Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/15 p. 14-19
  • Dinaraig ng Pag-ibig ang Di-nararapat na Paninibugho

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dinaraig ng Pag-ibig ang Di-nararapat na Paninibugho
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paninibugho sa Gitna ng mga Kristiyano
  • Sa Kongregasyon
  • Sa Inyong Pamilya
  • Mga Halimbawa ng Pagdaig sa Paninibugho
  • Ang Pinakanatatanging mga Halimbawa
  • Pagdaig sa Inyong Paninibugho
  • Paano Ko Maaalis ang Paninibugho?
    Gumising!—1985
  • Mapanibughuin, Paninibugho
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kung Ano ang Dapat Ninyong Malaman Tungkol sa Paninibugho
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Mapanibughuin Ukol sa Dalisay na Pagsamba kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/15 p. 14-19

Dinaraig ng Pag-ibig ang Di-nararapat na Paninibugho

“Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.”​—1 CORINTO 13:4.

1, 2. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa pag-ibig? (b) Posible ba na maging kapuwa maibigin at mapanibughuin, at bakit gayon ang sagot mo?

ANG pag-ibig ay isang pagkakakilanlang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano. “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa,” sabi ni Jesu-Kristo. (Juan 13:35) Si apostol Pablo ay kinasihan na ipaliwanag kung papaano dapat makaapekto ang pag-ibig sa mga ugnayang Kristiyano. Bukod sa iba pang bagay, sumulat siya: “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.”​—1 Corinto 13:4.

2 Nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon, tinutukoy niya ang di-nararapat na paninibugho. Kung hindi gayon ay hindi niya masasabi sa kongregasyon ding iyon: “Naninibugho ako may kinalaman sa inyo taglay ang maka-Diyos na paninibugho.” (2 Corinto 11:2) Ang kaniyang “maka-Diyos na paninibugho” ay napukaw dahil sa mga lalaki na may nagpapasamang impluwensiya sa kongregasyon. Ito ang nagpakilos kay Pablo na sumulat sa mga Kristiyanong taga-Corinto ng ikalawang kinasihang liham na naglalaman ng napakamaibiging payo.​—2 Corinto 11:3-5.

Paninibugho sa Gitna ng mga Kristiyano

3. Papaano lumitaw sa gitna ng mga Kristiyanong taga-Corinto ang suliranin may kinalaman sa paninibugho?

3 Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, kinailangang harapin ni Pablo ang isang suliranin na humahadlang sa mabuting pagsasamahan ng mga bagong Kristiyanong ito. Dinadakila nila ang ilang lalaki, anupat nagiging “mapagmalaki sa kapakinabangan ng isa laban sa iba.” Ito’y humantong sa pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon, na ang bawat isa ay nagsasabi: “Ako ay kay Pablo,” “Ngunit ako ay kay Apolos,” “Ngunit ako ay kay Cefas.” (1 Corinto 1:12; 4:6) Sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, natuklasan ni apostol Pablo ang ugat ng suliranin. Ang mga taga-Corinto ay kumikilos na gaya ng mga taong makalaman, hindi gaya ng “mga taong espirituwal.” Kaya naman, sumulat si Pablo: “Kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang may paninibugho at alitan sa gitna ninyo, hindi ba kayo makalaman at hindi ba kayo lumalakad gaya ng mga tao?”​—1 Corinto 3:1-3.

4. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Pablo upang tulungan ang kaniyang mga kapatid na magkaroon ng tamang pangmalas sa isa’t isa, at anong aral ang matututuhan natin buhat dito?

4 Tinulungan ni Pablo ang mga taga-Corinto na maunawaan ang tamang pangmalas sa talino at kakayahan ng iba’t ibang tao sa kongregasyon. Itinanong niya: “Sino ang gumagawang mapaiba ka sa iba? Sa katunayan, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngayon, kung tunay ngang tinanggap mo iyon, bakit ka naghahambog na para bang hindi mo tinanggap iyon?” (1 Corinto 4:7) Sa 1 Corinto kabanata 12, ipinaliwanag ni Pablo na yaong mga kabilang sa kongregasyon ay tulad sa iba’t ibang sangkap ng katawan ng tao, gaya ng kamay, mata, at ng tainga. Ipinaliwanag niya na gayon na lamang ang pagkagawa ng Diyos sa mga sangkap ng katawan anupat inaasikaso nila ang isa’t isa. Isinulat din ni Pablo: “Kung ang isang sangkap ay niluluwalhati, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagsasayang kasama nito.” (1 Corinto 12:26) Dapat na ikapit ng lahat ng lingkod ng Diyos sa ngayon ang simulaing ito sa kanilang kaugnayan sa isa’t isa. Sa halip na manibugho sa ibang tao dahil sa kaniyang atas o nagagawa sa paglilingkod sa Diyos, nararapat tayong makipagsaya sa isang iyon.

