Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
DISYEMBRE 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 9-11
“Isang Malupit na Mang-uusig ang Naging Masigasig na Saksi”
(Gawa 9:1, 2) Ngunit si Saul, sumisilakbo pa ng pagbabanta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon, ay pumaroon sa mataas na saserdote 2 at humingi sa kaniya ng mga liham para sa mga sinagoga sa Damasco, upang madala niyang nakagapos sa Jerusalem ang sinumang masumpungan niyang kabilang sa Daan, kapuwa mga lalaki at mga babae.
“Nagkaroon ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon
BAKAS na bakas sa mukha ng mga manlalakbay ang matinding galit habang papalapít sila sa Damasco, kung saan isasagawa nila ang kanilang maitim na balak. Kakaladkarin nila ang mga alagad ni Jesus palabas ng bahay ng mga ito. Gagapusin, hihiyain, at dadalhin nila ang mga ito sa Jerusalem upang matikman ang poot ng Sanedrin.
2 Si Saul, ang lider ng mga mang-uumog, ay nasangkot na sa pagpatay sa isang indibiduwal. Kamakailan lamang, pinanood niya ang pagbato ng kaniyang mga kapuwa panatiko kay Esteban, isang tapat na alagad ni Jesus, hanggang sa mamatay ito. (Gawa 7:57–8:1) Palibhasa’y hindi nakontento si Saul sa pag-usig sa mga tagasunod ni Jesus na nakatira sa Jerusalem, nagpasimuno siya ng isang malagim at malawakang pang-uusig. Gusto niyang sugpuin ang salot na sektang kilala bilang ang “Daan.”—Gawa 9:1, 2; tingnan ang kahong “Ang Awtoridad ni Saul sa Damasco,” sa pahina 61.
(Gawa 9:15, 16) Ngunit sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel. 16 Sapagkat ipakikita ko sa kaniya nang malinaw kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang pagdusahan dahil sa aking pangalan.”
Pahalagahan si Jehova Bilang Ating Magpapalayok
4 Hindi tumitingin si Jehova sa panlabas na anyo ng tao. Sa halip, sinusuri niya ang puso, ang panloob na pagkatao. (Basahin ang 1 Samuel 16:7b.) Ipinakita ito ng Diyos nang itatag niya ang kongregasyong Kristiyano. Inilapit niya sa kaniyang sarili at sa kaniyang Anak ang maraming indibiduwal na waring di-kanais-nais sa tingin ng tao. (Juan 6:44) Ang isa sa mga ito ay ang Pariseo na si Saul—“isang mamumusong at isang mang-uusig at isang taong walang pakundangan.” (1 Tim. 1:13) Pero para sa “tagasuri ng mga puso,” si Saul ay hindi isang luwad na walang silbi. (Kaw. 17:3) Nakita ng Diyos na maaaring hubugin si Saul para maging isang kanais-nais na sisidlan—sa katunayan, “isang piniling sisidlan” upang magpatotoo “sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:15) Kasama sa itinuring ng Diyos na maaaring maging sisidlan “para sa marangal na gamit” ay ang mga dating lasenggo, imoral, at mga magnanakaw. (Roma 9:21; 1 Cor. 6:9-11) Habang nagtatamo sila ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at pinatitibay ang kanilang pananampalataya, nagpapahubog sila kay Jehova.
(Gawa 9:20-22) at sa mga sinagoga ay kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos. 21 Ngunit ang lahat niyaong mga nakarinig sa kaniya ay nanggilalas at nagsabi: “Hindi ba ito ang taong sumalanta sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito, at siyang pumarito sa mismong layuning ito, upang madala niya silang nakagapos sa mga punong saserdote?” 22 Ngunit si Saul ay lalo pang nagtatamo ng lakas at nililito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.
