Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 10/15 p. 4-7
  • Kagipitan ng Pamilya—Isang Tanda ng Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kagipitan ng Pamilya—Isang Tanda ng Panahon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Salapi at Trabaho
  • Pinarupok na Buklod ng Mag-asawa
  • Sinasalakay ang mga Kabataan
  • Ang mga Ugat ng Kagipitan ng Pamilya
  • Mga Pamilya na Matagumpay
  • May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan sa Buhay Pampamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 10/15 p. 4-7

Kagipitan ng Pamilya​—Isang Tanda ng Panahon

KAGIPITAN ng pamilya​—ito’y itinuturing ng marami na isang tanda na ang tradisyunal na mga alituntunin ng pag-aasawa at pagkamagulang ay lipas na. Ang turing naman ng iba ay bunga ito ng makapulitika, pangkabuhayan, at sosyal na pagbabago. Ang tingin naman dito ng iba pa ay isa pa itong biktima ng modernong teknolohiya. Sa katunayan ang mga suliranin na binabaka ng mga pamilya sa ngayon ay nagpapahiwatig ng isang bagay na may lalong malalim na kahulugan. Pansinin ang mga salita ng Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-4:

“Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”

Hindi ba ang mga salitang ito ay nakararating sa mismong ugat ng kasalukuyang mga suliranin? Ang kasalukuyang kagipitan ng pamilya ay maliwanag na isang tuwirang bunga ng mga kalagayang inihula na magaganap sa mga huling araw ng sanlibutang ito. At may kapani-paniwalang ebidensiya na ang panahong ito ng kagipitan ay nagpasimula noong 1914.a Sapol noon, ang impluwensiya ng nakatataas-sa-taong espiritung nilalang na tinatawag na Satanas na Diyablo ay lalo nang naging mapanganib.​—Mateo 4:8-10; 1 Juan 5:19.

Yamang naririto na lamang sa kapaligiran ng lupa sapol noong 1914, si Satanas ay “may malaking galit, sa pagkaalam na siya’y may maikling panahon na lamang.” (Apocalipsis 12:7-12) Yamang si Satanas ay isang mahigpit na kaaway ng Diyos “na pinagkakautangan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa ng kaniyang pangalan,” kataka-taka ba na ang lupa ay maging isang mapanganib na dako para sa mga pamilya? (Efeso 3:15) Desidido si Satanas na italikod ang lahat ng tao sa Diyos. Sa ano pang lalong mainam na paraan magagawa niya ito kundi sa pamamagitan ng mga suliranin sa pamilya?

Mangangailangan ng higit pa kaysa matamis pakinggang mga bungang-isip ng nagpapanggap na mga dalubhasa upang mabigyan ng proteksiyon ang mga pamilya buhat sa gayong pag-atake ng isang mas malakas kaysa tao. Gayumpaman, ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Satanas: “Tayo ay hindi walang-malay sa kaniyang mga hangarin.” (2 Corinto 2:11) May sapat na proteksiyon sa pagkaalam ng ilan sa espesipikong mga paraan ng kaniyang pagsalakay.

Salapi at Trabaho

Ang panggigipit sa kabuhayan ang isa sa pinakamatinding armas na ginagamit ni Satanas sa pagsalakay. Ito ay “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan,” o gaya ng pagkasalin ng Revised Standard Version sa 2 Timoteo 3:1, “mga panahon ng kagipitan.” Sa umuunlad na mga bansa, ang mga suliranin gaya ng kawalang hanapbuhay, mabababang kita, at kakapusan sa pangunahing mga pangangailangan ay nagdudulot sa mga pamilya ng malaking kahirapan. Gayunman, maging sa Estados Unidos na nakaririwasa kaysa iba, ang mga kagipitan sa kabuhayan ay may matinding epekto. Isang surbey ng E.U. ang nagsiwalat na ang salapi ang isa sa pangunahing mga sanhi ng alitan sa pamilya. Sa aklat na Secrets of Strong Families ay ipinaliliwanag na ang “panahon, atensiyon, [at] lakas” na ginagamit upang matugunan ang mga kahilingan sa sekular na trabaho ay maaari ring maging isang “tusong kaaway” na sumisira sa tungkulin ng mag-asawa sa isa’t isa.

