Ang Pangmalas ng Bibliya
Asetisismo ba ang Susi sa Karunungan?
“ANG mga ermitanyo ay nakaposas, nakakadena, nakasinturon na may panusok at nakakuwelyong may pako . . . Ang iba’y gumugulong sa mga tinik at kulitis, nagpapakagat sa mga insekto, sinusunog ng apoy ang sarili at kinukutkot ang kanilang sugat hanggang sa magnaknak. Yamang ang pagpapakagutom ay karaniwan na, pinatindi pa ito ng ilan sa pamamagitan ng pagkain lamang ng mga bulok o kaya’y mga nakapandidiring pagkain.”—The Saints, ni Edith Simon.
Ang mga ito’y mga asetiko. Bakit kaya nila pinahihirapan ang kanilang sarili? Sa aklat na For the Sake of the World—The Spirit of Buddhist and Christian Monasticism, ipinaliwanag ng mga awtor na “mula pa noong panahon ni Socrates (ikalimang siglo B.C.E.), naniniwala na ang marami na ang pagpapasimple ng buhay, anupat di-nahahadlangan ng mga luho ng katawan at materyal, ay isang patiunang kahilingan para sa tunay na karunungan.” Inakala ng mga asetiko na ang pagpapahirap sa katawan ay magpapatingkad sa kanilang espirituwal na sensibilidad at aakay sa tunay na kaliwanagan.
Hindi madaling bigyan ng kahulugan ang asetisismo. Para sa ilan, ito’y nangangahulugan lamang ng disiplina sa sarili o pagkakait sa sarili. Pinahalagahan ng mga sinaunang Kristiyano ang ganitong mga katangian. (Galacia 5:22, 23; Colosas 3:5) Inirekomenda mismo ni Jesu-Kristo ang isang simpleng buhay na di-nahahadlangan ng kabalisahang kaakibat ng materyalistikong istilo ng buhay. (Mateo 6:19-33) Gayunman, madalas na iniuugnay ang asetisismo sa mas napakahigpit at karaniwan nang labis-labis na mga gawa, gaya ng mga inilarawan sa itaas. Ang mga asetikong gawain bang ito, lalo na sa pagpapakalabis na anyo nito, ang talagang susi sa karunungan?
Batay sa Maling Akala
Kabilang sa mga pilosopiyang naging dahilan ng asetisismo ay ang palagay na ang materyal na mga bagay at ang kaluguran ng katawan ay masama sa ganang sarili at samakatuwid ay nakahahadlang sa espirituwal na pagsulong. Ang isa pang pag-aakala na nagbukas ng daan sa asetisismo ay ang karaniwang paniniwala na ang tao ay binubuo ng isang katawan at isang kaluluwa. Naniniwala ang mga asetiko na ang materyal na katawan ang siyang bilangguan ng kaluluwa at na ang kaaway nito ay ang laman.
Ano naman ang sinasabi ng Bibliya? Ipinakikita ng Kasulatan na nang makumpleto ng Diyos ang kaniyang paglalang sa lupa, ipinahayag niya na lahat ng kaniyang ginawa—lahat ng kaniyang pisikal at materyal na nilalang—ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Nilayon ng Diyos na masiyahan ang lalaki at babae sa materyal na mga bagay na nasa halamanan ng Eden. Ang mismong pangalang Eden ay nangangahulugang “Kaluguran” o “Kagalakan.” (Genesis 2:8, 9) Sina Adan at Eva ay sakdal at may mabuting relasyon sa kanilang Maylalang hanggang sa sila’y magkasala. Mula noon, naging hadlang sa pagitan ng Diyos at ng tao ang di-kasakdalan. Gayunman, ang nakalulugod na matuwid na naisin ng tao o nakasisiyang bigay-Diyos na mga kaluguran ng katawan ay hindi kailanman lilikha ng hadlang sa pakikipag-usap ng kaniyang mga mananamba sa Diyos kapag ginawa iyon ayon sa mga batas ng Diyos sa moral!—Awit 145:16.
