Masama ba ang Lahat ng Pagrereklamo?
Anong pang-iinis ang mas masakit pa kaysa roon sa mga hindi natin mairereklamo?—Marquis De Custine, 1790-1857.
DALAWANG taon niyang pinagtiisan ang seksuwal na panliligalig ng isang kamanggagawa. Ang kaniyang pagtutol ay nagbunga ng pang-aabuso sa salita at sadyang di-pamamansin. Nakaapekto sa kaniyang kalusugan ang kinukuyom na kaigtingan, subalit ano ang kaniyang magagawa? Nakakatulad nito, isang estudyante na nangunguna sa kaniyang klase ang pinaalis sa paaralan dahil labag sa kaniyang budhi ang makibahagi sa mga pagsasanay sa martial-arts na kahilingan ng paaralan. Kapuwa nila nadama na nagawan sila ng mali, subalit dapat ba silang magreklamo? Kung nagreklamo sila, makaaasa kaya sila ng tulong o lalo lamang nitong palulubhain ang mga bagay-bagay?
Ang mga reklamong tulad nito at ang iba pa ay pangkaraniwan ngayon, yamang nabubuhay tayo sa gitna ng di-sakdal na mga tao sa isang di-kaayaayang sanlibutan. Kasali sa pagrereklamo ang pagpapahayag ng mahinahong sama ng loob, pamimighati, kirot, at hinanakit sa ilang situwasyon hanggang sa pormal na sumbong laban sa isang tao. Pinipili ng maraming tao na iwasan ang pagrereklamo at pakikipagharap; subalit, dapat bang laging tumahimik ang isa? Ano ang pangmalas ng Bibliya?
Ang Masasamang Epekto sa Sarili at sa Iba
Walang-alinlangan na ang labis na mareklamong saloobin ay nakapipinsala, at ito ay hinahatulan sa Bibliya. Ang isang mareklamo ay magdudulot ng pisikal at espirituwal na pinsala sa kaniyang sarili at paghihinagpis doon sa mga pinagtutuunan ng kaniyang mga reklamo. Sa pagtukoy sa isang mareklamong asawang babae, ganito ang sabi ng kawikaan sa Bibliya: “Ang tumutulong bubong na nagtataboy sa isa sa araw na maulan at ang palatalong asawang babae ay magkahalintulad.” (Kawikaan 27:15) Ang pagrereklamo laban kay Jehova o sa isa sa kaniyang mga paglalaan ay lalo nang hahatulan. Nang magreklamo ang bansang Israel tungkol sa makahimalang manna na inilaan sa panahon ng kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang, anupat tinawag itong “kasuklam-suklam na tinapay,” nagpadala si Jehova ng makamandag na mga serpiyente upang parusahan ang walang-galang na mga reklamador, at marami ang namatay.—Bilang 21:5, 6.
Karagdagan pa, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod, na huwag magreklamo tungkol sa “dayami” ng mga pagkakamali na nakikita sa ating kapuwa-tao, kundi maging mapamansin sa malalaking “tahilan” ng mga pagkukulang na nagagawa natin mismo. (Mateo 7:1-5) Sa katulad na paraan, binatikos ni Pablo ang paghatol (isang anyo ng pagrereklamo) sa iba bilang ‘hindi mapagpapaumanhinan . . . yamang ikaw na humahatol ay nagsasagawa ng gayunding mga bagay.’ Ang mga paalaalang ito laban sa pagrereklamo ay dapat magpakilos sa atin na umiwas sa di-kinakailangan na pagiging kritiko at pagpapaunlad ng isang mareklamong saloobin.—Roma 2:1.
Hinahatulan ba ang Lahat ng Pagrereklamo?
Masasabi ba natin, kung gayon, na lahat ng uri ng reklamo ay hinahatulan? Hindi, hindi natin dapat sabihin iyan. Ipinakikita ng Bibliya na maraming kawalang-katarungan sa depektibong sanlibutan na kinabubuhayan natin ang angkop namang ituwid. Sa isang ilustrasyon, binanggit ni Jesus ang isang di-matuwid na hukom na napilitang maglapat ng katarungan sa isang siniil na babaing balo upang hindi na ito ‘patuloy na pumaroon at pahirapan siya hanggang sa katapusan.’ (Lucas 18:1-8) Sa ilang pagkakataon tayo man ay baka kailangang magpilit sa pagrereklamo hanggang sa maituwid ang mali.
