Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 11/1 p. 23-25
  • Mag-ingat sa mga “Epicureo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat sa mga “Epicureo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang mga Epicureo?
  • Kapareho ng Kristiyanismo?
  • Ang Masamang Aspekto ng Epicureanismo
  • Isang Mapandayang Panganib
  • Epicureanismo Ngayon?
  • Epicureo, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Paano Ko Kaya Maiiwasan ang Pakikisama sa Di-kanais-nais na mga Tao?
    Gumising!—2005
  • Pilosopong Epicureo
    Glosari
  • Lubusang Kasuklaman Ninyo ang Kahiya-hiyang Lakad ng Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 11/1 p. 23-25

Mag-ingat sa mga “Epicureo”

“Napakabuti niyang tao! Mataas ang moral na mga pamantayan niya sa buhay. Hindi siya naninigarilyo, nag-aabuso sa droga, o gumagamit ng mahalay na pananalita. Sa katunayan, mas mabuti pa siya sa ilang nag-aangking Kristiyano!”

NARINIG na ba ninyo ang ilan na nangatuwiran ng gayon upang ipagmatuwid ang di-wastong pakikipagkaibigan na kanilang pinauunlad? May katuwiran kaya ito kapag dumaan sa maka-Kasulatang pagsusuri? Ang isang halimbawa mula sa unang Kristiyanong kongregasyon ay nagbibigay-liwanag sa bagay na ito.

Noong unang siglo, nagbabala si apostol Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” Marahil ang ilang Kristiyano ay nakikipagkaibigan nang matalik sa mga tao na naimpluwensiyahan ng Griegong pilosopiya, kasali na yaong sa mga Epicureo. Sino ang mga Epicureo? Bakit sila magiging banta sa espirituwal sa mga Kristiyano sa Corinto? May mga tao ba na tulad nila ngayon, na sa kanila ay dapat tayong mag-ingat?​—1 Corinto 15:33.

Sino ang mga Epicureo?

Ang mga Epicureo ay mga tagasunod ng Griegong pilosopo na si Epicurus, na nabuhay mula noong 341 hanggang 270 B.C.E. Itinuro niya na ang kaluguran ang siyang tangi o pangunahing mabuti sa buhay. Nangangahulugan ba ito na ang mga Epicureo ay namuhay sa kahiya-hiyang paraan, nang walang simulain, anupat bumaling sa nakasasamang kaugalian dahil sa patuloy na paghahanap ng kasayahan? Ang nakapagtataka, hindi itinuro ni Epicurus sa kaniyang mga tagasunod na mamuhay sa gayong paraan! Sa halip, itinuro niya na ang kaluguran ay mas natatamo sa pamamagitan ng pamumuhay kaayon ng mabuting pagpapasiya, lakas ng loob, pagpipigil sa sarili, at katarungan. Itinaguyod niya ang paghahanap, hindi ng daglian at panandaliang kaluguran, kundi ng kaluguran na namamalagi habang buhay. Kaya naman ang mga Epicureo ay maaaring magmistulang may kagalingan kapag inihambing sa mga nagsasagawa ng malulubhang kasalanan.​—Ihambing ang Tito 1:12.

Kapareho ng Kristiyanismo?

Kung ikaw ay miyembro ng unang kongregasyon sa Corinto, hahanga ka kaya sa mga Epicureo? Ang ilan ay maaaring nangatuwiran na ang waring mabubuting asal ng mga Epicureo ay nagpangyari na sila’y maging ligtas na kasamahan ng mga Kristiyano. Bilang karagdagang katuwiran, maaaring napansin ng mga taga-Corinto ang waring pagkakatulad ng mga pamantayan ng mga Epicureo at niyaong nasa Salita ng Diyos.

Halimbawa, ang mga Epicureo ay katamtaman lamang sa paghahanap ng kasiyahan. Mas pinahahalagahan nila ang kaluguran ng isip kaysa sa pisikal na kaluguran. Ang kinakain ng isang tao ay hindi kasinghalaga ng kaniyang kaugnayan sa tao na kasama niyang kumakain niyaon. Umiwas pa nga ang mga Epicureo sa pakikisangkot sa pulitika at sa lihim na paggawa ng masama. Kaydali nga namang ipalagay: “Parang katulad din natin sila!”

