KABANATA 3
“Sabihin Mo sa Kanila ang Salitang Ito”
1. (a) Ano ang pagkakatulad nina Jesus at Jeremias? (b) Bakit dapat nating tularan si Jeremias sa ating ministeryo?
SI Jesu-Kristo ang pinakamagandang halimbawa sa pangangaral ng mabuting balita. Pero kapansin-pansin na noong unang siglo, napagkakamalan siyang si Jeremias kung minsan. (Mat. 16:13, 14) Gaya ni Jesus, inatasan ng Diyos si Jeremias na mangaral. Halimbawa, minsan ay sinabi sa kaniya ng Diyos: “Sabihin mo sa kanila ang salitang ito, ‘Ito ang sinabi ni Jehova.’” (Jer. 13:12, 13; Juan 12:49) At sa ministeryo, may mga katangian si Jeremias na pareho kay Jesus.
2. Ano ang kailangang gawin ng mga tao ngayon na dapat ay ginawa ng mga Judio noon?
2 Pero baka sabihin ng ilang kapatid: ‘Iba naman ang pangangaral natin sa pangangaral ni Jeremias. Isang bansang nakaalay sa Diyos ang teritoryo ni Jeremias; samantalang tayo, nangangaral sa mga taong hindi kilala si Jehova.’ Totoo naman iyan. Pero noong panahon ni Jeremias, karamihan sa mga Judio ay naging “di-marunong” at iniwan nila ang tunay na Diyos. (Basahin ang Jeremias 5:20-22.) Kailangan nilang magbago para tanggapin ni Jehova ang kanilang pagsamba. Sa ngayon, kailangan din ng mga tao—sinasabi man nilang Kristiyano sila o hindi—na kumilala kay Jehova at sumamba sa paraang sinasang-ayunan niya. Talakayin natin kung paano tayo makapaglilingkod sa tunay na Diyos at makakatulong sa mga tao sa pamamagitan ng pagtulad kay Jeremias.
‘HINIPO NI JEHOVA ANG AKING BIBIG’
3. Noong pasimula ng gawain ni Jeremias, ano ang ginawa sa kaniya ng Diyos? Ano ang nadama ni Jeremias?
3 Tandaan na sa pasimula ng atas ni Jeremias, narinig niya ang mga salitang ito: “Sa lahat niyaong pagsusuguan ko sa iyo ay paroroon ka; at ang lahat ng iuutos ko sa iyo ay sasalitain mo. Huwag kang matakot dahil sa kanilang mga mukha, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka,’ ang sabi ni Jehova.” (Jer. 1:7, 8) Pagkaraan, may ginawa ang Diyos na hindi inaasahan ni Jeremias. Sinabi niya: “Iniunat ni Jehova ang kaniyang kamay at hinipo nito ang aking bibig. Pagkatapos ay sinabi ni Jehova sa akin: ‘Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig. Tingnan mo, inaatasan kita sa araw na ito.’” (Jer. 1:9, 10) Mula noon, naunawaan ni Jeremias na magiging tagapagsalita siya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.a Sa tulong ni Jehova, nagningas ang sigasig ni Jeremias sa sagradong paglilingkod.—Isa. 6:5-8.
4. Maglahad ng magagandang karanasan tungkol sa masigasig na pangangaral.
4 Hindi naman aktuwal na hinihipo ni Jehova ang mga lingkod niya ngayon. Pero sa tulong ng kaniyang espiritu, inuudyukan niya silang magkaroon ng matinding pagnanais na ipangaral ang mabuting balita. Di-matatawaran ang sigasig ng marami sa kanila. Isang halimbawa nito si Maruja na taga-Espanya. Mahigit 40 taon nang paralisado ang mga braso at binti niya. Hiráp siyang magbahay-bahay kaya gumawa siya ng ibang paraan para maging aktibo sa ministeryo. Isa na rito ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng liham. Idinidikta ni Maruja sa kaniyang anak na babae ang gusto niyang sabihin. Sa loob ng isang buwan, nakapagpadala si Maruja at ang kaniyang “sekretarya” ng mahigit 150 liham na nilakipan ng tract. Dahil sa kanilang pagsisikap, napaabutan ng mabuting balita ang karamihan ng tao sa kalapit na nayon. Sinabi ni Maruja sa kaniyang anak, “Kung isang tapat-puso ang makakatanggap ng liham natin, pagpapalain tayo ni Jehova ng Bible study.” Sumulat ang elder nila, “Nagpapasalamat ako kay Jehova at may mga sister na gaya ni Maruja, na nagtuturo sa iba na pahalagahan kung ano talaga ang importante.”
