-
Makapaniniwala Ka ba sa Isang Diyos na Persona?Ang Bantayan—1997 | Oktubre 1
-
-
naguguluhang babae. Ang dalamhati sa trahedya ay ipinahayag sa isang iniwang kard lakip ang mga bulaklak sa labas ng paaralan ng mga bata. Nakasulat doon ang isang salita, “BAKIT?” Bilang sagot ay sinabi ng ministro ng Katedral ng Dunblane: “Hindi maaaring ipaliwanag. Hindi natin maaaring masagot kung bakit dapat itong mangyari.”
Nang bandang huli sa taon ding iyon, walang-awang pinatay ang isang kilalang kabataang klerigo ng Church of England. Iniulat ng Church Times na narinig ng isang natitigilang kongregasyon na ang arsodiyakono ng Liverpool ay nagsalita tungkol sa “pagkalampag sa pintuan ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanong na bakit? bakit?” Ang klerigong ito ay wala ring sinabing mga salitang nakaaaliw buhat sa isang Diyos na persona.
Ano, kung gayon, ang dapat nating paniwalaan? Makatuwirang maniwala sa isang Diyos na persona. Ito ang susi sa pagsagot sa matitinding tanong na ibinangon kanina. Inaanyayahan namin kayong isaalang-alang ang ebidensiya na iniharap sa kasunod na artikulo.
-
-
Kilalanin si Jehova—Ang Diyos na PersonaAng Bantayan—1997 | Oktubre 1
-
-
Kilalanin si Jehova—Ang Diyos na Persona
SA PAGHAHAMBING sa ideya ng Hindu tungkol sa Diyos at sa ideya ng iba pang sistema ng relihiyon, ganito ang sabi ni Dr. Radhakrishnan ng India: “Ang Diyos ng mga Hebreo ay naiiba. Siya ay isang persona at aktibo sa kasaysayan at interesado sa mga pagbabago at pangyayari sa umuunlad na sanlibutang ito. Siya ay isang Persona na nakikipagtalastasan sa atin.”
Ang Hebreong pangalan para sa Diyos sa Bibliya ay יהוה, na karaniwang isinasaling “Jehova.” Nakahihigit siya sa lahat ng iba pang diyos. Ano ba ang nalalaman natin tungkol sa kaniya? Paano siya nakitungo sa mga tao noong panahon ng Bibliya?
Si Jehova at si Moises Nang “Mukhaan”
“Mukhaan” ang matalik na kaugnayang namagitan kay Jehova at sa kaniyang lingkod na si Moises, bagaman ang Diyos ay hindi literal na nakita ni Moises. (Deuteronomio 34:10; Exodo 33:20) Sa kaniyang kabataan, ang simpatiya ni Moises ay nasa mga Israelita, na noon ay alipin sa Ehipto. Tinalikuran niya ang kaniyang buhay bilang isang miyembro ng sambahayan ni Faraon, anupat ‘pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.’ (Hebreo 11:25) Bunga nito, binigyan ni Jehova si Moises ng maraming pantanging pribilehiyo.
Bilang miyembro ng sambahayan ni Faraon, “si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22) Subalit upang maakay ang bansang Israel, kinailangan din niyang linangin ang mga katangian ng pagpapakumbaba, pagtitiis, at kaamuan. Ginawa niya ito sa loob ng kaniyang 40 taon bilang isang pastol sa Midian. (Exodo 2:15-22; Bilang 12:3) Si Jehova, bagaman nananatiling di-nakikita, ay nagsiwalat ng kaniyang sarili at ng kaniyang layunin kay Moises, at sa pamamagitan ng mga anghel ay ipinagkatiwala sa kaniya ng Diyos ang Sampung Utos. (Exodo 3:1-10; 19:3–20:20; Gawa 7:53; Hebreo 11:27) Sinasabi sa atin ng Bibliya na “si Jehova ay nagsalita kay Moises nang mukhaan, kung paanong nagsasalita ang isang tao sa kaniyang kapuwa.” (Exodo 33:11) Sa katunayan, sinabi ni Jehova mismo: “Nagsalita ako sa kaniya nang bibigan.” Tunay ngang nagtamasa ng isang mahalaga at personal na kaugnayan si Moises sa kaniyang Diyos na di-nakikita ngunit isang persona!—Bilang 12:8.