5. Ano ang isinisiwalat sa Santiago 4:5, at papaano itinatampok ng Kasulatan ang katotohanan ng mga salitang ito?

5 Sabihin pa, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Ipinaaalaala sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na ang ‘hilig sa pagkainggit’ ay nananahan sa bawat makasalanang tao. (Santiago 4:5) Naganap ang kauna-unahang pagkamatay ng tao dahil binigyang-daan ni Cain ang kaniyang di-nararapat na paninibugho. Pinag-usig ng mga Filisteo si Isaac dahil kinainggitan nila ang kaniyang patuloy na pag-unlad. Si Raquel ay nanibugho sa pagiging palaanakin ng kaniyang kapatid. Nanibugho ang mga anak na lalaki ni Jacob dahil sa pabor na ipinakita sa kanilang nakababatang kapatid na si Jose. Maliwanag na si Miriam ay nanibugho sa kaniyang di-Israelitang hipag. Buong pagkainggit na nagsabuwatan sina Kore, Datan, at Abiram laban kina Moises at Aaron. Nanibugho si Haring Saul sa mga tagumpay ni David sa militar. Tiyak na ang paninibugho ay isa ring dahilan ng paulit-ulit na pagtatalo ng mga alagad ni Jesus tungkol sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. Ang totoo ay na walang di-sakdal na tao ang lubusang malaya sa makasalanang ‘hilig sa pagkainggit.’​—Genesis 4:4-8; 26:14; 30:1; 37:11; Bilang 12:1, 2; 16:1-3; Awit 106:16; 1 Samuel 18:7-9; Mateo 20:21, 24; Marcos 9:33, 34; Lucas 22:24.

Sa Kongregasyon

6. Papaano masusupil ng matatanda ang hilig sa pagkainggit?

6 Lahat ng Kristiyano ay kailangang mag-ingat laban sa pagkainggit at di-nararapat na paninibugho. Kasali rito ang mga lupon ng matatanda na inatasan upang mangalaga sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos. Kung ang isang matanda ay may kababaan ng pag-iisip, hindi siya maghahangad na daigin ang iba. Sa kabilang banda, kung ang isang matanda ay may natatanging mga kakayahan bilang isang organisador o tagapagpahayag sa madla, ikagagalak ito ng iba, anupat minamalas iyon bilang isang pagpapala sa kongregasyon. (Roma 12:15, 16) Maaaring mabilis ang pagsulong ng isang kapatid, na nagbibigay patotoo sa pagluluwal ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay. Sa pagsasaalang-alang sa kaniyang mga kuwalipikasyon, dapat na maging maingat ang matatanda na huwag patingkarin ang ilang maliliit na pagkakamali upang bigyang-matuwid ang hindi pagrerekomenda sa kaniya bilang isang ministeryal na lingkod o isang matanda. Iyan ay magpapakita ng kawalan ng pag-ibig at pagkamakatuwiran.

7. Anong suliranin ang maaaring lumitaw kapag ang isang Kristiyano ay nakatanggap ng ilang teokratikong atas?

7 Kung ang isa ay nakatanggap ng teokratikong atas o espirituwal na pagpapala, ang iba sa kongregasyon ay kailangang mag-ingat laban sa pagkainggit. Halimbawa, baka ang isang may-kakayahang kapatid na babae ay madalas gamitin kaysa sa iba upang magbigay ng mga pagtatanghal sa mga pulong Kristiyano. Maaari itong maging sanhi ng paninibugho sa bahagi ng ilang kapatid na babae. Marahil ay gayunding suliranin ang umiral sa pagitan nina Euodias at Sintique sa kongregasyon sa Filipos. Ang gayong mga babae sa kasalukuyang panahon ay maaaring nangangailangan ng may-kabaitang pampatibay-loob buhat sa matatanda upang maging mapagpakumbaba at “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon.”​—Filipos 2:2, 3; 4:2, 3.

