IKASAMPUNG KABANATA
Kapag Nagkasakit ang Isang Miyembro ng Pamilya
1, 2. Papaano gumamit si Satanas ng trahedya at sakit upang subuking sirain ang katapatan ni Job?
TIYAK na ang lalaking si Job ay karapat-dapat mapabilang sa mga nagtamasa ng maligayang buhay pampamilya. Tinatawag siya ng Bibliya na “ang pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan.” Siya’y may pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, sampung anak na lahat. Napakarami rin niyang mga tinatangkilik upang matustusang mabuti ang kaniyang pamilya. Higit sa lahat, pinangunahan niya ang espirituwal na mga gawain at pinagmalasakitan niya ang kalagayan ng kaniyang mga anak sa harapan ni Jehova. Lahat ng ito ay nagbunga ng malapít at maligayang buklod ng pamilya.—Job 1:1-5.
2 Ang kalagayan ni Job ay hindi nalingid kay Satanas, ang pusakal na kaaway ng Diyos na Jehova. Si Satanas, na palaging naghahanap ng paraan upang sirain ang katapatan ng mga lingkod ng Diyos, ay umatake kay Job sa pamamagitan ng pagwasak sa kaniyang maligayang pamilya. Pagkatapos, kaniyang “sinaktan si Job ng malubhang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” Sa gayon ay binalak ni Satanas na gamitin ang trahedya at sakit upang sirain ang katapatan ni Job.—Job 2:6, 7.
3. Anu-ano ang mga sintoma ng karamdaman ni Job?
3 Hindi binabanggit ng Bibliya kung ano ang medikal na katawagan sa naging sakit ni Job. Gayunman, sinasabi nito sa atin ang mga sintoma. Inuuod ang kaniyang laman, naglalangib ang kaniyang balat at nagnanaknak. Bumaho ang hininga ni Job, at sumamâ ang amoy ng kaniyang katawan. Namimilipit siya sa matinding kirot. (Job 7:5; 19:17; 30:17, 30) Sa gitna ng katakut-takot na hirap na ito ay nakaupo si Job sa abuhan at kinakayod ng bibinga ang kaniyang sarili. (Job 2:8) Tunay na kahabag-habag pagmasdan!
4. Ano ang nararanasan ng bawat pamilya sa pana-panahon?
4 Ano kaya ang gagawin mo kung dapuan ka ng gayong kalubhang sakit? Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi na sinasaktan ni Satanas ng sakit na kagaya ng kay Job. Gayunman, dahil sa di-kasakdalan, sa mga igting ng pang-araw-araw na buhay, at sa lumulubhang kapaligiran na pinamumuhayan natin, dapat lamang asahan na sa pana-panahon, ang mga miyembro ng pamilya ay magkakasakit. Sa kabila ng ating pag-iingat, tayong lahat ay madaling tablan ng sakit, bagaman iilan lamang ang makatitikim ng dinanas ni Job. Kapag sinalakay ng sakit ang ating sambahayan, tunay na iyon ay magiging isang hamon. Kung gayon ay tingnan natin kung papaano tumutulong ang Bibliya sa atin upang maharap ang di-nawawalang kaaway na ito ng sangkatauhan.—Eclesiastes 9:11; 2 Timoteo 3:16.
ANO ANG DAMDAMIN MO RITO?
5. Ano ang pangkaraniwang reaksiyon ng mga miyembro ng pamilya kapag may pansamantalang pagkakasakit?
5 Ang malaking pagbabago sa normal na rutin ng buhay, anuman ang dahilan, ay palaging mahirap, at ito’y lalo nang totoo kung ang pagbabago ay sanhi ng matagalang pagkakasakit. Maging ang maigsing pagkakasakit ay nangangailangan pa rin ng mga pagbabago, pagbibigayan, at pagsasakripisyo. Ang mga miyembro ng pamilya na walang sakit ay baka kailangang huwag mag-ingay upang makapagpahinga ang may-sakit. Baka kailangang tigilan nila ang ilang gawain. Sa kabila nito, sa karamihan ng mga pamilya, maging ang maliliit na bata ay dumaramay sa may-sakit na kapatid o magulang, bagaman paminsan-minsan ay kailangan silang antigin na maging maalalahanin. (Colosas 3:12) Kung ang pagkakasakit ay pansamantala lamang, karaniwan nang handang gawin ng pamilya ang anumang kinakailangan. Tutal, inaasahan ng bawat miyembro ng pamilya na siya’y pagpapakitaan ng gayunding konsiderasyon kung siya naman ang magkakasakit.—Mateo 7:12.
