Paraiso
Kahulugan: Sa bersiyong Griyegong Septuagint ng Bibliya ay wastong ginamit ng mga tagapagsalin ang terminong “paraiso” (pa·raʹdei·sos) may kaugnayan sa halamanan ng Eden, sapagka’t maliwanag na ito’y isang parke na may hangganan. Pagkatapos ng salaysay sa Genesis, ang mga teksto sa Bibliya na bumabanggit ng paraiso ay tumutukoy (1) sa halamanan ng Eden mismo, o (2) sa lupa bilang kabuuan kapag ito’y binago sa hinaharap upang maging tulad ng sa Eden, o (3) sa mabungang espirituwal na mga kalagayan sa gitna ng mga lingkod ng Diyos sa lupa, o (4) sa mga paglalaan sa langit na nakapagpapagunita sa Eden.
Ang “Bagong Tipan” ba ay tumutukoy sa isang makalupang paraiso sa hinaharap o yaon ba’y nasa “Matandang Tipan” lamang?
Ang paghahati ng Bibliya sa dalawang bahagi, na binibigyang-halaga ang sinasabi nito kung baga ito’y kabilang sa “Matandang” bahagi o sa “Bago” ay hindi maka-Kasulatan. Sa 2 Timoteo 3:16 ay sinasabihan tayo: “Lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid.” Ang Roma 15:4 ay tumutukoy sa kinasihang mga Kasulatang isinulat bago ang panahong Kristiyano nang sabihin nito: “Lahat ng mga bagay na isinulat nang una ang nangasulat dahil sa ikatututo natin.” Kaya, dapat isaalang-alang ang buong Bibliya kapag sinasagot ang katanungang ito.
Sinasabi ng Genesis 2:8: “Ang Diyos na Jehova ay naglagay ng isang halamanan [“parke,” Mo; “paraiso,” Dy; pa·raʹdei·son, LXX] sa Eden, sa dakong silanganan, at doon niya inilagay ang taong [si Adan] kaniyang nilalang.” Doon ay sagana ang pagkasari-sari at kaakit-akit ang buhay-halaman at buhay-hayop. Binasbasan ni Jehova ang unang mag-asawa at sinabi sa kanila: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawa’t hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Gen. 1:28) Ang orihinal na layunin ng Diyos na ang buong lupa’y maging isang paraisong tatahanan ng mga masunurin sa kaniyang mga kautusan ay hindi mabibigo. (Isa. 45:18; 55:10, 11) Kaya sinabi ni Jesus: “Maliligaya ang maamo, sapagka’t mamanahin nila ang lupa.” Iyan din ang dahilan kung bakit tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, ay gayon din naman sa lupa.” (Mat. 5:5; 6:9, 10) Kaayon nito, ipinaliliwanag ng Efeso 1:9-11 ang layunin ng Diyos na “tipuning muli ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.” Binabanggit ng Hebreo 2:5 ang “tinatahanang lupa na darating.” Ang Apocalipsis 5:10 ay bumabanggit ng mga “mangagpupuno bilang mga hari sa ibabaw ng lupa” bilang kasamang tagapagmana ni Kristo. Ang Apocalipsis 21:1-5 at 22:1, 2 ay nagbibigay rin ng kaakit-akit na paglalarawan ng mga kalagayang iiral sa “bagong lupa” na magiging kahawig ng orihinal na Paraiso sa Eden taglay ang punong-kahoy ng buhay.—Gen. 2:9.
Bukod dito, ginamit ni Jesus ang Griyegong pangungusap na pa·raʹdei·sos upang tumukoy sa panghinaharap na makalupang Paraiso. “Sinabi niya sa kaniya [isang manlalabag-batas na nakabayubay katabi ni Jesus na nagpakita ng pananampalataya sa darating na kaharian ni Jesus]: ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Kakasamahin kita sa Paraiso.’ ”—Luc. 23:43.
Papaano natin matitiyak kung ano ang nais tukuyin ni Jesus na Paraiso sa kaniyang sinabi sa manlalabag-batas, sa Lucas 23:43?
Iyon ba’y isang pansamantalang tirahan ng mga ‘yumaong kaluluwa ng mga matuwid,’ isang bahagi ng Hades?
Saan nagmula ang gayong pangmalas? Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Nang ipasok ang Griyegong turo ng imortalidad ng kaluluwa ang paraiso ay naging pansamantalang tahanang-dako ng mga matuwid.” (Grand Rapids, Mich.; 1976, pinatnugutan ni Colin Brown, Tomo 2, p. 761) Laganap ba ang gayong di-maka-kasulatang pangmalas sa mga Judio nang nasa lupa si Jesus? Ang Hasting’s Dictionary of the Bible ay nagsasabing malamang sa hindi.—(Edinburgh, 1905), Tomo III, p. 669, 670.
Ipagpalagay na natin na laganap sa mga Judio ang pangmalas na ito noong unang siglo, sasang-ayunan kaya ito ni Jesus sa kaniyang pangako sa nagsising manlalabag-batas? Tinuligsa ni Jesus ang Judiong mga Pariseo at eskriba dahil sa pagtuturo nila ng mga tradisyong salungat sa Salita ng Diyos.—Mat. 15:3-9; tingnan din ang paksang “Kaluluwa.”
Si Jesus ay nagtungo nga sa Hades nang siya’y mamatay, gaya ng ipinakikita sa Gawa 2:30, 31. (Doon, nang sipiin ni apostol Pedro ang Awit 16:10, siya’y gumamit ng Hades bilang katumbas ng Sheol.) Nguni’t walang sinasabi sa Bibliya na ang Sheol/Hades o anomang bahagi nito ay isang paraiso na nagbibigay ng kasiyahan sa isang tao. Sa halip, sinasabi ng Eclesiastes 9:5, 10 na ang mga naroroon ay “walang nalalamang ano pa man.”