“Nagkaroon ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon
15 Isip-isipin na lamang ang pagkabigla, pangingilabot, at galit na nadama ng mga tao nang magsimulang mangaral si Saul tungkol kay Jesus sa mga sinagoga! “Hindi ba ito ang taong sumalanta sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito?” ang tanong nila. (Gawa 9:21) Habang ipinaliliwanag ni Saul kung bakit siya nagbago ng saloobin tungkol kay Jesus, “pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.” (Gawa 9:22) Pero hindi lahat ng tao ay makukuha sa lohika. Hindi nito mababago ang isip ng mga taong nakatali sa tradisyon ni ang puso ng mga taong mapagmapuri. Pero hindi pa rin sumuko si Saul.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 9:4) at nabuwal siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: “Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?”
“Nagkaroon ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon
5 Nang patigilin ni Jesus si Saul habang nasa daan ito papunta sa Damasco, itinanong niya: “Bakit mo ako pinag-uusig?” (Gawa 9:4) Pansinin na hindi niya sinabi: “Bakit mo pinag-uusig ang mga alagad ko?” Oo, damang-dama ni Jesus ang mga pagsubok na dinaranas ng kaniyang mga tagasunod.—Mat. 25:34-40, 45.
6 Kung sinisiil ka man dahil sa iyong pananampalataya kay Kristo, makatitiyak kang alam ni Jehova at ni Jesus ang kalagayan mo. (Mat. 10:22, 28-31) Maaaring hindi agad alisin ni Jehova ang pagsubok. Tandaan, nasaksihan ni Jesus ang pagkakasangkot ni Saul sa pagpatay kay Esteban, at nakita Niyang kinaladkad ni Saul ang tapat na mga alagad palabas ng kani-kanilang bahay sa Jerusalem. (Gawa 8:3) Pero hindi namagitan si Jesus nang panahong iyon. Gayunman, sa pamamagitan ni Kristo, binigyan ni Jehova si Esteban at ang iba pang mga alagad ng lakas na kailangan nila upang makapanatiling tapat.
(Gawa 10:6) Ang taong ito ay nakikipanuluyan sa isang Simon, isang mangungulti, na may bahay sa tabi ng dagat.”
nwtsty study note sa Gaw 10:6
Simon, isang mangungulti: Ang isang mangungulti ay gumagamit ng tinimplang apog para alisin ang anumang balahibo, laman, o taba na naiwan sa balat ng hayop. Pagkatapos, papahiran niya ito ng matapang na likido para magamit sa paggawa ng mga materyales na katad. Mabaho ang pangungulti at kailangan ng maraming tubig, at malamang na ito ang dahilan kaya nakatira si Simon sa tabi ng dagat, posibleng sa baybayin ng Jope. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang taong humahawak ng bangkay ng hayop ay marumi sa seremonyal na paraan. (Lev 5:2; 11:39) Kaya minamaliit ng maraming Judio ang mga mangungulti at ayaw nilang tumira kasama ng mga ito. Sinabi pa nga ng Talmud na ang mangungulti ay mas mababa pa kaysa sa tagakolekta ng dumi ng hayop. Pero hindi nagpaapekto si Pedro sa ganitong kaisipan. Nakituloy pa rin siya sa bahay ni Simon. Ang pagiging bukás ng isip niya ay nakatulong para maging handa siya sa sumunod niyang atas—ang pagdalaw sa isang Gentil sa bahay nito. Sinasabi ng ilang iskolar na ang salitang Griego para sa “mangungulti” (byr·seusʹ) ay apelyido ni Simon.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 9:10-22) Sa Damasco ay may isang alagad na nagngangalang Ananias, at sinabi ng Panginoon sa kaniya sa pangitain: “Ananias!” Sinabi niya: “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bumangon ka, pumaroon ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at sa bahay ni Hudas ay hanapin mo ang isang lalaki na nagngangalang Saul, mula sa Tarso. Sapagkat, narito! nananalangin siya, 12 at sa isang pangitain ay nakakita siya ng isang lalaki na nagngangalang Ananias na pumasok at nagpatong ng mga kamay nito sa kaniya upang manumbalik ang kaniyang paningin.” 13 Ngunit sumagot si Ananias: “Panginoon, narinig ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano karaming nakapipinsalang mga bagay ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 At dito ay may awtoridad siya mula sa mga punong saserdote na igapos ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel. 16 Sapagkat ipakikita ko sa kaniya nang malinaw kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang pagdusahan dahil sa aking pangalan.” 