Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jy kab. 4 p. 16-p. 17 par. 3
  • Maria—Nagdadalang-Tao Pero Walang Asawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maria—Nagdadalang-Tao Pero Walang Asawa
  • Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Kaparehong Materyal
  • Nagdadalantao Ngunit Walang Asawa
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Nagdadalangtao Ngunit Walang Asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Narito! Ang Aliping Babae ni Jehova!”
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
jy kab. 4 p. 16-p. 17 par. 3
Sinasabi ni Maria kay Jose na nagdadalang-tao siya

KABANATA 4

Maria—Nagdadalang-Tao Pero Walang Asawa

MATEO 1:18-25 LUCAS 1:56

  • NALAMAN NI JOSE NA NAGDADALANG-TAO SI MARIA

  • NAGING ASAWA NI JOSE SI MARIA

Nasa ikaapat na buwan na ng pagdadalang-tao si Maria. Alalahanin na dumalaw siya sa kamag-anak niyang si Elisabet na nakatira sa mga burol ng Juda sa timog at nanatili roon sa unang mga buwan ng kaniyang pagdadalang-tao. Pero ngayon, nakauwi na si Maria sa Nazaret. Malapit nang malaman ng mga tao na nagdadalang-tao siya. Kaya tiyak na balisang-balisa si Maria!

Ang malala pa rito, nakatakda nang ikasal si Maria sa karpinterong si Jose. Alam niya na ayon sa Kautusan ng Diyos sa Israel, ang isang dalaga na nakatakda nang ikasal pero pumayag na makipagtalik sa ibang lalaki ay babatuhin hanggang sa mamatay. (Deuteronomio 22:23, 24) Kaya kahit na hindi naman talaga nagtaksil si Maria, malamang na nag-aalala siya kung paano ipaliliwanag kay Jose ang tungkol sa kaniyang pagdadalang-tao at kung ano ang kalalabasan nito.

Tatlong buwang nawala si Maria, kaya tiyak na sabik na sabik si Jose na makita siya. Nang magkita sila, malamang na ginawa ni Maria ang buong makakaya niya para ipaliwanag kay Jose na nagdadalang-tao siya sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Pero gaya ng maiisip mo, tiyak na napakahirap para kay Jose na maintindihan at paniwalaan iyon.

Alam ni Jose na si Maria ay mabuting babae at may magandang reputasyon. Isa pa, mahal na mahal niya ito. Pero sa kabila ng mga paliwanag ni Maria, hindi maiaalis kay Jose na isiping nakipagtalik ito sa ibang lalaki. Ayaw ni Jose na si Maria ay malagay sa kahihiyan o batuhin hanggang sa mamatay; kaya ipinasiya niyang diborsiyuhin ito nang palihim. Noon, ang mga nakatakda nang ikasal ay itinuturing nang mag-asawa, at kailangan ang diborsiyo para putulin ang pakikipagtipan.

Nagpakita kay Jose sa panaginip ang anghel ni Jehova

Nang maglaon, habang pinag-iisipan ni Jose ang mga bagay-bagay, nakatulog siya. Ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya sa panaginip at nagsabi: “Huwag kang matakot na pakasalan si Maria, dahil nagdadalang-tao siya sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at Jesus ang ipapangalan mo sa kaniya, dahil ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.”—Mateo 1:20, 21.

Nang magising si Jose, laking pasasalamat niya na naging malinaw sa kaniya ang lahat! Agad niyang sinunod ang sinabi ng anghel. Iniuwi niya sa kaniyang bahay si Maria. Ang ginawang ito ni Jose ay nagsisilbing seremonya sa kasal para ipakita sa madla na sila ni Maria ay mag-asawa na. Pero hindi nakipagtalik si Jose kay Maria habang ipinagbubuntis nito si Jesus.

Nakasakay si Maria sa asno habang ikinakarga ni Jose ang kanilang mga gamit

Pagkalipas ng ilang buwan, kinailangang maghanda nina Jose at Maria, na noo’y malapit nang manganak, para maglakbay nang malayo mula sa Nazaret. Pero bakit kailangan nilang maglakbay gayong kabuwanan na ni Maria?

  • Ano kaya ang inisip ni Jose nang malaman niyang buntis si Maria, at bakit?

  • Paano madidiborsiyo ni Jose si Maria gayong hindi pa naman sila kasal?

  • Ano ang ginawa ni Jose para ipakita sa madla na mag-asawa na sila ni Maria?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share