Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 2/1 p. 24-28
  • Ang Dako ng Musika sa Makabagong Pagsamba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Dako ng Musika sa Makabagong Pagsamba
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makasaysayang Dako ng Musika sa Pagsamba
  • Pag-awit ng Unang-Siglong mga Kristiyano
  • Ang Impluwensiya ng Huwad na Pagsamba
  • Isinasauli ang Musika sa Talagang Dako nito sa Pagsamba
  • ‘Umaawit sa Ating mga Puso kay Jehova’
  • Humimig kay Jehova
  • Ang Halaga ng Pag-awit sa Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Umawit Nang Masaya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Umawit ng mga Papuri kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagpuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Awit
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 2/1 p. 24-28

Ang Dako ng Musika sa Makabagong Pagsamba

ANG pag-awit ay isang kaloob mula sa Diyos. Ang paglalakas ng ating tinig sa pag-awit ay makapagpapasaya sa atin at sa ating Maylalang. Sa pamamagitan nito, maipahahayag natin ang ating damdamin, kapuwa ang kalungkutan at kagalakan. Higit pa rito, maipahahayag natin ang ating pag-ibig, pagsamba, at papuri sa Maylikha ng awit, si Jehova.

Karamihan sa mga tatlong daang pagtukoy ng Bibliya sa musika ay nauugnay sa pagsamba kay Jehova. May kaugnayan din ang pag-awit sa kagalakan​—hindi lamang ang kagalakan niyaong mga umaawit kundi pati na ang kagalakan ni Jehova. Sumulat ang salmista: “Hayaan silang humimig sa kaniya. Sapagkat si Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan.”​—Awit 149:3, 4.

Subalit gaano kahalaga ang pag-awit sa makabagong pagsamba? Paanong si Jehova ay mapalulugdan ng kaniyang bayan ngayon sa pamamagitan ng paglalakas ng kanilang tinig sa pag-awit? Ano ang nararapat na dako ng musika sa tunay na pagsamba? Ang pagsusuri sa kasaysayan ng musika sa pagsamba ay tutulong upang masagot ang mga tanong na ito.

Makasaysayang Dako ng Musika sa Pagsamba

Ang unang pagtukoy ng Bibliya sa musika ay hindi pantanging binanggit may kinalaman sa pagsamba kay Jehova. Sa Genesis 4:21, kinilala si Jubal bilang ang posibleng nag-imbento ng unang mga instrumento sa musika o marahil ang nagtatag ng isang uri ng propesyon sa musika. Gayunman, ang musika ay bahagi na ng pagsamba kay Jehova bago pa man lalangin ang mga tao. Ang ilang salin ng Bibliya ay naglalarawan sa mga anghel na umaawit. Bumabanggit ang Job 38:7 tungkol sa mga anghel na masayang nag-aawitan at ‘naghihiyawan sa kagalakan.’ Kaya, may maka-Kasulatang dahilan na maniwalang ang pag-awit sa pagsamba kay Jehova ay matagal nang kaugalian bago pa umiral ang mga tao.

Ikinakatuwiran ng ilang istoryador na ang sinaunang Hebreong musika ay pawang melodiya, walang umaalalay na armonya. Gayunman, higit sa isang nota ang maaaring patugtugin nang sabay sa isang alpa, isang instrumentong madalas banggitin sa Bibliya. Tiyak na napansin ng manunugtog ng alpa ang armonya na mapalilitaw ng kombinasyon ng mga tono sa instrumento. Sa halip na makaluma, ang kanilang musika ay tiyak na nakahihigit. At kung ibabatay sa tula at prosa ng Hebreong Kasulatan, masasabi nating mataas ang uri ng musika ng mga Israelita. Walang alinlangan, ang inspirasyon sa paggawa ng musika ay makapupong mas matayog kaysa roon sa kalapit na mga bansa.