5. (a) Paano napanatili ni Jeremias ang sigasig niya kahit walang interes ang mga tao? (b) Paano mo mapananatili ang sigasig mo sa pangangaral?
5 Noong panahon ni Jeremias, ‘hindi kinalulugdan’ ng karamihan sa Jerusalem ang salita ni Jehova. Ayaw na bang mangaral ni Jeremias dahil marami ang walang interes? Aba hindi! Sinabi niya: “Napuno ako ng pagngangalit ni Jehova. Nanghimagod ako sa kapipigil.” (Jer. 6:10, 11) Paano mo matutularan ang gayong sigasig? Isipin mo na kinatawan ka ng tunay na Diyos, at napakalaking pribilehiyo niyan! Alam mong tinutuya ng mga prominenteng tao sa daigdig ang pangalan ng tunay na Diyos. Nakikita mo rin kung paano dinadaya ng mga lider ng relihiyon ang mga tao sa inyong teritoryo, gaya ng ginawa ng mga saserdote noong panahon ni Jeremias. (Basahin ang Jeremias 2:8, 26, 27.) Pero ang mabuting balita ng Kaharian na ipinangangaral mo ay kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. (Panag. 3:31, 32) Oo, pakaisipin mo ang mga bagay na ito para manatili kang masigasig sa paghahayag ng mabuting balita at sa pagtulong sa mga tulad-tupa.
6. Anong mabibigat na hamon ang pinagdaanan ni Jeremias?
6 Marahil, sasang-ayon ka na hindi laging madali na mapanatili ang gayong sigasig sa ministeryo. Nagkaroon din si Jeremias ng mabibigat na problema, isa na rito ang mga bulaang propeta. Isang halimbawa nito ang nasa Jeremias kabanata 28. Hindi nakinig ang karamihan sa mensahe niya, kaya minsan, pakiramdam niya ay nag-iisa siya. (Jer. 6:16, 17; 15:17) At may mga nagbanta rin sa buhay niya.—Jer. 26:11.
Bakit ka makapagtitiwalang tutulungan ka ni Jehova na harapin ang mga hamon sa pangangaral?
“NILINLANG MO AKO, O JEHOVA”
7, 8. Sa anong diwa “nilinlang” ng Diyos si Jeremias?
7 Nang araw-arawin si Jeremias ng pang-iinsulto at panunuya, inihinga niya sa Diyos ang kaniyang sentimyento. Sa tingin mo, paano masasabing “nilinlang” ni Jehova ang tapat niyang propeta, gaya ng nakaulat sa Jeremias 20:7, 8?—Basahin.
8 Hindi naman talaga dinaya ni Jehova si Jeremias. Sa halip, “nilinlang” ng Diyos ang propeta, hindi sa pamamagitan ng di-tapat o tusong pakana, kundi sa positibong paraan para matulungan ito. Pakiramdam kasi ni Jeremias ay hindi niya kakayanin ang pagsalansang, at hindi na niya kayang gampanan ang ipinagagawa ng Diyos. Pero nagampanan niya iyon, sa tulong ng Makapangyarihan-sa-lahat. Pinatunayan ni Jehova na mas malakas Siya kaysa kay Jeremias at sa mga saloobin nito. Noong parang gusto nang sumuko ni Jeremias, ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan para maudyukan si Jeremias na magpatuloy; sa diwa, “nalinlang” siya ni Jehova. Pinatunayan ng Diyos na mas malakas siya kaysa sa mga kahinaan ng propeta. Kaya kahit na ang mga tao ay walang interes, tumatanggi, at mararahas, nakapangaral pa rin si Jeremias.
9. Bakit ka mapapalakas ng Jeremias 20:11?
9 Si Jehova ay naging tulad ng “isang kahila-hilakbot na makapangyarihan” na kasama ni Jeremias at umaalalay rito. (Jer. 20:11) Mapapalakas ka rin ng Diyos para makapanatili kang masigasig sa tunay na pagsamba at malampasan ang mga problema. Gaya ng pagkakasabi sa isang salin, isipin mong si Jehova ay “isang makapangyarihang mandirigma” na nasa tabi mo.—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