17 Kaya si Ananias ay umalis at pumasok sa bahay, at ipinatong niya sa kaniya ang kaniyang mga kamay at sinabi: “Saul, kapatid, ang Panginoon, ang Jesus na nagpakita sa iyo sa daan na nilalakaran mo, ay nagsugo sa akin, upang manumbalik ang iyong paningin at mapuspos ka ng banal na espiritu.” 18 At kaagad na nalaglag mula sa kaniyang mga mata ang sa wari ay mga kaliskis, at nanumbalik ang kaniyang paningin; at siya ay tumindig at nabautismuhan, 19 at siya ay kumain at lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad sa Damasco, 20 at sa mga sinagoga ay kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos. 21 Ngunit ang lahat niyaong mga nakarinig sa kaniya ay nanggilalas at nagsabi: “Hindi ba ito ang taong sumalanta sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito, at siyang pumarito sa mismong layuning ito, upang madala niya silang nakagapos sa mga punong saserdote?” 22 Ngunit si Saul ay lalo pang nagtatamo ng lakas at nililito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.
DISYEMBRE 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 12-14
“Gumawa ng mga Alagad Sina Bernabe at Pablo sa Malalayong Lugar”
(Gawa 13:2, 3) Samantalang sila ay hayagang naglilingkod kay Jehova at nag-aayuno, ang banal na espiritu ay nagsabi: “Sa lahat ng mga tao ay ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saul ukol sa gawaing itinawag ko sa kanila.” 3 Nang magkagayon ay nag-ayuno sila at nanalangin at ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay at pinayaon sila.
“Napuspos ng Kagalakan at ng Banal na Espiritu”
4 Pero bakit kaya partikular na pinili ng banal na espiritu sina Bernabe at Saul para ibukod ‘ukol sa gawain’? (Gawa 13:2) Hindi binabanggit ng Bibliya ang dahilan. Basta ang alam natin, ginabayan ng banal na espiritu ang pagpili sa mga lalaking ito. Walang pahiwatig na tinutulan ng mga propeta at ng mga guro sa Antioquia ang desisyong ito. Sa halip, lubos nilang sinuportahan ang pag-aatas na ito. Isip-isipin na lamang ang nadama nina Bernabe at Saul nang ang kanilang espirituwal na mga kapatid ay ‘mag-ayuno at manalangin at ipatong sa kanila ang kanilang mga kamay at payaunin sila’ nang walang halong pagkainggit. (Gawa 13:3) Dapat din nating suportahan ang mga nabibigyan ng teokratikong mga atas, pati na ang mga lalaking hinihirang na maging mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Sa halip na kainggitan sila, dapat na “bigyan sila ng higit pa kaysa di-pangkaraniwang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.”—1 Tes. 5:13.
(Gawa 13:12) Nang magkagayon ang proconsul, sa pagkakita sa nangyari, ay naging mananampalataya, sapagkat lubha siyang namangha sa turo ni Jehova.
(Gawa 13:48) Nang marinig ito niyaong mga mula sa mga bansa, sila ay nagsimulang magsaya at lumuwalhati sa salita ni Jehova, at ang lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.
(Gawa 14:1) At sa Iconio ay magkasama silang pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nagsalita nang gayon na lamang anupat isang malaking karamihan ng kapuwa mga Judio at mga Griego ang naging mga mananampalataya.
“Pagsasalita Nang May Katapangan sa Pamamagitan ng Awtoridad ni Jehova”
5 Unang pinuntahan nina Pablo at Bernabe ang Iconio, isang lugar kung saan nananaig pa rin ang kulturang Griego at isang napakahalagang lunsod ng Romanong lalawigan ng Galacia. May maiimpluwensiyang Judio na naninirahan sa lunsod na iyon, at marami ring di-Judiong proselita roon. Gaya ng nakaugalian na nina Pablo at Bernabe, pumasok sila sa sinagoga at nagsimulang mangaral. (Gawa 13:5, 14) Sila ay “nagsalita nang gayon na lamang anupat isang malaking karamihan ng kapuwa mga Judio at mga Griego ang naging mga mananampalataya.”—Gawa 14:1.
