Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 1/15 p. 19-22
  • Patiunang Pagpaplano Para sa Ating mga Minamahal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patiunang Pagpaplano Para sa Ating mga Minamahal
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Dapat Isipin ang Tungkol sa Kamatayan?
  • Pang-aagaw ng Ari-arian
  • “Ang Dalawa ay Magiging Isang Laman”
  • Mga Kaugalian sa Paglilibing
  • Paggawa ng Legal na mga Hakbang
  • Ipakipag-usap ang Bagay na Iyon sa Pamilya
  • Pangalagaan ang Iyong Pamilya
  • Kristiyanong Pangmalas sa mga Kaugalian sa Paglilibing
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Puwedeng Maging Masaya ang Pamilya Mo
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Inuuna ba ng Inyong Pamilya ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 1/15 p. 19-22

Patiunang Pagpaplano Para sa Ating mga Minamahal

LUMABAS kamakailan sa isang pahayagan sa Aprika ang malungkot na karanasan ni Annie. Isang negosyante ang asawa ni Annie. Namatay ito noong 1995, anupat nag-iwan ng 15 sasakyan; ilang deposito sa bangko; mga $4,000 (U.S.) na pera; isang tindahan; isang bar; at isang bahay na may tatlong silid-tulugan. Ang hindi niya naiwan ay isang testamento.

Iniulat na kinuha ng bayaw ni Annie ang pag-aari at salapi at pinalayas siya at ang kaniyang anim na anak sa kanilang tahanan. Palibhasa’y walang-wala, siya at ang kaniyang mga anak ay nakikitira ngayon sa kaniyang kapatid na lalaki. Ang apat sa mga anak ay kinailangang huminto sa pag-aaral, yamang walang pambayad sa matrikula o uniporme sa paaralan.

Dumulog si Annie sa isang mataas na hukuman, na nagpasiyang dapat ibalik sa kaniya ang ilang pag-aari, kasali na ang isang sasakyan. Ngunit walang ibinalik na anuman. Kailangan niya muling dumulog sa hukuman upang makakuha ng isang utos na siyang pipilit sa kaniyang bayaw na sundin ang desisyon ng mataas na hukuman.

Bakit Dapat Isipin ang Tungkol sa Kamatayan?

Ipinakikita ng karanasan ni Annie kung ano ang maaaring mangyari kapag ang isang ulo ng pamilya ay hindi nakapagplano sakaling siya ay mamatay. Sa kamatayan, lahat ng tao ay “nag-iiwan ng kanilang kayamanan sa iba.” (Awit 49:10) Isa pa, ang mga patay ay wala nang kontrol sa kung ano ang ginagawa sa kanilang mga ari-arian. (Eclesiastes 9:5, 10) Upang masunod ang gusto niyang mangyari sa kaniyang mga ari-arian, dapat isaayos ng isang tao ang mga bagay bago siya mamatay.

Bagaman alam nating lahat na maaari tayong mamatay nang di-inaasahan, hindi nakapaghahanda nang patiuna ang maraming tao para sa kanilang maiiwang mga mahal sa buhay. Bagaman ang ating pagtalakay ay magtutuon ng pansin sa ilang grupo ng mga kultura sa Aprika, katulad na mga suliranin ang umiiral sa ibang bahagi ng daigdig.

Personal na desisyon na kung gagawa ka ng mga hakbang hinggil sa pangangasiwa ng iyong ari-arian sakaling mamatay ka. (Galacia 6:5) Gayunman, baka itanong ng isa, ‘Bakit ang isang lalaki na nagmamahal at nangangalaga sa kaniyang asawa’t mga anak habang siya’y nabubuhay ay hindi naman naglalaan para sa kanilang kapakanan sakaling mamatay siya?’ Ang pangunahing dahilan ay sapagkat karamihan sa atin ay hindi nag-iisip tungkol sa posibilidad na tayo’y mamamatay, lalo pa nga ang magplano para sa pangyayaring ito. Sa katunayan, hindi natin patiunang nalalaman ang araw ng ating kamatayan, gaya ng sabi ng Bibliya: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay nawawala.”​—Santiago 4:14.