Sa pagpapasigla sa atin na manalangin ukol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos, hindi ba tayo hinihimok ni Jesus na kilalanin ang mga depekto ng kasalukuyang sanlibutang ito at ‘sumigaw’ sa Diyos ukol sa lunas? (Mateo 6:10) Nang makarating sa kaniyang pandinig “ang sigaw ng pagdaing” tungkol sa kabalakyutan ng sinaunang Sodoma at Gomorra, isinugo ni Jehova ang kaniyang mga mensahero upang ‘makita kung sila ay talagang gumawi ayon sa paghiyaw tungkol doon’ at upang magdulot ng lunas. (Genesis 18:20, 21) Sa kaginhawahan niyaong mga nagreklamo sa kaniya, nang dakong huli ay itinuwid ni Jehova ang situwasyon sa pamamagitan ng pagpuksa sa dalawang lunsod at sa kanilang mga imoral na mamamayan.
Ang Kristiyanong Kongregasyon
Dapat bang maging iba ang kalagayan sa gitna ng magkakapatid sa loob ng Kristiyanong kongregasyon? Bagaman hindi sakdal na lalaki at babae, ang mga Kristiyano ay taimtim na nagsisikap na paglingkuran ang Diyos sa kapayapaan at pagkakaisa. Gayunman, babangon ang mga situwasyon sa gitna nila na magiging dahilan ng isang antas ng pagrereklamo at nangangailangan ito ng lunas. Noong unang siglo, bumangon ang isang situwasyon sa kongregasyon ng mga pinahiran di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes. Maraming bagong kumberteng Kristiyano ang nanatili sa Jerusalem para sa karagdagang instruksiyon at pampatibay-loob. Ang makukuhang suplay ng pagkain ay ipinamamahagi. Gayunman, “nagkaroon ng bulung-bulungan sa bahagi ng mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.” Sa halip na hatulan ang mga nagrereklamong ito bilang mga manggugulo, kumilos ang mga apostol upang ayusin ang situwasyon. Oo, ang makatuwirang mga reklamo na ipinaabot nang may paggalang at taglay ang tamang saloobin ay mapagpakumbabang pakikinggan at bibigyang-pansin niyaong mga nangangasiwa sa kongregasyon.—Gawa 6:1-6; 1 Pedro 5:3.
Sa Angkop na Awtoridad
Napansin mo ba sa mga halimbawang nabanggit na ang mga reklamo ay dapat ipaabot taglay ang tamang saloobin at sa angkop na awtoridad? Halimbawa, magiging walang kabuluhan kung magrereklamo sa pulisya tungkol sa mataas na buwis o sa isang hukom tungkol sa pisikal na karamdaman ng isa. Kaya, gayundin naman, magiging di-angkop kung magrereklamo tungkol sa isang situwasyon sa loob man o sa labas ng kongregasyon sa isang tao na wala namang awtoridad o kakayahang tumulong.
Sa karamihan ng lupain ngayon, may mga hukuman at iba pang angkop na mga awtoridad na malalapitan sa pag-asang makapagtamo ng isang antas ng kaginhawahan. Nang ang estudyante na binanggit sa pasimula ng artikulo ay nagsampa ng kaniyang reklamo sa korte, ang mga hukom ay nagpasiya nang pabor sa kaniya, at siya ay pinabalik at tumanggap ng paumanhin buhat sa paaralan. Gayundin naman, ang babaing manggagawa na seksuwal na niligalig ay nakasumpong ng tulong sa pamamagitan ng isang samahan ng mga kababaihang nagtatrabaho. Humingi ng tawad sa kaniya ang sanggunian ng paaralan. Kumilos ang kaniyang mga pinagtatrabahuhan upang mapatigil ang seksuwal na panliligalig.
Gayunman, hindi dapat asahan na lahat ng reklamo ay pare-pareho ang kalalabasan. Makatotohanang sinabi ng pantas na si Haring Solomon: “Ang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:15) Dapat nating kilalanin na ang ilang bagay ay kailangang maghintay na lamang sa pagtutuwid ng Diyos sa kaniyang takdang panahon.
[Larawan sa pahina 31]
Pinakikinggan at binibigyang-pansin ng matatanda ang makatuwirang mga reklamo