Ang kaayusan ng sinaunang templo ay naglaan para sa masalimuot na pagsasaayos ng mga tugtugin at tinig sa pagsamba sa templo. (2 Cronica 29:27, 28) May mga “direktor,” “eksperto,” “estudyante,” at mga “pangulo ng mga mang-aawit.” (1 Cronica 15:21; 25:7, 8; Nehemias 12:46) Ganito ang komentong isinulat ng istoryador na si Curt Sachs hinggil sa kanilang nakahihigit na kakayahan sa musika: “Ang mga koro at orkestra na nauugnay sa Templo sa Jerusalem ay nagpapahiwatig ng mataas na pamantayan ng edukasyon, kasanayan, at kaalaman sa musika. . . . Bagaman hindi natin alam ang himig ng sinaunang musikang iyan, tayo ay may sapat na katibayan sa kapangyarihan, karingalan, at kagalingan nito.” (The Rise of Music in the Ancient World: East and West, 1943, pahina 48, 101-2) Ang Awit ni Solomon ay isang halimbawa ng pagkamalikhain at kalidad ng mga Hebreong komposisyon. Ito ay isang kuwento sa anyong awit, nakakatulad ng libreto, o liriko, ng isang opera. Ang awit ay tinawag sa Hebreong teksto bilang “Awit ng mga Awit,” samakatuwid, ang pinakamagandang awit. Para sa mga sinaunang Hebreo, ang pag-awit ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba. At nagbibigay-daan ito para sa positibong pagpapahayag ng damdamin sa kanilang pagpuri kay Jehova.

Pag-awit ng Unang-Siglong mga Kristiyano

Ang musika ay patuloy na naging regular na bahagi ng pagsamba ng mga unang Kristiyano. Karagdagan sa pagkakaroon ng kinasihang Mga Awit, waring kumatha sila ng orihinal na musika at mga liriko para sa pagsamba, anupat naglatag ng pamarisan para sa makabagong-panahong komposisyon ng mga awiting Kristiyano. (Efeso 5:19) Ganito ang paliwanag ng aklat na The History of Music, ni Waldo Selden Pratt: “Ang pag-awit sa pampubliko at pampribadong pagsamba ay karaniwan sa mga unang Kristiyano. Para sa mga nakumberteng Judio ito ay pagpapatuloy ng kaugalian sa sinagoga . . . Bilang karagdagan sa Hebreong Mga Awit . . . , ang bagong pananampalataya ay laging nakahilig sa paglikha ng bagong mga himno, na sa simula ay nasa anyong rapsodya.”a

Palibhasa’y itinatampok ang kahalagahan ng pag-awit, nang itatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, marahil ay inawit niya at ng kaniyang mga apostol ang mga Hallel. (Mateo 26:26-30) Ang mga ito ay mga awit ng papuri kay Jehova na nakaulat sa Mga Awit at inaawit kaugnay ng pagdiriwang ng Paskuwa.​—Awit 113-118.

Ang Impluwensiya ng Huwad na Pagsamba

Pagsapit ng tinatawag na Panahon ng Kadiliman, ang relihiyosong mga musika ay nagbago tungo sa malungkot na pagkanta. Noong mga 200 C.E., sinabi ni Clemente ng Alejandria: “Iisang instrumento ang kailangan natin: ang mapayapang salita ng pagsamba, hindi mga alpa o tambol o pipa o mga trumpeta.” Nagpairal ng mga restriksiyon, anupat boses na lamang ang ginamit para sa musika sa simbahan. Nakilala ang istilong ito bilang isang kanta o iisang himig na awit. “Wala pang apatnapung taon pagkaraang itayo ang Constantinople, ipinagbawal ng Konseho ng Laodicea (A.D. 367) ang magkasamang pakikibahagi ng mga instrumento at mga kongregasyon sa liturhiya. Ang Ortodoksong musika ay pulos boses,” ang sabi ng aklat na Our Musical Heritage. (Amin ang italiko.) Ang mga pagbabawal na ito ay walang saligan sa sinaunang Kristiyanismo.

