ARALIN 11
Bakit Kami Nagdaraos ng Malalaking Asamblea?
Mexico
Germany
Botswana
Nicaragua
Italy
Bakit napakasaya ng mga tao sa larawan? Kasi nasa isang asamblea sila ng mga Saksi ni Jehova. Tinagubilinan ng Diyos ang mga lingkod niya noon na magtipon-tipon tatlong beses sa isang taon. (Deuteronomio 16:16) Gaya nila, pinananabikan namin ang ganito kalaking mga pagtitipon. Taon-taon, nagdaraos din kami ng tatlong malalaking pagpupulong: dalawang pansirkitong asamblea na tig-isang araw at isang panrehiyong kombensiyon na ginaganap nang tatlong araw. Bakit kapaki-pakinabang ang mga pagtitipong ito?
Pinapatibay ng mga ito ang aming kapatirang Kristiyano. Gaya ng mga Israelita na masayang pumupuri kay Jehova sa mga “pagtitipon,” nasisiyahan din kaming sambahin ang Diyos sa malalaking pagtitipon. (Awit 26:12, talababa; 111:1) Dito, nagkakaroon kami ng pagkakataon na makilala ang mga Saksi mula sa ibang kongregasyon o lupain. Sa tanghali, sama-sama kaming kumakain sa lugar ng asamblea kaya nagiging mas masaya ang ganitong mga pagtitipon. (Gawa 2:42) Damang-dama namin dito ang pag-ibig na nagbubuklod sa aming “buong samahan ng mga kapatid” sa buong mundo.—1 Pedro 2:17.
Tinutulungan kami ng mga ito na sumulong sa espirituwal. Nakinabang din ang mga Israelita “dahil naintindihan nila ang mga bagay na ipinaliwanag sa kanila” mula sa Kasulatan. (Nehemias 8:8, 12) Sa ngayon, nagpapasalamat din kami sa paliwanag sa Bibliya na natatanggap namin sa mga asamblea. Bawat programa ay nakabatay sa Kasulatan. Sa tulong ng mga pahayag, simposyum, at pagsasadula, nalalaman namin ang kalooban ng Diyos. Napapatibay kami sa mga karanasan ng mga Kristiyanong nakapanatiling tapat sa kabila ng matitinding pagsubok. Sa mga panrehiyong kombensiyon, may mga drama na nagbibigay-buhay sa mga ulat ng Bibliya at nagtuturo sa amin ng praktikal na mga aral. Sa bawat malaking pagtitipon, binabautismuhan ang mga taong nag-alay na ng kanilang buhay sa Diyos.
Bakit masayang okasyon ang mga asamblea?
Bakit kapaki-pakinabang ang pagdalo sa isang asamblea?