8. Sa anu-anong makasalanang gawa maaaring humantong ang paninibugho?

8 Maaaring may nalalaman ang isang Kristiyano tungkol sa isang nakaraang pagkakamali ng isa na ngayon ay nagtatamasa ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. (Santiago 3:2) Udyok ng paninibugho, nariyan ang tukso na ipakipag-usap iyon sa iba at pag-alinlanganan ang atas ng isang iyon sa kongregasyon. Ito’y salungat sa pag-ibig, na “nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Ang may paninibughong usapan ay maaaring sumira ng kapayapaan ng isang kongregasyon. “Kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso,” ang babala ng alagad na si Santiago, “huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi yaong makalupa, makahayop, makademonyo.”​—Santiago 3:14, 15.

Sa Inyong Pamilya

9. Papaano masusupil ng mga mag-asawa ang pagkadama ng paninibugho?

9 Maraming pag-aasawa ang nabibigo dahil sa di-nararapat na paninibugho. Hindi pag-ibig ang pagpapakita ng kawalan ng tiwala sa isang kabiyak. (1 Corinto 13:7) Sa kabilang panig, maaaring hindi isinasaalang-alang ng isang kabiyak ang pagkadama ng paninibugho ng kaniyang asawa. Halimbawa, baka naninibugho ang isang asawang babae dahil sa atensiyon na ibinibigay ng kaniyang asawa sa ibang kapatid na babae. O baka ang isang asawang lalaki ay manibugho dahil sa laki ng panahon na ginugugol ng kaniyang kabiyak sa pangangalaga sa isang nagdarahop na kamag-anak. Dahil sa ikinahihiya ang gayong damdamin, baka ang mag-asawa ay magsawalang-kibo at ipakita ang kanilang pagkasiphayo sa mga paraan na lalong magpapalubha sa suliranin. Sa halip, ang isang naninibughong kabiyak ay kailangang makipag-usap at maging tapat tungkol sa kaniyang nadarama. Ang kaniyang asawa naman ay kailangang maging maunawain at muling patunayan ang kaniyang pag-ibig sa kaniya. (Efeso 5:28, 29) Baka kailangang kapuwa nila pahupain ang pagkadama ng paninibugho sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga situwasyon na pumupukaw nito. Kung minsan ay kailangang tulungan ng isang Kristiyanong tagapangasiwa ang kaniyang kabiyak na maunawaang siya ay nag-uukol ng limitado, angkop na atensiyon sa mga kapatid na babae upang magampanan ang kaniyang pananagutan bilang isang pastol sa kawan ng Diyos. (Isaias 32:2) Mangyari pa, ang isang matanda ay dapat na mag-ingat upang hindi magbigay ng anumang makatuwirang dahilan para sa paninibugho. Nangangailangan ito ng pagiging timbang, anupat tinitiyak na gumugugol siya ng panahon upang patibayin ang kaniyang sariling kaugnayang pangmag-asawa.​—1 Timoteo 3:5; 5:1, 2.

10. Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang pagkadama ng paninibugho?

10 Kailangan ding tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maunawaan ang idea ng di-nararapat na paninibugho. Madalas masangkot ang mga anak sa mga bangayán na humahantong sa away. Malimit na ang ugat niyaon ay paninibugho. Dahil sa ang pangangailangan ng bawat anak ay naiiba, hindi maaaring pakitunguhan nang pare-pareho ang mga anak. Isa pa, kailangang maunawaan ng mga anak na bawat isa sa kanila ay may iba’t ibang mabubuting katangian at kahinaan. Kung ang isang anak ay palaging pinasisigla na maging kasinghusay rin ng iba, ito ay maaaring pumukaw ng inggit sa isa at pagmamapuri naman sa iba. Kaya naman, dapat sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na sukatin ang kanilang pagsulong sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga halimbawa sa Salita ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng pakikipagpaligsahan sa isa’t isa. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” Sa halip, “patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Galacia 5:26; 6:4) Higit sa lahat, kailangang tulungan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, anupat itinatampok ang mabubuti at masasamang halimbawa na nasa Salita ng Diyos.​—2 Timoteo 3:15.