(Gawa 14:21, 22) At pagkatapos na maipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at makagawa ng maraming alagad, bumalik sila sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia, 22 na pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya at sinasabi: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.”
Maglingkod Nang Tapat sa Kabila ng “Maraming Kapighatian”
4 Pagkatapos dumalaw sa Derbe, sina Pablo at Bernabe ay “bumalik . . . sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia, na pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya at sinasabi: ‘Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.’” (Gawa 14:21, 22) Baka magtaka tayo sa pananalitang iyan. Parang hindi naman nakapagpapatibay kung sasabihin sa atin na daranas tayo ng “maraming kapighatian.” Kaya paano napatibay nina Pablo at Bernabe ang mga alagad sa sinabi nila tungkol sa darating na mga kapighatian?
5 Makikita natin ang sagot kung susuriin nating mabuti ang sinabi ni Pablo. Hindi niya sinabi: “Kailangan tayong magbata ng maraming kapighatian.” Sa halip, sinabi niya: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” Dahil idiniin ni Pablo ang positibong resulta ng pananatiling tapat, napalakas niya ang mga alagad. At hindi ilusyon ang gantimpalang iyan. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mat. 10:22.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 12:21-23) Ngunit nang isang takdang araw ay nagdamit si Herodes ng maharlikang kagayakan at umupo sa luklukan ng paghatol at nagsimulang bumigkas sa kanila ng isang pangmadlang pahayag. 22 Ang nagkakatipong mga tao naman ay nagsimulang sumigaw: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” 23 Kaagad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova, sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian; at siya ay kinain ng mga uod at nalagutan ng hininga.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Gawa
12:21-23; 14:14-18. Agad na tinanggap ni Herodes ang kaluwalhatiang dapat lamang ibigay sa Diyos. Ibang-iba ito sa reaksiyon nina Pablo at Bernabe na mabilis at mariing tumanggi sa papuri at parangal na hindi nauukol sa kanila! Hindi tayo dapat maghangad ng papuri para sa anumang maaaring nagawa natin sa paglilingkuran kay Jehova.
(Gawa 13:9) Si Saul, na siya ring si Pablo, nang mapuspos ng banal na espiritu, ay tuminging mabuti sa kaniya
nwtsty study note sa Gaw 13:9
Si Saul, na siya ring si Pablo: Mula sa pagkakataong ito, tinawag nang Pablo si Saul. Ang apostol ay ipinanganak na Hebreo na may pagkamamamayang Romano. (Gaw 22:27, 28; Fil 3:5) Kaya malamang na mula pagkabata, tinatawag na siya sa Hebreong pangalan niyang Saul at sa Romanong pangalan niyang Pablo. Karaniwan lang sa mga Judio nang panahong iyon, lalo na sa mga hindi nakatira sa Israel, na magkaroon ng dalawang pangalan. (Gaw 12:12; 13:1) Ang ilang kapamilya ni Pablo ay mayroon ding Romano at Griegong pangalan. (Ro 16:7, 21) Bilang “apostol sa mga bansa,” inatasan si Pablo na ipangaral ang mabuting balita sa mga di-Judio. (Ro 11:13) Malamang na ginamit niya ang Romanong pangalan niya dahil iniisip niyang magiging mas katanggap-tanggap ito. (Gaw 9:15; Gal 2:7, 8) Sinasabi ng ilan na ginamit niya ang kaniyang Romanong pangalan para bigyang-pugay si Sergio Paulo. Pero lumilitaw na hindi ito totoo, dahil ginamit niya pa rin ang pangalang Pablo kahit wala na siya sa Ciprus. Sinasabi naman ng iba na hindi ginamit ni Pablo ang Hebreong pangalan niya dahil ang bigkas dito ng mga Griego ay katunog ng salita nila para sa isang tao (o hayop) na mayabang maglakad.—Tingnan ang study note sa Gaw 7:58, nwtsty-E.