6. Anong mga reaksiyon ang nakikita kung minsan kapag ang isang miyembro ng pamilya ay dinapuan ng malubha, matagalang pagkakasakit?
6 Kumusta naman kung ang pagkakasakit ay napakalubha at ang pagbabago ng rutin ay napakalaki at magtatagal? Halimbawa, ano kaya kung ang isang miyembro ng pamilya ay naparalisa dahil sa atake serebral, naging inutil dahil sa sakit na Alzheimer, o nabalda dahil sa iba pang karamdaman? O ano kaya kung ang isang miyembro ng pamilya ay dinapuan ng sakit sa pag-iisip, gaya ng schizophrenia? Kadalasan ang unang reaksiyon ay awa—pagkalungkot dahil sa malubhang dinaranas ng isang minamahal. Gayunman, ang awa ay maaaring masundan ng iba pang reaksiyon. Habang nadarama ng mga miyembro ng pamilya na sila’y totoong naaapektuhan na at nahahadlangan ang kanilang kalayaan dahil sa pagkakasakit ng isang tao, maaaring sila’y maghinanakit. Baka maitanong nila: “Bakit kaya kailangang mangyari ito sa akin?”
7. Ano ang naging reaksiyon ng asawa ni Job sa kaniyang pagkakasakit, at ano ang maliwanag na nalimutan niya?
7 Waring ganito rin ang sumagi sa isip ng asawa ni Job. Tandaan mo, naranasan na niya ang pagkawala ng kaniyang mga anak. Habang sunud-sunod na nagaganap ang kalunus-lunos na mga pangyayaring iyon, walang-alinlangang lalong tumitindi ang kaniyang pagkaligalig. Sa wakas, nang makita niya ang kaniyang dating masigla at malakas na asawa na ngayo’y sinalanta ng napakakirot, nakapandidiring sakit, waring nakalimot siya sa pinakamahalagang bagay na siyang nangingibabaw sa lahat ng trahedya—ang kaugnayan nilang mag-asawa sa Diyos. Sabi ng Bibliya: “Sa wakas sinabi sa kaniya ng asawa [ni Job]: ‘Nanghahawakan ka pa bang mahigpit sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!’”—Job 2:9.
Ipinakikita ng mga Kristiyano ang kataimtiman ng kanilang pag-ibig kapag nagkakasakit ang kanilang kabiyak
8. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay may malubhang karamdaman, anong kasulatan ang tutulong sa iba pang miyembro ng pamilya upang mapanatili ang wastong pangmalas?
8 Marami ang nasisiphayo, nagagalit pa nga, kapag biglang nabago ang kanilang buhay dahil sa pagkakasakit ng iba. Gayunman, ang isang Kristiyanong umuunawa sa kalagayan ay makababatid sa bandang huli na ito’y nagbibigay sa kaniya ng pagkakataon upang maipamalas ang kadalisayan ng kaniyang pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ay “may mahabang-pagtitiis at mabait . . . [at] hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:4-7) Kung gayon, sa halip na hayaang mangibabaw ang negatibong damdamin, kailangang gawin natin ang lahat ng ating magagawa upang masugpo ang mga ito.—Kawikaan 3:21.
9. Anong mga katiyakan ang maaaring makatulong sa isang pamilya sa espirituwal at sa emosyonal kapag ang isang miyembro ay nagkasakit nang malubha?
