“Ilagak Mo ang Iyong Puso” sa Templo ng Diyos!
“Anak ng tao, . . . ilagak mo ang iyong puso sa lahat ng ipinakikita ko sa iyo . . . Sabihin mo ang lahat ng nakikita mo sa bahay ni Israel.”—EZEKIEL 40:4.
1. Sa anong kalagayan nasumpungan ng piniling bayan ng Diyos ang kanilang sarili noong 593 B.C.E.?
NOON ay 593 B.C.E., ang ika-14 na taon ng pagkakatapon ng Israel. Sa pakiwari ng mga Judiong naninirahan sa Babilonya, ang kanilang minamahal na lupang tinubuan ay totoong napakalayo. Nang huling makita ng karamihan sa kanila ang Jerusalem, iyon ay naglalagablab, nadurog ang malalaking pader at nagiba ang mariringal na gusali nito. Ang templo ni Jehova—na siyang dating pinaka-putong ng kaluwalhatian ng lunsod, ang kaisa-isang sentro para sa dalisay na pagsamba sa buong lupa—ay nauwi sa kaguhuan. Ngayon ang kalakhang bahagi ng panahon ng pagkakatapon ng Israel ay palilipasin pa. Aabutin pa ng 56 na taon bago ang ipinangakong katubusan.—Jeremias 29:10.
2. Bakit nalulumbay si Ezekiel kapag naiisip ang tungkol sa templo ng Diyos sa Jerusalem?
2 Tiyak na nalulumbay ang tapat na propetang si Ezekiel kapag naiisip niya na ang templo ng Diyos ay nasa kaguhuan daan-daang kilometro ang layo mula sa kinaroroonan niya, anupat naging tiwangwang na dakong pinamumugaran ng mababangis na hayop. (Jeremias 9:11) Ang kaniyang sariling ama, si Buzi, ay naglingkod doon bilang isang saserdote. (Ezekiel 1:3) Natamasa rin sana ni Ezekiel ang pribilehiyong iyon, ngunit nang siya’y bata pa, dinala siyang bihag kasama ng mararangal na tao ng Jerusalem noong 617 B.C.E. Ngayong siya’y mga 50 taong gulang na, malamang na batid ni Ezekiel na hindi na niya kailanman makikita pang muli ang Jerusalem ni magkakaroon man siya ng anumang bahagi sa muling pagtatayo ng templo nito. Kaya gunigunihin ang pagkaantig ni Ezekiel nang matanggap niya ang pangitain tungkol sa isang maluwalhating templo!
3. (a) Ano ang layunin ng pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo? (b) Ano ang apat na pangunahing bahagi ng pangitain?
3 Ang malawak na pangitaing ito, na siyang nilalaman ng siyam na kabanata ng aklat ni Ezekiel, ay naglaan sa mga ipinatapong taga-Judea ng isang pangakong nakapagpapatibay ng pananampalataya. Isasauli ang dalisay na pagsamba! Sa mga nagdaang siglo mula noon, maging hanggang sa ating panahon, ang pangitaing ito ay naging bukal ng pampatibay-loob sa mga umiibig kay Jehova. Paano nagkagayon? Suriin natin ang naging kahulugan para sa mga ipinatapong Israelita ng makahulang pangitain ni Ezekiel. Mayroon itong apat na pangunahing bahagi: ang templo, ang pagkasaserdote, ang pinuno, at ang lupain.
Itinayong Muli ang Templo
4. Saan dinala si Ezekiel sa pagsisimula ng kaniyang pangitain, ano ang nakita niya roon, at sino ang naging giya niya sa paglilibot?
4 Bilang pasimula, si Ezekiel ay dinala sa “isang napakataas na bundok.” Sa gawing timog ng bundok ay naroroon ang isang templo na ubod ng laki, gaya ng isang lunsod na napapaderan. Ipinagsama ng isang anghel, na “ang anyo ay tulad ng anyo ng tanso,” ang propeta upang lumibot sa dakong iyon. (Ezekiel 40:2, 3) Sa pagpapatuloy ng pangitain, namasdan ni Ezekiel ang maingat na pagsukat ng anghel sa tatlong magkakatulad na pares ng mga pintuang-daan ng templo pati na ang mga silid-bantayan nito, isang looban sa dakong labas, isang looban sa dakong loob, mga silid-kainan, isang altar, at ang santuwaryo ng templo pati na ang Banal at Kabanal-banalang mga silid nito.
