Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 8/15 p. 21-23
  • “Umalis Ka sa Iyong Lupain at sa Iyong Kamag-anakan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Umalis Ka sa Iyong Lupain at sa Iyong Kamag-anakan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Nila Ginagawa Ito?
  • Ano ang Dapat na Pag-isipan Bago Lumipat?
  • Anong mga Kagipitan ang Marahil ay Mapapaharap?
  • Anong mga Pagpapala ang Maaaring Tamasahin?
  • Bakit Kailangan Nating Lumipat?
    Gumising!—1994
  • May Pananampalataya Ka ba na Katulad ng kay Abraham?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • “Dapat Ba Akong Lumipat?”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 8/15 p. 21-23

“Umalis Ka sa Iyong Lupain at sa Iyong Kamag-anakan”

NOONG Nobyembre 1981, si Tony at ang kaniyang maybahay, si Margaret, kasama ang kanilang dalawang anak, edad 9 at 11, ay lumipat buhat sa Inglatera tungo sa kanluran ng Irelandia. Bakit? Upang tumulong sa pangmadlang gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan lamang ng ilang linggo, sila’y napaharap na sa mga kagipitan. Noon ay isang pagkaginaw-ginaw na tagyelo. Ang inaasahan nilang pagtatrabaho ay hindi natupad, kaya’t si Tony ay nagtayo ng isang hanapbuhay na may kinalaman sa paglilinis ng tsimneya. Palibhasa’y hindi pa siya gaanong sanay, umuwi siya na balót ang buong katawan niya ng uling pagkatapos ng puspusang paggawa maghapon. Akalain mo ang kaniyang pagkasuya nang makita niya na naging yelo ang tubig na dumadaloy sa mga tubo, at walang natira para sa kaniya kundi isang munting kaldero ng tubig para maipanghugas! “Sa isang saglit ay naisip ko kung bakit nga ba kami’y nakalayo pa sa aming tahanan at sa aming mga kamag-anakan,” inamin niya.

Ang paglayo sa pamilya at mga kaibigan upang maglingkod sa Diyos ng lalong puspusan, at magpatuloy ng paglilingkod sa kabila ng mga kahirapan, ay nangangailangan ng tunay na pananampalataya. Ang isa na nagpakita ng gayong pananampalataya halos 4,000 taon na ngayon ang nakalipas ay ang patriarkang si Abraham. Sinabi tungkol sa kaniya ng alagad na si Esteban: “Ang Diyos ng kaluwalhatian ay napakita sa ating ninunong si Abraham nang siya’y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran, at sinabi [ng Diyos] sa kaniya, ‘Umalis ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anakan at pumaroon ka sa lupain na ipakikita ko sa iyo.’”​—Gawa 7:2, 3.

Kung sa bagay, walang sinuman sa inyo na binigyan ng Diyos ng gayong espisipikong utos na umalis sa kaniyang bayang tinubuan. Gayunman, libu-libong mga Kristiyano sa ika-20 siglong ito ang nagsaayos ng kanilang pamumuhay upang gawin ang ginawa ni Abraham​—lumipat sa mga bagong lugar upang palawakin ang mga kapakanan ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Roma 10:13-15) Kanilang kinikilala na “ang bukid ay ang sanlibutan” at na maraming mga lugar ang lubhang nangangailangan ng higit na tulong. (Mateo 13:38) Tulad ni Isaias, sila’y tumugon ng puspusan sa mga salita ni Jehova, “Sino ang aking susuguin, at sino ang yayaon para sa amin?” Palibhasa’y nakikita nila ang pangangailangan, sila man ay tumugon, “Narito ako! Suguin mo ako.”​—Isaias 6:8.

Bakit Nila Ginagawa Ito?

Ano bang uri ng mga tao ang gumagawa ng gayong paglipat? Sila’y hindi buhat sa anumang partikular na edad o karanasan, ni nag-aangkin man sila na sila’y may namumukod-tanging mga kakayahan. Sila’y mga tao lamang na, unang-una, handang ipailalim ang kanilang personal na mga hangarin at kaginhawahan alang-alang sa kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Ganoon din si Abraham nang siya’y umalis sa mayaman at maginhawang siyudad ng Ur upang mamuhay sa mga tolda sa isang lupaing banyaga.​—Hebreo 11:8-10.

