova na binalak niyang daluhan. Siya’y sumulat ng isang magalang na liham na nagpapaliwanag kung bakit hindi siya dadalo sa pagsasanay at ibinigay niya iyon sa kaniyang guro bago magsimula ang klase. Pagkatapos ng klase, siya’y tinawag ng guro upang magkausap sila nang sarilinan at sinabi sa kaniya na ipaliwanag muli kung bakit hindi siya makadadalo sa pagsasanay. Sabi ng dalagita: “Ibig niyang alamin kung gayundin ang aking mga salita. Ito ba ang aking damdamin, o ang mga salita ng aking ina ang taglay ng liham? Nang makita ang aking personal na paninindigan sa bagay na iyon, hindi niya ako sinalungat.”
“Lagi Kayong Handang Magtanggol sa Harap ng Sinuman”
Malimit na nakikita ng mga kabataang Kristiyano na kung kanilang nililiwanag sa mga guro at mga estudyante ang kanilang paninindigan bago pa man bumangon ang isang isyu, ang panggigipit ay hindi gaanong malubha pagka kinailangan na harapin ang mga suliranin. Isang kabataang Kristiyanong Hapones ang naglalahad na nang siya’y 11 taóng gulang, naging kahilingan ng paaralan na lahat ng estudyante ay dumalo sa isang Christmas party. Mga estudyante sa nakatataas na mga grado ang nanggipit sa kaniya upang sumali siya, ngunit siya’y hindi dumalo, at naunawaan ng kaniyang guro ang kaniyang paninindigan. Bakit? Sapagkat nang malapit nang magsimula ang pasukan, ang Saksi at ang kaniyang mga magulang ay lumapit sa guro at ipinaliwanag ang iba’t ibang bahagi ng kanilang paninindigan bilang Kristiyano.
Samantalang naglilingkod sa ministeryo sa larangan, may mga kabataang Kristiyano na natatakot makasalubong ng mga kaklase o mga guro. Ganiyan ka ba rin? Kung gayon, bakit hindi ikaw ang magkusa at ipaalam mo sa iyong mga kaklase na ikaw ay nangangaral sa bahay-bahay at ipaliwanag kung bakit mo ginagawa iyon. Isang 14-anyos na Saksi ni Jehova ang nag-ulat: “Alam ng bawat isa roon sa paaralan ang aking paninindigan bilang isang Kristiyano. Oo, alam na alam nila iyon na anupa’t kung makakasalubong ako ng isang kaklase samantalang gumaganap ng ministeryo, hindi ako nahihiya. Ang mga kamag-aral ay karaniwan nang nakikinig, at malimit na sila’y tumatanggap ng literatura sa Bibliya.” Isang 12-anyos ang nag-uulat na kaniya pa ngang inaasahan na mayroon siyang makakatagpong mga kaklase niya pagka siya’y nakikibahagi sa ministeryo. Sa halip na mahiya sa paggawa nito, siya’y palagiang nagsasanay sa kaniyang sasabihin pagka gayon ang nangyari. Samakatuwid, siya’y handang magbigay ng mabubuting dahilan ukol sa kaniyang pananampalataya.
Sa maraming paaralan, ang mga gawain pagkatapos ng klase ay ipinababahala sa estudyante. Subalit sa aktuwal, ang mga guro at mga estudyante ay totoong nanggigipit sa mga indibiduwal upang sumali sa gayong mga gawain. Isang 20-anyos na Kristiyano ang nakatuklas ng isang mabuting paraan upang mapagtagumpayan ang gayong panggigipit. Sabi niya: “Ako’y naglingkod bilang isang auxiliary pioneer sa buong panahon ng aking pag-aaral sa haiskul. Alam ng bawat isa na ako’y totoong abala sa aking relihiyosong gawain upang sumali sa iba pang mga bagay.” Ang nakababatang kapatid na babae ng Saksing ito ay sumunod din sa gayong lakad. Sa panahon ng pag-aaral ang ibang mga kabataang Kristiyano ay mula sa pag-aauxiliary pioneer tuluy-tuloy na sa regular na pagpapayunir bilang buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian pagkatapos nila ng pag-aaral.
