Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nagpayo si Jesus: “Magsikap kayo nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pintuan, sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magnanasang makapasok ngunit hindi magagawa ito.” (Lucas 13:24) Ano ang ibig niyang sabihin, at paano ito kumakapit sa ngayon?
Mauunawaan natin nang lubusan ang kawili-wiling talatang ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa tagpo nang sabihin niya ito. Mga anim na buwan bago siya mamatay, si Jesus ay nasa Jerusalem noong anibersaryo ng muling pag-aalay sa templo. Binanggit niya ang tungkol sa pagiging pastol ng mga tupa ng Diyos ngunit ipinaliwanag niya na ang mga Judio sa pangkalahatan ay hindi kabilang sa gayong mga tupa sapagkat ayaw nilang makinig. Nang sabihin niya na sila ng kaniyang Ama ay “iisa,” ang mga Judio ay dumampot ng mga bato upang batuhin siya. Tumakas siya patungo sa Perea sa kabila ng Jordan.—Juan 10:1-40.
Doon ay nagtanong ang isang lalaki: “Panginoon, kakaunti ba yaong mga ililigtas?” (Lucas 13:23) Ito ay isang angkop na tanong na iniharap niya, sapagkat naniniwala ang mga Judio noong panahong iyon na limitado lamang ang magiging karapat-dapat sa kaligtasan. Dahil sa ipinamalas nilang saloobin, hindi mahirap gunigunihin kung sino ang inaakala nilang bumubuo ng kakaunting iyon. Maling-mali sila, gaya ng ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari!
Sa loob ng mga dalawang taon, si Jesus ay nasa gitna nila, anupat nagtuturo, gumagawa ng mga himala, at nagpapaabot ng pag-asa na sila’y maaaring maging mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian. Ano ang resulta? Sila, at ang kanilang mga lider lalo na, ay nagmalaki sa pagiging mga inapo ni Abraham at siyang pinagkatiwalaan ng Batas ng Diyos. (Mateo 23:2; Juan 8:31-44) Ngunit ayaw nilang kilanlin at tugunin ang tinig ng Mabuting Pastol. Waring nagkaroon ng isang bukas na pintuan sa harap nila, na pangunahing gantimpala sa pagpasok dito ang pagiging kaanib sa Kaharian, ngunit tumanggi sila. Kakaunti lamang, na halos mga pangkaraniwang tao, ang nakinig sa mensahe ni Jesus ng katotohanan, tumugon, at nanatili sa kaniya.—Lucas 22:28-30; Juan 7:47-49.
Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang mga huling nabanggit ang siyang napahanay upang pahiran ng espiritu. (Gawa 2:1-38) Hindi sila kabilang sa mga manggagawa ng kalikuan na binanggit ni Jesus na tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin dahil sa pagtanggi sa pagkakataong ibinigay sa kanila.—Lucas 13:27, 28.
Dahil dito, ang “marami” noong unang siglo ay mga Judio sa pangkalahatan, at lalo na ang mga lider ng relihiyon. Inangkin ng mga ito na ibig nila ng pabor ng Diyos—ngunit ayon lamang sa kanilang sariling mga pamantayan at paraan, hindi niyaong sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang medyo “kakaunti” na tumugon udyok ng taimtim na interes sa pagiging bahagi ng Kaharian ang siyang naging mga pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano.
Isaalang-alang ngayon ang mas malawak na pagkakapit na nagaganap sa ating panahon. Napakaraming indibiduwal na nagsisimba sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang naturuan na sila’y pupunta sa langit. Gayunman, ang hangaring ito ay hindi batay sa tumpak na mga turo ng Kasulatan. Kagaya sa mga Judio noon, ibig ng mga ito ang pabor ng Diyos sa pamamagitan lamang ng kanilang sariling mga kondisyon.