“Sa tuwina’y nakikita namin ang pangangailangan na gumawa ng pinakamalaki hangga’t maaari sa paglilingkod kay Jehova,” ang sabi ng isang mag-asawa na lumipat kasama ang kanilang dalawang anak na mga lalaking tin-edyer noong 1983. “Ang nadama namin ay katulad ng nadama ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin, ‘Ang panahong natitira ay maikli na’; kaya nagpasiya kami na ‘lumipat sa Irelandia’ at tumulong sa gawain doon.” (1 Corinto 7:29; ihambing ang Gawa 16:9.) Ayon sa isang malayang pagkasalin, ang diwa ng mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 7:29 ay: “Ang mahalagang bagay na dapat tandaan ay na ang ating natitirang panahon ay pagkaikli-ikli na,” at gayundin ang ating mga pagkakataon na gawin ang gawain ng Panginoon. (The Living Bible) Maraming tapat na mga Kristiyano ang lumipat kung saan man sila kinakailangan upang samantalahin ang mga pagkakataong ito bago ito pumanaw at gamitin sa pinakamagaling na paraan ang mahalagang panahong natitira.

“Nakita namin na ito ay isang magandang pagkakataon na laging ‘magkaroon ng maraming gawain sa Panginoon.’” (1 Corinto 15:58) “Ibig naming maglingkod kay Jehova kung saan magagawa namin ang pinakamalaking kabutihan.” “Inaakala namin na kami’y nasa isang matatag na katayuan sa pananalapi upang lumipat at na kung matutugunan namin ang isang pangangailangan saanman, isang pagkakamali para sa amin na huwag gawin iyon.” Ang ganiyang mga pangungusap ang naglalarawan ng damdamin ng marami na gumawa ng mga hakbang na maglingkod kung saan sila higit na kinakailangan. Isinasapuso ng mga Kristiyanong ito ang payo na nasa Kawikaan 3:9, 27: “Parangalan mo si Jehova ng iyong ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani. Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, pagka kaya mong gawin ito.” Pagkatapos na maingat na suriin ang kanilang mga kalagayan, sila’y nagpasiya na ‘kaya nila na gumawa’ ng walang-hanggang kabutihan sa kanilang kapuwa sa mga ibang panig ng daigdig.​—Tingnan din ang Roma 1:14, 15; Lucas 10:27-37.

Baka ikaw ay nasa kalagayan na gumawa ng gayong paglipat. Kung gayon, ikaw ay magiging interesado na malaman kung paano sinagot ng mga ibang nagsilipat na ang sumusunod na mga tanong.

Ano ang Dapat na Pag-isipan Bago Lumipat?

Bago lumipat, kumunsulta sa mga matatanda sa iyong sariling kongregasyon. Alamin kung ano ang iniisip nila tungkol sa iyong mga plano. (Kawikaan 24:6) Baka may mga dahilan kung bakit ang gayong paglipat ay hindi mabuti kung sa iyong kaso, at kanilang tutulungan ka na pag-aralang mabuti ang iyong kalagayan. Halimbawa, ang isang tao na lumilipat ay dapat na maging malakas sa espirituwal kung nais niyang maging isang kapurihan at hindi isang taong ikinahihiya sa bagong lugar na lilipatan.

Kumilos ka sa pamamagitan ng tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa bansa na binabalak mong lipatan​—o sa pamamagitan ng iyong lokal na tanggapang sangay kung binabalak mong lumipat saanman sa iyong sariling bansa. Kung maaari, dalawin mo muna ang lugar na ibig mong lipatan upang magkaroon ka ng kabatiran tungkol sa lupain at sa mga tao roon bago ka gumawa ng isang pangkatapusang disisyon.

Suriin ang iyong mga motibo bago kumilos. Si Abraham ay kumilos dahilan sa mayroon siyang matinding paghahangad na tupdin ang kalooban ng Diyos, hindi dahilan sa espiritu ng abentura o isang personal na kagustuhan o kapritso. Maingat na ating timbang-timbangin ang lahat na salik na nasasangkot. Mayroon kayang problema sa wika? Ikaw kaya’y makapagbabagay ng iyong sarili sa isang naiibang kultura at klima? Ikaw ba’y may anumang natatanging problema sa kalusugan? Lahat ba ng mga miyembro ng pamilya na kasangkot ay buong pusong sang-ayon sa paglipat? Naisaayos na ba ang iyong pananalapi upang matagumpay na magawa mo ang gayong paglipat? (Ihambing ang Lucas 14:28) Ito at ang marami pang ibang salik ay nangangailangan ng maingat at lakip-panalangin na pagsasaalang-alang.​—Efeso 6:18.