Noong mga Panahon ng Kadiliman, ang Bibliya ay isang saradong aklat sa mga pangkaraniwang tao. Ang mga Kristiyanong nangahas na mag-ari o magbasa ng Bibliya ay inusig at pinatay pa nga. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang kinaugaliang pag-awit ng mga papuri sa Diyos ay lalo nang naglaho noong madilim na yugtong iyon. Tutal, kung ang mga pangkaraniwang tao ay hindi nakababasa ng Kasulatan, paano nila malalaman na ang ikasampung bahagi ng buong Bibliya ay awit? Sino ang magpapabatid sa kanila na iniutos ng Diyos sa kaniyang mga mananamba na “umawit kay Jehova ng isang bagong awit, ng papuri sa kaniya sa kongregasyon ng mga matapat”?​—Awit 149:1.

Isinasauli ang Musika sa Talagang Dako nito sa Pagsamba

Marami na ang nagawa ng organisasyon ni Jehova upang maisauli ang musika at pag-awit sa talagang dako ng mga ito sa pagsamba. Halimbawa, ang Pebrero 1, 1896, labas ng Zion’s Watch Tower ay naglalaman lamang ng mga awit. Iyon ay pinamagatang “Masasayang mga Awitin ng Sion sa Pasimula.”

Noong 1938 ay halos walang pag-awit sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, di-nagtagal ay nanaig ang katalinuhan ng pagsunod sa halimbawa at tagubilin ng mga apostol. Sa 1944 na pandistritong kombensiyon, ipinahayag ni F. W. Franz ang “Awit ng Paglilingkod sa Kaharian.” Ipinakita niya na ang mga awit ng papuri kay Jehova ay inihandog ng makalangit na mga nilalang ng Diyos bago pa man lalangin ang tao at sinabi: “Angkop at nakalulugod sa Diyos na ilakas ng Kaniyang makalupang mga lingkod ang kanilang mga tinig sa literal na pag-awit.” Pagkatapos balangkasin ang argumento tungkol sa pag-awit sa pagsamba, ipinatalastas niya ang paglalabas ng Kingdom Service Song Book para gamitin sa lingguhang mga pulong sa paglilingkod.b Pagkatapos ay ipinatalastas ng Disyembre 1944 na Informant (tinatawag ngayong Ating Ministeryo sa Kaharian) na ang ibang pulong ay maglalakip din ng panimula at pangwakas na mga awit. Ang pag-awit ay muli na namang naging bahagi ng pagsamba kay Jehova.

‘Umaawit sa Ating mga Puso kay Jehova’

Ang kahalagahan ng taos-pusong pag-awit ay ipinakikita ng ating mga kapatid sa Silangang Europa at Aprika na nakaranas ng maraming taon ng kahirapan at pag-uusig. Si Lothar Wagner ay ipiniit nang nakabukod sa loob ng pitong taon. Paano siya nakapagbata? “Sa loob ng maraming sanlinggo ay nagtuon ako ng pansin sa paggunita sa mga natatandaan kong awiting pang-Kaharian. Kapag hindi ko na maalaala ang eksaktong liriko ay kumakatha na lamang ako ng isa o dalawang taludtod. . . . Kayraming nakapagpapasigla at nakapagpapatibay-loob na mga kaisipan ang taglay ng ating mga awiting pang-Kaharian!”​—1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 226-8.

Sa panahon ng limang taóng pagkakapiit nang nag-iisa dahil sa kaniyang tapat na paninindigan, si Harold King ay nakasumpong ng kaaliwan sa pagkatha at pag-awit ng mga awit ng papuri kay Jehova. Marami sa kaniyang mga komposisyon ay ginagamit ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagsamba. Nakapagpapatibay ang kagalakan na kaugnay ng pag-awit. Subalit hindi na kailangan ang pag-uusig upang kumbinsihin tayo sa kahalagahan ng pag-awit ng mga papuri sa Diyos.