Bukod sa maagang kasaysayan ng bansang Israel, isinulat ni Moises ang kodigo ng Batas lakip na ang lahat ng bahagi nito. Ipinagkatiwala rin sa kaniya ang isa pang walang-katumbas na pribilehiyo—yaong pagsulat ng aklat ng Genesis. Ang huling bahagi ng aklat na ito ay kasaysayang alam na alam ng kaniyang sariling pamilya at sa gayo’y medyo madaling isulat. Ngunit saan ba nakuha ni Moises ang mga detalye ng pinakamaagang kasaysayan ng tao? Malamang na taglay ni Moises ang sinaunang nasusulat na mga dokumento, na iningatan ng kaniyang mga ninuno, upang gamitin bilang mapagkukunang materyal. Sa kabilang dako, maaaring nakuha niya ang mga detalye sa pamamagitan ng bibigang pagsasalin o sa pamamagitan ng tuwirang banal na pagsisiwalat mula kay Jehova. Matagal nang kinikilala ng pinagpipitaganang mga tao sa lahat ng panahon ang personal na kaugnayang tinamasa ni Moises sa kaniyang Diyos hinggil sa bagay na ito.
Si Jehova—Ang Persona na Diyos ni Elias
Kilala rin ni propeta Elias si Jehova bilang isang Diyos na persona. Si Elias ay masigasig sa dalisay na pagsamba at naglingkod kay Jehova sa kabila ng pagiging isang tudlaan ng matinding pagkapoot at pagsalansang ng mga mananamba kay Baal, ang pangunahing diyos sa grupo ng mga diyos ng mga Canaanita.—1 Hari 18:17-40.
Si Ahab, ang Hari ng Israel, at ang kaniyang asawa, si Jezebel, ay nagsikap na patayin si Elias. Palibhasa’y nangangamba para sa kaniyang buhay, tumakas si Elias patungong Beer-sheba, na nasa kanluran ng Patay na Dagat. Doon ay nagpagala-gala siya sa ilang at nanalangin na siya’y mamatay na sana. (1 Hari 19:1-4) Pinabayaan ba ni Jehova si Elias? Hindi na ba Siya interesado sa kaniyang tapat na lingkod? Maaaring gayon ang naisip ni Elias, ngunit maling-mali siya! Nang maglaon, sa mahinang tinig ay nagsalita si Jehova sa kaniya, anupat nagtanong: “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” Pagkatapos ng madulang pagtatanghal ng makahimalang kapangyarihan, “may isang tinig para sa kaniya, at iyon ay [muling] nagsabi sa kaniya: ‘Ano ang ginagawa mo rito, Elias?’ ” Ipinamalas ni Jehova ang kaniyang personal na interes kay Elias upang patibaying-loob ang kaniyang mapagkakatiwalaang lingkod. Marami pang ipagagawa ang Diyos sa kaniya, at buong-kasabikang tumugon si Elias sa panawagang iyon! Buong-katapatang tinupad ni Elias ang kaniyang mga atas, anupat pinabanal ang pangalan ni Jehova, ang kaniyang Diyos na isang persona.—1 Hari 19:9-18.
Pagkatapos niyang itakwil ang bansang Israel, si Jehova ay hindi na personal na nakipag-usap sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Hindi ito nangangahulugang naglaho na ang kaniyang personal na interes sa kanila. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, pinatnubayan at inakay pa rin niya sila sa paglilingkuran sa kaniya. Kuning halimbawa si apostol Pablo, na dating kilala bilang si Saulo.
Pag-akay ng Banal na Espiritu kay Pablo
Si Saulo ay taga-Tarso, isang prominenteng lunsod ng Cilicia. Hebreo ang mga magulang niya, ngunit isinilang siya na isang mamamayang Romano. Subalit pinalaki si Pablo ayon sa istriktong mga paniniwala ng mga Fariseo. Nang maglaon, sa Jerusalem, nagkaroon siya ng pagkakataong mabigyan ng edukasyon “sa paanan ni Gamaliel,” isang prominenteng guro ng Batas.—Gawa 22:3, 26-28.
Dahil sa maling sigasig ni Saulo para sa tradisyong Judio, nakibahagi siya sa isang buktot na kampanya laban sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Sinang-ayunan pa man din niya ang pagpaslang kay Esteban, ang unang Kristiyanong martir. (Gawa 7:58-60; 8:1, 3) Nang maglaon ay inamin niya na bagaman siya’y dating isang mamumusong at mang-uusig at walang-pakundangang tao, “[siya] ay pinagpakitaan ng awa, sapagkat [siya] ay walang-alam at kumilos sa kawalan ng pananampalataya.”—1 Timoteo 1:13.
Si Saulo ay inudyukan ng taimtim na hangaring maglingkod sa Diyos. Pagkatapos ng pagkakumberte kay Saulo sa daan patungo sa Damasco, siya ay ginamit ni Jehova sa pambihirang paraan. Si Ananias, na isang naunang Kristiyanong alagad, ay inutusan ng binuhay-muling si Kristo upang tulungan siya. Pagkatapos nito ay inakay si Pablo (ang Romanong pangalan na sa pamamagitan nito’y nakilala si Saulo bilang isang Kristiyano) ng banal na espiritu ni Jehova upang isagawa ang mahaba at mabungang ministeryo sa lahat ng dako sa Europa at Asia Minor.—Gawa 13:2-5; 16:9, 10.