Anong mga Kagipitan ang Marahil ay Mapapaharap?

Kahit na bago lumipat, baka kakailanganin na mapaharap ka sa mga kagipitan. Hindi lahat ay magkakapare-pareho ng punto de vista na gaya ng taglay mo. Baka ikaw ay makarinig ng pangit o negatibong mga komento. Alalahanin, gayunman, kahit si apostol Pedro ay nagbigay ng negatibong komento ng kaniyang marinig kung ano ang mangyayari kay Jesus. Imbis na palakasing-loob si Jesus upang maging matatag sa paggawa ng kalooban ni Jehova, sinabi ni Pedro: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi mo kailanman sasapitin ang ganitong pangyayari.” Katulad ni Jesus, ipasiya mo na labanan ang anumang negatibong mga pangungusap na gaya niyan.​—Mateo 16:22, 23.

Pagkatapos na ikaw ay mapasaayos na sa bagong lugar na iyong pinuntahan, baka maging isang malaking problema ang pagkabalisa dahilan sa matinding paghahangad mo na makauwi sa iyong tinubuang bayan. Ang pag-ibig kay Jehova at sa mga tao na kinakailangang makarinig ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian ay tutulong sa iyo upang harapin ito. Maraming problema ang maaaring mapagaan kung gagawin mong sariling tahanan mo ang bagong lugar na iyong pinuntahan. Iwasan ang paggawa ng negatibong mga paghahambing sa iyong dating tahanan, sapagkat ang paggawa mo ng gayon ay lilikha lang ng di-pagkakontento at kayamutan. Pag napaharap ka sa mga kagipitan, alalahanin ang paanyaya ni Jehova sa Malakias 3:10: “Pakisuyong subukin ninyo ako, . . . kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na silid na kalagyan.”

Anong mga Pagpapala ang Maaaring Tamasahin?

Habang lumalaki ang iyong pagkasangkot sa gawain na pangangaral ng mabuting balita, ganoon din huhusay ang kuwalidad ng iyong ministeryo. Ikaw ay magkakaroon ng higit pang mga kasanayan bilang isang tagapagturo ng Salita ng Diyos. Ito’y magdudulot ng mga kapakinabangan hindi lamang sa iyo kundi pati sa lahat ng nakikinig sa iyo. (1 Timoteo 4:15, 16) Anong laking pribilehiyo ang magdaos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya at makatulong upang makalaya ang tapat-pusong mga tao buhat sa kabulaanang mga turo na maka-Babilonya! Magkakaroon ka ng kagalakan na binanggit ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga ilan na kaniyang natulungan na maging mga Kristiyano: “Ano ang aming pag-asa o kagalakan o putong na ipinagmamapuri​—aba, hindi nga ba kayo?” (1 Tesalonica 2:19) Oo, isang kagalakan at isang pagpapala na magkaroon ng bahagi sa pagtulong sa mga indibiduwal at sa mga kongregasyon na umunlad sa espirituwal.

Si Abraham ay tinawag din na “kaibigan ni Jehova” sapagkat agad na sumunod siya sa tagubilin ng Diyos. (Santiago 2:21-23; Isaias 41:8) Ikaw man ay makapagpapatindi ng iyong personal na relasyon sa Diyos. Habang puspusang naglilingkod ka sa kaniya, mararanasan mo ang kaniyang maibiging pangangalaga at pagsuporta. Lalong higit na mauunawaan mo ang ibig sabihin ng salmista nang kaniyang banggitin: “Inyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti, Oh kayong mga tao.”​—Awit 34:8.

Si Tony, Margaret, at ang kanilang mga anak ay napaharap sa mga suliranin nang sila’y lumipat upang higit pang makapaglingkod kay Jehova. Subalit sa tulong ni Jehova, matagumpay na naharap nila ito. “Hindi namin pinayagan na ang mga kagipitan ay mag-alis ng aming kagalakan,” anila. “Sa mga situwasyon na katulad ng napaharap sa amin, kami’y natutong higit pang umasa kay Jehova, at nakita namin ang kaniyang kamay sa lahat ng bagay samantalang sunud-sunod na nawawala ang aming mga problema.” Libu-libong modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ang nagpakita ng katulad na pananampalataya sa pamamagitan ng paglipat saanman na may lalong malaking pangangailangan. Makagagawa ka rin kaya ng ganiyan?

[Larawan sa pahina 23]

Ang pag-uusap-usap ng pamilya ay makatutulong para sa lalong matagumpay na paglipat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share