Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 2/1 p. 31
  • “Ang Diadema at ang Patotoo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Diadema at ang Patotoo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 2/1 p. 31

“Ang Diadema at ang Patotoo”

“NANG magkagayon inilabas [ni Jehoiada na saserdote] ang anak ng hari at inilagay sa kaniya ang diadema at ang Patotoo; at sa gayo’y kanilang ginawa siyang hari at pinahiran siya ng langis.” (2 Hari 11:12) Ganito ang pagkalarawan ng aklat ng Mga Hari sa pagpuputong ng korona kay Haring Jehoash. Napansin mo ba na bukod sa “diadema,” o putong sa ulo ng hari, inilagay rin ni Jehoiada “ang Patotoo” sa may kabataang hari. Ano ba ang Patotoo? At bakit bahagi iyon ng seremonyang ito ng koronasyon?

Ang salitang Hebreo rito na isinaling “Patotoo” ay karaniwang tumutukoy sa Sampung Utos o sa Kautusan ng Diyos sa pangkalahatan. (Exodo 31:18; Awit 78:5, Revised Standard Version) Kasuwato nito, ang katumbas na ulat sa 2 Cronica 23:11 ay ganito ang mababasa sa The Jerusalem Bible (1966): “Nang magkagayo’y inilabas ni Jehoiada ang anak ng hari, siya’y pinutungan ng korona, at ipinataw sa kaniya ang Kautusan.” Gayunman, sa 2 Hari 11:12 inihahalili ng saling ito ang salitang “mga pulseras” para sa “ang Patotoo,” bagaman ang salitang Hebreong iyan ay lumilitaw sa kapuwa mga talata. Bakit?

Isang kilalang komentaryo ng Bibliya sa Aleman, ang Herders Bibelkommentar, ay nagpapaliwanag na hindi maguniguni ng ilang tagapagsalin na ang hari ay magsusuot ng isang Kautusan sa kaniyang ulo o sa kaniyang bisig. Palibhasa, nang tinatalakay ang tungkol kay Haring Saul, sa 2 Samuel 1:10 ay binabanggit ang isang pulseras (o, bracelet) kasama na ang diadema na kaniyang suot, sila’y naniniwala na sa orihinal na teksto sa 2 Hari 11:12 ay mababasa “ang diadema at ang mga pulseras.” Subalit ito ay haka-haka lamang, kung “ang Patotoo” ang ihahalili sa “mga pulseras” makikita rito ang isang napakalaking pagbabago sa teksto.

Sa gayon ang diwa ng Kautusan, o ang tipang kautusan, ay ibinabalik ng The New Jerusalem Bible (1985), anupa’t isinasalin ang parirala “at binigyan siya ng isang kopya ng tipan.” Subalit “ang Patotoo” ba ang ibinigay ni Jehoiada kay Jehoash? Totoo, ang salitang Hebreo na isinaling “inilagay” ay maaari ring isaling “ibinigay.” Ngunit sa kapuwa Mga Hari at Mga Cronica, ito ay minsan lamang lumilitaw, na tumutukoy kapuwa sa diadema at sa Patotoo. Isa pa, ito ay sinusundan kapagdaka ng salitang Hebreo na katumbas ng “sa.” Kung gayon, ang “ilagay sa” ang tiyak na tamang pagkasalin. Kapuwa ang diadema at ang Patotoo ay “inilagay sa” batang si Haring Jehoash, gaya ng ipinakikita ng New World Translation.

Kaya bakit​—at papaano​—​“inilagay” ng mataas na saserdote ang Patotoo sa kabataang hari? Isaalang-alang ang puna ng Alemang iskolar na si Otto Thenius: “Ang Kautusan, isang aklat na kung saan ang Mosaikong mga utos ay nakasulat. Ito ay makasagisag na hawak sa ibabaw ng ulo ng hari, pagkatapos na siya’y nakasuot na ng gayak na diadema.” (Die Bücher der Könige) Sa gayunding paraan, si Propesor Ernst Bertheau ay nagsabi: “Ang paglalagay ng Kautusan [sa ibabaw ng hari] ay tunay na may dalang isang makasagisag na diwa, at ang hari ay obligadong mamahala ng naaayon doon.”​—Die Bücher der Chronik.

Iniutos ng Diyos na pagka lumuklok na ang hari sa trono, siya’y susulat para sa kaniyang sarili ng isang kopya ng Kautusan, pag-aaralan iyon at ikakapit habang siya’y nabubuhay. (Deuteronomio 17:18-20) Ang paglalagay ng “Patotoo” sa ibabaw ng bagong hari ay maaari na isang maikling makasagisag na kilos na nagpapakita na kahit na siya ngayon ay hari, hindi siya nakatataas sa Kautusan ni Jehova. Nakalulungkot, pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada, nakalimutan ni Jehoash ang mahalagang aral na ito at unti-unting iniwan ang pagsamba kay Jehova, na nagwakas sa kaniyang kamatayan sa kamay ng mga pumatay sa kaniya.​—2 Cronica 24:17-25.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share