Gayunman, talaga nga bang katulad ng mga Epicureo ang mga unang Kristiyano? Tiyak na hindi. Yaong may wastong nasanay na kakayahan sa pang-unawa ay makapapansin sa malalaking pagkakaiba. (Hebreo 5:14) Mapapansin mo kaya? Suriin nating mabuti ang mga turo ni Epicurus.

Ang Masamang Aspekto ng Epicureanismo

Upang matulungan ang mga tao na madaig ang pagkatakot sa mga bathala at sa kamatayan, itinuro ni Epicurus na ang mga diyos ay walang interes sa sangkatauhan at hindi nakikialam sa mga gawain ng tao. Ayon kay Epicurus, hindi nilalang ng mga diyos ang sansinukob, at nagkaroon ng buhay dahil sa aksidente. Hindi ba maliwanag na salungat ito sa itinuturo ng Bibliya na may “isang Diyos,” ang Maylalang, at nagmamalasakit siya sa kaniyang mga nilalang na tao?​—1 Corinto 8:6; Efeso 4:6; 1 Pedro 5:6, 7.

Itinuro rin ni Epicurus na hindi maaaring magkaroon ng buhay pagkatapos ng kamatayan. Siyempre pa, ito ay salungat sa turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. Sa katunayan, nang magsalita si apostol Pablo sa Areopago, malamang na kabilang ang mga Epicureo sa mga tumutol kay Pablo hinggil sa doktrina ng pagkabuhay-muli.​—Gawa 17:18, 31, 32; 1 Corinto 15:12-14.

Maaaring ang pinakamapanganib na elemento sa pilosopiya ni Epicurus ang siya ring pinakamapandaya. Ang pagtanggi niya sa isang buhay pagkatapos ng kamatayan ay umakay sa kaniya na maghinuha na ang tao ay dapat mamuhay nang maligaya hangga’t maaari sa panahon ng kaniyang maikling pamamalagi sa lupa. Gaya ng nakita na natin, ang ideya niya ay hindi naman ang mamuhay sa makasalanang paraan kundi, sa halip, ang tamasahin ang kasalukuyan, yamang ngayon lamang tayo mabubuhay.

Kaya naman hindi pinasigla ni Epicurus ang lihim na paggawa ng masama upang maiwasan ang pagkatakot na mabisto, isang maliwanag na banta sa kasalukuyang kaligayahan. Pinasigla niya ang pagiging katamtaman upang maiwasan ang masamang bunga ng pagpapakasasa, isa pang hadlang sa kasalukuyang kaligayahan. Pinasigla rin niya ang mabuting pakikipag-ugnayan sa iba dahil ang ganti ng mga ito ay kapaki-pakinabang. Sabihin pa, ang pag-iwas sa lihim na paggawa ng masama, ang pagiging katamtaman, at pakikipagkaibigan ay mabubuti sa ganang sarili. Kaya bakit mapanganib para sa isang Kristiyano ang pilosopiya ni Epicurus? Sapagkat ang kaniyang payo ay salig sa kaniyang walang-pananampalatayang pangmalas: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”​—1 Corinto 15:32.

Totoo na ipinakikita ng Bibliya sa mga tao kung paano mamumuhay nang maligaya ngayon. Gayunman, ito ay nagpapayo: “Panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang kayo ay naghihintay sa awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo ukol sa buhay na walang-hanggan.” (Judas 21) Oo, higit na binibigyang-pansin ng Bibliya ang walang-hanggang kinabukasan, hindi ang lumilipas na kasalukuyan. Para sa isang Kristiyano, ang paglilingkuran sa Diyos ang siyang pangunahing pinag-uukulan ng pansin, at nasusumpungan niya na kapag inuuna niya ang Diyos, siya ay maligaya at kontento. Sa katulad na paraan, sa halip na maging abala sa kaniyang sariling kapakanan, ginugol ni Jesus ang kaniyang lakas sa walang-imbot na paglilingkod kay Jehova at sa pagtulong sa mga tao. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na gumawa ng mabuti sa iba, hindi sa pag-asang tatanggap ng kapalit, kundi dahil sa tunay na pag-ibig sa kanila. Maliwanag, ang saligang pangganyak ng Epicureanismo at Kristiyanismo ay lubusang magkaiba.​—Marcos 12:28-31; Lucas 6:32-36; Galacia 5:14; Filipos 2:2-4.