Praktikal ang magplano sakaling ang isa ay mamatay. Nagpapakita rin ito ng maibiging pagmamalasakit sa mga maiiwan niya sa buhay. Kung hindi natin isasaayos ang mga bagay, gagawin iyon ng iba. Marahil ang mga taong hindi natin nakilala kailanman ang magpapasiya tungkol sa ating mga ari-arian at mga kaayusan sa ating libing. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan sa ilang bansa, ang Estado ang siyang nagpapasiya kung kanino mapupunta ang ating salapi at ari-arian. Sa ibang lugar naman, mga kamag-anak ang nagpapasiya, at malimit na ang mga pasiyang ito ay may kaakibat na pag-aaway na nagiging sanhi ng mga samaan ng loob sa pamilya. Bukod dito, ang pinagpasiyahan ay baka malayung-malayo sa gusto natin.

Pang-aagaw ng Ari-arian

Ang biyuda ang siyang pangunahing nagdurusa kapag namatay ang kaniyang asawa. Bukod sa dalamhati ng pagkawala ng kabiyak, malimit na siya ay nagiging biktima ng pang-aagaw ng ari-arian. Ito ay naunang inilarawan sa kaso ni Annie. Bahagi ng dahilan sa pang-aagaw ng ari-arian ay may kinalaman sa kung paano itinuturing ang mga asawang babae. Sa ilang kultura ay hindi itinuturing na bahagi ng pamilya ng lalaki ang kaniyang asawa. Sa diwa ay isa siyang banyaga na sa anumang oras ay maaaring bumalik sa kaniyang pamilya o mag-asawang muli buhat sa ibang pamilya. Sa kabaligtaran, ikinakatuwiran na ang isang lalaki ay hindi kailanman iiwan ng kaniyang mga kapatid at magulang. Kung mamatay siya, naniniwala ang kaniyang pamilya na ang pag-aari niya ay sa kanila, hindi sa kaniyang asawa at mga anak.

Nagtataguyod ng gayong kaisipan ang mga asawang lalaki na hindi nagtatapat sa kanilang asawa. Ipinakikipag-usap lamang ni Mike sa kaniyang mga kapatid na lalaki ang mga bagay tungkol sa kaniyang negosyo. Alam nila kung ano ang mga pag-aari niya, pero walang gaanong nalalaman ang kaniyang asawa. Nang mamatay siya, ang kaniyang mga kapatid ay pumunta sa kaniyang asawa at pilit na hinihingi ang isang halaga ng salapi na inaasahang tatanggapin ng kaniyang asawa. Wala man lamang siyang alam tungkol doon. Sumunod, kinuha nila ang mga photocopier at mga makinilya na binili ng kaniyang asawa para sa kaniya. Nang maglaon, kinamkam ng mga kapatid ni Mike ang kanilang tahanan at ang lahat ng naroroon. Ang biyudang ito at ang kaniyang batang anak na babae ay napilitang umalis, anupat dala-dala lamang ang kanilang mga damit.

“Ang Dalawa ay Magiging Isang Laman”

Iniibig ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak at itinuturing silang karapat-dapat sa pagtitiwala. Isinasapuso ng gayong mga lalaki ang payo ng Kasulatan: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan.” Sumasang-ayon din ang mga lalaking ito sa kapahayagang kinasihan ng Diyos: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman.”​—Efeso 5:28, 31.

Sumasang-ayon din ang makadiyos na mga asawang lalaki sa Kristiyanong apostol na si Pablo, na sumulat: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kasuwato ng simulaing ito, kung ang isang Kristiyanong asawang lalaki ay nagplano ng isang mahabang paglalakbay, titiyakin niyang mapangangalagaan ang kaniyang pamilya habang siya’y nasa malayo. Sa katulad na paraan, hindi ba makatuwirang gagawa siya ng paglalaan para sa kaniyang asawa’t mga anak sakaling mamatay siya? Hindi lamang praktikal kundi maibigin din ang maghanda para sa di-inaasahang trahedya.