Huwag kaliligtaan ang mabubuting bunga ng iyong mainam na paggawi at ng iyong may tibay-loob na pagpapatotoo. Imbes na magsawalang-kibo na lamang, bakit hindi ipakita na ikaw ay matatag sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasalitang magalang ngunit may lakas ng loob? Ganiyan ang ginawa ng isang dalagitang Israelita na nabihag at napapunta sa sambahayan ng heneral ng Sirya na si Naaman. (2 Hari 5:2-4) Ang pangalan ni Jehova ay napuri dahilan sa pagkukusa ng dalagitang iyan. Ang nakakatulad na pananampalataya mo ay maaari ring magdala ng kapurihan sa Diyos at makatutulong sa iba na manindigan bilang tagapuri ng kaniyang pangalan.
Ang totoo ay hindi natin maikokompromiso ang ating pananampalataya at manatili pa ring mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Kaya’t ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, siya’y kikilalanin ko naman sa harap ng aking Ama na nasa langit; ngunit sinumang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 10:32, 33) Ang pagiging matatag sa pananampalataya bilang isang tagasunod ni Jesus ay isang mabigat na pananagutan, hindi ba?
Mga Tulong na Maaaring Makamit
Upang makapanindigang matatag bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, kailangan mo ang matibay na pananampalataya. Upang makamit iyon, kailangang masugid na mag-aral ka ng Bibliya, dumalo sa mga pulong Kristiyano at lumahok sa ministeryo sa larangan. Kung inaakala mo na may isang bagay pang kulang, ano ang maaari mong gawin? Sinabi ng alagad na si Santiago: “Kung sinuman sa inyo ang nagkukulang sa karunungan, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat siya’y nagbibigay nang sagana sa lahat at nang hindi nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya.” (Santiago 1:5) Makipag-usap kay Jehova sa panalangin tungkol sa iyong problema; kaniyang mapalalakas ka upang humarap sa mga pagsubok o mga suliranin sa iyong pananampalataya.
Ano pa ang magagawa ng isang kabataang Kristiyano? Ang aklat ng Kawikaan ay nagsasabi sa atin: “Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya’y tumanda.” (Kawikaan 23:22) Ang payong ito ay kinatigan ni apostol Pablo, sapagkat sinabi niya: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay totoong kalugud-lugod sa Panginoon.” (Colosas 3:20) Ang mga magulang na Kristiyano ay makatutulong sa iyo na maging matatag sa pananampalataya. Pakinggan mo ang kanilang mga mungkahi. Sa tulong nila, saliksikin mo ang Kasulatan at ang salig-sa-Bibliyang mga lathalain, hanapin ang mga ideya, payo, at mga karanasan. Ikaw at ang iyong mga magulang ay masisiyahan sa paggawa nito, at ito’y tutulong sa iyo na madaig ang pagkamahiyain o takot.—2 Timoteo 1:7.
Lubusang samantalahin mo ang mga paglalaan ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. Maghanda kang mabuti para sa mga pulong. Makipag-usap ka sa hinirang na matatanda at mga iba pa na dumanas ng mga karanasang nahahawig ng iyong nararanasan ngayon. Sinabi ni Solomon: “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ay siyang nagkakamit ng mainam na patnubay.” (Kawikaan 1:5) Kaya matuto ka sa mga nakatatandang ito. Ikaw ay matututo rin buhat sa mga kabataang Kristiyano na nagtagumpay ng pagharap sa mga suliranin na katulad ng sa iyo.
Ang Katapatan ay Nagdadala ng mga Pagpapala
Sa pagtayong matatag sa pananampalataya, ikakapit mo ang payo ni Pablo na “maging matatag, di-nakikilos, laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Batid ni Jehova at kaniyang nauunawaan ang mga suliranin na nakaharap sa iyo. Kaniyang pinalakas ang marami na napaharap sa nakakatulad na kahirapan, at kaniyang palalakasin ka. Kung ikaw ay umaasa sa Diyos, kaniyang tatangkilikin ka, sapagkat sinabi ng salmista: “Ang iyong pasanin ay ipapasan mo kay Jehova, at kaniyang aalalayan ka. Hindi niya papayagan na ang matuwid ay gumiray-giray.”—Awit 55:22.
Si Pedro ay sumulat: “Magtaglay ng isang mabuting budhi, upang sa mga bagay na salitain laban sa inyo ay mapahiya sila na umaalipusta sa inyong mabuting asal may kaugnayan kay Kristo.” (1 Pedro 3:16) Kung ikaw ay tumatangging ikompromiso ang matuwid na mga batas at mga simulain ng Diyos, ikaw ay magkakaroon ng mabuting budhi, na isang tunay na pagpapala buhat kay Jehova. Isa pa, ikaw ay magpapakita ng isang mabuting halimbawa sa mga kabataang Kristiyano na ang pananampalataya ay mahina. (1 Timoteo 4:15, 16) Baka ang iyong paggawi ay makapagpalakas-loob sa kanila na gumawa ng mga pagsisikap upang maging matatag sa pananampalataya at sa gayo’y mapagtiisan ang mga pagsubok.
Baka makatulong ka pa rin sa mga noong una’y sumasalansang sa iyong paninindigan bilang Kristiyano. Alalahanin ang nagbibigay-pag-asang mga salitang ito: “Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi at huwag mong iurong ang iyong kamay hanggang sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapuwa magiging mabuti.” (Eclesiastes 11:6) Sino ba ang makaaalam kung anong mabubuting resulta ang idudulot ng iyong paghahasik ng mabuting binhi sa pamamagitan ng iyong mga gawa ng pananampalataya?
Kabilang sa pinakadakilang mga pagpapala na aanihin mo ay isang may pagsang-ayong katayuan sa harap ni Jehova. Sa bandang huli, ang pagiging matatag sa pananampalataya ay magbubunga ng buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3; ihambing ang Santiago 1:12.) Walang pansamantalang ginhawa sa pagsubok na nakamit sa pamamagitan ng pagkompromiso ang karapat-dapat sa pagkawala ng kaloob na iyan.
Kumusta naman ang kabataang binanggit sa pasimula ng artikulong ito? Bueno, kaniyang napagtiisan ang kaniyang suliranin. Pagkatapos ng pagtitipon sa paaralan, mataktikang pinagsikapan niyang ipaliwanag sa mga guro ang kaniyang paninindigan. Bagaman hindi siya pinakinggan, nagkaroon siya ng kasiyahan ng pagkaalam na kaniyang pinagalak ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Siya’y nagpatuloy na ipagtanggol ang kaniyang pananampalataya hanggang sa matapos ng kaniyang pag-aaral. At saka siya naging isang pioneer. Harinawang ang iyong tapat na pagtitiis ay magkaroon ng nakakatulad na maligayang resulta. Magkakagayon nga kung magpapakatibay ka sa pananampalataya.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay nito at ng iba pang simulain sa Bibliya, tingnan ang aklat na Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 25]
MGA TULONG NA MAAARING MAKAMIT
◻ Makinig ka sa karunungan ng iyong mga magulang na may takot sa Diyos.
◻ Samantalahin ang espirituwal na mga paglalaan sa kongregasyong Kristiyano.
◻ Makipag-usap ka sa hinirang na matatanda at sa iba pa na maaaring may mga suliranin na katulad ng sa iyo.
◻ Makipag-usap ka sa ibang kabataang Kristiyano na napagtatagumpayan ang nakakatulad na mga balakid.
-
-
Ang Kahulugan ng PanalanginAng Bantayan—1991 | Hulyo 15
-
-
Ang Kahulugan ng Panalangin
“Sa Hebreo, ang pangunahing salita para sa panalangin ay galing sa ugat na, ‘humatol’, at ang karaniwang anyong reflexive . . . ay nangangahulugang literal na, ‘hatulan ang sarili.’ ” Ganiyan ang obserbasyon ng The Authorised Daily Prayer Book. Ang ipinahiwatig ay na isa sa mga layunin ng panalangin ay na dapat itong tumulong sa isang tao na makita kung siya’y nakaaabot sa matuwid na mga pamantayan at mga kahilingan ng Diyos.
Sa dahilang ito, sa buong Bibliya, sinasabi sa atin na maliban sa ang isa ay gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang kaniyang mga panalangin ay hindi pakikinggan nang may pagsang-ayon. “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay kaniyang dinirinig.”—Kawikaan 15:29; 1 Juan 5:14.
Ang pagsusuri sa sarili sa harap ng Diyos na Jehova ay tunay na dapat gawin ang isang taong nananalangin na mapagpakumbaba at nagsisisi. Ito’y lalo pang nagpapatingkad sa talinghaga ni Jesus tungkol sa naghahambog na Fariseo at sa nagsisising maniningil ng buwis na naparoon sa templo upang manalangin.—Lucas 18:9-14.
Sa gayon, tayo man ay nananalangin kay Jehova upang siya’y pasalamatan, purihin, o humiling sa kaniya, ang panalangin ay sa tuwina isang pagkakataon para sa pagsusuri sa sarili. Sa ganitong paraan, ang panalangin ay lalong naglalapit sa atin kay Jehova at pinalalakas ang ating kaugnayan sa kaniya.
-