Tanong
◼ Maaari bang parehong mag-ulat ang ama at ina ng oras na ginugugol nila sa regular na pampamilyang pag-aaral?
Bagaman ang ama ang pangunahing may pananagutan sa pagpapalaki sa mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” parehong may bahagi sa pagsasanay sa mga anak ang ama at ina. (Efe. 6:4) Hinihimok ng Bibliya ang mga anak: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kaw. 1:8) Ang isang mahalagang bahagi ng pagsasanay ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya.
Noon, ang magulang lamang na nangangasiwa sa pampamilyang pag-aaral ang nag-uulat ng oras, kahit pa magkatuwang ang ama at ina sa pagtuturo sa kanilang di-bautisadong mga anak. Gayunman, binabago na ang kaayusang ito. Kung ang mga magulang ay kapuwa nakikibahagi sa pagtuturo sa mga anak sa panahon ng pampamilyang pag-aaral, pareho silang maaaring mag-ulat ng di-lalampas sa isang oras bawat linggo bilang paglilingkod sa larangan. Sabihin pa, karaniwan nang higit pa sa isang oras bawat linggo ang ginugugol ng mga magulang sa pagtuturo sa mga anak. Kailangan ng mga magulang ang patuluyang pagsisikap sa pagsasanay sa kanilang mga anak. (Deut. 6:6-9) Gayunman, ang nagawa natin sa larangan ang pangunahin nang dapat iulat sa ating buwanang ulat ng paglilingkod sa larangan. Kaya ang mga magulang ay mag-uulat ng di-lalampas sa isang oras bawat linggo, kahit ang kanilang pampamilyang pag-aaral ay higit pa sa isang oras, kahit hindi lamang isang beses sa isang linggo ito idinaos, o kahit magkakabukod pa ang pag-aaral na isinagawa nila sa kanilang mga anak. Pero isang magulang lamang ang mag-uulat ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at makapag-uulat lamang siya ng isang pagdalaw-muli sa bawat linggo na naisagawa ang pag-aaral.