Gayunman, may halos kakaunti sa ating panahon na mapagpakumbabang tumugon sa mensahe ng Kaharian, nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova, at napahanay para sa kaniyang pabor. Umakay ito sa kanilang pagiging “mga anak ng kaharian.” (Mateo 13:38) Sinimulang anyayahan ang gayong pinahirang “mga anak” noong Pentecostes 33 C.E. Matagal nang alam ng mga Saksi ni Jehova na ang katunayan ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan ay nagpapahiwatig na sa diwa ay tinawag na ang mga miyembro ng uring makalangit. Kaya naman, yaong mga natuto ng katotohanan sa Bibliya nitong nakalipas na mga taon ay nakaunawa na ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa ang siya nang ipinaaabot ngayon. Nalampasan ng mga ito ang bilang ng umuunting mga pinahirang Kristiyano, na may pag-asang aktuwal na makaakyat sa langit. Ang Lucas 13:24 ay hindi pangunahing kumakapit sa mga hindi umaasang aakyat sa langit, ngunit tiyak na naglalaman ito ng matalinong payo para sa kanila.
Sa paghimok sa atin na magsikap nang buong-lakas, hindi sinasabi ni Jesus na siya o ang kaniyang Ama ay naglalagay ng hadlang sa ating daan upang pigilin tayo. Ngunit nauunawaan natin mula sa Lucas 13:24 na gayon na lamang ang mga kahilingan ng Diyos anupat hindi maaaring makasali ang mga hindi karapat-dapat. Ang ‘pagsisikap nang buong-lakas’ ay nagpapahiwatig ng pakikipagpunyagi, anupat ginagawa ang ating buong makakaya. Kaya baka itanong natin sa ating sarili, ‘Ginagawa ko ba ang aking buong makakaya?’ Maaaring sabihin sa ibang pananalita ang Lucas 13:24, ‘Kailangan kong magsikap nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pintuan sapagkat marami ang magnanasang makapasok ngunit hindi magagawa ito. Kaya talaga bang nagsisikap ako nang buong-lakas? Ako ba’y kagaya ng isang atleta sa isang sinaunang istadyum na gumagawa ng kaniyang buong makakaya upang mapanalunan ang gantimpala? Walang sinumang atleta ang mag-uurung-sulong, anupat magrerelaks lamang. Gayon ba ako?’
Ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na ang ilan ay maaaring maghangad na ‘pumasok sa pintuan’ kung kombinyente lamang para sa kanila, sa madaling paraan na gusto nila. Maaaring makaapekto sa indibiduwal na mga Saksi ang gayong saloobin. Baka mangatuwiran ang ilan, ‘May kilala akong debotong mga Kristiyano na gumawa ng kanilang buong makakaya sa loob ng maraming taon, anupat nagsakripisyo nang husto; gayunman, nang mamatay sila, hindi pa rin sumasapit ang wakas ng balakyot na sistemang ito. Kaya marahil ay mas mabuting magdahan-dahan lamang ako, mamuhay nang mas normal.’
Madaling mag-isip ng ganito, ngunit talaga bang ito’y isang katalinuhan? Halimbawa, ganiyan ba ang pag-iisip ng mga apostol? Tiyak na hindi. Ibinuhos nila ang lahat para sa tunay na pagsamba—hanggang sa mismong kamatayan nila. Halimbawa, nasabi ni Pablo: “[Si Kristo] ang isa na aming inihahayag . . . Sa layuning ito ay tunay ngang gumagawa ako nang masikap, na nagpupunyagi alinsunod sa pagkilos niya at na siyang gumagana sa akin taglay ang kapangyarihan.” Nang maglaon ay sumulat siya: “Sa layuning ito ay gumagawa tayo nang masikap at nagpupunyagi, sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.”—Colosas 1:28, 29; 1 Timoteo 4:10.
Batid natin na talagang tama si Pablo sa paggawa ng kaniyang buong makakaya. Tunay na magiging kontento ang bawat isa sa atin na makapagsasabi ng gaya ng sinabi ni Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Kaya kasuwato ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 13:24, maitatanong ng bawat isa sa atin, ‘Ibinubuhos ko ba ang aking sarili nang may pagsisikap at kasipagan? Oo, nag-uukol ba ako ng sagana at palagiang patotoo na isinasapuso ko ang paalaala ni Jesus: “Magsikap kayo nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pintuan”?’