Ang Ating Bukas-Palad na Pagsuporta sa Gawaing Pang-Kaharian
1 Ang Enero, 2000 ay pasimula ng isang malaking pagbabago para sa ating lahat habang nakikibagay tayo sa bagong paraan ng pagtanggap ng ating mga suplay at ng paghaharap ng ating mga literatura sa mga taong nagpapakita ng interes sa ating gawain. Yamang hindi na tayo hihingi o tatanggap ng takdang kontribusyon para sa iniaalok nating literatura, paano masusuportahan ang ating gawain?
2 Bilang sagot, makabubuting isaalang-alang ang tanong ng Salmista sa Awit 116:12 na doo’y mababasa natin: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?” Isaalang-alang ang ilan sa mga pakinabang na ating natatanggap mula kay Jehova. Taglay natin ang napakahalagang kaloob na kaligtasan mula kay Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Taglay natin ang kaloob ng kaniyang Salita na nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pag-asa. Taglay natin ang Kaniyang banal na espiritu na tumutulong sa atin na maunawaan ang malalalim na bagay tungkol sa Diyos. Tayo’y tumatanggap din ng patnubay ni Jehova sa pamamagitan ng Tapat at Maingat na Alipin. Ang isang paraan upang ipakita ang ating pagpapahalaga sa lahat ng mabubuting bagay na ito ay ang bukas-palad na pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian.
3 Isaalang-alang ang halimbawa ng Israel: Nang isaayos ni Jehova na maitayo ang Tabernakulo sa ilang, hindi niya inilaan ito sa makahimalang paraan kundi sa halip, binigyan niya ang mga Israelita ng pagkakataon na bukas-palad na magbigay ng kanilang materyal na tinataglay upang kanilang masuportahan ang pagtatayo na malapit nang isagawa. Paano sila tumugon? Ang mga Pinuno at “ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso,” ay puspusang tumugon sa pagsuporta sa tunay na pagsamba.—Ex. 35:21, 22, 27, 29.
4 Kumusta naman sa ngayon? Pribilehiyo at responsibilidad natin sa ngayon na magbigay ng bukas-palad na suporta sa gawaing pang-Kaharian. Ang apurahang gawain ng pangangaral at paggawa ng alagad ay isinasakatuparan sa isang antas na hindi pa kailanman naranasan ng daigdig. Nasaksihan ng ika-20 siglong ito ang pagtitipon ng pinakamalaking bilang ng naaalay at matatapat na lingkod ni Jehova at libu-libo ngayon ang nababautismuhan bawat linggo.
5 Ano ang personal na magagawa natin? Magpatuloy sa pagkakaroon ng “Maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Kilalanin, gaya ng mga magulang ni Jesus, na si Jehova ay humihiling na tayo’y magbigay sa materyal na paraan ayon sa ating personal na mga kalagayan. (Luc. 2:22-24) Ang buong gawaing pangangaral at paggawa ng alagad sa ngayon ay tinutustusan sa pamamagitan ng kaayusan sa pag-aabuloy. Sinusuportahan natin ang gawain sa pamamagitan ng paglalagay ng ating mga donasyon sa mga kahon na may markang “Contributions for the Society’s Worldwide Work.—Matthew 24:14.” Kung kailan natin gagawin ito ay nasa bawat indibiduwal na ang pagsasaayos nito ayon sa kaniyang mga kalagayan.
6 Ngayon ay pribilehiyo nating suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Ang paggawa ng lahat ng ating magagawa ukol dito ay magdudulot ng mga pagpapala at kaligayahan ngayon, at walang-hanggang buhay sa Bagong Sanlibutan.—Mat. 25:46b; Luc. 6:38.