Mga Halimbawa ng Pagdaig sa Paninibugho

11. Papaanong si Moises ay isang mainam na halimbawa ng pagharap sa paninibugho?

11 Di-tulad ng gutom-sa-kapangyarihan na mga pinuno ng sanlibutang ito, “si Moises ay malayong higit na pinakamaamo sa lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Nang maging napakabigat para kay Moises na balikating mag-isa ang pamumuno sa mga Israelita, pinapangyari ni Jehova ang Kaniyang espiritu na kumilos sa 70 iba pang Israelita, anupat binigyang-kapangyarihan sila na tulungan si Moises. Nang ang dalawa sa mga lalaking ito ay magsimulang kumilos na gaya ng mga propeta, inakala ni Josue na ito ay di-wastong nakapagpapahina sa pamumuno ni Moises. Nais ni Josue na pigilin ang mga lalaking ito, ngunit mapakumbabang nangatuwiran si Moises: “Ikaw ba ay nakadarama ng paninibugho para sa akin? Huwag, nais ko nga na ang buong bayan ni Jehova ay mga propeta, sapagkat ilalagay ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kanila!” (Bilang 11:29) Oo, maligaya si Moises kapag ang iba ay nakatanggap ng pribilehiyo sa paglilingkod. Siya ay hindi mapanibughuing naghangad ng kaluwalhatian para sa kaniyang sarili.

12. Ano ang nagpangyari kay Jonathan na maiwasan ang pagkadama ng paninibugho?

12 Si Jonathan, na anak ng Israelitang si Haring Saul, ay naglaan ng isang mainam na halimbawa kung papaano dinaraig ng pag-ibig ang posibleng pagkadama ng di-nararapat na paninibugho. Si Jonathan ang kasunod na magmamana ng trono ng kaniyang ama, subalit pinili ni Jehova si David, ang anak ni Jesse, upang siyang maging susunod na hari. Ang karamihan na nasa kalagayan ni Jonathan ay maninibugho kay David, anupat mamalasin siya bilang isang karibal. Subalit, ang pag-ibig ni Jonathan kay David ang humadlang sa kaniya na mapadaig sa gayong damdamin. Nang malaman ang tungkol sa pagkamatay ni Jonathan, nasabi nga ni David: “Ako’y napipighati dahil sa iyo, o kapatid kong Jonathan, ikaw ay totoong kaiga-igaya sa akin. Higit na kamangha-mangha ang iyong pag-ibig sa akin kaysa sa pag-ibig ng mga babae.”​—2 Samuel 1:26.

Ang Pinakanatatanging mga Halimbawa

13. Sino ang pinakamainam na halimbawa kung tungkol sa paninibugho, at bakit?

13 Ang Diyos na Jehova ang pinakanatatanging halimbawa ng isa na dumaraig maging sa nararapat na paninibugho. Lubusang kontrolado niya ang gayong damdamin. Anumang makapangyarihang pagpapamalas ng paninibugho ng Diyos ay laging kasuwato ng pag-ibig, katarungan, at karunungan ng Diyos.​—Isaias 42:13, 14.

14. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus na kabaligtaran naman ni Satanas?

14 Ang ikalawang natatanging halimbawa ng pagsupil sa paninibugho ay ang iniibig na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. “Bagaman siya ay umiiral sa anyong Diyos,” si Jesus “ay hindi nagsaalang-alang sa pang-aagaw, alalaong baga, na siya ay maging kapantay ng Diyos.” (Filipos 2:6) Anong laking kaibahan sa landasin na tinahak ng ambisyosong anghel na naging si Satanas na Diyablo! Tulad ng “hari ng Babilonya,” buong-paninibughong hinangad ni Satanas na “makahawig ng Kataas-taasan” sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniyang sarili bilang isang karibal na diyos na sumasalansang kay Jehova. (Isaias 14:4, 14; 2 Corinto 4:4) Tinangka pa man din ni Satanas na udyukan si Jesus na ‘sumubsob at gumawa ng isang gawang pagsamba’ sa kaniya. (Mateo 4:9) Subalit walang makapaglilihis kay Jesus buhat sa kaniyang mapagpakumbabang landasin ng pagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Kabaligtaran naman ni Satanas, “hinubad [ni Jesus] ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyo ng tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” Itinaguyod ni Jesus ang karapatan ng kaniyang Ama na mamahala, anupat lubusang tinanggihan ang landasin ng Diyablo ng pagmamapuri at paninibugho. Dahil sa katapatan ni Jesus, “itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”​—Filipos 2:7-11.

Pagdaig sa Inyong Paninibugho

15. Bakit dapat tayong pakaingat na supilin ang pagkadama ng paninibugho?

15 Di-tulad ng Diyos at ni Kristo, ang mga Kristiyano ay di-sakdal. Palibhasa’y makasalanan, kung minsan sila’y pinakikilos ng makasalanang paninibugho. Samakatuwid, sa halip na hayaang pakilusin tayo ng paninibugho na punahin ang isang kapananampalataya tungkol sa ilang maliit na pagkakamali o inaakalang pagkakasala, mahalaga na bulay-bulayin natin ang kinasihang mga salitang ito: “Huwag maging matuwid nang labis, ni ipakita ang iyong sarili na labis-labis na marunong. Bakit mo pangyayarihin ang pagkatiwangwang sa iyong sarili?”​—Eclesiastes 7:16.

