Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 10/15 p. 8-12
  • Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya—Ikatlong Bahagi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya—Ikatlong Bahagi
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Misyonero at mga Samahan sa Bibliya
  • Ang mga Pagsubok ng Isang Tagapagsalin
  • Napalibutan ng Kontrobersiya ang Bibliya
  • Ang mga Natuklasan ay Tumulong sa Pagpapatunay sa Teksto ng Bibliya
  • Ang Samahang Watch Tower at ang Bibliya
  • Isang Salin, Maraming Wika
  • Mabuting Balita Para sa Lahat ng Bansa
  • Pag-iimprenta at Pamamahagi ng Sariling Banal na Salita ng Diyos
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Isang Aklat na “Nagsasalita” ng Buháy na mga Wika
    Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
  • Pagsagip sa Codex Sinaiticus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Isang Mahalagang Pangyayari Para sa mga Umiibig sa Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 10/15 p. 8-12

Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya​—Ikatlong Bahagi

BURMA, 1824​—Katatapos lamang halughugin ng mga opisyal ng hari ang pangmisyonerong tahanan nina Adoniram at Ann Judson, anupat tinangay ang lahat ng inaakala nilang mahalaga. Ngunit hindi nila nakita ang pinakamahalagang kayamanan​—isang naisaling manuskrito ng Bibliya na palihim na ibinaon ni Ann sa silong ng bahay. Si Adoniram, ang tagapagsalin, ay nakatanikala sa isang malamok na bilangguan, anupat inakusahan ng pag-eespiya. Ngayo’y nanganganib na masira ang manuskrito dahil sa halumigmig. Paano ito maililigtas? Itinahi iyon ni Ann sa loob ng isang matigas-tigas na unan at inihatid iyon sa kaniyang asawa sa bilangguan. Ang unan ay naingatan, at ang nilalaman nito ay naging bahagi ng unang Bibliyang Burmese.

Ang Bibliya ay nagkaroon ng maraming pambihirang karanasan tulad nito sa paglipas ng kasaysayan. Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang pagsasalin at pamamahagi ng Bibliya mula nang makumpleto ito hanggang sa pasimula ng mga taon ng 1600. Kumusta na ang Bibliya mula noon hanggang sa kasalukuyan? Maaari pa kaya itong makarating sa lahat ng tao? Anong papel ang ginampanan ng Samahang Watch Tower?

Ang mga Misyonero at mga Samahan sa Bibliya

Sa maraming lupain, ang mga taon ng 1600 at 1700 ay nakaranas ng matinding pagsulong sa pagbabasa ng Bibliya. Ang Inglatera lalo na ay lubhang naapektuhan ng Bibliya sa panahong ito. Sa katunayan, ang mga kuwento at turo sa Bibliya ay nakaabot sa kaisipan ng halos lahat sa bansa, mula sa hari hanggang sa batang nag-aararo. Subalit higit pa rito ang naging impluwensiya ng Bibliya. Ang Inglatera noon ay isang manggagalugad sa dagat na kapangyarihang komersiyal at kolonyal, at dala-dala ng ilang Ingles ang Bibliya sa kanilang mga paglalakbay. Naglatag ito ng pundasyon para sa mas malawak na kampanya sa Bibliya.

Sa pagtatapos ng mga taon ng 1700, pinukaw ng Bibliya ang ilan sa Inglatera na mag-isip tungkol sa espirituwal na pangangailangan ng mga katutubo sa malalayong lupain ng Imperyong Britano. Subalit hindi naman taglay ng lahat ang ganitong pagkabahala. Maraming klerigo ang naniniwala sa pagtatadhana, at sa gayo’y itinuturing nilang kalooban ng Diyos na hindi maligtas ang ilang tao. Nang magbigay ng isang madamdaming talumpati ang magmimisyonerong si William Carey upang makakuha ng suporta para sa isang misyon sa India, may isang tao na bumulyaw: “Maupo ka, binata; kapag ninais ng Diyos na kumbertehin ang mga di-binyagan, gagawin Niya iyon nang walang tulong mo!” Gayunpaman, naglayag si Carey patungong India noong 1793. Nakapagtataka, nang dakong huli ay naisalin niya ang buong Bibliya o mga bahagi nito sa 35 wika ng India.