9 Ano ang maaaring gawin upang maipagsanggalang ang espirituwal at emosyonal na kapakanan ng pamilya kapag ang isa sa mga miyembro nito ay malubhang nagkasakit? Mangyari pa, bawat karamdaman ay may sarili nitong pangangailangan sa pangangalaga at paggagamot, at hindi magiging angkop na irekomenda sa babasahing ito ang anumang uri ng paggagamot o paraan ng pantahanang pag-aalaga. Gayunman, sa espirituwal na diwa, si Jehova “ay nagbabangon ng lahat ng nayuyukod.” (Awit 145:14) Sumulat si Haring David: “Maligaya ang sinumang kumikilos nang may konsiderasyon sa isa na mababa; sa araw ng kalamidad si Jehova ang maglalaan ng pagtakas para sa kaniya. Si Jehova mismo ang magbabantay sa kaniya at mag-iingat sa kaniyang buháy. . . . Si Jehova mismo ang magsusustine sa kaniya sa diban ng karamdaman.” (Awit 41:1-3) Iniingatan ni Jehova na buháy sa espirituwal ang kaniyang mga lingkod, kahit na kung sila’y sinusubok nang higit sa kanilang makakaya sa emosyonal na paraan. (2 Corinto 4:7) Marami sa mga miyembro ng pamilya na napapaharap sa malubhang pagkakasakit sa kanilang sambahayan ang umuulit ng mga salita ng salmista: “Pinipighati ako nang matindi. O Jehova, ingatan mo akong buháy alinsunod sa iyong salita.”—Awit 119:107.
NAGPAPAGALING NA ESPIRITU
10, 11. (a) Ano ang kailangan upang matagumpay na maharap ng isang pamilya ang pagkakasakit? (b) Papaano nabata ng isang babae ang pagkakasakit ng kaniyang asawa?
10 “Ang espiritu ng isang tao ay umaalalay sa kaniyang karamdaman,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “ngunit kung tungkol sa isang bagbag na espiritu, sino ang makatitiis nito?” (Kawikaan 18:14) Ang dagok sa buhay ay nakapipighati sa espiritu ng isang pamilya na kagaya rin sa “espiritu ng isang tao.” Gayunman, “ang isang kalmadong puso ang buhay ng organismong laman.” (Kawikaan 14:30) Ang tagumpay o pagkabigo ng isang pamilya sa pagharap sa malubhang karamdaman ay depende lalung-lalo na sa saloobin, o espiritu, ng mga miyembro nito.—Ihambing ang Kawikaan 17:22.
11 Isang Kristiyanong babae ang kinailangang magbata nang makita ang kaniyang asawa na napinsala dahil sa atake serebral anim na taon lamang pagkatapos ng kanilang kasal. “Malubhang naapektuhan ang pagsasalita ng aking asawa, at halos imposible kaming makapag-usap,” naalaala niya. “Ang kapaguran ng isip sa pagsisikap na maunawaan ang kaniyang pinagpipilitang sabihin ay napakatindi.” Isip-isipin din ang katakut-takot na hirap at pagkasiphayo na tiyak na dinaranas ng asawang lalaki. Ano ang ginawa ng mag-asawa? Kahit na napakalayo sa Kristiyanong kongregasyon ang kanilang tinitirhan, sinikap ng sister sa abot ng kaniyang makakaya na manatiling malakas sa espiritu sa pamamagitan ng pagsubaybay sa lahat ng pinakabagong impormasyon hinggil sa organisasyon gayundin sa patuloy na suplay ng espirituwal na pagkain mula sa mga magasing Bantayan at Gumising! Ito’y nagbigay sa kaniya ng espirituwal na lakas upang maalagaan ang kaniyang mahal na asawa hanggang sa ito’y mamatay pagkaraan ng apat na taon.
12. Gaya ng nakita sa nangyari kay Job, ano kung minsan ang magagawang tulong ng isang may-sakit?
12 Sa naging karanasan ni Job ay siya, na siyang napighati, ang nanatiling malakas. “Tatanggapin ba lamang natin ang mabuti mula sa tunay na Diyos at ang masama ay hindi na?” itinanong niya sa kaniyang asawa. (Job 2:10) Hindi kataka-taka na tukuyin si Job ng alagad na si Santiago bilang isang tampok na halimbawa ng pagtitiis at kahinahunan! Sa Santiago 5:11 ay mababasa natin: “Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” Gayundin sa ngayon, sa maraming pagkakataon ay nakatutulong sa iba pa sa sambahayan ang matibay na saloobin ng may-sakit na miyembro ng pamilya upang mapanatili ang isang positibong pangmalas.