Pablo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangalang Pauʹlos, na mula sa Latin na Paulus at nangangahulugang “Munti; Maliit,” ay ginamit nang 157 beses para tumukoy kay apostol Pablo at isang beses para tumukoy sa proconsul ng Ciprus na si Sergio Paulo.—Gaw 13:7.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 12:1-17) Nang mga panahon ding iyon ay iniunat ni Herodes na hari ang kaniyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kabilang sa kongregasyon. 2 Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng tabak. 3 Nang makita niyang kalugud-lugod ito sa mga Judio, inaresto rin naman niya si Pedro. (At nangyari, iyon ang mga araw ng mga tinapay na walang pampaalsa.) 4 At pagkadakip sa kaniya, inilagay niya siya sa bilangguan, na ibinibigay siya sa apat na halinhinan ng tig-aapat na kawal upang magbantay sa kaniya, sapagkat binabalak niyang iharap siya sa mga tao pagkatapos ng paskuwa. 5 Dahil dito ay iningatan si Pedro sa bilangguan; ngunit ang pananalangin sa Diyos para sa kaniya ay masidhing isinasagawa ng kongregasyon. 6 At nang malapit na siyang ilabas ni Herodes, nang gabing iyon ay natutulog si Pedro na nakagapos ng dalawang tanikala sa pagitan ng dalawang kawal, at ang bilangguan ay binabantayan ng mga bantay na nasa harap ng pinto. 7 Ngunit, narito! ang anghel ni Jehova ay tumayo sa tabi, at may liwanag na sumikat sa selda ng bilangguan. Pagkatapik kay Pedro sa tagiliran, ginising niya siya, na sinasabi: “Bumangon kang madali!” At ang kaniyang mga tanikala ay nahulog mula sa kaniyang mga kamay. 8 Sinabi sa kaniya ng anghel: “Bigkisan mo ang iyong sarili at itali mo ang iyong mga sandalyas.” Ginawa niya iyon. Sa wakas ay sinabi niya sa kaniya: “Isuot mo ang iyong panlabas na kasuutan at patuloy mo akong sundan.” 9 At siya ay lumabas at patuloy na sumunod sa kaniya, ngunit hindi niya alam na ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel ay tunay. Sa katunayan, inakala niyang nakakakita siya ng isang pangitain. 10 Pagkaraan sa unang guwardiya at sa ikalawa, nakarating sila sa pintuang-daang bakal na patungo sa lunsod, at bumukas ito sa kanila nang kusa. At pagkalabas nila ay bumaba sila ng isang lansangan, at kaagad na humiwalay sa kaniya ang anghel. 11 At si Pedro, nang manauli sa kaniyang sarili, ay nagsabi: “Ngayon ay tunay ngang nalalaman ko na isinugo ni Jehova ang kaniyang anghel at hinango ako mula sa kamay ni Herodes at mula sa lahat ng inaasahan ng bayan ng mga Judio.” 12 At pagkatapos niyang mapag-isipan ito, pumaroon siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na may huling pangalang Marcos, kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin. 13 Nang kumatok siya sa pinto ng pintuang-daan, isang alilang babae na nagngangalang Roda ang pumaroon upang tumugon sa tawag, 14 at, nang makilala ang tinig ni Pedro, dahil sa kagalakan ay hindi niya binuksan ang pintuang-daan, kundi tumakbo siya sa loob at sinabing si Pedro ay nakatayo sa harap ng pintuang-daan. 15 Sinabi nila sa kaniya: “Nababaliw ka.” Ngunit patuloy niyang lubhang iginigiit na gayon nga. Nagsimula silang magsabi: “Iyon ang kaniyang anghel.” 16 Ngunit nanatili roon si Pedro na kumakatok. Nang kanilang buksan, nakita nila siya at nanggilalas. 17 Ngunit sinenyasan niya sila ng kaniyang kamay na tumahimik at sinabi sa kanila nang detalyado kung paano siya inilabas ni Jehova mula sa bilangguan, at sinabi niya: “Ibalita ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid.” Sa gayon ay umalis siya at naglakbay patungo sa ibang dako.