16. Anong mainam na payo tungkol sa paninibugho ang inilaan sa isang nakaraang isyu ng magasing ito?

16 Tungkol sa paksang paninibugho, ganito ang babala ng The Watch Tower ng Marso 15, 1911: “Samantalang dapat tayong maging masigasig, totoong mapanibughuin alang-alang sa layunin ng Panginoon, gayunma’y kailangang lubusan nating tiyakin na iyon ay hindi isang pansariling bagay; at dapat pag-isipan kung tayo ay ‘mga mapakialam’ o hindi. Kung gayon, dapat din nating isaalang-alang kung nararapat para sa matatanda na harapin iyon at kung tungkulin nga natin na pumaroon sa matatanda. Tayong lahat ay nararapat na magkaroon ng masidhing paninibugho para sa layunin ng Panginoon at sa gawain ng Panginoon, subalit pakaingat na hindi iyon ang uring di-kanais-nais . . . sa ibang pananalita, dapat na pakatiyakin natin na hindi iyon paninibugho sa iba, kundi paninibugho alang-alang sa iba, sa kaniyang kapakanan at higit na ikabubuti.”​—1 Pedro 4:15.

17. Papaano natin maiiwasan ang makasalanang mga gawa ng paninibugho?

17 Bilang mga Kristiyano, papaano natin maiiwasan ang pagmamapuri, paninibugho, at pagkainggit? Ang lunas ay ang hayaang dumaloy nang malaya sa ating buhay ang banal na espiritu ng Diyos. Halimbawa, kailangang manalangin tayo ukol sa espiritu ng Diyos at sa tulong upang maipamalas ang mabubuting bunga niyaon. (Lucas 11:13) Kailangang dumalo tayo sa mga pulong Kristiyano, na pinasisimulan sa pamamagitan ng panalangin at may espiritu at pagpapala ng Diyos sa mga ito. Isa pa, kailangang pag-aralan natin ang Bibliya, na kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) At kailangang makibahagi tayo sa gawaing pangangaral ng Kaharian na isinasagawa taglay ang kapangyarihan ng banal na espiritu ni Jehova. (Gawa 1:8) Ang pagtulong sa isang kapuwa Kristiyano na naigupo ng isang masamang karanasan ay isa pang paraan ng pagpapasakop sa mabuting impluwensiya ng espiritu ng Diyos. (Isaias 57:15; 1 Juan 3:15-17) Ang masigasig na pagtupad sa lahat ng Kristiyanong mga pananagutang ito ay tutulong upang ipagsanggalang tayo buhat sa makasalanang mga gawa ng paninibugho, sapagkat sinasabi ng Salita ng Diyos: “Patuloy na lumakad sa espiritu at hindi kayo kailanman makagagawa ng makalamang nasa.”​—Galacia 5:16.

18. Bakit hindi tayo palaging makikipagpunyagi laban sa di-nararapat na pagkadama ng paninibugho?

18 Ang pag-ibig ang siyang unang itinala sa mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Ang pagsasagawa ng pag-ibig ay tutulong sa atin na supilin ang makasalanang mga hilig ngayon. Ngunit kumusta naman sa hinaharap? Milyun-milyong lingkod ni Jehova ang may pag-asa ng buhay sa dumarating na makalupang Paraiso, kung saan makaaasa sila na maiangat tungo sa kasakdalan ng tao. Sa bagong sanlibutang iyon, mangingibabaw ang pag-ibig at wala nang padaraig sa di-nararapat na pagkadama ng paninibugho, sapagkat “ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

Mga Puntong Dapat Bulay-bulayin

◻ Anong ilustrasyon ang ginamit ni Pablo upang hadlangan ang paninibugho?

◻ Papaano maaaring sirain ng paninibugho ang kapayapaan ng isang kongregasyon?

◻ Papaano masasanay ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang paninibugho?

◻ Papaano natin maiiwasan ang makasalanang mga gawa ng paninibugho?

[Larawan sa pahina 16]

Huwag hayaang sirain ng paninibugho ang kapayapaan ng kongregasyon

[Larawan sa pahina 17]

Masasanay ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang pagkadama ng paninibugho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share