-
Mga Taong “May Damdaming Tulad ng sa Atin”Ang Bantayan—1998 | Marso 1
-
-
Mga Taong “May Damdaming Tulad ng sa Atin”
SIYA ay isang hari at isang propeta ngunit isa ring maibiging ama. Ang isa sa kaniyang mga anak na lalaki ay lumaking palalo at arogante. Sa isang maliwanag na pagtatangkang agawin ang trono, ang anak na ito ay nagbunsod ng isang gera sibil, anupat hangad na patayin ang kaniyang ama. Ngunit sa ibinungang labanan, ang anak ang siyang napatay. Nang mabalitaan ng ama ang pagkamatay ng kaniyang anak, siya ay nagpuntang mag-isa sa isang silid sa bubungan at tumangis: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! O ako na sana ang namatay, ako mismo, sa halip na ikaw, Absalom anak ko, anak ko!” (2 Samuel 18:33) Ang ama ay si Haring David. Tulad ng ibang propeta ni Jehova, siya ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.”—Santiago 5:17.
Noong panahon ng Bibliya ang mga lalaki at babae na nagsasalita para kay Jehova ay may iba’t ibang kalagayan sa buhay at mga ordinaryong tao. Tulad natin, sila’y may mga suliranin at nagdusa dahil sa di-kasakdalan. Sino ang ilan sa mga propetang ito, at paanong ang kanilang damdamin ay katulad ng sa atin?
Si Moises ay Naging Maamo Mula sa Labis na Kumpiyansa
Si Moises ay isang prominenteng propeta bago ang panahong Kristiyano. Subalit kahit na sa edad na 40, hindi pa siya handa upang maglingkod bilang tagapagsalita ni Jehova. Bakit? Samantalang inaapi ni Paraon ng Ehipto ang kaniyang mga kapatid, si Moises ay lumaki sa sambahayan ni Paraon at naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” Sinasabi sa atin ng ulat: “Ipinapalagay niya na maiintindihan ng kaniyang mga kapatid na binibigyan sila ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ng kaniyang kamay.” Palibhasa’y labis ang kumpiyansa, naging agresibo siya sa pagtatanggol sa isang aliping Hebreo, anupat napatay niya ang isang Ehipsiyo.—Gawa 7:22-25; Exodo 2:11-14.
Ngayo’y napilitang tumakas si Moises, at ginugol niya ang sumunod na apat na dekada bilang isang pastol sa malayong Midian. (Exodo 2:15) Sa pagtatapos ng panahong iyon, si Moises, na ngayo’y 80 anyos na, ay inatasan ni Jehova bilang isang propeta. Ngunit hindi na labis ang kumpiyansa ni Moises. Sa pakiwari niya’y hindi siya kuwalipikado kung kaya pinag-alinlanganan niya ang pag-aatas ni Jehova sa kaniya bilang isang propeta, anupat gumamit ng pananalitang gaya ng, “Sino ba ako upang pumunta kay Paraon?” at, “Ano ang sasabihin ko?” (Exodo 3:11, 13) Dahil sa maibiging pagtiyak at tulong ni Jehova, matagumpay na naisagawa ni Moises ang kaniyang atas.
Tulad ni Moises, hinayaan mo na bang ang labis na kumpiyansa ay umakay sa iyo na gawin o sabihin ang isang bagay na napatunayang isang kamangmangan? Kung gayon, tanggapin mo ang higit pang pagsasanay lakip ang kapakumbabaan. O nadama mo na bang hindi ka kuwalipikadong humawak ng ilang Kristiyanong pananagutan? Sa halip na tanggihan, tanggapin mo ang tulong na ibinibigay ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Ang Isa na tumulong kay Moises ay makatutulong din sa iyo.