5. (a) Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova kay Ezekiel? (b) Ano ang “mga bangkay ng kanilang mga hari” na kinailangang alisin sa templo, at bakit mahalaga ito?
5 Pagkatapos, si Jehova mismo ay nagpakita sa pangitain. Pumasok siya sa templo at tiniyak kay Ezekiel na Siya ay tatahan doon. Ngunit ipinag-utos Niya ang paglilinis sa Kaniyang bahay, anupat sinabi: “Iwan nila ngayon ang kanilang pakikiapid at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako’y tatahan sa gitna nila hanggang sa panahong walang takda.” (Ezekiel 43:2-4, 7, 9) Itong “mga bangkay ng kanilang mga hari” ay maliwanag na tumutukoy sa mga idolo. Dinumhan ng rebelyosong mga tagapamahala at mga tao sa Jerusalem ang templo ng Diyos sa pamamagitan ng mga idolo at, sa diwa, ginawang hari ang mga ito. (Ihambing ang Amos 5:26.) Palibhasa’y talagang hindi buháy na mga diyos o hari, ang mga ito ay patay at maruruming bagay sa paningin ni Jehova. Dapat alisin ang mga ito.—Levitico 26:30; Jeremias 16:18.
6. Ano ang kahulugan ng pagsukat sa templo?
6 Ano ba ang itinuturo ng bahaging ito ng pangitain? Tiniyak nito sa mga ipinatapon ang ganap na pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa templo ng Diyos. Karagdagan pa, ang pagsukat sa templo ay naglaan ng garantiya mula sa Diyos na ang pangitain ay tiyak na matutupad. (Ihambing ang Jeremias 31:39, 40; Zacarias 2:2-8.) Aalisin ang lahat ng bahid ng idolatriya. Muli na namang pagpapalain ni Jehova ang kaniyang bahay.
Ang Pagkasaserdote at ang Pinuno
7. Anong impormasyon ang ibinigay tungkol sa mga Levita at mga saserdote?
7 Ang pagkasaserdote ay sasailalim din sa isang proseso ng paglilinis o pagdadalisay. Sasawayin ang mga Levita dahil sa pagbibigay-daan sa idolatriya, samantalang pupurihin at gagantimpalaan ang mga saserdoteng anak ni Zadok dahil sa pananatiling malinis.a Gayunpaman, ang dalawang grupong ito ay bibigyan ng katungkulan sa paglilingkod sa muling-itinayong bahay ng Diyos—walang-alinlangang depende sa kanilang katapatan bilang mga indibiduwal. Karagdagan pa, ipinahayag ni Jehova: “At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal na bagay at ng bagay na di-banal; at ang pagkakaiba ng kung ano ang di-malinis at ng kung ano ang malinis ay ipakikilala nila sa kanila.” (Ezekiel 44:10-16, 23) Kaya ibabalik ang pagkasaserdote, at gagantimpalaan ang tapat na pagbabata ng mga saserdote.
8. (a) Sino ang mga pinuno sa sinaunang Israel? (b) Sa anu-anong paraan aktibo sa dalisay na pagsamba ang pinuno sa pangitain ni Ezekiel?
8 Ang pangitain ay bumanggit din ng isa na tinatawag na pinuno. Mula pa noong panahon ni Moises, ang bansa ay nagkaroon na ng mga pinuno. Ang salitang Hebreo para sa pinuno, ang na·siʼʹ, ay maaaring tumukoy sa isang ulo ng isang paternal na sambahayan, isang tribo, o maging sa isang bansa. Sa pangitain ni Ezekiel, ang mga tagapamahala ng Israel bilang isang grupo ay sinaway dahil sa pang-aapi sa bayan at sila’y pinayuhan na maging walang-kinikilingan at makatarungan. Bagaman hindi kabilang sa uring saserdote, ang isang pinuno ay aktibo sa dalisay na pagsamba sa isang mahalagang paraan. Labas-pasok siya sa looban sa dakong labas kasama ng mga di-saserdoteng tribo, umuupo sa portiko ng Silangang Pintuang-daan, at naglalaan ng ilan sa mga hain na ihahandog ng bayan. (Ezekiel 44:2, 3; 45:8-12, 17) Kaya tiniyak ng pangitain sa bayan ni Ezekiel na ang isinauling bansa ay pagpapalain sa pamamagitan ng huwarang mga lider, mga lalaking tatangkilik sa pagkasaserdote sa pag-oorganisa sa bayan ng Diyos at magiging maiinam na halimbawa sa espirituwal na mga bagay.