10. Ano ang determinado mong gawin sa harap ng pagsalansang?
10 Iyan din ang punto ni Pablo noong pinapatibay niya ang mga Kristiyanong sinasalansang. Sumulat siya: “Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo, upang . . . marinig ko . . . na kayo ay nakatayong matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa at nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita, at sa anumang paraan ay hindi nagagawang takutin ng inyong mga kalaban.” (Fil. 1:27, 28) Gaya ni Jeremias at ng mga Kristiyano noong unang siglo, masasandalan mo, at talaga namang dapat mong sandalan, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat para magampanan mo ang iyong ministeryo. Kung may tumutuya o sumasalansang sa iyo, tandaan na kasama mo si Jehova, at palalakasin ka niya. Pinalakas niya si Jeremias at ang marami sa ating mga kapatid; tiyak na gagawin din niya iyan sa iyo. Magsumamo ka sa kaniya at magtiwalang pakikinggan ka niya. Habang pinalalakas ka ng Diyos na harapin ang mga pagsubok, baka masabi mo rin na “nalinlang” ka dahil buong-tapang mong napagtagumpayan ang mga ito at hindi ka natakot. Oo, makakaya mong gawin ang mga bagay na akala mo ay hindi mo kakayanin.—Basahin ang Gawa 4:29-31.
11, 12. (a) Ano ang mga puwede mong gawin para makapangaral sa mas maraming tao? (b) Batay sa larawan sa pahina 39, ano pa ang mga puwede mong gawin sa inyong teritoryo?
11 Ang mga ulat tungkol sa paglilingkod ni Jeremias ay makatutulong nang malaki para maging mas epektibo tayo sa ministeryo. Mahigit 20 taon nang propeta si Jeremias noong sabihin niya: “Patuloy akong nagsasalita sa inyo, na bumabangon nang maaga at nagsasalita, ngunit hindi kayo nakinig.” (Jer. 25:3) Oo, maaga pa lang nagsisimula na siya, at hindi siya tinatanghali. Ano ang matututuhan natin dito? Maraming mamamahayag ang maagang bumabangon para makipag-usap sa mga tao sa istasyon ng bus at tren. Sa mga probinsiya, maraming kapatid ang madaling-araw pa lang ay nakikipag-usap na sa mga magsasaka at iba pa na nagtatrabaho na sa oras na iyon. May naiisip ka bang iba pang paraan na matutularan mo ang kasigasigan ni Jeremias? Kaya mo bang gumising nang mas maaga para hindi mahuli sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
12 Mabunga rin ang pagbabahay-bahay sa hapon o bandang gabi. Nangangaral ang ilang mamamahayag sa mga gasolinahan, restawran, at iba pang establisimyento na bukas 24 oras. Puwede mo bang i-adjust ang iyong iskedyul para makapangaral sa panahon na mas malamang na maabutan mo ang mga tao sa bahay o sa ibang lugar?
Bakit ka makapagtitiwala na tutulungan ka ni Jehova sa paghahayag ng kaniyang mensahe?
13, 14. (a) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jeremias tungkol sa pagdalaw-muli? (b) Ano ang nagpapakita na mahalagang tuparin ang pangako mong babalik ka?
13 Minsan, pinatayo ni Jehova si Jeremias sa mga pintuang-daan ng templo o ng Jerusalem para ipahayag ang mensahe Niya. (Jer. 7:2; 17:19, 20) Marami ang nakarinig sa salita ni Jehova dahil daanan iyon ng mga tao, kabilang na ang mga prominente sa lunsod at mga negosyante. At malamang na nakakausap uli ni Jeremias ang ilan para ipaliwanag ang mga nasabi na niya sa kanila. Ano ang matututuhan natin dito tungkol sa pagdalaw-muli sa mga interesado?
14 Alam ni Jeremias na buhay ang nakataya sa gawain niya bilang propeta ng Diyos. Nang minsang hindi siya posibleng makapangaral sa mga tao, ang kaibigan niyang si Baruc ang pinapunta niya. (Basahin ang Jeremias 36:5-8.) Paano natin matutularan si Jeremias? Kapag sinabi natin sa may-bahay na babalik tayo, bumabalik nga ba tayo? Kung hindi natin posibleng mabalikan ang interesado o ang Bible study natin, may pinapupunta ba tayong iba? Sinabi ni Jesus: ‘Ang inyong salitang Oo ay mangahulugang Oo.’ (Mat. 5:37) Mahalaga na mayroon tayong isang salita dahil kinatawan tayo ng Diyos ng katotohanan at kaayusan.—1 Cor. 14:33, 40.
Gumawa ka na ba ng mga pagbabago sa iyong iskedyul at paraan ng pangangaral para makapagpatotoo sa mas maraming tao?
15, 16. (a) Bilang pagtulad kay Jeremias, paano pinalawak ng marami ang kanilang ministeryo? (b) Anong aral ang mapupulot mo sa karanasan sa Chile, na ipinapakita ng larawan sa pahina 40?