Natanto ng mga misyonero na ang kanilang pinakapangunahing kasangkapan ay ang Bibliya sa lokal na wika. Gayunman, sino ang maglalaan ng mga Bibliya? Kapansin-pansin, isang kilusan na magpapalaganap ng Bibliya sa buong daigdig ang di-namamalayang napukaw ng isang 16-na-taong-gulang na batang babaing taga-Wales, si Mary Jones. Noong 1800, 40 kilometro ang nilakad ni Mary nang walang sapin sa paa upang bumili ng isang Bibliyang Welsh mula sa isang klerigo. Anim na taon siyang nag-ipon ng pera, at nang malaman ni Mary na naipagbili na ang lahat ng Bibliya, siya’y umiyak at totoong nanlumo. Palibhasa’y lubhang naantig, ibinigay ng klerigo kay Mary ang isa sa sarili nitong mga Bibliya.

Mula noon, naisip ng klerigo ang marami pang iba na nangangailangan ng Bibliya, at ipinakipag-usap niya ang suliranin sa mga kaibigan sa London. Bunga nito ay naitatag, noong 1804, ang British and Foreign Bible Society. Simple lamang ang layunin nito: Ang maglaan sa mga tao ng Bibliya sa kanilang sariling wika na abot-kaya ang halaga, na nakalimbag “nang walang nota o komento.” Sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga komentaryo sa mga gilid, umasa ang mga nagtatag ng Society na maiiwasan ang kontrobersiya sa doktrina. Subalit maraming beses na ang Bible Society ay nagkakabaha-bahagi tungkol sa Apokripa, bautismo sa pamamagitan ng paglulubog, at sa doktrina ng Trinidad.

Mabilis na lumaganap ang napukaw na kasiglahan, at pagsapit ng 1813 ay nabuo ang kaugnay na mga samahan sa Alemanya, Netherlands, Denmark, at Russia. Nang maglaon, nagkaroon ng mas marami pang mga samahan sa Bibliya sa ibang bansa. Nang buuin ng mga naunang samahan sa Bibliya ang kanilang mga tunguhin, inakala nila na ang malaking bahagi ng daigdig ay gumagamit lamang ng ilang pangunahing wika. Hindi nila sukat akalain na libu-libo pala! Halos kakaunting tagapagsalin ang nakaaalam ng Hebreo at Griego upang makapagsalin nang tuwiran sa isang katutubong wika. Kaya naman, nang magtaguyod ng mga pagsasalin ang British and Foreign Bible Society, malimit na ibinabatay ng mga tagapagsalin ang kanilang gawa sa Ingles na King James Version.

Ang mga Pagsubok ng Isang Tagapagsalin

Malaking bahagi ng Bibliya ang binubuo ng mga salaysay at mga ilustrasyon batay sa pang-araw-araw na mga karanasan. Kaya madali itong isalin kaysa kung ito ay isinulat sa pamamagitan ng malalabong salita ng pilosopiya. Subalit hindi naman nakapagtataka na ang mga unang pagsisikap ng mga misyonero kung minsan ay nagbunga ng nakalilito o katawa-tawang mga salin. Halimbawa, isang salin ang nagpahiwatig sa mga tao sa ilang bahagi ng India na ang Diyos ay isang personang kulay asul. Ang salitang ginamit para sa “makalangit” sa pananalitang “makalangit na Ama” ay nangangahulugang “taglay ang kulay ng sangkalangitan”​—ang literal na langit!

Hinggil sa mga hadlang sa isang tagapagsalin, ganito ang isinulat ni Adoniram Judson noong 1819: ‘Kapag pinag-aralan natin ang isang wika ng mga tao sa kabilang panig ng lupa, na ang mga paraan ng pagsasalita ay halos ibang-iba, at ang mga titik at salita ay totoong walang anumang kahawig sa anumang wika na nalaman natin; kapag wala tayong diksyunaryo o tagapagsalin at kailangang matuto muna tayo nang kaunti sa wika bago tayo makakuha ng isang katutubong guro​—malaking trabaho iyan!’ At ang gawain ng mga tagapagsalin tulad ni Judson ay lubhang nagpalaganap ng Bibliya.​—Tingnan ang tsart sa pahina 12.