13. Anong paghahambing ang hindi dapat gawin ng isang pamilyang dumaranas ng malubhang pagkakasakit?
13 Ang karamihan sa nakaranas na ng pagkakasakit sa pamilya ay sumasang-ayon na sa pasimula ay karaniwan nang nahihirapan ang mga miyembro ng pamilya na harapin ang katotohanan. Ipinakikita rin nila na talagang napakahalaga kung papaano mamalasin ng isa ang situwasyon. Ang mga pagbabago at pag-iiba sa rutin ng sambahayan ay maaaring mahirap sa pasimula. Ngunit kung talagang magsisikap ang isang tao, masasanay rin siya sa bagong kalagayan. Sa paggawa nito, mahalaga na huwag nating ihambing ang ating kalagayan sa iba na wala namang may-sakit sa kanilang pamilya, anupat iniisip na mas maalwan ang buhay nila at na ‘basta talagang hindi makatuwiran!’ Ang totoo, walang tunay na nakaaalam sa atin kung ano namang pasanin ang kailangang balikatin ng iba. Lahat ng Kristiyano ay naaaliw sa mga salita ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo.”—Mateo 11:28.
ITAKDA ANG MGA DAPAT UNAHIN
14. Papaano maaaring magtakda ng mga wastong dapat unahin?
14 Sa harap ng malubhang pagkakasakit, makabubuti sa isang pamilya na tandaan ang kinasihang pananalita: “Sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasakatuparan.” (Kawikaan 15:22) Maaari bang magsama-sama ang mga miyembro ng pamilya at pag-usapan ang tungkol sa situwasyong dulot ng pagkakasakit? Tiyak na angkop lamang na may-panalanging gawin ito at bumaling sa Salita ng Diyos para sa patnubay. (Awit 25:4) Ano ang dapat isaalang-alang sa gayong pag-uusap? Buweno, naririyan ang mga desisyon ng pamilya tungkol sa pagpapagamot at gastusin. Sino ang pangunahing mag-aasikaso? Papaano makikipagtulungan ang pamilya upang masuportahan ang pag-aasikasong iyon? Papaano makaaapekto sa bawat miyembro ng pamilya ang kaayusang napagkasunduan? Papaano mapangangalagaan ang espirituwal at iba pang pangangailangan ng pangunahing tagapag-asikaso?
15. Anong suporta ang inilalaan ni Jehova para sa mga pamilyang dumaranas ng malubhang pagkakasakit?
15 Ang taimtim na pananalangin sa patnubay ni Jehova, pagbubulay-bulay sa kaniyang Salita, at may tibay-loob na pagsunod sa paraang binabanggit sa Bibliya ay karaniwan nang nagbubunga ng mga di-inaasahang pagpapala. Maaaring hindi naman palaging nauuwi sa pagbuti ang karamdaman ng may-sakit na miyembro ng pamilya. Subalit ang pagsandig kay Jehova ay palaging umaakay sa pinakamabuting resulta sa anumang kalagayan. (Awit 55:22) Sumulat ang salmista: “Ang iyong maibiging-kabaitan, O Jehova, ang patuloy na sumusustine sa akin. Kapag ang aking mga kaisipang nakababagabag ay dumami sa loob ko, ang iyong sariling mga kaaliwan ang nagsimulang humagod sa aking kaluluwa.”—Awit 94:18, 19; tingnan din ang Awit 63:6-8.
TINUTULUNGAN ANG MGA ANAK
Kapag nagtulung-tulong ang pamilya, mahaharap ang mga suliranin
16, 17. Anu-anong punto ang maaaring banggitin kapag ipinakikipag-usap sa maliliit na bata ang pagkakasakit ng kanilang kapatid?
16 Ang malubhang pagkakasakit ay maaaring magdulot ng suliranin sa mga anak sa pamilya. Mahalaga na tulungan ng mga magulang ang mga anak na maunawaan ang mga naging pangangailangan at kung ano naman ang kanilang maitutulong. Kung ang nagkasakit ay isang bata, dapat ipaunawa sa mga kapatid nito na ang dagdag na atensiyon at pangangalaga sa maysakit ay hindi nangangahulugang hindi na mahal ang ibang anak. Sa halip na hayaang bumangon ang hinanakitan o kompetisyon, maaaring tulungan ng mga magulang ang iba pang mga anak na bumuo ng isang mas malapít na buklod sa isa’t isa at magkaroon ng tapat na pagmamahalan habang sila’y nakikipagtulungan sa pagharap sa situwasyon na dulot ng pagkakasakit.