Mga Kaugalian sa Paglilibing

May isa pang aspekto ng bagay na ito ang dapat isaalang-alang ng mga Kristiyanong asawang lalaki. Nakadaragdag pa sa dalamhati ng isang biyuda sa pagkawala ng kabiyak, ari-arian, at malamang na maging ng kaniyang mga anak, ang paggigiit ng ilang lipunan na sundin niya ang kinaugaliang mga seremonya sa pagluluksa. Malungkot na ibinalita ng pahayagang The Guardian ng Nigeria na sa ilang lugar, ayon sa tradisyon ay kailangang matulog ang isang biyuda sa madilim na silid na kinaroroonan ng bangkay ng kaniyang asawa. Sa ibang lugar, ang mga biyuda ay hindi pinahihintulutang umalis ng kanilang tahanan sa isang yugto ng pagluluksa na halos anim na buwan. Sa panahong iyon, hindi sila dapat maligo, at ipinagbabawal maging ang paghuhugas ng kanilang kamay bago o pagkatapos kumain.

Nagdudulot ng mga suliranin ang gayong mga kaugalian, lalo na para sa Kristiyanong mga biyuda. Ang kanilang pagnanais na palugdan ang Diyos ay nagpapakilos sa kanila na iwasan ang mga kaugaliang hindi kasuwato ng mga turo sa Bibliya. (2 Corinto 6:14, 17) Subalit dahil sa hindi pagsunod sa mga kaugaliang ito, ang isang biyuda ay baka dumanas ng pag-uusig. Baka kailanganin pa niyang tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay.

Paggawa ng Legal na mga Hakbang

May katalinuhang sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng isa na masikap ay tiyak na para sa kapakinabangan.” (Kawikaan 21:5) Anong mga plano ang maaaring gawin ng isang ulo ng pamilya? Sa maraming lipunan ay posibleng gumawa ng isang testamento o maghanda ng isang dokumento na nagsasaad kung paano ipamamahagi ang ari-arian ng isang tao sakaling mamatay siya. Maaaring kasali rito ang mga detalye ng mga kaayusan sa paglilibing. Maaari ring isaad sa dokumento kung ano ang dapat (o hindi dapat gawin) ng kabiyak may kinalaman sa paglilibing o mga kaugalian sa pagluluksa.

Namatayan ng asawa noong 1992 ang babaing nagngangalang Leah. Sabi niya: “Lima ang aking mga anak​—apat na babae at isang lalaki. Matagal nang maysakit ang aking asawa bago siya namatay. Ngunit bago pa man siya magkasakit, sumulat siya ng dokumento na nagsasabing ibig niyang mapunta sa akin at sa aming mga anak ang lahat niyang ari-arian. Kasali rito ang salapi mula sa seguro, lupang sakahan, mga alagang hayop sa bukid, at isang bahay. Nilagdaan niya ang testamento at ibinigay iyon sa akin. . . . Pagkamatay ng aking asawa, ibig ng mga kamag-anak na makihati sa kaniyang pamana. Sinabi ko sa kanila na sariling pera ng asawa ko ang ipinambili niya ng lupang sakahan at na wala silang anumang karapatang mag-angkin sa anuman. Nang makita nila ang nasusulat na testamento, tinanggap nila iyon.”

Ipakipag-usap ang Bagay na Iyon sa Pamilya

Maaaring bumangon ang mga suliranin kung hindi ipinakikipag-usap ng isang tao sa kaniyang pamilya ang tungkol sa kaniyang mga paniniwala at hangarin. Tingnan ang kaso ng isang lalaki na ang mga kamag-anak ay naggiit na dapat siyang ilibing sa nayon ayon sa lokal na kaugalian. Nang pagbantaan ang kanilang buhay, ang kaniyang biyuda at mga anak nito ay napilitang ipaubaya ang kaniyang bangkay sa mga kamag-anak. Ganito ang hinagpis niya: “Kung sinabi sana ng aking asawa kahit man lamang sa isa sa kaniyang mga tiyuhin o mga pinsan kung paano niya nais mailibing, hindi sana iginiit ng pamilya ang kanilang tradisyonal na kaugalian sa paglilibing.”