DISYEMBRE 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 15-16
“Nagkakaisang Pasiya na Batay sa Salita ng Diyos”
(Gawa 15:1, 2) At may ilang lalaking bumaba mula sa Judea at nagsimulang magturo sa mga kapatid: “Malibang tuliin kayo ayon sa kaugalian ni Moises ay hindi kayo maliligtas.” 2 Ngunit nang magkaroon ng hindi kakaunting di-pagkakasundo at pakikipagtalo sa kanila nina Pablo at Bernabe, isinaayos nila na sina Pablo at Bernabe at ang ilan sa kanila ay umahon sa Jerusalem sa mga apostol at matatandang lalaki may kinalaman sa pagtatalong ito.
‘Nagkaroon ng Hindi Kakaunting Di-pagkakasundo’
8 Nagpatuloy si Lucas: ‘Nang magkaroon ng hindi kakaunting di-pagkakasundo at pakikipagtalo sina Pablo at Bernabe sa kanila [sa “ilang lalaki”], isinaayos nila [ng matatanda] na sina Pablo at Bernabe at ang ilan sa kanila ay umahon sa Jerusalem sa mga apostol at matatandang lalaki may kinalaman sa pagtatalong ito.’ (Gawa 15:2) Ang pananalitang “di-pagkakasundo at pakikipagtalo” ay nagpapahiwatig na matibay at matatag ang paninindigan ng magkabilang panig, at hindi ito malutas ng kongregasyon sa Antioquia. Alang-alang sa kapayapaan at pagkakaisa, buong-katalinuhang isinaayos ng kongregasyon na iharap ang problema sa “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem, na bumubuo noon sa lupong tagapamahala. Ano ang matututuhan natin sa matatanda sa Antioquia?
(Gawa 15:13-20) Pagkatigil nila sa pagsasalita, sumagot si Santiago, na sinasabi: “Mga lalaki, mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Inilahad ni Symeon nang lubusan kung paanong sa unang pagkakataon ay ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. 15 At dito ay sumasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta, gaya nga ng nasusulat, 16 ‘Pagkatapos ng mga bagay na ito ay babalik ako at muling itatayo ang kubol ni David na nakabuwal; at itatayo kong muli ang mga guho nito at muli itong ititindig, 17 upang may-pananabik na hanapin si Jehova niyaong mga nalabi sa mga tao, kasama ng mga tao ng lahat ng mga bansa, mga taong tinatawag ayon sa aking pangalan, sabi ni Jehova, na siyang gumagawa ng mga bagay na ito, 18 na kilala mula pa noong sinauna.’ 19 Kaya ang aking pasiya ay huwag nang gambalain yaong mga mula sa mga bansa na bumabaling sa Diyos, 20 kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo at sa pakikiapid at sa binigti at sa dugo.
Iginagalang ng mga Tunay na Kristiyano ang Salita ng Diyos
6 Nakatulong sa paglutas ng usapin ang Amos 9:11, 12. Sinipi ito sa Gawa 15:16, 17, na nagsasabi: “Babalik ako at muling itatayo ang kubol ni David na nakabuwal; at itatayo kong muli ang mga guho nito at muli itong ititindig, upang may-pananabik na hanapin si Jehova niyaong mga nalabi sa mga tao, kasama ng mga tao ng lahat ng mga bansa, mga taong tinatawag ayon sa aking pangalan, sabi ni Jehova.”
7 Baka may magsabi, ‘Pero hindi naman sinasabi ng tekstong iyan na hindi na kailangang magpatuli ang mga mananampalatayang Gentil.’ Tama naman iyan; pero naiintindihan na ito ng mga Judiong Kristiyano. Hindi ‘tao ng mga bansa’ ang turing nila sa mga tuling Gentil kundi mga kapatid. (Ex. 12:48, 49) Halimbawa, sa salin ni Bagster sa Septuagint, ganito ang sabi ng Esther 8:17: “Marami sa mga Gentil ang nagpatuli, at naging mga Judio.” Kaya nang sabihin ng Kasulatan na yaong mga nalabi sa sambahayan ng Israel (mga Judio at mga tuling proselitang Judio) kasama ng “mga tao ng lahat ng mga bansa” (di-tuling mga Gentil) ay magiging isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos, malinaw ang mensahe. Hindi na kailangang magpatuli ang mga Gentil na nagnanais maging Kristiyano.