Ang Lupain
9. (a) Paano paghahati-hatian ang lupain, ngunit sino ang hindi bibigyan ng mana? (b) Ano ang banal na abuloy, at ano ang kalakip dito?
9 Sa katapusan, kalakip sa pangitain ni Ezekiel ang pangkalahatang pagtanaw sa lupain ng Israel. Iyon ay paghahati-hatian na may kani-kaniyang bahagi ang bawat tribo. Bibigyan din ng mana ang pinuno. Gayunman, hindi bibigyan ng mana ang mga saserdote, sapagkat sinabi ni Jehova, “Ako ang kanilang mana.” (Ezekiel 44:10, 28; Bilang 18:20) Ipinakita ng pangitain na ang ibinigay na lupain sa pinuno ay matatagpuan sa alinmang panig ng isang pantanging lugar na tinatawag na banal na abuloy. Ito ay isang kuwadradong sukat ng lupain na hahatiin sa tatlong bahagi—ang gawing itaas para sa nagsisising mga Levita, ang gitna para sa mga saserdote, at ang gawing ibaba para sa lunsod at sa mabungang lupain nito sa magkabilang panig. Ang templo ni Jehova ay itatayo sa lupain na bahagi ng mga saserdote, sa gitna ng kuwadradong abuloy.—Ezekiel 45:1-7.
10. Ano ang kahulugan ng hula tungkol sa paghahati ng lupain para sa tapat na mga taga-Judea na ipinatapon?
10 Tiyak na dahil dito ay nabuhayan ng pag-asa ang mga ipinatapong iyon! Bawat pamilya ay tiyak na magmamana ng lupain. (Ihambing ang Mikas 4:4.) Ang dalisay na pagsamba ay magkakaroon ng mataas at pangunahing dako roon. At pansinin na sa pangitain ni Ezekiel, ang pinuno, tulad ng mga saserdote, ay maninirahan sa lupain na iniabuloy ng mga tao. (Ezekiel 45:16) Kaya sa isinauling lupain, ang mga tao ay mag-aabuloy para sa gawain niyaong mga inatasan ni Jehova na manguna, anupat sinusuportahan sila sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanilang pangunguna. Sa kabuuan, ang lupaing ito ay isang larawan ng kaayusan, pagtutulungan, at katiwasayan.
11, 12. (a) Paano makahulang tinitiyak ni Jehova sa kaniyang bayan na pagpapalain niya ang kanilang isinauling lupang tinubuan? (b) Ano ang inilalarawan ng mga punungkahoy sa kahabaan ng mga pampang ng ilog?
11 Pagpapalain kaya ni Jehova ang kanilang lupain? Sinasagot ng hula ang tanong na ito sa pamamagitan ng isang nakaaantig na paglalarawan. Mula sa templo ay umaagos ang isang batis, na unti-unting lumalaki hanggang sa nagiging isang hugusan pagpasok nito sa Dagat na Patay. Doon ay binubuhay nito ang walang-buhay na tubig, at lumalago ang industriya ng pangingisda sa kahabaan ng dalampasigan. Naroroon sa mga pampang ang maraming punungkahoy na nagbubunga sa buong taon, anupat naglalaan ng pagkain at pagpapagaling.—Ezekiel 47:1-12.