Makasusumpong ng kagalakan sa pag-awit ang buong bayan ni Jehova. Bagaman maaaring may ilang nakapipigil sa atin sa bibigang pagpapahayag ng ating sarili, malaya nating maipahahayag ang ating damdamin kay Jehova kapag ibinubulalas natin iyon sa pag-awit. Ipinahiwatig ni apostol Pablo kung paano tayo makasusumpong ng kagalakan sa pag-awit ng mga papuri nang payuhan niya ang mga Kristiyano na manatiling “nagsasalita sa inyong mga sarili ng mga salmo at mga papuri sa Diyos at espirituwal na mga awit, na umaawit at sinasaliwan ang inyong mga sarili ng musika sa inyong mga puso kay Jehova.” (Efeso 5:19) Kapag puspos ng espirituwal na mga bagay ang ating puso, nagkakaroon tayo ng matinding kasiglahan sa pag-awit. Kaya ang susi sa mahusay na pag-awit ay ang mabuting kalagayan ng puso.

Ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova ay nagbubunga ng maligayang kalooban, na nagpapakilos sa atin upang magsalita, umawit, at humiyaw ng mga papuri kay Jehova. (Awit 146:2, 5) Masigla nating inaawit ang mga bagay na ating kinalulugdan. At kung gusto natin ang awit o ang diwa ng awit, malamang sa hindi ay aawitin natin ito taglay ang tunay na damdamin.

Hindi kailangan na ang isa ay umawit nang malakas upang makaawit nang may damdamin. Ang malakas na pag-awit ay hindi laging kasingkahulugan ng magandang pag-awit; ni ang pag-awit na hindi marinig. Ang ilang boses na may natural na taginting ay maaaring mangibabaw bagaman maaaring banayad lamang ang pag-awit. Ang pagkatutong bumagay ay bahagi ng hamon ng magandang pag-awit kasama ng isang grupo. Ikaw man ay umaawit sa paraang lilikha ng armonya o sa paraang kasinghimig ng iba, ang iyong pakikibagay sa lakas ng boses ng mga katabi mo ay magbubunga ng isang kaayaaya at maayos na awit. Ang Kristiyanong kahinhinan at ang pakikinig ay tumutulong sa isa na matamo ang pagiging timbang sa buhay na pag-awit at gayunma’y hindi nangingibabaw ang sariling boses. Gayunpaman, yaong mga bihasang umawit o may natatanging ganda ang boses ay hindi kailanman dapat masiraan ng loob na umawit nang malakas. Ang isang magandang tinig ay makapagbibigay ng mabisang suporta sa isang kongregasyon na umaawit ng mga papuri kay Jehova.

Ang pag-awit sa ating mga pulong ay naglalaan din ng angkop na pagkakataon para sa pag-awit sa mga bahaging pang-armonya na kaalinsabay ng melodiya. Yaong marunong humimig ng armonya o nakababasa ng mga pang-armonyang taludtod sa aklat-awitan at nakaaawit nito ay pinasisiglang bumagay sa pag-awit at pagandahin pa ang kariktan ng musika.c

Maaaring sabihin ng ilan, ‘Wala ako sa tono’ o ‘Pangit ang boses ko; pumipiyok sa matataas na nota.’ Kaya naman, nangingimi sila kapag umaawit, kahit na sa Kingdom Hall. Ang totoo ay walang boses na umaawit ng papuri kay Jehova ang “pangit” sa kaniyang pangmalas. Kung paanong mapauunlad ang pagsasalita ng isa sa pagsasanay at sa pagsunod sa nakatutulong na mga mungkahi na ibinibigay sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, gayon din mapahuhusay ang pag-awit ng isa. Napahusay ng ilan ang kanilang boses sa pamamagitan lamang ng paghimig samantalang may ginagawa. Ang paghimig ay nakatutulong sa pagpapabuti ng tono ng boses. At sa angkop na mga panahon habang tayo’y nag-iisa o nagtatrabaho sa isang lugar na wala tayong magagambala, ang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian ay isang napakabisang pagsasanay para sa boses at isang paraan upang magkaroon ng masaya, relaks na kondisyon ng isip ang isang tao.