(Gawa 15:28, 29) Sapagkat minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, 29 na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad. Mabuting kalusugan sa inyo!”
(Gawa 16:4, 5) At habang naglalakbay sila sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin nila. 5 Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.
“Pinalalakas ang mga Kongregasyon”
18 Ilang taon ding nagkasama sa gawain sina Pablo at Timoteo. Palibhasa’y mga naglalakbay na misyonero, nagsagawa sila ng iba’t ibang misyon bilang mga kinatawan ng lupong tagapamahala. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Habang naglalakbay sila sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin nila.” (Gawa 16:4) Lumilitaw na sinunod ng mga kongregasyon ang tagubilin ng mga apostol at ng matatandang lalaki sa Jerusalem. Bilang resulta, “ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 16:5.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 16:6-9) Bukod diyan, lumibot sila sa Frigia at sa lupain ng Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia. 7 Karagdagan pa, nang bumababa sa Misia ay sinikap nilang makaparoon sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng espiritu ni Jesus. 8 Kaya nilampasan nila ang Misia at bumaba sa Troas. 9 At nang kinagabihan ay nagpakita kay Pablo ang isang pangitain: isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at namamanhik sa kaniya at nagsasabi: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.”
Matuto Mula sa Pagiging Mapagbantay ng mga Apostol ni Jesus
8 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Pansinin na saka lamang nakialam ang espiritu ng Diyos nang maglakbay na si Pablo patungong Asia. Pagkatapos, saka lamang nagbigay si Jesus ng tagubilin noong malapit na si Pablo sa Bitinia. At saka lamang inutusan ni Jesus si Pablo na pumunta sa Macedonia nang makarating na ito sa Troas. Sa ngayon, maaaring sa ganitong paraan din tayo ginagabayan ni Jesus, ang Ulo ng kongregasyon. (Col. 1:18) Halimbawa, baka matagal-tagal mo nang pinag-iisipang magpayunir o lumipat sa isang lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero maaaring saka ka lamang gagabayan ni Jesus, sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, kapag nakagawa ka na ng mga hakbang para maabot ang tunguhin mo. Bilang paghahalimbawa: Maililiko lang ng drayber ang kaniyang sasakyan pakaliwa o pakanan kung tumatakbo na ito. Sa katulad na paraan, maaaring gabayan lamang tayo ni Jesus sa pagpapalawak ng ating ministeryo kung kumikilos na tayo para abutin ang ating tunguhin.
(Gawa 16:37) Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: “Pinalo nila kami nang hayagan nang hindi pa nahahatulan, mga taong Romano, at itinapon kami sa bilangguan; at pinalalayas ba nila kami ngayon nang palihim? Tunay ngang hindi! kundi sila mismo ang pumarito at maglabas sa amin.”