12 Sa mga ipinatapon, inuulit at pinatitibay ng pangakong ito ang naunang mga hula tungkol sa pagsasauli na kanilang inasam-asam. Hindi lamang miminsan na inilarawan ng mga kinasihang propeta ni Jehova ang isang isinauli at muling-pinanahanang Israel sa malaparaisong mga kalagayan. Paulit-ulit na tema ng mga hula ang panunumbalik ng buhay sa tiwangwang na mga pook. (Isaias 35:1, 6, 7; 51:3; Ezekiel 36:35; 37:1-14) Kaya makaaasa ang bayan na ang nagbibigay-buhay na mga pagpapala ni Jehova ay aagos na parang isang ilog mula sa muling-itinayong templo. Dahil dito, muling mabubuhay ang isang bansa na patay sa espirituwal. Ang ibinalik na bayan ay pagpapalain sa pamamagitan ng natatanging espirituwal na mga lalaki—mga lalaking matuwid at matatag gaya ng mga punungkahoy sa kahabaan ng mga pampang sa pangitain, mga lalaking mangunguna sa pagsasauli ng tiwangwang na lupain. Sumulat din naman si Isaias tungkol sa “malalaking punungkahoy ng katuwiran” na ‘muling magtatayo sa mga dakong matagal nang wasak.’—Isaias 61:3, 4.
Kailan Natupad ang Pangitain?
13. (a) Sa anong diwa pinagpala ni Jehova ang kaniyang isinauling bayan sa pamamagitan ng “malalaking punungkahoy ng katuwiran”? (b) Paano natupad ang hula tungkol sa Dagat na Patay?
13 Nabigo ba ang mga ipinatapong nagsibalik? Hinding-hindi! May mga nalabi na nakabalik sa kanilang minamahal na lupang tinubuan noong 537 B.C.E. Nang maglaon, sa ilalim ng patnubay ng “malalaking punungkahoy ng katuwiran”—gaya ng eskribang si Ezra, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias, at ang Mataas na Saserdoteng si Josue—muling naitayo ang mga dakong matagal nang wasak. Ang mga pinunong gaya nina Nehemias at Zerubabel ay namahala sa lupain nang walang-kinikilingan at makatarungan. Muling naitayo ang templo ni Jehova, at ang kaniyang mga paglalaan para sa buhay—ang mga pagpapala ng pamumuhay ayon sa kaniyang tipan—ay muling dumaloy. (Deuteronomio 30:19; Isaias 48:17-20) Ang isang pagpapala ay ang kaalaman. Naibalik ang paglilingkod ng mga saserdote, at tinuruan ng mga saserdote ang bayan tungkol sa Batas. (Malakias 2:7) Bunga nito, ang bayan ay nanumbalik sa espirituwal at muling naging mabungang mga lingkod ni Jehova, gaya ng inilalarawan ng pagpapagaling sa Dagat na Patay at pagkakaroon ng isang mabungang industriya ng pangingisda.
14. Bakit magkakaroon ng katuparan ang hula ni Ezekiel na hihigit sa nangyari pagkatapos na makabalik ang mga Judio mula sa pagkakatapon sa Babilonya?
14 Ang mga pangyayaring ito ba lamang ang katuparan ng pangitain ni Ezekiel? Hindi; sapagkat may higit na dakilang bagay na tinutukoy. Isipin ito: Ang templo na nakita ni Ezekiel ay hindi naman talagang maitatayo ayon sa pagkakalarawan dito. Totoo, dinibdib ng mga Judio ang pangitaing iyan at literal pa ngang ikinapit ang ilang detalye.b Gayunman, ang kabuuan ng templo sa pangitain ay napakalaki para magkasiya sa Bundok Moria, ang lokasyon ng dating templo. Karagdagan pa, ang templo ni Ezekiel ay wala sa lunsod kundi nasa isang hiwalay na sukat ng lupa sa kalayuan, samantalang ang pangalawang templo ay itinayo sa dating kinaroroonan ng naunang templo, sa lunsod ng Jerusalem. (Ezra 1:1, 2) Isa pa, walang literal na ilog na umagos kailanman mula sa templo ng Jerusalem. Kaya ang nakita ng sinaunang Israel ay isa lamang maliit na katuparan ng hula ni Ezekiel. Ipinahihiwatig nito na tiyak na mayroong mas dakilang espirituwal na katuparan ang hulang ito.