Isang Mapandayang Panganib

Balintuna naman, bagaman gayon na lamang ang pagdiriin ng mga Epicureo sa pagiging maligaya, limitado lamang ang kaligayahan nila. Palibhasa’y wala “ang kagalakan kay Jehova,” tinawag ni Epicurus ang buhay na isang “masaklap na kaloob.” (Nehemias 8:10) Di-palak na maligaya ang unang mga Kristiyano kung ihahambing! Hindi inirekomenda ni Jesus ang isang malungkot na buhay bunga ng pagkakait sa sarili. Sa katunayan, ang pagsunod sa kaniyang landasin ang siyang daan tungo sa walang-kahulilip na kaligayahan.​—Mateo 5:3-12.

Kung ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Corinto ay nag-isip na maaari silang makisama sa mga naimpluwensiyahan ng kaisipang Epicureo nang hindi naisasapanganib ang kanilang pananampalataya, nagkamali sila. Nang isinulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, ang ilan sa kanila ay nawalan na ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli.​—1 Corinto 15:12-19.

Epicureanismo Ngayon?

Bagaman naglaho ang Epicureanismo noong ikaapat na siglo C.E., mayroon pa rin ngayong nagtataglay ng nakakatulad na pangmalas na mamuhay-para-sa-kasalukuyan-lamang. Ang mga taong ito ay may kaunti o walang pananampalataya sa pangako ng Diyos hinggil sa buhay na walang hanggan. Gayunman, ang ilan sa kanila ay masasabing may matataas na pamantayang asal.

Ang isang Kristiyano ay maaaring matukso na magkaroon ng matalik na kaugnayan sa gayong mga tao, marahil ay nangangatuwiran na ang kanilang kagalang-galang na mga katangian ang nagbibigay-matuwid sa pakikipagkaibigan. Subalit, bagaman hindi itinuturing ang ating sarili na nakahihigit, dapat nating tandaan na lahat ng “masasamang kasama”​—pati na yaong ang impluwensiya ay higit na mapandaya​—“ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.”

Ang pilosopiyang mamuhay-para-sa-kasalukuyan-lamang ay makikita rin sa ilang seminar sa negosyo, mga aklat tungkol sa sariling-sikap, mga nobela, pelikula, mga programa sa telebisyon, at musika. Bagaman hindi tuwirang itinataguyod ang makasalanang paggawi, maiimpluwensiyahan kaya tayo sa paraang mapandaya ng salat-sa-pananampalatayang mga pangmalas na ito? Halimbawa, tayo kaya ay nagiging labis na abala sa pag-abot sa ating mga pangarap anupat nawawaglit na sa ating pansin ang usapin tungkol sa soberanya ni Jehova? Tayo kaya ay maililihis tungo sa ‘pagiging kampante,’ sa halip na magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”? O malilinlang kaya tayo na mag-alinlangan sa pagiging matuwid at kapaki-pakinabang ng mga pamantayan ni Jehova? Kailangan tayong magbantay kapuwa sa pagkahantad sa tahasang imoralidad, karahasan, at espiritismo at sa mga naimpluwensiyahan ng makasanlibutang mga pangmalas!​—1 Corinto 15:58; Colosas 2:8.

Kung gayon, paunlarin natin ang pakikipagsamahan, pangunahin na doon sa mga buong-pusong sumusunod sa patnubay ni Jehova. (Isaias 48:17) Bilang resulta, ang ating kapaki-pakinabang na mga kinaugalian ay mapatitibay. Ang ating pananampalataya ay mapalalakas. Mabubuhay tayo nang maligaya hindi lamang ngayon kundi sa hinaharap, taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan.​—Awit 26:4, 5; Kawikaan 13:20.

[Larawan sa pahina 24]

Itinuro ni Epicurus na ang mga diyos ay walang interes sa sangkatauhan

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng The British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share