Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 10/15 p. 8-11
  • Ang Suliranin ng Pagkatutong Maghintay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Suliranin ng Pagkatutong Maghintay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Karunungan ng Pagkatutong Maghintay
  • Para sa Marami, Nariyan ang Isang Bagong Hamon
  • Pagkatuto Buhat sa Iba
  • Ang Mabuting Pakikipagbaka
  • Pagkatutong Maghintay sa Lahat ng Pagkakataon
  • Bahagi 6—Mga Kabalisahan sa Ekonomiya—Kailan Ito Magwawakas?
    Gumising!—1992
  • Handa Ka Bang Maging Matiisin at Maghintay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Posible Ba ang Isang Patas na Sistema ng Ekonomiya?
    Iba Pang Paksa
  • Bakit ang Krisis ng Pagtaas-ng-Bilihin?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 10/15 p. 8-11

Ang Suliranin ng Pagkatutong Maghintay

ANG pagkatutong maghintay sa mga bagay na ibig natin ay marahil isa sa pinakamahihirap na aralín na kailangang tanggapin natin bilang mga tao. Ang maliliit na bata ay likas na walang tiyaga. Anuman ang nakaaakit ng kanilang pansin, ibig nila iyon, at ibig nila iyon ngayon! Subalit gaya ng alam mo buhat sa karanasan, nangyayari sa buhay at dapat isaalang-alang ang katotohanan na hindi lahat ng ibig natin ay mangyayari sa sandaling gusto natin. Kahit na tungkol sa mga bagay na talagang para sa atin, kailangang matuto tayo na maghintay ng tamang panahon na matutupad ang mga iyon. Marami ang natututo ng aral na ito; ang iba naman ay hindi.

Ang mga taong naghahangad na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay may natatanging mga dahilan upang matutong maghintay. Si Jeremias, isang lingkod ni Jehova bago ng panahong Kristiyano, ang nagdiin nito: “Mabuti nga na ang isang tao’y maghintay, nang tahimik, sa pagliligtas ni Jehova.” Pagkatapos, sinabi naman ng Kristiyanong alagad na si Santiago: “Magtiyaga nga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon.”​—Mga Panaghoy 3:26; Santiago 5:7.

Si Jehova ay may sariling orasan para sa katuparan ng banal na mga layunin. Kung tayo’y hindi makapaghintay hanggang sa kaniyang takdang panahon ng paggawa ng mga bagay, mawawalan tayo ng kasiyahan at hindi makokontento, na pipigil ng kagalakan. Kung walang kagalakan ang isang lingkod ng Diyos ay manghihina sa espirituwal, gaya ng sinabi ni Nehemias sa kaniyang mga kababayan: “Ang kagalakan sa PANGINOON ay inyong kalakasan.”​—Nehemias 8:10, The New English Bible.

Ang Karunungan ng Pagkatutong Maghintay

Isang natural na hangarin ng mga taong walang asawa na makapag-asawa o ng mga mag-asawang walang anak na magkaroon ng mga anak. Isa pa, wala namang masama na maghangad na matupad ang nararapat na mga pangangailangan o hangaring materyal. Gayunpaman, dahilan sa paniniwalang hindi na magtatagal at matatapos ang sistemang ito ng mga bagay at na sa dumarating na bagong sistema ay ‘bubuksan [ng Diyos] ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay,’ maraming Kristiyano ang nagpasiyang maghintay sa katuparan ng ilan sa mga hangaring ito sa isang lalong angkop na panahon.​—Awit 145:16.

Subalit, ang mga taong wala nitong matatag na pag-asang Kristiyano ay walang makitang gaanong dahilan na ipagpaliban iyon. Palibhasa’y walang pananampalataya kay Jehova, na pinagmumulan ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog,” sila’y nag-aalinlangan sa karunungan ng pagpapaliban ng mga bagay sa isang hinaharap na pinag-aalinlanganan nila kung darating pa nga. Ang sinusunod nila sa buhay ay: “Magsikain at magsiinom tayo, yamang bukas tayo’y mamamatay.”​—Santiago 1:17; 1 Corinto 15:32; Isaias 22:13.