Makikilala kaya sa ngayon ang gayunding pag-akay ng banal na espiritu? Oo, makikilala.
Hindi Hadlang ang Ateismo sa Personal na Interes ni Jehova
Si Joseph F. Rutherford ang ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower. Nabautismuhan siya noong 1906 bilang isang Estudyante ng Bibliya—ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova—inatasan bilang abogado ng Samahan nang sumunod na taon, at naging presidente nito noong Enero 1917. Gayunman, dating ateista ang kabataang abogadong ito. Paano siya naging isang masigasig na Kristiyanong lingkod ni Jehova?
Noong Hulyo 1913, naglingkod si Rutherford bilang tsirman ng isang kombensiyon ng International Bible Students Association na ginanap sa Springfield, Massachusetts, E.U.A. Kinapanayam si Rutherford ng isang reporter mula sa lokal na pahayagan, ang The Homestead, at ang ulat ay muling nilimbag sa brosyur tungkol sa kombensiyong iyon.
Ipinaliwanag ni Rutherford na noong nagbabalak siyang magpakasal, ang kaniyang relihiyosong paniniwala ay yaong sa denominasyong Baptist, ngunit ang kaniyang mapapangasawa naman ay yaong sa Presbiteryano. Nang sabihin ng pastor ni Rutherford na “siya (ang magiging Gng. Rutherford) ay mapupunta sa apoy ng impiyerno dahil sa hindi siya nabautismuhan at na siya (si Rutherford) ay deretsong pupunta sa langit dahil siya ay nabautismuhan, ang kaniyang makatuwirang pag-iisip ay nasuklam at siya’y naging isang ateista.”
Gumugol si Rutherford ng ilang taon sa masusing pananaliksik upang manumbalik ang kaniyang pananampalataya sa isang Diyos na persona. Siya’y nangatuwiran, sabi niya, mula sa palagay na “yaong hindi makapagbigay-kasiyahan sa isip ay walang karapatang makapagbigay-kasiyahan sa puso.” “Dapat tiyakin [ng mga Kristiyano] na ang Kasulatang pinaniniwalaan nila ay totoo,” paliwanag ni Rutherford, anupat sinabi pa: “Kailangang malaman nila ang saligan ng kanilang paninindigan.”—Tingnan ang 2 Timoteo 3:16, 17.
Oo, posible kahit sa ngayon na ang isang ateista o isang agnostiko ay magsaliksik sa Kasulatan, magkaroon ng pananampalataya, at maglinang ng isang matatag na personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Pagkatapos ng masusing pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng publikasyon ng Watch Tower na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, ganito ang ipinagtapat ng isang kabataang lalaki: “Hindi ako naniniwala sa Diyos nang simulan ko ang pag-aaral na ito, pero ngayon ay nasumpungan ko na lubusang binago ng kaalaman sa Bibliya ang aking pag-iisip. Nagsisimula ko nang makilala si Jehova at magtiwala sa kaniya.”
“Ang Mangmang” at ang Diyos
“Hindi naisip kailanman ng sinumang manunulat ng LT [Hebreong Kasulatan] na patunayan o pagtalunan ang pag-iral ng Diyos,” sabi ni Dr. James Hastings sa A Dictionary of the Bible. “Hindi kaayon sa hilig ng sinaunang sanlibutan sa pangkalahatan na itanggi ang pag-iral ng Diyos, o gumamit ng mga argumento upang patunayan ito. Ang paniniwala ay isa na likas sa isip ng tao at pangkaraniwan na sa lahat ng tao.” Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na lahat ng tao nang panahong iyon ay may takot sa Diyos. Talagang hindi gayon. Ang Awit 14:1 at 53:1 ay kapuwa bumabanggit ng “isa na walang-katinuan,” o gaya ng sabi ng King James Version, “ang mangmang,” na nagsabi sa kaniyang puso, “Walang Jehova.”
Anong uri ng persona ang mangmang na ito, ang tao na tumatanggi sa pag-iral ng Diyos? Siya ay hindi ignorante kung talino ang pag-uusapan. Sa halip, ang Hebreong salita na na·valʹ ay tumutukoy sa isang kakulangan sa moral. Sinabi ni Propesor S. R. Driver, sa kaniyang isinulat sa The Parallel Psalter, na ang pagkakamali ay “hindi ang kahinaan ng pangangatuwiran, kundi ang moral at relihiyosong kamangmangan, isang lubusang kawalan ng pakiramdam, o kaunawaan.”