17 Karaniwan nang mas madaling tutugon ang maliliit na bata kapag inaantig ng mga magulang ang kanilang damdamin kaysa sa mahahaba o komplikadong pagpapaliwanag tungkol sa karamdaman. Kaya maaaring ipaunawa sa kanila ang dinaranas ng may-sakit na miyembro ng pamilya. Kung makikita ng mga batang walang sakit na dahil sa karamdaman ang may-sakit ay hindi makagawa ng maraming bagay na sa kanila mismo ay pangkaraniwan lamang, malamang na makadama sila ng higit pang “pagmamahal na pangkapatid” at maging “madamayin sa magiliw na paraan.”—1 Pedro 3:8.
18. Papaano maaaring ipaunawa sa nakatatandang mga anak ang mga suliraning dulot ng pagkakasakit, at papaano ito maaaring maging kapaki-pakinabang sa kanila?
18 Kailangang ipaunawa sa nakatatandang mga anak na naririyan ang mahirap na situwasyon at nangangailangan ito ng pagsasakripisyo sa bahagi ng bawat isa sa pamilya. Dahil sa mga bayarín sa doktor at gamot, baka imposible nang makaya pa ng mga magulang na paglaanan ang iba pang mga anak ayon sa nais nila. Ipaghihinanakit ba ito ng mga anak at ipagpapalagay na sila’y pinagkakaitan? O uunawain nila ang kalagayan at sasang-ayong gumawa ng kinakailangang pagsasakripisyo? Ito’y depende lalo na sa paraan ng pakikipag-usap at sa espiritung pinasisigla sa pamilya. Sa katunayan, sa maraming sambahayan, ang pagkakasakit ng isang miyembro ng pamilya ay nakatulong upang masanay ang mga anak na sundin ang payo ni Pablo: ‘Huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi magkaroon ng kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.’—Filipos 2:3, 4.
KUNG PAPAANO MAMALASIN ANG PAGGAGAMOT
19, 20. (a) Anong mga pananagutan ang isinasabalikat ng mga ulo ng pamilya kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya? (b) Bagaman hindi isang aklat-aralin sa medisina, sa anong paraan naglalaan ng patnubay ang Bibliya sa pagharap sa pagkakasakit?
19 Ang timbang na mga Kristiyano ay hindi tumatanggi sa paggagamot hangga’t ito’y hindi lumalabag sa batas ng Diyos. Kapag nagkasakit ang isang miyembro ng kanilang pamilya, sila’y masigasig na naghahanap ng tulong upang mapagaan ang paghihirap ng may karamdaman. Gayunman, baka magkaroon ng magkasalungat na opinyon ang mga doktor na dapat timbangin. Isa pa, nitong nakaraang mga taon ay naglitawan ang mga bagong sakit at karamdaman, at para sa marami sa mga ito, wala pang paraan ng paggagamot na matatanggap ng lahat. Maging ang wastong pagtiyak sa uri ng sakit ay mahirap makuha kung minsan. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano?