Sa maunlad na mga bansa sinasamantala ng larangan ng pag-aanunsiyo ang di-mapagkakamalang kausuhang ito ng dagliang pagbibigay ng kasiyahan sa pita. Ang mga tao ay inaakit na pamihasahin sa layaw ang kanilang sarili. Ibig ng komersiyo na tayo’y maniwala na lubhang kailangan ang modernong mga kaginhawahan at kaaliwan. Bakit magtitiis ka sa wala, ang katuwiran nito, lalo na gayong nariyan naman ang mga credit card, mga mabibili nang hulugan, at ang sistemang “bumili na ngayon​—saka na lang bayaran” anupat posible na magkaroon ka ng lahat ng iyon at ngayon din? Bukod diyan, ‘Karapat-dapat ka sa pinakamagaling; maging mabait ka naman sa iyong sarili! Tandaan, mag-enjoy ka na ngayon o baka hindi na!’ Ganiyan ang iginigiit ng popular na mga kasabihan.

Samantala, ang milyun-milyong tao sa nagpapaunlad na mga bansa ay mayroon lamang sapat​—o kulang pa nga. Mayroon bang higit pa rito na magpapatingkad ng di-kasakdalan at kawalang-katarungan ng pulitikal at pangkabuhayang pamamalakad ng tao?

Ang karunungan ng pagkatutong maghintay ay makikita sa bagay na ang angaw-angaw na ayaw nang maghintay​—o kung hindi man ay walang nakikitang dahilan upang gawin iyon​—ay napabaon sa utang upang matupad ang kanilang hindi na makapaghintay na mga hangarin. Ang di-inaasahang mga pangyayari, tulad ng pagkakasakit o pagkaalis sa trabaho, ay maaaring humantong sa kapahamakan. Ipinaliwanag ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung kung bakit ang naiulat na isang milyong katao sa Alemanya ay walang tirahan: “Pangkaraniwan na, ang kawalan ng tahanan ay kasunod ng kawalan ng trabaho o labis-labis na utang.”

Palibhasa’y hindi makabayad sa kanilang mga pagkakautang, marami sa gayong kapus-palad na mga tao ang dumaranas ng napakalungkot na pagkawala kapuwa ng tahanan at ng mga ari-arian. Kalimitan, ang patuloy na kagipitan ay nagdudulot sa pamilya ng kaigtingan. Ang mabuway na mga pag-aasawa ay nagsisimulang magkawatak-watak. Ang mga panahon ng panlulumo at ng iba pang suliranin sa kalusugan ay nagiging pangkaraniwan. Kung tungkol sa mga Kristiyano, maaaring humina ang espirituwalidad, na, sa kabilang dako, humahantong sa maling kaisipan at di-nararapat na asal. Ang mga tao na may kamangmangang nagsimula ng paghahangad ng lahat ng bagay ay humantong sa pagkakamit ng halos wala.

Para sa Marami, Nariyan ang Isang Bagong Hamon

Nilinaw ni Jesus na tayo’y dapat pakaingat na baka “ang mga pagsusumakit ukol sa sistemang ito ng mga bagay at ang daya ng kayamanan at ang mga pita sa iba pang mga bagay ay pumasok at inisin ang salita.” (Marcos 4:19) Dapat nating isaisip na walang pamamalakad pulitika na nagtagumpay sa pag-aalis ng mga kabalisahan, kasali na ang mga pangkabuhayan, na binanggit ni Jesus.

Ang Komunismo na ngayo’y tinanggihan ng mga bansa sa Silangang Europa ay nagsikap na gawing pantay-pantay ang mga bagay sa pamamagitan ng isang ekonomiya na kontrolado ng Estado. Naiiba sa sistemang kapitalista, ang dating mga sistema ay nagbibigay sa mga tao sa mga lupaing iyon ng seguridad sa ekonomiya na kalimitan hindi naibibigay ng kapitalismo. Gayunman, ang mga kabalisahan na binanggit ni Jesus ay umiral sa anyo ng mga kakapusan ng mga produktong ipinagbibili at ng limitasyon ng personal na kalayaan.

Sa kasalukuyan, marami sa mga bansang iyon ang nagpasok ng mga ekonomiya na kung saan may pagkakataon ang mga mamimili na bumili at ang mga prodyuser na magbili, anupat inihaharap sa kanilang mga mamamayan ang isang bagong hamon. Isang kamakailang ulat ang nagsasabi: “Ang pagka-inosente ay hinaluan ng paghahangad na maabot kaagad ang kanluraning pamantayan ng pagbili.” Upang makamit ito “dumaraming tao sa bagong Länder (bagong katatatag na mga estadong Aleman sa dating Komunistang bahagi ng Alemanya) sa silanganing Alemanya ang nababaon sa pagkakautang na hindi na nila matatakasan.” Isinusog ng ulat: “Pagkatapos ng unang kagalakan at katuwaan dahil sa bagong kalayaan sa ekonomiya ang takot at pagkasira ng loob ang lumalaganap ngayon.” Ang pamamalakad ay nagbago na mula sa komunismo tungo sa kapitalismo, ngunit nariyan pa rin ang mga kabalisahan.