Nagpatuloy ang salmista upang ilarawan ang pagguho ng moral na bunga ng gayong saloobin: “Sila’y kumilos nang kapaha-pahamak, sila’y kumilos nang kasuklam-suklam sa kanilang mga gawa. Walang isa man na gumagawa ng mabuti.” (Awit 14:1) Ganito ang pagbuod ni Dr. Hastings: “Dahil sa ganitong di-pag-iral ng Diyos sa sanlibutan at sa pagiging ligtas sa parusa, ang mga tao ay nagiging masama at gumagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay.” Hayagan nilang tinatanggap ang di-makadiyos na mga simulain at ipinagwawalang-bahala ang isang Diyos na persona na sa kaniya ay hindi nila ibig managot. Subalit ang gayong kaisipan ay kamangmangan at kawalang-katinuan ngayon katulad din noong isulat ng salmista ang kaniyang mga salita mahigit na 3,000 taon na ang nakalipas.
Mga Babala Mula sa Ating Diyos na Persona
Bumalik tayo ngayon sa mga tanong na ibinangon sa ating pambungad na artikulo. Bakit hindi maiugnay ng napakaraming tao ang isang Diyos na persona sa pagdurusa na laganap sa sanlibutan ngayon?
Ang Bibliya ay naglalaman ng nasusulat na impormasyon mula sa mga tao na “nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Ito lamang ang nagsisiwalat sa atin ng isang Diyos na persona, si Jehova. Nagbibigay-babala rin ito sa atin tungkol sa isang balakyot na persona, di-nakikita ng tao, na makapangyarihan sa pagmamaniobra at pagsupil ng pag-iisip ng tao—si Satanas na Diyablo. Makatuwiran naman, kung hindi tayo naniniwala sa isang Diyos na persona, paano tayo makapaniniwala na may Diyablo, o Satanas na isa ring persona?
Sa ilalim ng pagkasi ay sumulat si apostol Juan: “Ang tinatawag na Diyablo at Satanas . . . [ay] nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Nang maglaon ay sinabi ni Juan: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Masasalamin sa mga pangungusap na ito ang mga salita ni Jesus, na siyang mga salitang isinulat ni Juan mismo sa kaniyang Ebanghelyo: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At siya ay walang kapangyarihan sa akin.”—Juan 14:30.
Talaga namang napakalayo ng maka-Kasulatang turong ito sa paniniwala ngayon ng mga tao! “Ang pagsasalita tungkol sa Diyablo ay maliwanag na di na uso ngayon. Sa ating mapag-alinlangan at siyentipikong panahon, pinagretiro na si Satanas,” sabi ng Catholic Herald. Gayunman, buong-diin na sinabi ni Jesus sa mga taong iyon na ibig pumatay sa kaniya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama.”—Juan 8:44.
Makatuwiran naman ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa kapangyarihan ni Satanas. Nililiwanag nito kung bakit, sa kabila ng pagnanais ng karamihan ng tao na mamuhay sa kapayapaan at pagkakaisa, ang sanlibutan ay sinasalot ng pagkakapootan, mga digmaan, at walang-saysay na karahasan, gaya ng ipinakita sa Dunblane (binanggit sa pahina 3 at 4). Isa pa, si Satanas ay hindi nag-iisang kaaway na dapat nating paglabanan. Nagbibigay ang Bibliya ng karagdagang babala tungkol sa mga diyablo, o mga demonyo—balakyot na mga espiritung nilalang na noong unang panahon ay nakisama kay Satanas sa pagligaw at pang-aabuso sa sangkatauhan. (Judas 6) Maraming beses na hinarap ni Jesu-Kristo ang kapangyarihan ng mga espiritung ito, at kaniyang nadaig sila.—Mateo 12:22-24; Lucas 9:37-43.
Nilayon ng tunay na Diyos, si Jehova, na linisin ang lupang ito mula sa kabalakyutan at sa wakas ay tapusin na ang mga gawain kapuwa ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Batay sa ating kaalaman kay Jehova, maaari tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya at tiwala sa kaniyang mga pangako. Sinabi niya: “Walang ibang Diyos na inanyuan na nauna sa akin, at hindi na rin nagkaroon ng iba pagkatapos ko. Ako—ako ay si Jehova, at bukod sa akin ay walang tagapagligtas.” Tunay na si Jehova ay isang Diyos na persona sa lahat ng kumikilala, sumasamba, at naglilingkod sa kaniya. Sa kaniya, at sa kaniya lamang, tayo makaaasa ng ating kaligtasan.—Isaias 43:10, 11.
[Larawan sa pahina 7]
Isang ika-18-siglong lilok na naglalarawan sa kinasihang si Moises na sumusulat ng Genesis 1:1
[Credit Line]
Mula sa The Holy Bible ni J. Baskett, Oxford
[Larawan sa pahina 8]
Maraming beses na dinaig ni Jesu-Kristo ang mga demonyo
-