Si Elias ay May Damdaming Tulad ng sa Atin sa Isang Panahon ng Pagdidisiplina
“Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin, gayunma’y sa panalangin ay ipinanalangin niya na huwag umulan; at hindi umulan sa lupain sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.” (Santiago 5:17) Ang panalangin ni Elias ay kasuwato ng kalooban ni Jehova na disiplinahin ang isang bansa na tumalikod sa Kaniya. Gayunman, batid ni Elias na magdurusa ang tao sa tagtuyot na ipinananalangin niya. Ang Israel ay pangunahin nang isang lipunan ng mga magsasaka; sa hamog at ulan nakasalalay ang kabuhayan ng bayan. Magdudulot ng labis na kapighatian ang patuloy na tagtuyot. Malalanta ang pananim; walang aanihin. Mamamatay ang mga domestikong hayop na ginagamit sa pagtatrabaho at kinakain, at ang ilang pamilya ay mapapaharap sa pagkagutom. Sino ang higit na magdurusa? Ang pangkaraniwang mga tao. Nang maglaon ay sinabi ng isang babaing balo kay Elias na sandakot na arina at kaunting langis na lamang ang natitira sa kaniya. Natitiyak na niyang mamamatay silang mag-ina dahil sa gutom. (1 Hari 17:12) Upang si Elias ay makapanalangin na gaya ng ginawa niya, kinailangang matibay ang pananampalataya niya na pangangalagaan ni Jehova ang Kaniyang mga lingkod—mayaman man o dukha—na hindi tumalikod sa tunay na pagsamba. Gaya ng ipinakikita ng ulat, hindi nabigo si Elias.—1 Hari 17:13-16; 18:3-5.
Pagkaraan ng tatlong taon, nang ipahiwatig ni Jehova na malapit na siyang magpaulan, nakita ang matinding hangarin ni Elias na matapos na sana ang tagtuyot sa kaniyang paulit-ulit at marubdob na mga panalangin habang siya’y ‘yumuyukyok sa lupa at inilalagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.’ (1 Hari 18:42) Paulit-ulit, hinimok niya ang kaniyang tagapaglingkod: “Umahon ka, pakisuyo. Tumingin ka sa direksiyon ng dagat” para sa pahiwatig na dininig ni Jehova ang kaniyang mga panalangin. (1 Hari 18:43) Tiyak na galak na galak siya nang sa wakas, bilang tugon sa kaniyang mga panalangin, “ang langit ay nagbigay ng ulan at ang lupain ay nagsibol ng bunga nito”!—Santiago 5:18.
Kung isa kang magulang o matanda sa kongregasyong Kristiyano, baka kailanganin mong makipagpunyagi sa matitinding damdamin kapag naglalapat ng disiplina. Gayunman, ang gayong damdamin ng tao ay kailangang timbangan ng pananalig na ang disiplina ay kailangan kung minsan at na kapag ito’y inilapat nang may pag-ibig, “nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga, katuwiran.” (Hebreo 12:11) Laging kanais-nais ang bunga ng pagsunod sa mga batas ni Jehova. Tulad ni Elias, buong-taimtim tayong nananalangin na matupad nawa ang mga ito.
Si Jeremias ay Nagpamalas ng Lakas ng Loob sa Kabila ng Pagkasira ng Loob
Sa lahat ng mga manunulat ng Bibliya, marahil si Jeremias ang isa na may pinakamaraming isinulat tungkol sa kaniyang personal na nadarama. Bilang isang kabataan, atubili siyang tanggapin ang kaniyang atas. (Jeremias 1:6) Gayunma’y buong-tapang na ipinahayag niya ang salita ng Diyos, upang makabangga lamang ang mahigpit na pagsalansang ng mga kapuwa Israelita—mula sa hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Ang ganitong pagsalansang ay nag-uudyok sa kaniya kung minsan na magalit at lumuha. (Jeremias 9:3; 18:20-23; 20:7-18) Sa iba’t ibang pagkakataon ay inumog siya, hinampas, itinali sa pikota, ibinilanggo, pinagbantaang papatayin, at iniwan upang mamatay sa putik sa ilalim ng isang imbakang-tubig na walang laman. Kung minsa’y nakasasakit maging ang mensahe ni Jehova, gaya ng ipinakikita sa kaniyang mga salita: “O mga bituka ko, mga bituka ko! Matindi ang kirot sa mga dingding ng aking puso.”—Jeremias 4:19.
