Tanong
◼ Angkop bang magsaayos ng baratilyo o iba pang okasyon para makalikom ng pondo bilang tulong sa kongregasyon?
Karaniwan nang nagsasaayos ang mga relihiyosong organisasyon ng mga okasyon para makalikom ng pondo, gaya ng mga salu-salo, baratilyo, o kapistahan. Bagaman maaaring isipin ng iba na may mabuti namang layunin ang mga kaayusang ito, katumbas na rin ito ng pangingilak. Hindi kumukuha ng pinansiyal na suporta sa gayong paraan ang mga Saksi ni Jehova.
Ganito ang nakasaad sa ikalawang isyu ng Watch Tower, noong Agosto 1879, hinggil sa pagtanggi nating gayahin ang mga simbahan sa pangingilak ng pondo: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower,’ kaya naman hindi ito kailanman mamalimos ni manghihingi ng tulong sa mga tao. Kapag Siya na nagsasabing: ‘Akin ang lahat ng ginto at pilak sa kabundukan,’ ay hindi na naglaan ng kinakailangang pondo, mauunawaan namin na panahon na upang itigil ang publikasyong ito.”
Patuloy nating sinusunod ang simulain ng Kasulatan: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Cor. 9:7) May mga kahon ng kontribusyon sa Kingdom Hall para sa mga nagnanais magbigay ng boluntaryong donasyon. (2 Hari 12:9) Hindi ipinangingilak ang mga kontribusyon; at hindi ito ibinibigay dahil sa inaasahang kapalit.