Matagumpay na Pakikibahagi sa Ating Nagliligtas-Buhay na Ministeryo
1 Ibinagay ni apostol Pablo ang kaniyang presentasyon ng mabuting balita “upang sa anumang paraan ay mailigtas [niya] ang ilan.” (1 Cor. 9:19-23) Sa katulad na paraan, tayo ay higit na magtatagumpay sa ating ministeryo kung tayo ay alisto sa pag-unawa sa interes ng maybahay at sa pagiging handang ibagay ang ating pagtalakay sa kaniyang mga pangangailangan.
2 Pagkatapos magpakilala, maaari kayong magsimula sa pamamagitan ng pagsasabi sa inyong sariling pananalita ng katulad nito:
◼ “Maraming tao ang nasisiphayo sa waring kawalang kakayahan ng mga pamahalaan sa daigdig na makapaglaan ng maaasahang mga solusyon sa mga suliranin sa ating panahon. Sa palagay ba ninyo’y mayroon kayang pamahalaan na sapat na makapaglalaan ng lahat ng ating mga pangangailangan? [Hayaang sumagot.] Alam ba ninyo na mayroon tayong isang maaasahang pangako hinggil sa isang pamahalaan na tiyak na mag-aalis ng lahat ng mga suliraning napapaharap sa atin?” Makinig na mabuti sa sagot ng maybahay. Depende sa sasabihin niya, maging handa na gamitin ang isa sa iba’t ibang mga presentasyon.
3 Kung ang mga komento ng maybahay ay nagpapahiwatig na siya’y nag-aangking Kristiyano, kung gayon, maaari nating itanong kung siya’y nananalangin ng “Ama Namin.” Kung siya’y sumagot ng oo, maaari nating basahin ang modelong panalangin hanggang sa punto kung saan ito’y nagsasabing, “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:9, 10) Ito’y nagpapatunay na balang araw ang kalooban ni Jehova ay mangyayari dito sa lupa. Pagkatapos ay maaaring ipakita ang isang angkop na artikulo sa Ang Bantayan o Gumising! o sa pahina 12 ng Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
4 Kung ang maybahay ay waring nasisiyahan na sa kaniyang kalagayan sa buhay, maaari ninyong ibangon ang katanungang:
◼ “Bakit dapat nating isaalang-alang nang taimtim kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa hinaharap ng pamahalaan?” Pagkatapos ay maaari nating gamitin ang impormasyong masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran sa pahina 309 (p. 154 at 155 sa Ingles), na binabanggit sa maikli ang isa o higit pa sa walong dahilang inilaan doon. Kung ang maybahay ay nagpakita ng interes, gamitin ang tract na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas?, pasimula sa unang parapo sa pahina 2.
5 Ang inyong unang pagdalaw ay hindi magiging lubos na matagumpay kung hindi ninyo aantigin ang gana ng maybahay para sa susunod na pagdalaw. Kaya, tiyaking magbangon ng isang kapana-panabik na katanungan at mangakong sasagutin iyon sa inyong pagbabalik.
6 Mula sa materyal sa itaas, piliin kung ano ang komportable para sa inyo na sabihin. Baguhin ang mga mungkahing ito upang umangkop sa inyong teritoryo. Maging pamilyar sa mga brosyur, tract, at mga artikulo ng magasin na gagamitin ninyo upang madali ninyong maibagay ang inyong pakikipag-usap sa mga pangangailangan ng maybahay. Nawa’y masikap na ihanda nating lahat ang ating mga presentasyon “alang-alang sa mabuting balita” at matagumpay na makibahagi sa nagliligtas-buhay na ministeryong ito.—1 Cor. 9:23.