Ang mga kalagayan ay humila sa maraming babae na maghanapbuhay. Ang manunulat na si Vance Packard ay nag-uulat: “Sa kasalukuyan, di-kukulangin sa isang-kapat ng mga sanggol at mga batang nakahahakbang-hakbang na wala pang tatlong taóng gulang ang may mga ina na kinakailangang maghanapbuhay sa labas ng tahanan.” Ang pag-aasikaso sa halos walang katapusang pangangailangan ng maliliit na anak at gayundin sa isang trabaho ay maaaring magsilbing isang mahirap, nakahahapong pagpapagal​—na may negatibong mga epekto sa kapuwa mga magulang at mga anak. Isinusog ni Packard na dahilan sa kakulangan ng sapat na mga paglalaan sa pangangalaga sa mga anak sa Estados Unidos, “kung ilang milyong bata ngayon ang napagkakaitan ng mabuting pangangalaga sa maagang mga taon ng kanilang buhay.”​—Our Endangered Children.

Ang mismong lugar na pinagtatrabahuhan ay kalimitan sumisira sa pagkakaisa ng pamilya. Maraming manggagawa ang napapasangkot sa bawal na pakikipag-ibigan sa mga kasama sa trabaho. Ang iba naman ay nadadala ng walang kabuluhang pagsisikap para magtagumpay at isinasakripisyo ang kanilang buhay pampamilya para sa tagumpay sa karera. (Ihambing ang Eclesiastes 4:4.) Isang lalaki ang wiling-wili sa kaniyang trabaho bilang ahente ng isang kompanya kung kaya tinukoy ng kaniyang maybahay ang sarili niya bilang “aktuwal na nagsosolong magulang.”

Pinarupok na Buklod ng Mag-asawa

Ang institusyon ng pag-aasawa ay sinasalakay rin. Ganito ang sabi ng aklat na The Intimate Environment: “Noong nakalipas, inaasahan na ang mag-asawa ay patuloy na magsasama maliban sa isa sa kanila ang gumawa ng isang mabigat na pagkakasala laban sa pagsasama​—pangangalunya, kalupitan, labis na kapabayaan. Ngayon nakikita ng karamihan ng tao na ang layunin ng pag-aasawa ay sariling kasiyahan.” Oo, ang pag-aasawa ay itinuturing na isang panlunas sa kalungkutan, pagkainip, o pag-iisa​—hindi isang habambuhay na obligasyon sa isang tao. Ang pinagtututukan ngayon ng pansin ay kung ano ang natatamo mo buhat sa pag-aasawa, hindi kung ano ang naitutulong mo rito. (Ipakita ang pagkakaiba ng Gawa 20:35.) Ang “malaking pagbabagong [ito] sa mga pamantayan na may kaugnayan sa pag-aasawa” ay lubhang nagparupok sa buklod ng pag-aasawa. Pagka hindi nakamit ang sariling kasiyahan, karaniwan nang humahantong ang mga mag-asawa sa paghihiwalay bilang isang mabilis na solusyon.

Ang mga tao sa “mga huling araw” na ito ayon sa Bibliya ay “may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon.” (2 Timoteo 3:4, 5) Maraming dalubhasa ang may palagay na ang paglubog ng relihiyon ay may bahagi sa panghihina ng buklod ng pag-aasawa. Sa kaniyang aklat na The Case Against Divorce, si Dr. Diane Medved ay sumulat: “Ayon sa karamihan ng relihiyon, sinabi ng Diyos na ang pag-aasawa ay magiging permanente. Pagka ikaw ay walang katiyakan sa Diyos o hindi naniniwala sa Kaniya, ang ibig mo kung gayon ang ginagawa mo.” Bilang resulta, pagka may mga suliranin ang isang pag-aasawa, ang mga mag-asawa ay hindi humahanap ng matatag na solusyon. “Agad-agad nilang tatapusin ang kanilang pagsasamahan bilang mag-asawa.”