Ang higit na kalayaang pulitikal at pangkabuhayan ay nagbukas ng bagong mga posibilidad para sa ikabubuti ng ekonomiya. Sa gayon, maraming tao ang baka matukso na pag-isipang mabuti ang idea ng pagsisimula ng kanilang sariling negosyo o paglipat sa ibang bansa na kung saan lalong mainam ang mga pagkakataong makapagtrabaho.

Ang ganitong mga pasiya ay mga bagay na personal. Hindi naman masama para sa isang Kristiyano na magnais mapasulong ang kaniyang kabuhayan. Baka ang motibo niya ay ang mapangalagaan ang kaniyang pamilya, yamang alam niya na “kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”​—1 Timoteo 5:8.

Samakatuwid, hindi angkop na pintasan ang pasiya na ginagawa ng iba. Gayundin, dapat tandaan ng mga Kristiyano na walang kabuluhan na sikaping makalibre sa mga suliranin ng kabuhayan sa pamamagitan ng labis na pangungutang na maaaring magsilbing silo sa kanila. Masama rin na humanap ng ginhawa sa buhay kapalit ng pagpapabaya sa espirituwal na mga obligasyon at mga kapakanan.

Pagkatuto Buhat sa Iba

Noong mga taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, libu-libong Aleman ang umalis sa sinalanta-ng-digmaang Europa upang dumayo sa ibang mga bansa, lalo na sa Australia at sa Canada. Marami ang sa ganoong paraan nahango sa kahirapan sa kanilang pamumuhay, subalit wala sa kanila ang lubusang nakalaya sa mga kabalisahan sa kabuhayan na binanggit ni Jesus. Ang paglutas sa mga suliraning pangkabuhayan ay kung minsan lumilikha ng bagong mga suliranin​—ang pagkasabik na makauwi, isang kakaibang wika, pagkasanay sa bagong mga pagkain, naiibang mga kostumbre, pagsisikap na makasundo ang bagong mga kaibigan, o pakikibagay sa iba’t ibang ugali.

Ang ilan sa mga nandayuhang ito ay mga Saksi ni Jehova. Hindi pinahintulutan ng karamihan sa kanila na ang mga suliranin na kasama ng pandarayuhan ay pumigil sa pagsulong ng kanilang espirituwalidad, at ito’y kapuri-puri. Subalit mayroong mga hindi nakasali riyan. Ang ilan ay naging biktima ng mapandayang pagkaakit sa kayamanan. Ang kanilang teokratikong pagsulong ay hindi nakaalinsabay sa pagsulong ng kanilang kabuhayan.

Tunay na ito’y nagpapakita ng karunungan sa maingat na pagsusuri sa ating kalagayan bago gumawa ng posibleng di-matalinong pasiya. Ang materyalistikong mga hilig ay maaaring magbawas ng ating pakikibahagi sa di-na-mauulit na paggawa ng mga alagad na iniatas sa mga Kristiyano. Ito’y totoo saanman tayo naninirahan, yamang walang bansa na ang mga mamamayan ay malaya sa kabalisahan sa pamumuhay.

Ang Mabuting Pakikipagbaka

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Sundin mo ang katuwiran, ang maka-Diyos na debosyon, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang pagtitiis, ang kahinahunan. Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, humawak kang mahigpit sa buhay na walang hanggan na dito ka tinawag.” Sa mga Kristiyano sa Corinto ay sinabi niya: “Kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging maraming gawain sa Panginoon.”​—1 Timoteo 6:11, 12; 1 Corinto 15:58.

Ang pagsunod sa mainam na payong ito ang pinakamagaling na paraan upang mapagtagumpayan ang materyalismo, at tunay na maraming magagawa ang isang Kristiyano! Sa ilang bansa na kung saan ang bilang ng mangangaral ng Kaharian ay hindi naman malaki, maraming tao ang limitado ang pagkakataong makatanggap ng katotohanan. Tama ang pagkahula ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa.”​—Mateo 9:37.