Karagdagan pa, maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang tao, na nilikha mula sa alabok at gawa sa laman, ay isang kaluluwa. Hindi rin sinusuportahan ng Kasulatan ang pagkakaunawa na ang kaluluwa ay isang uri ng espiritu at imortal na katauhang nasa loob ng pisikal na katawan ni ang ideya na sa paanu’t paanuman ang laman ay humahadlang sa isa upang magkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos.—Genesis 2:7.
Maliwanag, ang konsepto ng asetisismo ay gumuguhit ng isang pangit na larawan ng relasyon ng tao sa Diyos. Nagbabala si apostol Pablo na mas nanaisin pa ng ilang nag-aangking Kristiyano ang mapanlinlang na mga pilosopiya ng tao kaysa sa mga pangunahing katotohanan ng Bibliya. (1 Timoteo 4:1-5) Tungkol sa ilang nanghahawakan sa ganitong opinyon, ganito ang sabi ng isang relihiyosong istoryador: “Ang paniniwalang ang materya ay masama . . . at na ang kaluluwa ng tao ay dapat makalaya sa pagkakasangkot sa materya, ay nag-uudyok ng isang matinding asetisismo anupat ipinagbabawal ang pagkain ng karne, pakikipagtalik at iba pa, anupat ang makasusunod lamang ay ang mga piling ‘banal’ o perfecti na sumailalim sa pantanging inisyasyon.” Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay hindi sinusuportahan ng Bibliya at hindi ito ang paniniwala ng mga sinaunang Kristiyano.—Kawikaan 5:15-19; 1 Corinto 7:4, 5; Hebreo 13:4.
Hindi Kailangan ang Asetisismo
Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi mga asetiko. Nagbata sila ng iba’t ibang pagsubok at kapighatian, subalit ang mga kapighatiang ito ay hindi pagpaparusa sa sarili. Nagbabala si apostol Pablo na mag-ingat upang di-mailigaw ng mapandayang pilosopiya ng tao mula sa katotohanan ng Salita ng Diyos at akayin sila tungo sa walang-katuwiran at kalabisang mga gawa. Pantanging binanggit ni Pablo ang “isang marahas na pakikitungo sa katawan.” Aniya: “Ang mismong mga bagay na iyon ay tunay ngang nagtataglay ng kaanyuan ng karunungan sa isang kinusang anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang marahas na pakikitungo sa katawan; subalit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-kasiyahan sa laman.” (Colosas 2:8, 23) Ang asetisismo ay hindi umaakay sa pantanging kabanalan o tunay na kaliwanagan.
Totoo, ang landasin ng Kristiyanong pagkamasunurin ay nagpapahiwatig ng buong-lakas na pagsisikap at disiplina sa sarili. (Lucas 13:24; 1 Corinto 9:27) Dapat na magsikap na mabuti ang isa upang matamo ang kaalaman ng Diyos. (Kawikaan 2:1-6) Gayundin, ang Bibliya ay may matinding babala laban sa pagpapaalipin sa “mga nasa at kaluguran” at pagiging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (Tito 3:3; 2 Timoteo 3:4, 5) Gayunman, ang pananalitang ito sa Kasulatan ay hindi nagpapatibay sa mga gawa ng asetisismo. Si Jesu-Kristo, isang sakdal na tao, ay nasiyahan sa mga nakalulugod na okasyon kabilang na ang pagkain, inumin, musika, at sayaw.—Lucas 5:29; Juan 2:1-10.
Ang tunay na karunungan ay makatuwiran, hindi nagpapakalabis. (Santiago 3:17) Nilalang ng Diyos na Jehova ang ating pisikal na katawan na may kakayahang masiyahan sa maraming kaluguran sa buhay. Nais niyang tayo’y maging masaya. Ganito ang sabi ng kaniyang Salita: “Nalalaman ko na walang maigi sa kanila kaysa magalak at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at ang bawat tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa. Iyon ay regalo ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Saint Jerome in the Cavern/The Complete Woodcuts of Albrecht Dürer/Dover Publications, Inc.