Sa ilang lipunan ang isang bibigang kasunduan ay may bisa gaya ng sa isang nasusulat na dokumento. Ganito ang kalagayan sa ilang lugar sa Swaziland, kung saan napakaraming paniniwala na nagpapahintulot sa tradisyonal na pamamaraan sa paglilibing at pagluluksa. Palibhasa’y nalalaman ito, ipinatawag ng isang Kristiyanong lalaki na nagngangalang Isaac sa isang pulong ang kaniyang mga kamag-anak, na hindi mga Saksi ni Jehova, at ipinakipag-usap niya kung ano ang ibig niyang mangyari pagkamatay niya. Sinabi niya sa kanila kung kanino mapupunta ang espesipikong materyal na mga ari-arian, at ipinaliwanag niya nang husto kung paano dapat idaos ang kaniyang libing. Nang mamatay siya, naganap ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang nais. Si Isaac ay binigyan ng isang Kristiyanong libing, at inasikasong mabuti ang kaniyang asawa.

Pangalagaan ang Iyong Pamilya

Kung ano ang gagawin mo upang pangalagaan ang iyong pamilya sakaling mamatay ka ay isang personal na bagay, ngunit ganito ang sabi ng isang Kristiyanong nagngangalang Edward: “Mayroon akong polisa sa seguro na ang benepisyari ay ang walong miyembro ng aking pamilya. Ang aking asawa ay isa sa pumipirma para sa aking deposito sa bangko. Kaya kung mamatay ako, maaari siyang maglabas ng pera mula sa deposito. . . . May testamento ako para sa aking pamilya. Kung mamatay ako, anumang maiwan ko ay para sa aking asawa’t mga anak. Isinulat ko ang aking testamento limang taon na ang nakaraan. Inihanda iyon ng isang abogado, at may kopya ang aking asawa at anak na lalaki. Sa aking testamento, ipinagbilin ko na hindi dapat makialam ang aking mga kamag-anak sa pagpapasiya tungkol sa aking libing. Kabilang ako sa organisasyon ni Jehova. Kaya kahit isa o dalawang Saksi lamang ang naroroon upang idaos ang aking libing, sapat na iyon. Ipinakipag-usap ko ito sa aking mga kamag-anak.”

Sa isang diwa, ang paggawa ng gayong mga kaayusan ay isang kaloob sa iyong pamilya. Mangyari pa, ang pagpaplano sakaling mamatay ang isa ay hindi tulad ng regalong tsokolate o isang pumpon ng bulaklak. Gayunman, nagpapakita ito ng iyong pag-ibig. Pinatutunayan nito na ibig mong ‘maglaan para sa mga miyembro ng iyong sambahayan’ kahit na kapag hindi ka na nila kapiling.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

Naglaan si Jesus Para sa Kaniyang Ina

“Gayunman, sa tabi ng pahirapang tulos ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina at ang kapatid na babae ng kaniyang ina; si Maria ang asawa ni Clopas, at si Maria Magdalena. Sa gayon si Jesus, pagkakita sa kaniyang ina at sa alagad na iniibig niya na nakatayo sa tabi, ay nagsabi sa kaniyang ina: ‘Babae, tingnan mo! Ang iyong anak!’ Sumunod ay sinabi niya sa alagad: ‘Tingnan mo! Ang iyong ina!’ At mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad [na si Juan] sa kaniyang sariling tahanan.”​—Juan 19:25-27.

[Larawan sa pahina 22]

Maalalahaning gumawa ng legal na mga hakbang ang maraming Kristiyano upang pangalagaan ang kanilang pamilya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share