15 Pinatibay ni Jeremias ang mga Judio sa Babilonya sa pamamagitan ng liham hinggil sa “mabuting salita” ni Jehova tungkol sa pagsasauli. (Jer. 29:1-4, 10) Sa ngayon, ang “mabuting salita” tungkol sa gagawin ni Jehova ay mapalalaganap din sa pamamagitan ng liham at telepono. Bakit hindi subukan ang pamamaraang ito para makapagpatotoo sa mga kamag-anak o sa iba na nasa malayo o mahirap makontak?
16 Tulad ng ministeryo ni Jeremias, mabunga rin ang puspusang pangangaral ng mga mamamahayag sa ngayon. Isang sister sa Chile ang lumapit sa isang babaing palabas ng istasyon ng tren sa subwey. Nagustuhan nito ang mensahe ng Bibliya at nais magpa-study sa bahay. Pero hindi naisulat ng sister ang adres ng babae. Alam ng sister na mahalagang mapuntahan niya ang babae kaya nanalangin siya kay Jehova. Kinabukasan, bumalik siya sa subwey nang ganoon ding oras. Nakita niya uli ang babae. Isinulat na niya ang adres nito at pinuntahan sa bahay para ma-study ito. Malapit nang wakasan ng Diyos ang sanlibutan ni Satanas. Pero may pag-asa pa para sa mga nagsisisi at nananampalataya sa mabuting balita. (Basahin ang Panaghoy 3:31-33.) Kaya tandaan natin ito at maging masipag sa pangangaral.
Sinisikap mo bang balikan ang mga interesadong natagpuan mo?
“MARAHIL AY MAKIKINIG SILA AT MANUNUMBALIK, BAWAT ISA”
17. Paano mo matutularan ang saloobin ni Jeremias kapag nangangaral sa inyong teritoryo?
17 Ayaw ni Jehova na mapuksa ang mga tao. Mga sampung taon bago mawasak ang Jerusalem, ginamit niya si Jeremias para sabihin ang pag-asa ng mga tapon sa Babilonya. Mababasa natin: “Itititig ko sa kanila ang aking mata sa ikabubuti, at tiyak na pababalikin ko sila sa lupaing ito. At itatayo ko sila, at hindi ko gigibain; at itatanim ko sila, at hindi ko bubunutin.” Ganito pa ang sinabi ni Jeremias tungkol sa mga tapong iyon: “May pag-asa ang iyong kinabukasan.” (Jer. 24:6; 26:3; 31:17) Tinularan ni Jeremias ang pangmalas ng Diyos sa mga tao. May malasakit siya sa mga tao anupat hinimok silang pakinggan ang mga pakiusap ni Jehova: “Manumbalik kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at pabutihin ninyo ang inyong mga pakikitungo.” (Jer. 35:15) May naiisip ka bang iba pang paraan para magpakita ng personal na interes sa iba?
18, 19. (a) Anong kaisipan ang dapat nating iwasan sa ating pangangaral? (b) Anong saloobin ni Jeremias ang dapat nating tularan?
18 Hindi lumamig ang pag-ibig ni Jeremias sa mga tao. Nang mawasak ang Jerusalem, naroon pa rin ang awa niya sa kanila. (Basahin ang Panaghoy 2:11.) Ang mga Judio naman talaga ang dapat sisihin sa sinapit nila. Pero hindi sinabi ni Jeremias na, ‘Sabi ko na sa inyo eh!’ Sa halip, nalungkot siya sa nangyari. Sa katulad na paraan, ang paglilingkod natin ay dapat na bukal sa loob, hindi napipilitan. Sinisikap nating magpatotoo dahil mahal natin ang Diyos at ang mga tao na nilalang ayon sa kaniyang larawan.
Ipinapakita mo ba sa mga tao na may malasakit ka sa kanila?
19 Hindi mapapantayan ng anumang bagay sa sanlibutang ito ang pribilehiyong magpatotoo tungkol sa tunay na Diyos. Ganiyan ang nadama ni Jeremias. Sinabi niya: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova.” (Jer. 15:16) Sa ating pangangaral, marami ang mabibigyan ng pagkakataong makilala at ibigin ang Isa na pinagkakautangan nila ng kanilang buhay. Gaya ni Jeremias, maglingkod tayo nang may sigasig at pag-ibig bilang pagsuporta sa gawaing iyan.
Bilang pagtulad kay Jeremias, anong iba pang paraan ng pangangaral ng “mabuting salita” ni Jehova ang puwede mong gawin?
a Tulad sa kasong ito, madalas magsugo si Jehova ng mga anghel upang maghatid ng mensahe na para bang Siya mismo ang nagsasalita.—Huk. 13:15, 22; Gal. 3:19.