Sa halip na pahintulutang ang mga kabalisahan sa buhay sa mga bansang ito ang maglihis sa kanila sa espirituwal na gawain ngayon, sinasamantala ng mga Saksi ni Jehova ang sitwasyon sa pamamagitan ng lubusang paggamit sa kasalukuyang mga pagkakataon. Pagka pansamantalang walang trabaho, marami sa kanila ang nagpapalawak ng kanilang gawaing pangangaral. Ang kanilang paglilingkod, bukod sa nagpapahayag ng higit na papuri kay Jehova, ay nagdudulot sa kanila ng kagalakan na kailangan upang mapagtagumpayan ang kanilang sariling mga suliraning pangkabuhayan.

Inuuna ng mga Saksing ito ang gawaing pangangaral at inilalagay sa pangalawang dako lamang ang mga kahirapan sa kabuhayan, na nagpapakilala sa pambuong-daigdig na kapatiran na sila’y may lubos na pagtitiwala kay Jehova na mangangalaga sa kanila. Ang kaniyang pangako ay: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33.

Magbuhat nang mapasauli ang tunay na pagsamba noong 1919, ang kaniyang bayan ay hindi pinayagan ni Jehova na panghinaan ng loob. Sila’y kaniyang binigyan ng proteksiyon upang makatawid sa mahigpit na pag-uusig at sa ilang lugar ay gumagawang patago nang maraming taon. Desidido ang mga Saksi ni Jehova na ang hindi nagawa ng Diyablo sa pamamagitan ng pag-uusig, ay hindi niya magagawa sa pamamagitan ng lalong tusong silo ng materyalismo!

Pagkatutong Maghintay sa Lahat ng Pagkakataon

Ang maluluwang na Kingdom Hall, magastos na mga sound equipment, mga Assembly Hall, at magagandang tahanang Bethel ay lumuluwalhati sa Diyos at nagbibigay ng walang-imik na patotoo na kaniyang pinagpapala ang kaniyang bayan. Ang mga Saksi ni Jehova sa mga bansang doo’y matagal nang ibinabawal ang gawain ay baka mag-akala na sa bagay na ito sila’y kailangang gumawa nang higit upang makaalinsabay. Subalit ang pinakamahalaga ay patuloy silang sumulong sa espirituwal. Ang panlabas na patotoo ng pagpapala ng Diyos sa materyal na paraan ay susunod sa takdang panahon.

Ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay kailangang maging mapagbantay, yamang sa pagtataguyod ng personal na mga kapakanan, baka madama nila na matagal na rin naman silang napagkakaitan ng ilang materyal na bagay. Ang paghahangad na makaahon buhat sa kahirapan ng kabuhayan at di-pagkakapantay-pantay sa lipunan ay mauunawaan, subalit hindi kinaliligtaan ng bayan ni Jehova na lahat ng lingkod ng Diyos ay naghahangad ng kaginhawahan. Ang bulag ay naghahangad na muling makakita, ang may malubha, pabalik-balik na karamdaman ay naghahangad na mapasauli sa dating kalusugan, ang nanlulumo ay naghahangad ng isang magandang kinabukasan, at ang mga naulila ay naghahangad na muling makita ang kanilang yumaong mga mahal sa buhay.

Dahilan sa mga kalagayan, ang bawat Kristiyano sa ilang paraan ay napipilitang maghintay sa bagong sanlibutan ni Jehova upang malutas ang kaniyang mga suliranin. Ito’y dapat mag-udyok sa atin na tanungin ang ating sarili, ‘Kung ako’y may pagkain na at pananamit, hindi ba dapat akong makontento na sa mga bagay na ito at maging handa na maghintay ng lunas sa mga suliranin sa kabuhayan?’​—1 Timoteo 6:8.

Ang mga Kristiyano na lubusang nagtitiwala kay Jehova ay makatitiyak na kung sila lamang ay handang maghintay, lahat ng kanilang nararapat na mga hangarin at mga pangangailangan ay malapit nang masapatan. Hindi maghihintay ang sinuman sa walang kabuluhan. Inuulit natin ang mga salita ni Pablo: “Kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging maraming gawain sa Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

Kaya talaga bang dapat maging isang napakalaking suliranin ang pagkatutong maghintay?

[Larawan sa pahina 10]

Ang pagkatutong maghintay ay makapagliligtas ng inyong buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share