Sa kabila nito, iniibig niya ang salita ni Jehova, anupat sinabi: “Ang iyong salita sa akin ay naging katuwaan at kagalakan ng aking puso.” (Jeremias 15:16) Kasabay nito, dahil sa pagkasiphayo ay dumaing siya kay Jehova: “Tunay na ikaw sa akin ay naging gaya ng isang bagay na mapanlinlang, gaya ng mga tubig na napatunayang hindi mapagkakatiwalaan,” gaya sa isang batis na madaling natutuyuan. (Jeremias 15:18) Gayunpaman, naunawaan ni Jehova ang nagkakasalungatang damdamin nito at patuloy siyang inalalayan upang matupad niya ang kaniyang atas.—Jeremias 15:20; tingnan din ang 20:7-9.
Tulad ni Jeremias, nakararanas ka ba ng pagkasiphayo o pagsalansang habang isinasagawa ang iyong ministeryo? Umasa ka kay Jehova. Patuloy na sundin ang kaniyang pangunguna, at gagantimpalaan din ni Jehova ang iyong pagsisikap.
Si Jesus ay May Damdaming Tulad ng sa Atin
Ang pinakadakilang propeta kailanman ay ang sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Bagaman siya’y isang taong sakdal, hindi niya sinupil ang kaniyang damdamin. Malimit nating mabasa ang tungkol sa kaniyang nadarama, na tiyak ay bakas na bakas sa kaniyang mukha at sa kaniyang pagtugon sa iba. Si Jesus ay madalas na “naantig sa pagkahabag,” at ginamit niya ang pananalita ring ito sa paglalarawan ng mga tauhan sa kaniyang mga ilustrasyon.—Marcos 1:41; 6:34; Lucas 10:33.
Tiyak na nilaksan niya ang kaniyang tinig nang itaboy niya ang mga nagtitinda at ang mga hayop mula sa templo sa pamamagitan ng mga salitang: “Alisin ninyo ang mga bagay na ito mula rito!” (Juan 2:14-16) Ang mungkahi ni Pedro na, “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” ay pumukaw ng mariing tugon, “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!”—Mateo 16:22, 23.
May natatanging pagmamahal si Jesus para sa ilan na lalo nang malapit sa kaniya. Si apostol Juan ay inilarawan bilang ang ‘alagad na inibig ni Jesus.’ (Juan 21:7, 20) At mababasa natin: “Ngayon ay iniibig ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.”—Juan 11:5.
Nasasaktan din si Jesus. Dahil sa kirot ng damdaming dulot ng pagkamatay ni Lazaro, “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:32-36) Sa pagsisiwalat ng sakit ng kalooban na sanhi ng pagkakanulo ni Judas Iscariote, binanggit ni Jesus ang makabagbag-damdaming pananalita mula sa Mga Awit: “Siya na dating kumakain sa aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.”—Juan 13:18; Awit 41:9.
Kahit nang dumaranas ng grabeng pahirap sa tulos, ipinakita ni Jesus ang tindi ng kaniyang pagmamalasakit. Buong-pagmamahal na ipinagkatiwala niya ang kaniyang ina sa “alagad na iniibig niya.” (Juan 19:26, 27) Nang makita niya ang katunayan ng pagsisisi ng isa sa manggagawa ng kasamaan na ibinayubay sa tabi niya, madamaying sinabi ni Jesus: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Madarama natin ang silakbo ng damdamin sa kaniyang hiyaw: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46) At ang kaniyang mga pananalita habang naghihingalo ay nagsisiwalat ng taos-pusong pag-ibig at pagtitiwala: “Ama, sa iyong mga kamay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.”—Lucas 23:46.
Tunay na lahat ng ito ay gumaganyak ng ating pagtitiwala! “Sapagkat taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.”—Hebreo 4:15.