Sinasalakay ang mga Kabataan

Ang mga anak ay dumaranas ng kaligaligan sa kasalukuyang mga kagipitan. Nakagigitlang dami ng mga bata ang marahas na pinagmamalupitan at dumaranas ng berbal o seksuwal na pang-aabuso ng kanilang sariling mga magulang. Dahilan sa diborsiyo, milyun-milyon pa ang pinagkakaitan ng mapagmahal na gabay ng dalawang magulang, at ang kirot ng paghihiwalay ng mga magulang ay kalimitang panghabambuhay.

Ang mga kabataan ay inaatake ng matitinding impluwensiya. Pagsapit ng karaniwang kabataang Amerikano sa edad na 14, siya’y nakasasaksi na ng 18,000 patayan at di-mabilang na iba pang anyo ng karahasan, bawal na pagtatalik, sadismo, at krimen dahil lamang sa panonood ng telebisyon. Ang musika ay may matinding impluwensiya rin sa mga kabataan, at ang kalakhang bahagi nito ay nakagigitla ang kahalayan, nagbibilad ng sekso, o maka-Satanas ang himig. Sa mga paaralan ang mga kabataan ay napapahantad sa mga teoriya gaya ng ebolusyon na sumisira ng pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya. Dahil sa panggigipit ng mga kasama ay nahihila ang marami na magpakalulong sa sekso bago pakasal at sa alak o pag-aabuso sa droga.

Ang mga Ugat ng Kagipitan ng Pamilya

Ang pagsalakay sa mga pamilya ay malawak ang sakop kung gayon at maaaring magdulot ng kapinsalaan. Ano ang makatutulong sa mga pamilya upang makaligtas? Ang pampamilyang tagapayo na si John Bradshaw ay nagmumungkahi: “Ang ating mga alituntunin tungkol sa pagiging magulang ay hindi masinsinang iniayon sa lakad ng panahon sa loob ng 150 taon. . . . Ako’y naniniwala na ang matatandang alituntunin ay hindi na mabisa.” Gayunman, hindi ang higit pang gawang-taong alituntunin ang solusyon. Ang Diyos na Jehova ang Tagapagtatag ng pamilya. Siya’y higit na nakaaalam kaysa kaninuman kung gaanong kahalaga ang papel na ginagampanan ng buhay pampamilya sa ating personal na kaligayahan at kung ano ang kailangan upang paligayahin at patibayin ang pamilya. Dapat ba tayong mamangha na ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ang nagbibigay ng solusyon sa kagipitan ng pamilya?

Ang sinaunang aklat na iyan ang nagpapaliwanag kung papaano napalihis ang buhay pampamilya. Ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay inilagay sa isang magandang halamanan at binigyan ng kasiya-siyang hamon na ang lupa ay gawing isang pangglobong paraiso. Iniutos ng Diyos na si Adan ang maging ulo ng pamilya. Si Eva ay makikipagtulungan sa kaniyang pagkaulo bilang kaniyang “katulong,” o “kapupunan.” Subalit si Eva ay naghimagsik sa kaayusang ito. Kaniyang inagaw ang pagkaulo ng kaniyang asawa at sinuway ang isa at tanging ipinagbawal sa kanila ng Diyos. Pagkatapos ay nagbitiw si Adan sa kaniyang pagkaulo at nakisali sa kaniya sa paghihimagsik na ito.​—Genesis 1:26–3:6.

Ang kapinsalaang dulot ng paglihis na ito sa kaayusan ng Diyos ay nakita agad-agad. Palibhasa’y hindi na sila malinis at makasalanan na, sina Adan at Eva ay kumilos na taglay ang pagkahiya at pagkakasala. Si Adan, na noong una ay maganda ang pagkalarawan sa kaniyang asawa, sa pananalitang patula, ay ngayon naging malamig sa pagtukoy sa kaniya bilang ‘ang babaing ibinigay mo sa akin.’ Ang negatibong pangungusap na iyan ang nagsilbing pasimula ng kaabahan ng pag-aasawa. Ang walang-kabuluhang pagtatangka ni Adan na muling makamit ang kaniyang pagkaulo ay hahantong sa kaniyang pagiging ‘dominante sa kaniya.’ Si Eva naman ay magkakaroon ng “masidhing hangarin” sa kaniyang asawa, malamang na sa isang labis-labis o di-timbang na paraan.​—Genesis 2:23; 3:7-16.