Tinulungan ni Ann Judson ang kaniyang asawa sa mahirap na gawain ng pagsasalin. Subalit napaharap ang mga Judson hindi lamang sa mga problema sa pagsasalin. Nang ibilanggo ng mga opisyal ng hari si Adoniram, nagdadalang-tao noon si Ann. Sa loob ng 21 buwan ay buong-tapang na nakiusap siya sa galit na mga opisyal alang-alang sa kaniyang asawa. Ang hirap na ito pati na ang pagkakasakit ay nakapinsala sa kaniyang kalusugan. Hindi nagtagal pagkatapos makalaya ni Adoniram, ang kaniyang matapang na si Ann at ang kanilang munting anak na babae ay namatay sa lagnat. Nanlumo nang husto si Adoniram. Sa kabila nito, umasa siya sa Diyos ukol sa lakas at patuloy na nagsalin, anupat nakumpleto ang Bibliyang Burmese noong 1835. Samantala, nabubuo noon ang iba pang tusong hamon sa Bibliya.

Napalibutan ng Kontrobersiya ang Bibliya

Ang mga taon ng 1800 ay nakaranas ng malaking kontrobersiya sa lipunan at sa pulitika, anupat ang Bibliya kung minsan ang gumaganap ng pangunahing papel. Halimbawa, bagaman ang Russian Bible Society ay nagsimula sa pagtangkilik ng czar at ng Simbahang Ruso Ortodokso, nang maglaon ay kanilang binuwag at ipinagbawal ang Society. (Isang taon bago nito, libu-libong Bibliya ang sinunog na ng mga sumasalansang sa Society na ito.) Buong-sigasig na sinikap ngayon ng Ortodoksong klero na tapusin ang buong-kasiglahang sinimulan ng mga unang Kristiyano​—ang malawakang pamamahagi ng Bibliya. Iginiit ng mga Ortodoksong lider noong ika-19 na siglo na ang Bibliya ay isang banta sa awtoridad kapuwa ng Simbahan at ng Estado. Balintuna, itinuring ng bumabangong pulitikal na rebolusyonaryong kilusan ang Bibliya, hindi bilang banta sa mga awtoridad, kundi, sa halip, bilang isang sandata ng Simbahan at ng Estado sa panunupil sa masa. Inaatake ang Bibliya buhat sa magkabilang panig!

Sa sumunod na mga taon ay nasaksihan din ang dumaraming “intelektuwal” na pagsalakay sa Bibliya. Noong 1831, naglayag si Charles Darwin sa isang panggagalugad na humantong sa pagkabuo ng kaniyang teoriya ng ebolusyon. Noong 1848, inilabas nina Marx at Engels ang Communist Manifesto, na naglalarawan sa Kristiyanismo bilang isang kasangkapan sa paniniil. Sa panahon ding ito, hinamon ng maselan na mga tagapuna ang pagiging totoo ng Kasulatan at ang makasaysayang katunayan ng mga tauhan sa Bibliya​—maging ni Jesus mismo! Ngunit natanto ng ilang palaisip na tao ang kamalian ng mga teoriyang tumatanggi sa Diyos at sa Bibliya, at humanap sila ng akademikong mga paraan upang patunayan ang pagkamapaniniwalaan ng Bibliya. Ang isa sa mga ito ay si Konstantin von Tischendorf, isang likas na matalinong lingguwistang Aleman.

Ang mga Natuklasan ay Tumulong sa Pagpapatunay sa Teksto ng Bibliya

Naglakbay si Tischendorf sa buong Gitnang Silangan sa paghahanap ng sinaunang mga manuskrito ng Bibliya, anupat umaasang mapatunayan nang walang pag-aalinlangan ang orihinal na teksto ng Bibliya. Noong 1859, ang taon kung kailan inilathala rin ni Darwin ang The Origin of Species, natuklasan ni Tischendorf ang kinikilalang pinakamatandang kumpletong kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa isang monasteryo sa paanan ng Bundok Sinai. Tinawag ito na Codex Sinaiticus at malamang na natapos mga 50 taon bago nakumpleto ni Jerome ang Latin Vulgate. Bagaman pinagtatalunan pa rin ang pagiging angkop ng pag-aalis niya ng codex sa monasteryo, iyon ay inilathala ni Tischendorf, sa gayo’y nagamit ito ng mga iskolar.a