Mapasisigla rin natin ang pag-awit ng ilang awiting pang-Kaharian sa mga pagtitipon. Ang gayong pag-awit, na sinasaliwan ng isang instrumento gaya ng gitara o piyano o ng mga rekording sa piyano ng Samahan, ay lumilikha ng espirituwal na kapaligiran sa ating pagtitipon. Tumutulong din ito para matutuhan at magawang awitin nang wasto ang mga awitin kapag nasa mga pulong ng kongregasyon.

Upang maakay ang kongregasyon na maging masigla sa pag-awit sa mga pulong, naglaan ang Samahan ng inirekord na mga pansaliw na musika. Kapag pinatugtog ang mga ito, ang isa na nangangasiwa sa sistema sa sound ay dapat na magbigay-pansin sa lakas ng tunog. Kung ang musika ay hindi gaanong malakas, maaaring mangimi ang kongregasyon sa pag-awit nang malakas. Habang sumasabay sa pag-awit ng kongregasyon ang kapatid na nangangasiwa sa sistema sa sound, matitiyak niya kung ang musika ay nakatutulong sa pag-akay o hindi.

Humimig kay Jehova

Ang pag-awit ay nagbibigay ng pagkakataon sa atin na magpahayag ng ating damdamin sa ating Maylalang. (Awit 149:1, 3) Hindi lamang ito bugso ng damdamin, kundi isang nasusupil, makatuwiran, at masayang kapahayagan ng ating papuri. Ang masiglang pag-awit kasama ng kongregasyon ay magdudulot sa atin ng tamang kondisyon ng isip at puso para sa programa na susunod at makapagpapasigla sa atin sa higit pang pakikibahagi sa pagsamba kay Jehova. Bagaman ang pag-awit ay may epekto sa damdamin, ang mga liriko ay makapagtuturo rin sa atin. Kaya sa pagpapahayag ng ating sarili nang nagkakaisa at nagkakasuwato, may kaamuan at kapakumbabaan nating inihahanda ang ating puso upang matuto tayo nang magkakasama bilang isang nagkakaisang bayan.​—Ihambing ang Awit 10:17.

Ang pag-awit ay patuloy na magiging bahagi ng pagsamba kay Jehova. Taglay natin kung gayon ang pag-asa na madama magpakailanman ang nadama ng salmista: “Pupurihin ko si Jehova sa buong buhay ko. Ako’y hihimig sa aking Diyos hangga’t ako’y buhay.”​—Awit 146:2.

[Mga talababa]

a Ang rapsodya ay isang komposisyon sa musika na ang iba’t ibang bahagi ay may diwa ng kalayaan. Ang mga rapsodya ay karaniwang nagpaparangal sa mga pangyayari o mga taong naugnay sa kabayanihan.

b Waring ipinahihiwatig ng 1 Corinto 14:15 na ang pag-awit ay isang regular na pitak sa unang-siglong Kristiyanong pagsamba.

c Ang ilan sa mga awit sa ating kasalukuyang aklat-awitan, Umawit ng mga Papuri kay Jehova, ay mayroon pa ring apat-na-bahaging istilo ng armonya para sa kapakinabangan niyaong nasisiyahang umawit ng mga bahaging pang-armonya. Gayunman, marami sa mga awit ay isinaayos para saliwan ng piyano at nilagyan ng istilo ng musika na nilayong magpanatili sa internasyonal na pinagmulan ng mga tono. Ang paglalagay ng mga notang pang-armonya para sa mga awit na isinulat nang walang eksaktong apat-na-bahaging armonya ay maaaring maglaan ng kasiya-siyang pampasigla sa ating pag-awit sa mga pulong.

[Kahon sa pahina 27]

Ilang Mungkahi Para sa Mas Magandang Pag-awit

1. Itaas ang paghawak sa aklat-awitan kapag umaawit. Tumutulong ito sa isa upang makahinga nang mas natural.

2. Huminga nang malalim sa pasimula ng bawat parirala.

3. Ang pagbuka ng bibig nang higit kaysa sa karaniwan sa pasimula ay likas na magdaragdag ng lakas at taginting ng boses.

4. Higit sa lahat, panatilihin ang pansin sa diwa ng inaawit.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share