Hindi naman kataka-taka na ang alitan ng mag-asawang Adan at Eva ay nagkaroon ng nakapipinsalang epekto sa kanilang supling. Ang kanilang unang anak, si Cain, ay naging isang malupit na salarin. (Genesis 4:8) Si Lamech, isang inapo ni Cain, ay nakaragdag pa sa pagbagsak ng buhay pampamilya dahil sa pagiging unang taong napaulat na maraming asawa. (Genesis 4:19) Sa gayon ay hindi lamang kasalanan at kamatayan ang ipinamana ni Adan at Eva kundi isang maysakit na kaayusang pampamilya na naging kalagayan ng sangkatauhan magbuhat noon. Sa mga huling araw na ito, ang gulo sa pamilya ay umabot na sa sukdulan.

Mga Pamilya na Matagumpay

Subalit, may mga pamilyang nagtatagumpay sa ilalim ng kasalukuyang mga kagipitan. Isang lalaki, halimbawa, ang namumuhay na kasama ng kaniyang asawa at dalawang anak na babae sa isang munting pamayanan sa Estados Unidos. Bagaman marami sa kanilang mga kalapit-bahay ang may generation gap sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga supling, silang mag-asawa ay wala niyaon, ni sila man ay nababalisa na baka ang kanilang mga anak ay sumubok ng mga droga o ng sekso. Kung Lunes ng gabi, na ang ibang mga kabataan ay walang inaatupag kundi panonood ng TV, ang buong pamilya naman nila ay nagkakatipon sa palibot ng mesa sa silid-kainan para sa pagtalakay sa Bibliya. “Ang Lunes ng gabi ang aming espesyal na gabi upang magkasama-sama at mag-usap-usap,” ang paliwanag niya. “Ang aming mga anak ay malayang nakikipag-usap sa amin tungkol sa kanilang mga problema.”

Sa kabilang dako, may isang nagsosolong magulang sa Lunsod ng New York na nagtatamasa rin, bilang isang pamilya, ng pambihirang matalik na kaugnayan sa kaniyang dalawang anak na babae. Ang kaniyang lihim? “Aming isinasara muna ang TV hanggang sa dulo ng sanlinggo,” ang kaniyang paliwanag. “Araw-araw ay aming tinatalakay ang isang teksto sa Bibliya. Kami’y nagtatakda rin ng isang gabi para sa pampamilyang talakayan sa Bibliya.”

Ang dalawang pamilyang iyan ay mga Saksi ni Jehova. Kanilang sinusunod ang payo para sa mga pamilya na nasusulat sa Bibliya​—at ito naman ay nagbubunga ng hinahangad na mga resulta. Subalit, ang mga ito ay hindi kataliwasan. May daan-daang libong pamilyang tulad nila na umaani ng mabuting resulta sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga alituntunin para sa buhay pampamilya na nasa aklat na iyan.b Ano nga ba ang mga alituntuning iyon? Papaano ka makikinabang pati ang iyong pamilya? Bilang sagot ikaw ay aming inaanyayahan na isaalang-alang ang mga artikulong nagsisimula sa susunod na pahina.

[Mga talababa]

a Para sa higit pang ebidensiya na ang mga huling araw ay nagsimula noong 1914, tingnan ang kabanata 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Sa pamamagitan ng isang walang bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng personal na tulong sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya sa pamilya. Kayo’y maaaring makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Larawan sa pahina 4]

Ang mahirap na mga kalagayang pangkabuhayan ang sanhi ng malaking kagipitan para sa mga pamilya sa umuunlad na mga bansa

[Credit Line]

Kuha ng U.S. Navy

[Larawan sa pahina 7]

Sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, maraming pamilya ang nakapananaig sa kasalukuyang mga kagipitan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share