15. (a) Kailan umiral ang espirituwal na templo ni Jehova? (b) Ano ang nagpapahiwatig na ang pangitain ni Ezekiel ay hindi natupad noong nabubuhay si Kristo sa lupa?
15 Maliwanag, kailangan nating hanapin ang pangunahing katuparan ng pangitain ni Ezekiel sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova, na detalyadong tinalakay ni apostol Pablo sa aklat ng Mga Hebreo. Umiral ang templong iyan nang si Jesu-Kristo ay pahiran bilang Mataas na Saserdote nito noong 29 C.E. Ngunit natupad ba ang pangitain ni Ezekiel noong kaarawan ni Jesus? Lumilitaw na hindi. Bilang Mataas na Saserdote, tinupad ni Jesus ang makahulang diwa ng Araw ng Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng kaniyang bautismo, ng kaniyang sakripisyong kamatayan, at ng kaniyang pagpasok sa Kabanal-banalang dako, ang langit mismo. (Hebreo 9:24) Subalit kapansin-pansin, ni minsan ay hindi binanggit sa pangitain ni Ezekiel ang alinman sa mataas na saserdote o ang Araw ng Pagbabayad-sala. Kaya malamang na hindi tumutukoy ang pangitaing ito sa unang siglo C.E. Kung gayon, sa anong yugto ng panahon ito kumakapit?
16. Anong iba pang hula ang ipinaaalaala sa atin ng tagpo sa pangitain ni Ezekiel, at paano ito tumutulong sa atin na makilala ang panahon ng pangunahing katuparan ng pangitain ni Ezekiel?
16 Para sa sagot, balikan natin ang pangitain mismo. Sumulat si Ezekiel: “Sa mga pangitain mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel at dahan-dahan akong inilagay sa isang napakataas na bundok, na doo’y mayroong gaya ng kayarian ng isang lunsod sa timugan.” (Ezekiel 40:2) Ang tagpo sa pangitaing ito, ang “napakataas na bundok,” ay nagpapaalaala sa atin ng Mikas 4:1: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay matataas pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan.” Kailan matutupad ang hulang ito? Ipinakikita ng Mikas 4:5 na magsisimula ito samantalang sumasamba pa ang mga bansa sa mga diyus-diyosan. Sa katunayan, sa ating kapanahunan, ang “huling bahagi ng mga araw,” itinaas ang dalisay na pagsamba, anupat ibinalik sa wastong dako nito sa buhay ng mga lingkod ng Diyos.
17. Paano tumutulong sa atin ang hula sa Malakias 3:1-5 upang matiyak kung kailan nilinis ang templo sa pangitain ni Ezekiel?
17 Paano naging posible ang pagsasauling ito? Tandaan, sa pinakamahalagang pangyayari sa pangitain ni Ezekiel, si Jehova ay pumaroon sa templo at ipinag-utos na linisin ang kaniyang bahay mula sa idolatriya. Kailan nilinis ang espirituwal na templo ng Diyos? Sa Malakias 3:1-5, inihula ni Jehova ang panahon na doo’y “darating [siya] sa Kaniyang templo” kasama ng kaniyang “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo. Ang layunin? “Siya ay magiging tulad ng apoy ng tagapagdalisay at tulad ng lihiya ng mga tagapaglaba.” Ang pagdadalisay na ito ay nagsimula noong panahon ng unang digmaang pandaigdig. Ang resulta? Nanahanan si Jehova sa kaniyang bahay at pinagpala ang espirituwal na lupain ng kaniyang bayan mula 1919 patuloy. (Isaias 66:8) Kung gayon, maaari nating sabihin na ang hula ni Ezekiel tungkol sa templo ay nagkakaroon ng mahalagang katuparan sa mga huling araw.
