Paghaharap ng Mabuting Balita Taglay ang Positibong Saloobin
1 Nais nating lahat na makasumpong ng kagalakan sa anumang ginagawa natin, lalo na sa paggawa ng alagad. Ano ang nagdudulot sa atin ng gayong kasiyahan? Ito’y nagsisimula kapag pinanatili natin ang positibong kaisipan sa pagtulong sa iba. (Kaw. 11:25) Ang paraan ng paghaharap natin ng mabuting balita ay dapat na magpakita na talagang pinaniniwalaan natin ang ating sinasabi. Kapag tayo’y nagsasalita mula sa ating puso, kung gayon ang ating kataimtiman at personal na pananalig ay mahahayag. (Luc. 6:45) Sa pamamagitan ng pag-eensayo ng ating presentasyon, tayo’y magkakaroon ng higit na pagtitiwala sa pakikipag-usap sa mga tao. Ito’y makatutulong sa atin lalo na sa Pebrero kapag iniaalok natin ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Masusumpungan ninyong makatutulong ang sumusunod na mga mungkahi.
2 Kapag nag-aalok ng aklat na “Creation,” maaari ninyong sabihin ang ganito sa unang pagdalaw:
◼ “Sa pakikipag-usap sa ating mga kapitbahay, nasumpungan namin na ang ilan ay may pagtitiwala sa Diyos. Ang iba naman ay nahihirapang maniwala sa kaniya. Ano ang masasabi ninyo? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung paano nangangatuwiran ang Bibliya sa bagay na ito. [Basahin ang Roma 1:20.] Makikita natin ang katunayan ng ‘walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos at ang kaniyang pagka-Diyos’ sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga bagay na nilalang niya.” Basahin ang huling parapo sa pahina 48 ng aklat na Creation, at akayin ang pansin sa pagkamasalimuot ng nabubuhay na selula. O gamitin ang parapo 18 sa pahina 147 upang ipakita kung paanong ang kamangha-manghang circulatory system ng punungkahoy ay nagpapatingkad sa gawa ng isang Maylikha. Ialok ang aklat at isaayos na bumalik.
3 Kapag bumabalik upang dalawin ang mga nakausap ninyo hinggil sa Pagkamaylikha ng Diyos, marahil ay nanaisin ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, ating pinag-usapan ang tungkol sa katunayan ng pag-iral ng Diyos—ang kaniyang kamangha-manghang paglalang. Nahihirapan ba kayong maniwala na ang Isa na lumikha ng sansinukob ay magiging interesado rin sa ating kinabukasan? [Hayaang sumagot.] Kasiya-siyang pansinin na patiunang itinakda na ng Maylikha ang kinabukasan.” Basahin ang Isaias 46:9, 10. Depende sa interes ng indibiduwal, gamitin ang mga larawan at mga kapsiyon sa kabanata 19 ng aklat na Creation upang itampok ang kaayaayang mga kalagayan na ipinangako ng Diyos. Basahin ang parapo 1 ng kabanata 20, at ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya. Kung tanggapin, pasimulan ang pag-aaral sa aklat na Kaalaman.
4 Maaari ninyong subukan ang presentasyong ito kapag iniaalok ang aklat na “Creation”:
◼ “Sa pakikipag-usap sa inyong mga kapitbahay, napansin kong ang karamihan ay nagnanais na magkaroon ng isang ligtas na komunidad at isang mapayapang daigdig. Ano sa palagay ninyo ang dahilan at nabigo ang tao na tamuhin ang gayong kalagayan? [Hayaang sumagot.] Ang ilang mga pinuno ay maaaring taimtim at gumagawa ng mabuti, subalit pansinin kung ano ang payo ng Bibliya.” Basahin ang Awit 146:3, 4; pagkatapos ay magtanong: “Mayroon bang sinuman na may kakayahang masapatan ang mga pangangailangan ng tao?” Basahin ang mga talatang 5 at 6. Ipakita ang larawan sa pahina 251 ng aklat na Creation, at akayin ang pansin sa mga kapakinabangan ng pamamahala ng Diyos. Ialok ang aklat.
5 Kung pinag-usapan noong una ang pamamahala ng Diyos, maaaring subukan ninyo ang mungkahing ito sa pagdalaw-muli:
◼ “Sa nakaraang pagparito ko may ilang araw na ang nakalilipas, ating napag-usapan ang kabiguan ng tao sa pagdadala ng kapayapaan sa lupa. Marahil ay natatandaan pa ninyo ang dahilang ibinibigay ng Bibliya para sa gayong kabiguan. [Basahing muli ang Awit 146:3.] Napansin ba ninyo kung bakit pinapayuhan tayo ng Diyos na huwag ilagak ang ating mga pag-asa sa mga tao? [Hayaang sumagot.] Marahil ay sang-ayon kayo na ang anumang pag-asa para sa isang permanenteng solusyon ay kailangang magmula sa Diyos. Ang dahilan kung bakit maaari tayong magkaroon ng ganitong pagtitiwala ay ipinaliwanag sa Awit 146:10. [Basahin.] Kung nais nating maging sakop ng Kaharian ng Diyos, ano ang dapat nating gawin?” Bumaling sa pahina 250 ng aklat na Creation, basahin ang parapo 13, at itampok ang Juan 17:3. Ialok na itanghal kung paano tatamuhin ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang hanggan. Kung pumayag, iharap ang aklat na Kaalaman at pasimulan ang pag-aaral.
6 Sa paggawa sa mga tindahan, maaari ninyong gamitin ang maikling pambungad na ito kasama ng aklat na “Creation”:
◼ “Sa ngayon ay gumagawa kami ng isang pantanging paglilingkod sa mga negosyante sa komunidad na ito. Tayong lahat ay nababahala sa pagdami ng krimen at karahasan sa ating lugar. Sa palagay ba ninyo’y may sinumang nagtataglay ng tunay na solusyon sa suliraning ito? [Hayaang sumagot.] Ang Diyos ay may solusyon.” Bumaling sa pahina 196 ng aklat na Creation; basahin at komentuhan ang Kawikaan 2:21, 22 sa parapo 19. Ipakita ang pamagat ng kabanata 16, at ialok ang aklat.
7 Kapag gumagawa ng isang pagdalaw-muli sa isang negosyante na napaglagyan ninyo ng aklat na “Creation,” maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, binanggit ko na ang Diyos ang tanging isa na talagang may namamalaging solusyon sa krimen at karahasan. Ayon sa kaniyang pangako, makapagtitiwala tayong iiral ang isang mapayapang lupa. Pansinin ang pagpapasiyang napapaharap sa bawat isa sa atin.” Basahin ang parapo 11 sa pahina 250 ng aklat na Creation, lakip na ang Awit 37:37, 38. Komentuhan ang larawan sa pahina 251, at basahin ang unang pangungusap sa parapo 14. Ialok ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na maaaring idaos alinman sa kanilang opisina o sa kanilang tahanan.
8 Bilang “mga kamanggagawa ng Diyos,” taglay natin ang bawat dahilan upang maging positibo kapag naghaharap ng mabuting balita. (1 Cor. 3:9) Ang pagpapanatili natin ng saloobing ito ay magdudulot ng mayamang pagpapala ni Jehova.