Dahil sa ang Sinaiticus ay kabilang sa pinakamatatandang manuskrito sa orihinal na wika, hindi lamang nito isiniwalat na ang Griegong Kasulatan ay nanatiling talagang di-nabago kundi nakatulong din sa ibang iskolar na matuklasan ang mga pagkakamali na nakasingit sa mas bagong mga manuskrito. Halimbawa, ang pagtukoy kay Jesus sa 1 Timoteo 3:16 ay kababasahan ng ganito sa Sinaiticus: “Siya ay nahayag sa laman.” Sa halip na “siya,” ang karamihan sa mga manuskritong kilala noon ay gumawa ng daglat para sa “Diyos,” sa pamamagitan ng isang maliit na pagbago sa Griegong salita para sa “siya.” Gayunman, ang Sinaiticus ay ginawa maraming taon bago ang anumang Griegong manuskrito na kababasahan ng “Diyos.” Kaya naman, isiniwalat nito na nagkaroon ng pagbabago sa teksto nang dakong huli, maliwanag na isiningit upang suhayan ang doktrina ng Trinidad.

Mula noong panahon ni Tischendorf, natuklasan ang marami pang manuskrito. Sa ngayon, ang kabuuang bilang ng mga kilalang manuskrito ng Hebreong Kasulatan ay mga 6,000, at mahigit naman sa 13,000 sa Griegong Kasulatan. Ang pahambing na pagsusuri sa mga ito ay nagbunga ng isang totoong mapagkakatiwalaang teksto sa orihinal na wika. Gaya ng pagkasabi ng iskolar na si F. F. Bruce: “Ang iba’t ibang salin . . . ay hindi bumabago sa anumang mahalagang katotohanan sa kasaysayan ng Kristiyanong pananampalataya at gawain.” Habang patuloy ang pagsasalin ng Bibliya sa mas marami pang wika, paano makikinabang ang mga tao sa ganitong karagdagang kaalaman?

Ang Samahang Watch Tower at ang Bibliya

Isang maliit ngunit masigasig na grupo ng mga guro at estudyante ng Bibliya ang bumuo noong 1881 ng sa kalaunan ay nakilala bilang ang Watch Tower Bible and Tract Society. Sa simula, namahagi sila ng mga Bibliyang gawa ng ibang samahan sa Bibliya, kasali na ang Griegong Kasulatan ni Tischendorf. Subalit noong 1890, nagsimula silang tuwirang maglathala ng Bibliya, anupat itinaguyod ang una sa maraming edisyon ng Bibliya. Noong 1926 ay nagsimula ang Samahan na maglimbag ng Bibliya sa sarili nitong mga palimbagan. Ngunit lalong nakita ang pangangailangan para sa isang mas napapanahong salin ng Bibliya. Mailalakip kaya sa isang madaling unawain at abot-kayang bilhin na Bibliya ang kaalamang nakuha sa pamamagitan ng mga pagtuklas at pag-aaral sa nakaraang siglo? Sa layuning ito, noong 1946 ay sinimulan ng mga miyembro ng Samahan ang paggawa ng isang bagong salin ng Kasulatan.

Isang Salin, Maraming Wika

Inorganisa ang isang komite sa pagsasalin na binubuo ng makaranasan at pinahirang mga Kristiyano upang gawin ang New World Translation of the Holy Scriptures sa Ingles. Inilathala ito sa anim na tomo, na inilabas mula noong 1950 hanggang 1960, anupat inuna ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Mula noong 1963 ay naisalin na ito sa karagdagang 27 wika, at isinasalin sa marami pang ibang wika. Ang mga tunguhin para sa ibang wika ay katulad rin niyaong sa Ingles. Una, ang salin ay dapat na maging tumpak, anupat pinakamalapit hangga’t maaari sa orihinal. Hindi dapat ilihis ang kahulugan upang umayon lamang sa isang partikular na pagkaunawa sa doktrina. Pangalawa, dapat panatilihin ang pagkakasuwato ng mga salita, anupat isa lamang salin ang ginagamit para sa bawat pangunahing salita hangga’t makatuwirang ipinahihintulot ng konteksto. Ang gayong pamamaraan ay tumutulong sa mga mambabasa na maunawaan kung paano ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang espesipikong mga salita. Pangatlo, ang salin ay dapat na maging literal hangga’t maaari nang hindi pinalalabo ang kahulugan. Ang pagiging literal ay nagpapaunawa sa mambabasa ng katangian ng orihinal na mga wika at ng kaugnay na takbo ng kaisipan. At pang-apat, dapat na iyon ay madaling basahin at unawain ng pangkaraniwang mga tao.