20 Bagaman ang isa sa sumulat ng Bibliya ay isang doktor at si apostol Pablo ay nagmungkahi ng pantulong na gamot sa kaniyang kaibigang si Timoteo, ang Kasulatan ay isang moral at espirituwal na patnubay, hindi isang aklat-aralin sa medisina. (Colosas 4:14; 1 Timoteo 5:23) Kung gayon, kapag may kinalaman sa paggagamot, ang mga ulo ng Kristiyanong pamilya ay kailangang gumawa ng sarili nilang timbang na pagpapasiya. Baka sa palagay nila’y kailangan pa nilang kumuha ng higit sa isang opinyon ng doktor. (Ihambing ang Kawikaan 18:17.) Tiyak na hahangarin nila ang pinakamagaling na mahihinging tulong para sa kanilang may-sakit na miyembro ng pamilya, at nakakamit ito ng karamihan sa kanila mula sa regular na mga doktor. Maaaring ang ilan naman ay mas komportable sa iba pang alternatibong paggagamot. Ito man ay isa ring personal na desisyon. Gayunman, kapag napapaharap sa mga suliraning pangkalusugan, hindi nagpapabaya ang mga Kristiyano na hayaang ‘ang salita ng Diyos ay maging ilawan sa kanilang paa at isang liwanag sa kanilang landas.’ (Awit 119:105) Patuloy nilang sinusunod ang mga tuntuning inihaharap sa Bibliya. (Isaias 55:8, 9) Kaya nga, tinatanggihan nila ang mga paraan ng pagsusuri na may bahid ng espiritismo, at iniiwasan nila ang mga paggagamot na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya.—Awit 36:9; Gawa 15:28, 29; Apocalipsis 21:8.
21, 22. Papaano nangatuwiran ang isang babaing taga-Asia tungkol sa isang simulain ng Bibliya, at papaano napatunayang tama ang kaniyang naging desisyon sa kaniyang kalagayan?
21 Tingnan ang halimbawa ng isang kabataang babaing taga-Asia. Di pa natatagalan pagkatapos na matutuhan niya ang Bibliya bilang resulta ng pakikipag-aral sa isa sa mga Saksi ni Jehova, napaaga ang pagsisilang niya sa isang sanggol na babae na tumitimbang lamang ng sanlibo apat na raan at pitumpong gramo. Halos mawasak ang puso ng babae nang sabihin sa kaniya ng doktor na ang sanggol ay magkakaroon ng kapansanan sa isip at hindi makalalakad kailanman. Pinayuhan siya na ipasok ang sanggol sa isang institusyon. Ang kaniyang asawa ay hindi makapagpasiya. Kanino kaya siya maaaring bumaling?
22 Sabi niya: “Naalaala ko ang aking natutuhan sa Bibliya na ‘ang mga anak ay isang mana mula kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.’” (Awit 127:3) Ipinasiya niyang iuwi ang “manang” ito at alagaan ito. Naging mahirap ang mga bagay-bagay sa pasimula, ngunit sa tulong ng mga Kristiyanong kaibigan sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, nakayanan ito ng babae at napaglaanan ang bata ng kinakailangang pantanging suporta. Pagkalipas ng labindalawang taon, ang bata ay dumadalo na sa mga pulong sa Kingdom Hall at wiling-wili sa pakikisama sa mga kabataan doon. Nagkomento ang ina: “Gayon na lamang ang aking pasasalamat at napakilos ako ng mga simulain ng Bibliya upang gawin ang tama. Tinulungan ako ng Bibliya na mapanatili ang isang malinis na budhi sa harapan ng Diyos na Jehova sa halip na dumanas ng pagsisisi na aking pagdurusahan habang ako’y nabubuhay.”
23. Anong kaaliwan ang ibinibigay ng Bibliya para sa mga may-sakit at para sa mga nag-aasikaso sa kanila?
23 Ang sakit ay hindi sasaatin magpakailanman. Tinukoy ng propetang si Isaias ang panahon sa hinaharap kapag “walang nananahan ang magsasabi: ‘Ako’y may-sakit.’” (Isaias 33:24) Ang pangakong iyan ay matutupad sa mabilis na dumarating na bagong sanlibutan. Gayunman, hanggang sa sumapit iyon, tayo’y kailangang makipaglaban sa sakit at kamatayan. Nakatutuwa naman, ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng patnubay at tulong. Ang mga pangunahing tuntunin sa paggawi na inilalaan ng Bibliya ay pangmatagalan, at nahihigitan nito ang pabagu-bagong mga opinyon ng di-sakdal na mga tao. Kaya naman, ang isang matalinong tao ay sumasang-ayon sa salmista na sumulat: “Ang batas ni Jehova ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa. Ang mga paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na gumagawang matalino sa isa na walang karanasan. . . . Ang mga hudisyal na pasiya ni Jehova ay totoo; ang mga ito’y napatunayang matuwid na lahat. . . . Sa pagtupad ng mga iyon ay may malaking gantimpala.”—Awit 19:7, 9, 11.