Tulungan ang mga Estudyante sa Bibliya na Maging mga Mamamahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian
1 Napakalawak ng saklaw ng atas na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad na nasa Mateo 28:19, 20. Ang mga alagad ni Kristo ay tinagubilinan na gumawa ng mas marami pang alagad na makikibahagi rin naman sa gawaing iyon. Isang pundasyon ang inilatag para sa huling paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig sa napakahalagang panahong ito ng kawakasan na kinabubuhayan natin ngayon.—Mat. 24:14.
2 Maaaring anak natin o iba pang nagnanais mag-aral ng Bibliya ang kabilang sa mga estudyante natin. Talagang gusto natin silang tulungan na balikatin ang kanilang pananagutang turuan ang iba pa na maging mga alagad ni Jesu-Kristo.—Luc. 6:40.
3 Ihanda Silang Magpatotoo: Pasiglahin ang iyong mga tinuturuan na sabihin sa iba ang kanilang natututuhan. Ikuwento sa kanila ang nakapagpapatibay na mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Sanayin ang iyong mga anak sa murang edad na magkaroon ng makabuluhang bahagi sa ministeryo ayon sa kanilang kakayahan. (Awit 148:12, 13) Ipakita sa iyong salita at gawa na malaki ang pagpapahalaga mo sa ministeryo.—1 Tim. 1:12.
4 Ginagamit ni Jehova yaon lamang tumatanggap at sumusunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Mangyari pa, mas maraming nalalaman ang makaranasan, nakaalay, at bautisadong mga ministro ng Kaharian kaysa sa mga bagong mamamahayag, pero dapat na naniniwala at naipaliliwanag ng mga baguhan ang pangunahing mga turo ng Bibliya. (Tingnan ang Organisado, p. 79-82.) Yamang sila ay lubusan nang humiwalay sa “Babilonyang Dakila” at hindi na nakikisangkot sa pulitika, dapat silang dumalo nang regular sa mga pulong ng kongregasyon.—Apoc. 18:2, 4; Juan 17:16; Heb. 10:24, 25.
5 Kung naniniwala kang ang isa sa iyong mga estudyante sa Bibliya ay kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag, sabihin ito sa punong tagapangasiwa. Isasaayos niyang kausapin ka at ang iyong estudyante sa Bibliya ng dalawang elder upang tiyakin na kuwalipikado siyang maging di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian kasama ng kongregasyon. Pribilehiyo mo ngayon na sanayin pa ang iyong estudyante sa Bibliya habang sumasama siya sa iyo sa paglilingkod sa larangan.