Ang Pagtitiwala ni Jehova
Hindi kailanman pinagsisihan ni Jehova ang pagpili niya ng mga tagapagsalita. Batid niya ang kanilang pagkamatapat sa kaniya, at maawaing pinalalampas niya ang mga kahinaan niyaong mga di-sakdal. Subalit inaasahan niyang tutuparin nila ang kanilang atas. Sa tulong niya ay nagawa nila iyon.
Buong-pagtitiyagang magtiwala tayo sa ating matapat na mga kapatid. Mananatili silang di-sakdal sa sistemang ito ng mga bagay, gayundin tayo. Subalit hindi natin kailanman dapat ipasiyang hindi na karapat-dapat sa ating pag-ibig at atensiyon ang ating mga kapatid. Sumulat si Pablo: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating mga sarili.”—Roma 15:1; Colosas 3:13, 14.
Nadama ng mga propeta ni Jehova ang mga nadarama natin. Gayunpaman, nagtiwala sila kay Jehova, at inalalayan sila ni Jehova. Higit sa lahat, binigyan sila ni Jehova ng mga dahilan upang magalak—isang mabuting budhi, ang katunayan ng kaniyang paglingap, matapat na mga kasamang umalalay sa kanila, at ang katiyakan ng isang maligayang kinabukasan. (Hebreo 12:1-3) Mangunyapit din tayo kay Jehova taglay ang buong pagtitiwala habang tinutularan natin ang pananampalataya ng mga propeta noon, mga taong “may damdaming tulad ng sa atin.”
-
-
Mga Doktor, Mga Hukom, at Mga Saksi ni JehovaAng Bantayan—1998 | Marso 1
-
-
Mga Doktor, Mga Hukom, at Mga Saksi ni Jehova
NOONG Marso 1995, nagsaayos ang mga Saksi ni Jehova ng dalawang seminar sa Brazil. Ang layunin? Upang itaguyod ang pagtutulungan ng mga manggagamot at mga opisyal kapag ang pasyente sa ospital ay isang Saksi ni Jehova at hindi nagpapasalin ng dugo.—Gawa 15:29.
Nakalulungkot, sa ilang kaso ay ipinagwalang-bahala ng mga doktor ang kahilingan ng mga pasyenteng Saksi at sinikap na makakuha ng utos ng hukuman na ipilit ang pagsasalin ng dugo. Sa gayong mga situwasyon ay ginagamit ng mga Saksi ang anumang posibleng legal na paraan upang mapangalagaan ang kanilang sarili. Gayunpaman, mas ibig nilang makipagtulungan kaysa makipagtalo. Kaya naman, idiniin sa mga seminar na may maraming panghalili sa pagsasalin ng magkatipong dugo at na ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tumatanggap ng mga ito.a
Sinuportahan na ng isang pulong ng Regional Council of Medicine ng São Paulo ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Noong Enero 1995 nang magtipon ang konseho sa Estado ng São Paulo, ipinasiya nito na kung may pagtutol sa paraan ng paggamot na inirekomenda ng doktor, may karapatan ang pasyente na tanggihan ito at pumili ng ibang doktor.
Kapuri-puri naman, daan-daang manggagamot ngayon sa Brazil ang handang gumamit ng walang-dugong paraan ng paggamot sa mga pasyente na humihiling nito. Mula nang idaos ang mga seminar noong Marso 1995, malaki ang pagsulong sa pagtutulungan ng mga doktor, mga hukom, at mga Saksi ni Jehova sa Brazil. Inilathala ng magasing pang-mediko na Âmbito Hospitalar sa Brazil noong 1997 ang isang artikulo na naggigiit sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova na igalang ang kanilang paninindigan hinggil sa dugo. Gaya ng ipinahayag ng mga Regional Council of Medicine para sa mga estado ng Rio de Janeiro at São Paulo, malawakang kinikilala ngayon na “ang tungkulin ng doktor na pangalagaan ang buhay ng kaniyang pasyente ay hindi dapat lumampas sa kaniyang tungkulin na ipagtanggol ang karapatan ng pasyente na pumili.”
-