Pag-ibig—Susi sa Mabungang Ministeryo
1 “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” (Mat. 11:28) Masasalamin sa gayong kalugud-lugod na pananalita ang malalim na pag-ibig ni Jesus sa mga tao. Bilang mga ministrong Kristiyano, nais nating tularan si Jesus sa pagpapakita ng ating pag-ibig sa mga taong nanlulupaypay sa daigdig na salat sa pag-ibig. Paano natin ito magagawa habang ibinabahagi natin ang mabuting balita?
2 Sa Salita: Pag-ibig sa mga tao ang nagpakilos kay Jesus na samantalahin ang lahat ng pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita. (Juan 4:7-14) Pag-ibig ang tutulong sa atin na daigin ang pag-aatubiling magpatotoo sa di-pormal na paraan. Isang anim-na-taóng-gulang na batang babae ang nagbigay ng mainam na patotoo sa isang babaing katabi niyang nakaupo sa silid-hintayan ng isang klinika. Ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin iyon? Ganito ang paliwanag niya, “Sa hitsura po ng babae, mukha pong kailangan niyang makilala si Jehova.”
3 Maipakikita natin ang ating interes sa mga tao kung taimtim at magiliw natin silang ngingitian at kakausapin na parang isang kaibigan. Nagpapahiwatig din ng pag-ibig ang matamang pakikinig sa sinasabi ng iba, pagsang-ayon sa kanilang mga ikinababahala, at pagpapakita ng taimtim at personal na interes sa kanila. (Kaw. 15:23) Bilang pagtulad kay Jesus, dapat nating itampok ang nakapagpapatibay na mensahe ng Kaharian at ang maibiging awa ni Jehova sa mga tao.—Mat. 24:14; Luc. 4:18.
4 Sa Gawa: Tinugunan kaagad ni Jesus ang mga pangangailangan ng iba sa praktikal at pisikal na paraan. (Mat. 15:32) Baka magkaroon din tayo ng mga pagkakataong magpakita ng maibiging-kabaitan habang nasa ministeryo. Napansin ng isang sister ang isang babaing nahihirapang umintindi sa isang mahalagang tawag sa telepono. Nag-alok ng tulong ang ating sister na isasalin niya ang sinasabi ng tumatawag. Ang maibiging pagkilos na ito ang nagbukas ng daan sa isang pag-uusap tungkol sa Kasulatan na nakatulong sa babae para pumayag na mag-aral ng Bibliya. Sa isa namang pagkakataon, nadatnan ng isang brother sa kaniyang pagdalaw-muli ang may-bahay na naiinis dahil nahihirapan itong ipasok sa pintuan ang isang mabigat na muwebles. Pagkatapos tulungan ang may-bahay, di-nagtagal at nakaupo na ang brother sa sopa na kanilang binuhat anupat nakapagpasimula na siya ng pag-aaral ng Bibliya sa mapagpasalamat na may-bahay.
5 Habang nakikibahagi tayo sa ministeryo, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa. (Mat. 22:36-40) Ang gayong pagpapamalas ng pag-ibig sa salita at sa gawa ay tumutulong sa tapat-pusong mga tao na makilalang taglay natin ang katotohanan.