18. Kailan magkakaroon ng pangwakas na katuparan ang pangitain tungkol sa templo?
18 Tulad ng ibang mga hula hinggil sa pagsasauli, ang pangitain ni Ezekiel ay may karagdagang katuparan, ang pangwakas na katuparan, sa Paraiso. Pagsapit ng panahong iyon ay saka lamang tatanggapin ng tapat-pusong mga tao ang lubos na mga pakinabang ng kaayusan ng Diyos sa templo. Pagkatapos ay ilalapat ni Kristo ang halaga ng kaniyang haing pantubos, kasama ng kaniyang makalangit na mga saserdote na binubuo ng 144,000. Ang lahat ng mga taong masunuring sakop ng pamamahala ni Kristo ay aakayin tungo sa kasakdalan. (Apocalipsis 20:5, 6) Gayunman, hindi maaaring sa Paraiso ang pangunahing panahon ng katuparan ng pangitain ni Ezekiel. Bakit hindi?
Ang Pangitain ay Nakatuon sa Ating Panahon
19, 20. Bakit tiyak na mangyayari sa ngayon ang pangunahing katuparan ng pangitain at hindi sa Paraiso?
19 Nakita ni Ezekiel ang isang templong kailangan pang linisin mula sa idolatriya at espirituwal na pakikiapid. (Ezekiel 43:7-9) Tiyak na hindi ito maaaring kumapit sa pagsamba kay Jehova sa Paraiso. Isa pa, ang mga saserdote sa pangitain ay lumalarawan sa pinahirang uring saserdote habang nasa lupa pa sila, hindi pagkatapos ng kanilang pagkabuhay-muli sa langit o sa panahon ng Milenyo. Bakit? Pansinin na ang mga saserdote ay inilalarawan na naglilingkod sa looban sa dakong loob. Ipinakita na ng mga naunang artikulo sa Ang Bantayan na ang loobang ito ay lumalarawan sa bukod-tanging katayuan ng mga katulong na saserdote ni Kristo habang nasa lupa pa sila.c Pansinin din na idiniriin ng pangitain ang di-kasakdalan ng mga saserdote. Sinabihan sila na maghandog ng mga hain para sa sarili nilang mga kasalanan. Binabalaan sila hinggil sa panganib na maging marumi—sa espirituwal at sa moral. Kaya hindi sila lumalarawan sa binuhay-muling mga pinahiran, na tungkol sa kanila’y sumulat si apostol Pablo: “Ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangong walang-kasiraan.” (1 Corinto 15:52; Ezekiel 44:21, 22, 25, 27) Ang mga saserdote sa pangitain ay tuwirang nakikihalubilo at naglilingkod sa mga tao. Hindi ito magkakaganito sa Paraiso, kapag nasa langit na ang uring saserdote. Samakatuwid, ang pangitain ay naglalaan ng isang mainam na larawan hinggil sa matalik na paggawang magkakasama ng pinahiran at ng “malaking pulutong” sa lupa ngayon.—Apocalipsis 7:9; Ezekiel 42:14.
20 Kaya ang pangitain ni Ezekiel sa templo ay nagpapahiwatig ng kapaki-pakinabang na epekto ng espirituwal na paglilinis na natutupad ngayon. Ngunit ano ang kahulugan nito para sa iyo? Ito’y hindi isang mahirap unawaing palaisipan ng teolohiya lamang. Malaki ang kinalaman ng pangitaing ito sa iyong sariling pang-araw-araw na pagsamba sa tanging Diyos na totoo, si Jehova. Sa ating susunod na artikulo, makikita natin kung paano nagkagayon.
[Mga talababa]
a Maaaring personal na naantig si Ezekiel dito, sapagkat sinasabi na siya mismo ay mula sa makasaserdoteng pamilya ni Zadok.
b Halimbawa, ipinahihiwatig ng sinaunang Mishnah na sa muling itinayong templo, ang altar, ang dalawang-pohas na mga pintuan ng templo, at ang mga lugar sa pagluluto ay itinayo alinsunod sa pangitain ni Ezekiel.
c Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 1996, pahina 16; Disyembre 1, 1972 (sa Ingles), pahina 718.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang unang katuparan ng pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo at sa pagkasaserdote nito?
◻ Paano nagkaroon ng unang katuparan ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa pagbabahagi ng lupain?
◻ Sa pagsasauli sa sinaunang Israel, sino ang gumanap bilang tapat na mga pinuno at sino ang gumanap bilang “malalaking punungkahoy ng katuwiran”?
◻ Bakit sa mga huling araw nagkakaroon ng pangunahing katuparan ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo?