Kung Bakit Kailangang Dumalo Ka sa mga Pulong ng mga Kristiyano
SA LOOB ng ilang buwan, si Rosario, na naninirahan sa Timog Amerika, ay nasiyahan sa pakikipag-aral ng Bibliya kay Elizabeth. Si Rosario ay tuwang-tuwa nang malaman ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung papaano magdadala iyon ng mga kalagayang mala-Paraiso sa lupa. Subalit, kailanma’t aanyayahan siya ni Elizabeth na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, siya’y tumatanggi. Naisip niya na maaari naman niyang pag-aralan ang Bibliya sa tahanan at sundin ang sinasabi niyaon, na ginagawa iyon nang hindi dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Napag-isipan mo na ba kung ang mga pulong ng mga Kristiyano ay talagang pinakikinabangan mo? Bakit isinaayos ng Diyos na ang kaniyang bayan ay magtipong sama-sama?
Yamang ang mga Kristiyano noong unang siglo ay ibang-iba sa mga taong nakapalibot sa kanila, ang tamang pakikihalubilo ay kailangan sa kanilang ikaliligtas. Si apostol Pablo ay sumulat sa isang kongregasyon ng sinaunang mga Kristiyano: ‘Kayo’y maging walang sala at walang malay sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanlibutan.’ (Filipos 2:15) Ang mga Kristiyano ay nakaranas ng lubhang mahirap na panahon sa Judea, at sa kanila ay sumulat si Pablo: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Papaano natin pinupukaw ang isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa sa pamamagitan ng pagkakatipong sama-sama?
Kung Papaano “Nagpapatalas” sa Isa’t Isa ang mga Kristiyano
Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo at isinaling “mapukaw” ay literal na nangangahulugang “isang pagpapatalas.” Isang kawikaan sa Bibliya ang nagpapaliwanag kung papaano “nagpapatalas” sa isa’t isa ang mga Kristiyano nang sabihin nito: “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Gayon pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17; Eclesiastes 10:10) Tayo’y tulad ng mga instrumento na kailangang regular na ihasa upang tumalas. Yamang ang pagpapahayag ng pag-ibig kay Jehova at paggawa ng mga pasiya salig sa ating pananampalataya ay nangangahulugan ng pagiging iba sa sanlibutan, tayo’y kailangang laging mapaiba sa karamihan.
Ang patuluyang pagsisikap na mapaiba ay maaaring magpahina sa ating sigasig sa mabubuting gawa. Subalit pagka tayo’y kasama ng iba pa na umiibig kay Jehova, tayo’y nagpapatalas sa isa’t isa—ating pinupukaw ang isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa. Sa kabilang dako, kung tayo’y nag-iisa, ang ating sarili ang higit na isinasaalang-alang natin. Maaaring pumasok sa ating isip ang mahalay, mapag-imbot, o hangal na mga kaisipan. “Ang isang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na nasa; siya’y nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.” (Kawikaan 18:1) Kaya naman si Pablo ay sumulat sa kongregasyon sa lunsod ng Tesalonica: “Patuloy na mag-aliwan kayo at magpatibayan sa isa’t isa, gaya ng ginagawa na ninyo.”—1 Tesalonica 5:11.
Nang matapos ni Rosario ang kaniyang pag-aaral ng saligang mga turo ng Bibliya, hindi pa rin siya nakikisama sa kongregasyon. Kaya, yamang hindi na siya mabigyan ng higit pang tulong, huminto si Elizabeth ng pagdalaw sa kaniya. Makalipas ang ilang buwan isang naglalakbay na tagapangasiwa ang dumalaw kay Rosario at siya’y tinanong: “Kahit na kung ang bawat miyembro ng pamilya ay makakasumpong ng masarap na pagkain sa pamamagitan ng pagkain sa labas, ano ang hindi matatamasa ng lahat ng miyembro dahil hindi sila kumakain nang magkakasalo sa tahanan?” Si Rosario ay tumugon: “Hindi nila matatamasa ang kasiyahan ng pagsasama-sama ng pamilya.” Naunawaan niya ang punto at siya’y nagsimulang dumalo nang palagian sa mga pulong. Napatunayan niya na iyon ay nakabubuti kung kaya magmula na noon ay naroon siya sa halos sa bawat pulong.
Ang pagkarinig sa ibang tao na magpahayag ng pananampalataya sa kaparehong mga bagay na pinaniniwalaan mo ay nakapagpapatibay-loob at gayundin ang pagkakita kung papaanong ang gayong pananampalataya ay bumago ng kanilang buhay. Ito’y nabatid ni Pablo buhat sa sarili niyang karanasan, at siya’y sumulat sa kongregasyon sa Roma: “Nananabik akong makita kayo, upang ako’y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu upang kayo’y tumibay; o, lalong magaling, upang magpatibay-loob sa isa’t isa, ang bawat isa ay sa pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Sa katunayan, iyon ay mga taon pa bago nadalaw ni Pablo ang Roma, at nang siya nga ay dumalaw, isa siyang bilanggo na nasa kamay ng mga Romano. Subalit nang makita niya ang mga kapatid na taga-Roma na naglakad nang mahigit 60 kilometro mula sa lunsod upang makita siya, “si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang loob.”—Gawa 28:15.
Pagkasumpong ng Espirituwal na Pagkain sa mga Panahong Mapanganib
Samantalang nakakulong sa bahay sa Roma, sumulat si Pablo sa mga Hebreo tungkol sa hindi pagpapabaya sa pagtitipong sama-sama. Mahalaga ito para sa atin kung kaya isinusog niya: “At lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” (Hebreo 10:25) Walang pagbabagong ipinakita ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Kasulatan na ang taóng 1914 ang pasimula ng panahon ng wakas ng sanlibutang ito at na “ang araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama” ay malapit na. (2 Pedro 3:7) Ayon sa aklat ng Apocalipsis sa Bibliya, nang ang Diyablo’y palayasin sa langit sa pasimula ng panahon ng kawakasan, siya’y galit na galit at “humayo upang makipagbaka sa mga nalabi . . . na tumutupad ng mga utos ng Diyos at may gawain na pagpapatotoo kay Jesus.” (Apocalipsis 12:7-17) Kaya, ang pagtupad sa mga utos ng Diyos ay lalong mahirap ngayon; kailangan tayong higit na makipagtipon sa mga kapananampalataya. Ang mga pulong ay tutulong sa atin na patibayin ang ating pananampalataya at ang ating pag-ibig sa Diyos upang malabanan ang mga pagsalakay ng Diyablo.
Ang pag-ibig sa Diyos at ang pananampalataya ay hindi tulad ng mga gusali na minsang maitayo ay permanente na. Bagkus, ang mga ito ay tulad ng mga bagay na may buhay na lumalaking unti-unti habang patuloy na inaalagaan ngunit nalalanta at namamatay pagka hindi inalagaan. Iyan ang dahilan kung bakit naglalaan si Jehova ng palagiang espirituwal na pagkain upang palakasin ang kaniyang bayan. Lahat tayo ay nangangailangan ng gayong pagkain, subalit saan natin makukuha ito maliban sa organisasyon ng Diyos at sa mga pulong nito? Wala kahit saan.—Deuteronomio 32:2; Mateo 4:4; 5:3.
Si Jesus ay nagbangon ng isang tanong na makatutulong sa atin upang makita kung papaano niya pinakakain ang kongregasyong Kristiyano. Nagtanong siya: “Sino nga ba ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga kasambahay, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa.” (Mateo 24:45, 46) Sino ang hinirang ni Jesus noong unang siglo upang magpakain sa kaniyang mga tagasunod, at sino ang naratnan niyang tapat na nagpapakain sa kanila nang siya’y bumalik na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian? Maliwanag, walang tao ang patuloy na nabuhay sa loob ng lumipas na mga siglong iyon. Ang ebidensiya ay nakaturo na ang alipin ay ang kongregasyon ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, kung papaano ang bansang Israel ay lingkod ng Diyos noong mga panahong bago nagkaroon ng mga Kristiyano. (Isaias 43:10) Oo, inilalaan ni Jesus ang ating espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pambuong-daigdig na lupong iyan ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na sa ngayon ay naghahatid ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Ang paglalaan ni Jesus ng isang alulod para sa panustos na espirituwal na pagkain ay inilarawan pa rin ni apostol Pablo: “ ‘Nang umakyat siya sa itaas ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng kaloob na mga lalaki.’ . . . Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, sa layuning muling maiwasto ang mga banal, para sa gawaing ministeryal, para sa ikatitibay ng katawan ng Kristo, hanggang sa tamuhin nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa ganap na paglaki ng tao, sa sukat ng paglaki na siyang kalubusan ng Kristo.”—Efeso 4:8, 11-13.
Iyon ay lalo na sa loob ng lokal na mga kongregasyon—sa mga pulong—na ang mga kapatid ay pinatitibay nitong “kaloob na mga lalaki.” Halimbawa, sa Antioquia, sina “Judas at Silas, palibhasa’y mga propeta rin naman, ay pinatibay ang mga kapatid sa pamamagitan ng maraming pahayag at pinalakas sila.” (Gawa 15:32) Ang mga pahayag ng kuwalipikado sa espirituwal na mga lalaki sa ngayon ay magpapatibay rin sa ating pananampalataya upang ito’y hindi humina o maging di-aktibo.
Marahil ay totoo na nagkaroon tayo ng mainam na pagsulong dahilan sa personal na pagtulong ng isang miyembro ng kongregasyon bagaman hindi pa tayo nagsisimulang dumalo sa mga pulong. Sinasabi ng Bibliya na may panahon na “kailangan na namang kayo’y turuan buhat sa pasimula ng mga panimulang aralin ng banal na mga kapahayagan ng Diyos; at kayo’y . . . nangangailangan ng gatas, hindi ng pagkaing matigas.” (Hebreo 5:12) Subalit ang isa ay hindi maaaring manatiling umiinom na lamang ng gatas. Ang mga pulong ng mga Kristiyano ay naglalaan ng patuluyang programa sa pagtuturo ng Bibliya na dinisenyong panatilihing buháy ang pag-ibig at ang pananampalataya sa Diyos at gayundin magbigay ng praktikal na tulong sa pagkakapit ng “lahat ng payo ng Diyos.” (Gawa 20:27) Ito ay higit pa sa “gatas.” Sinasabi pa rin ng Bibliya: “Ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang na, sa kanila na sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:14) Sa mga pulong maraming paksa ang tinatalakay na maaaring hindi bahagi ng saligang kurso ng pantahanang pagtuturo sa Bibliya, tulad ng talata-por-talatang mga aralin ng mahalagang mga hula sa Bibliya at lubusang pagtalakay sa kung papaano natin matutularan ang Diyos sa ating sariling pamumuhay.
Mga Paalaala ni Jehova—Mistulang Isang Tinig sa Likuran Mo
Sa pamamagitan ng gayong mga pag-aaral sa kongregasyon, palagiang ipinaaalaala sa atin ni Jehova kung anong uri ng mga tao ang nararapat sa atin. Mahalaga ang gayong mga paalaala. Kung wala ang mga ito madali tayong mahulog sa kaimbutan, kahambugan, at kasakiman. Ang mga paalaala buhat sa Kasulatan ay tutulong sa atin na tamasahin ang matagumpay na mga kaugnayan sa ibang tao at sa Diyos mismo. “Aking pinag-isipan ang aking mga lakad, upang maibalik ko ang aking mga paa sa iyong mga paalaala,” inamin ng sumulat ng Awit 119:59.
Samantalang palagian tayong dumadalo sa mga pulong ng mga Kristiyano, nararanasan natin ang katuparan ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias, na nagsasabi: “Ang iyong Dakilang Tagapagturo ay hindi na magkukubli pa, at ang iyong mga mata’y magiging mga matang makakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan.’ ” Binabantayan ni Jehova ang ating pagsulong at mapagmahal na itinutuwid tayo kung tayo’y magkamali ng hakbang. (Isaias 30:20, 21; Galacia 6:1) At siya’y naglalaan ng higit pang tulong bukod dito.
Pagtanggap ng Banal na Espiritu sa Pamamagitan ng Kongregasyon
Sa palagiang pagdalo sa mga pulong ng mga Kristiyano kasama ng mga Saksi ni Jehova, napatitibay tayo ng banal na espiritu ng Diyos, na sumasakaniyang bayan. (1 Pedro 4:14) Isa pa, ang mga tagapangasiwang Kristiyano sa kongregasyon ay inatasan ng banal na espiritu. (Gawa 20:28) Ang aktibong puwersang ito buhat sa Diyos ay may malakas na impluwensiya sa isang Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Ang banal na espiritu, na gumagawa sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos, ay tutulong din sa atin na magkamit ng kamangha-manghang malinaw na pagkaunawa na inilaan ni Jehova para sa mga umiibig sa kaniya. Pagkatapos ipaliwanag na ang prominenteng mga tao ng sistemang ito ng mga bagay ay hindi makaunawa sa mga layunin ng Diyos, sumulat si Pablo: “Sa atin nga isiniwalat ng Diyos ang mga iyan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.”—1 Corinto 2:8-10.
Bukod sa nagpapatibay-pananampalatayang espirituwal na pagkain, ang kongregasyon ay naglalaan ng pagsasanay para sa mga nagnanais makibahagi sa pangunahing gawain sa kongregasyon. Ano iyon?
Ang Pagsasanay na Inilaan ng Kongregasyon
Ang kongregasyong Kristiyano ay hindi isang sosyal na klub na kung saan ang mga tao ay naglilibang lamang at marahil nagpapatibayan sa isa’t isa upang magkaroon ng lalong mabuting pamumuhay. Ang utos ni Jesus sa kongregasyon ay dalhin ang mabuting balita ng Kaharian sa mga taong namumuhay sa espirituwal na kadiliman. (Gawa 1:8; 1 Pedro 2:9) Mula nang araw na itatag iyon, noong Pentecostes 33 C.E., iyon ay isang organisasyon ng mga tagapangaral. (Gawa 2:4) Nagkaroon ka ba ng karanasan sa pagsisikap na sabihin sa isang tao ang mga layunin ni Jehova ngunit hindi siya nakumbinsi? Ang mga pulong ng kongregasyon ay naglalaan ng personal na pagsasanay sa sining ng pagtuturo. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga halimbawa sa Bibliya, natututo tayo kung papaano magtatatag ng pinagkakasunduang punto upang mula roon ay mangatuwiran tayo, matuto kung papaano gagamitin ang Kasulatan bilang batayan ng makatuwirang argumento, at kung papaano tutulungan ang iba na mangatuwiran sa pamamagitan ng paggamit ng mga katanungan at mga ilustrasyon. Ang gayong mga kakayahan ay makatutulong sa iyo na maranasan ang di-masayod na kagalakan ng pagtulong sa ibang tao upang maunawaan ang katotohanan ng Bibliya.
Sa nag-aaway-away, imoral na sanlibutang ito, ang kongregasyong Kristiyano ay isang tunay na espirituwal na kanlungan. Bagaman binubuo ito ng mga taong di-sakdal, ito’y isang kanlungan na may kapayapaan at pag-ibig. Kung gayon, palagian kang dumalo sa lahat ng mga pulong nito at mararanasan mo ang katotohanan ng mga salita ng salmista: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang mga magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa! . . . Doon iniutos ni Jehova na dumoon ang pagpapala, samakatuwid baga’y ang buhay magpakailanman.”—Awit 133:1, 3.