Makapaniniwala Ka ba sa Isang Diyos na Persona?
“HINDI mo kailangang maniwala sa Diyos para maging isang Kristiyano . . . Bahagi tayo ngayon ng isang malaking pagbabago, ngunit sa ika-21 siglo ang simbahan ay mawawalan ng isang Diyos sa tradisyonal na diwa,” paliwanag ng isang nakatataas na kapelyan sa isang unibersidad sa Britanya. Nagsalita siya para sa kilusang Sea of Faith na tinatangkilik ng di-kukulangin sa isang daang paring taga-Britanya. Iginigiit ng “Kristiyanong mga ateista” na ito na ang relihiyon ay likha ng tao at, gaya ng sabi ng isang miyembro, ang Diyos ay isa lamang “ideya.” Hindi na kasuwato ng kanilang paraan ng pag-iisip ang tungkol sa isang makahimalang Diyos.
“Ang Diyos ay patay” ay isang popular na islogan noong dekada ng 1960. Nasasalamin dito ang pangmalas ng ika-19-na-siglong pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche at nagbigay sa maraming kabataan ng dahilan na kailangan nila upang magawa ang kanilang gusto, upang magpakagumon sa malayang pakikipagtalik at pag-aabuso sa droga nang walang moral na pagpipigil. Subalit inakay ba ng gayong kalayaan ang flower children, gaya ng pagkakilala sa kanila, sa isang mas kasiya-siyang buhay sa kaligayahan?
Sa dekada ring iyon, inilathala ng Anglikanong obispo na si John A. T. Robinson ang kaniyang kontrobersiyal na aklat na Honest to God. Marami sa kaniyang kapuwa klerigo ang pumuna sa kaniya sa pag-iisip na ang Diyos “ay isa lamang antas ng lalim ng karanasan ng tao.” Itinanong ng propesor sa teolohiya na si Keith Ward: “Ang paniniwala ba sa Diyos ay isang uri ng lipas nang pamahiin, na ngayo’y itinakwil na ng marurunong?” Sa pagsagot sa kaniyang sariling tanong, ganito ang sabi niya: “Wala nang higit pang mahalaga sa relihiyon ngayon kaysa sa maibalik ang kaalaman sa tradisyonal na ideya tungkol sa Diyos.”
Ang Pagdurusa at Isang Diyos na Persona
Marami na naniniwala sa isang Diyos na persona ang nahihirapang iugnay ang kanilang paniniwala sa mga trahedya at pagdurusang nakikita nila. Halimbawa, noong Marso 1996, 16 na bata, kasama ng kanilang guro, ang pinagbabaril at namatay sa Dunblane, Scotland. “Hindi ko talaga maunawaan ang kalooban ng Diyos,” sabi ng isang naguguluhang babae. Ang dalamhati sa trahedya ay ipinahayag sa isang iniwang kard lakip ang mga bulaklak sa labas ng paaralan ng mga bata. Nakasulat doon ang isang salita, “BAKIT?” Bilang sagot ay sinabi ng ministro ng Katedral ng Dunblane: “Hindi maaaring ipaliwanag. Hindi natin maaaring masagot kung bakit dapat itong mangyari.”
Nang bandang huli sa taon ding iyon, walang-awang pinatay ang isang kilalang kabataang klerigo ng Church of England. Iniulat ng Church Times na narinig ng isang natitigilang kongregasyon na ang arsodiyakono ng Liverpool ay nagsalita tungkol sa “pagkalampag sa pintuan ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanong na bakit? bakit?” Ang klerigong ito ay wala ring sinabing mga salitang nakaaaliw buhat sa isang Diyos na persona.
Ano, kung gayon, ang dapat nating paniwalaan? Makatuwirang maniwala sa isang Diyos na persona. Ito ang susi sa pagsagot sa matitinding tanong na ibinangon kanina. Inaanyayahan namin kayong isaalang-alang ang ebidensiya na iniharap sa kasunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Ang tanong sa kard ay “Bakit?”
[Credit Line]
NEWSTEAM No. 278468/Sipa Press