Ang Paraiso ba sa Lucas 23:43 ay ang langit o bahagi ng langit?
Hindi inaayunan ng Bibliya ang ideya na si Jesus at ang manlalabag-batas ay nagtungo sa langit noong araw na siya’y kinausap ni Jesus. Una pang inihula ni Jesus na, pagka pinatay na siya, hindi siya bubuhayin hanggang sa ikatlong araw. (Luc. 9:22) Sa tatlong araw na iyon ay wala siya sa langit, sapagka’t pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli ay sinabi niya kay Maria Magdalena: “Hindi pa ako nakakaakyat sa Ama.” (Juan 20:17) Pagkalipas ng 40 araw mula nang buhaying-muli si Jesus ay saka lamang nakita siya ng kaniyang mga alagad na lumisan sa lupa at mawala sa kanilang paningin sa kaniyang pag-akyat sa langit.—Gawa 1:3, 6-11.
Ang manlalabag-batas ay hindi nakatugon sa mga kahilingan upang magtungo sa langit, kahit sa panahong darating. Siya’y hindi “ipinanganak-muli”—yamang hindi siya nabautismuhan sa tubig o inianak ng espiritu ng Diyos. Ang banal na espiritu ay ibinuhos lamang sa mga alagad ni Jesus pagkalipas ng mahigit sa 50 araw mula nang mamatay ang manlalabag-batas. (Juan 3:3, 5; Gawa 2:1-4) Noong araw ng kaniyang kamatayan, nakipagtipan si Jesus sa mga ‘nagsipanatili sa kaniya sa mga pagsubok niya’ ukol sa isang makalangit na kaharian. Walang gayong rekord ng katapatan ang manlalabag-batas kung kaya’t hindi siya kasali.—Luc. 22:28-30.
Ano ang nagpapakita na ang Paraisong ito ay makalupa?
Ang Hebreong Kasulatan kailanma’y hindi nagbigay sa tapat na mga Judio ng pag-asa ukol sa gantimpalang buhay sa langit. Itinuro ng mga Kasulatang iyon ang pagsasauli ng Paraiso dito sa lupa. Inihula ng Daniel 7:13, 14 na kapag ang “kapamahalaan at karangalan at isang kaharian” ay ibinigay sa Mesiyas, ang ‘lahat ng mga bayan, bansa at mga wika ay mangaglilingkod sa kaniya.’ Ang mga sakop na ito ng Kaharian ay nandito sa lupa. Sa kaniyang sinabi kay Jesus, maliwanag na inaasahan ng manlalabag-batas na siya’y alalahanin ni Jesus pagdating ng panahong iyon.
Papaano, kung gayon, makakasama ni Jesus ang manlalabag-batas? Sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya mula sa mga patay, paglalaan ukol sa kaniyang pisikal na pangangailangan, at pagbibigay sa kaniya ng pagkakataong pag-aralan at sundin ang mga kahilingan ni Jehova ukol sa buhay na walang-hanggan. (Juan 5:28, 29) Dahil sa pagsisisi at paggalang ng manlalabag-batas, nakita ni Jesus ang saligan upang siya’y mapabilang sa bilyun-bilyong bubuhaying-muli tungo sa buhay sa lupa at sa pagkakataong mapatunayang sila’y karapatdapat na mabuhay magpakailanman sa Paraiso.
Kailan mapapasa Paraiso ang manlalabag-batas?
Ang kaunawaan ng isa sa Lucas 23:43 ay apektado ng paggamit ng bantas ng tagapagsalin. Walang bantas sa orihinal na Griyegong mga manuskrito ng Bibliya. Sinasabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo XXIII, p. 16): “Walang anomang makikitang bantas sa unang mga manuskrito at inskripsiyon ng mga Griyego.” Noon lamang ika-9 na siglo C.E. sinimulang gamitin ang gayong bantas. Ang Lucas 23:43 ba ay dapat kababasahan ng, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso” (RS), o kaya’y, ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Kakasamahin kita sa Paraiso’? Ang saligan upang matiyak ito ay ang mga turo ni Kristo at ng lahat ng ibang bahagi ng Bibliya, at hindi isang koma na isiningit sa teksto ilang siglo pagkaraang sabihin ni Jesus ang mga salitang iyon.
Ang The Emphasized Bible na isinalin ni J. B. Rotherham ay sumasang-ayon sa pagbabantas ng New World Translation. Sa talababa ng Lucas 23:43, ang Alemang tagapagsalin ng Bibliya na si L. Reinhardt ay nagsasabi: “Ang bantas na ginagamit sa kasalukuyan [ng karamihan ng mga tagapagsalin] sa talatang ito ay walang salang mali at salungat sa nasasa-isip ni Kristo at ng manlalabag-batas. . . . [Si Kristo] ay tiyak na hindi naniwala na ang paraiso ay bahagi ng daigdig ng mga patay, kundi na ito’y ang pagsasauli ng paraiso sa lupa.”
Kailan ang ‘pagdating ni Jesus sa kaniyang kaharian’ upang tuparin ang layunin ng kaniyang Ama na gawing paraiso ang lupa? Ang aklat ng Apocalipsis, na isinulat mga 63 taon pagkatapos sabihin ang mga pangungusap sa Lucas 23:42, 43, ay nagpapahiwatig na ang mga pangyayaring ito ay nasa hinaharap pa. (Tingnan ang mga pahina 340-343, sa ilalim ng “Mga Petsa,” gayon din ang paksang “Mga Huling Araw.”)