Ang medyo literal na istilo ng Ingles na New World Translation ang nagpapangyari na madali itong maisalin sa ibang wika. Sa layuning ito kung kaya ginagamit sa kasalukuyan ng mga pangkat ng Samahan sa pagsasalin ang makabagong kagamitan sa computer upang pabilisin ang kanilang gawain at gawin itong mas tumpak. Ang sistemang ito ay tumutulong sa mga tagapagsalin na matipon ang talaan ng mga katutubong salita na katumbas ng bawat pangunahing salita. Tumutulong din ito sa kanila na mapag-aralan ang salin sa Ingles ng bawat salitang Hebreo at Griego sa Bibliya.

May mahahalagang bentaha ang pagsasalin mula sa Ingles, sa halip na tuwirang magsalin mula sa Hebreo at Griego. Bukod sa napaiigsi ang panahon sa pagsasalin, nagiging posible ang higit na pagkakasuwato ng mga pananalita sa lahat ng wika. Bakit? Dahil mas madaling magsalin nang wasto mula sa isang modernong wika tungo sa isa pa kaysa magsalin mula sa isang sinaunang wika tungo sa iba’t ibang modernong wika. Tutal, maaaring sumangguni ang mga tagapagsalin sa mga katutubong nagsasalita ng modernong mga wika ngunit hindi sa mga tagapagsalin ng mga wikang ginamit libu-libong taon na ang nakalipas.

Mabuting Balita Para sa Lahat ng Bansa

Marami pang maisusulat tungkol sa determinadong mga lalaki at babae na tumulong upang ang Bibliya ay gawing ang pinakamalawak na ipinamamahaging aklat sa lupa. Sa paglakad ng mga siglo, di-kukulangin sa apat na bilyong Bibliya at mga bahagi ng Bibliya ang nailimbag sa mahigit na dalawang libong wika, na sinasalita ng mahigit sa 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig!

Inihula ng Bibliya ang isang pandaigdig na paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa ating kaarawan. Sa layuning ito, ang Diyos na Jehova mismo ang maliwanag na nagpangyari kung kaya ang Bibliya ngayon ay halos maaari nang gamitin ng lahat. (Mateo 13:47, 48; 24:14) Isinapanganib ng walang-takot na mga tagapagsalin at tagapaglathala ng Bibliya noon ang lahat ng bagay upang ibigay sa atin ang Salita ng Diyos​—ang tanging pinagmumulan ng espirituwal na liwanag sa isang sanlibutang nasa kadiliman sa moral. Ang kanilang halimbawa ay magpakilos sana sa inyo na basahin, ikapit, at ibahagi ang Salitang ito taglay ang katulad na paninindigang ipinamalas nila. Oo, sa araw-araw, lubusang samantalahin ang maaasahang Bibliya na iyong taglay!​—Isaias 40:6-8.

[Talababa]

a Tingnan ang “Pagsagip sa Codex Sinaiticus” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1988.

[Chart sa pahina 12]

Pagsulong sa Pagsasalin ng Bibliya

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng mga

Wika

1 Pinasimulang isalin ng mga Judio sa Griego ang Hebreong Kasulatan

c. 280 B.C.E.

12 Natapos ni Jerome ang Latin Vulgate c. 400 C.E.

35 Natapos ni Gutenberg ang unang nilimbag na Bibliya c. 1455

81 Itinatag ang British and Foreign Bible Society 1804

Tinatayang Bilang ng mga Wika Ayon sa Taon

522

1900

600

700

800

900

1,049

1950

1,100

1,200

1,300

1,471

1970

2,123

1996

2,200

2,300

2,400

[Credit Line]

Pinagkunan: Christianity Today, United Bible Society

[Credit Line sa pahina 9]

Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 8]

Iginapos at kinaladkad si Judson

[Credit Line]

Mula sa aklat na Judson the Hero of Burma, ni Jesse Page

[Mga larawan sa pahina 10]

Sinagip ni Tischendorf ang isang mahalagang manuskrito sa monasteryong ito sa paanan ng Bundok Sinai

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share