nwtsty study note sa Gaw 16:37
mga taong Romano: Ibig sabihin, mga mamamayang Romano. Si Pablo, at lumilitaw na pati si Silas, ay mga mamamayang Romano. Ayon sa batas ng Roma, ang bawat mamamayan nito ay dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng paglilitis at hindi puwedeng parusahan sa publiko hangga’t hindi napatutunayang nagkasala. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang partikular na karapatan at pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Ang isang mamamayang Romano ay nasa ilalim ng batas ng Roma, hindi ng batas ng mga lunsod na sakop nito. Kapag inakusahan, puwede siyang pumayag na litisin ayon sa batas doon, pero may karapatan pa rin siyang umapela sa hukumang Romano. Para sa kasong may parusang kamatayan, may karapatan siyang umapela sa emperador. Malawak ang naabot ng pangangaral ni apostol Pablo sa Imperyo ng Roma. Sa ulat, tatlong beses niyang ginamit ang mga karapatan niya bilang mamamayang Romano. Ang unang pagkakataon ay dito sa Filipos kung saan sinabi niya sa mga mahistrado na nilabag nila ang karapatan niya nang pinagpapalo nila siya.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang mga study note sa Gaw 22:25; 25:11, nwtsty-E.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 16:25-40) Ngunit nang bandang kalagitnaan ng gabi sina Pablo at Silas ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit; oo, naririnig sila ng mga bilanggo. 26 Bigla na lang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupat nayanig ang mga pundasyon ng piitan. Bukod diyan, ang lahat ng mga pinto ay kaagad na nabuksan, at ang mga gapos ng lahat ay nakalag. 27 Ang tagapagbilanggo, palibhasa’y nagising sa pagkakatulog at nakitang bukás ang mga pinto ng bilangguan, ay humugot ng kaniyang tabak at magpapakamatay na sana, sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo. 28 Ngunit sumigaw si Pablo sa malakas na tinig, na sinasabi: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat narito kaming lahat!” 29 Kaya humingi siya ng mga ilaw at patakbong pumasok at, palibhasa’y pinananaigan ng panginginig, sumubsob siya sa harap nina Pablo at Silas. 30 At dinala niya sila sa labas at sinabi: “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 Sinabi nila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 At sinalita nila ang salita ni Jehova sa kaniya at pati sa lahat niyaong nasa kaniyang bahay. 33 At isinama niya sila nang oras na iyon ng gabi at hinugasan ang kanilang mga latay; at, ang bawat isa, siya at ang mga sa kaniya ay binautismuhan nang walang pagpapaliban. 34 At dinala niya sila sa kaniyang bahay at ipinaghain sila sa mesa, at labis siyang nagsaya kasama ng kaniyang buong sambahayan ngayon na naniwala na siya sa Diyos. 35 Nang maging araw na, isinugo ng mga mahistrado sibil ang mga kustable upang sabihin: “Palayain mo ang mga taong iyan.” 36 Kaya isinaysay ng tagapagbilanggo ang kanilang mga salita kay Pablo: “Ang mga mahistrado sibil ay nagsugo ng mga tao upang palayain kayong dalawa. Kaya nga, lumabas kayo at yumaon nang payapa.” 37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: “Pinalo nila kami nang hayagan nang hindi pa nahahatulan, mga taong Romano, at itinapon kami sa bilangguan; at pinalalayas ba nila kami ngayon nang palihim? Tunay ngang hindi! kundi sila mismo ang pumarito at maglabas sa amin.” 38 Kaya isinaysay ng mga kustable ang mga pananalitang ito sa mga mahistrado sibil. Ang mga ito ay natakot nang marinig nila na ang mga lalaki ay mga Romano. 39 Dahil dito ay pumaroon sila at namanhik sa kanila at, pagkatapos na mailabas sila, hiniling nila sa kanila na lisanin ang lunsod. 40 Ngunit sila ay lumabas sa bilangguan at pumunta sa tahanan ni Lydia, at nang makita nila ang mga kapatid ay pinatibay-loob nila ang mga ito at lumisan.
DISYEMBRE 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 17-18
“Tularan si Apostol Pablo sa Pangangaral at Pagtuturo”
(Gawa 17:2, 3) Kaya ayon sa kaugalian ni Pablo ay pumaroon siya sa kanila sa loob, at sa loob ng tatlong sabbath ay nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan, 3 na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay, at sinasabi: “Ito ang Kristo, ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo.”
nwtsty study note sa Gaw 17:2, 3
nangatuwiran: Hindi lang basta sinabi ni Pablo sa kanila ang mabuting balita. Ipinaliwanag niya ito at nagbigay siya ng mga patunay mula sa Kasulatan, o Hebreong Kasulatan. Hindi lang niya basta binasa ang Kasulatan; nangatuwiran siya mula rito at ibinagay niya sa mga tagapakinig ang kaniyang argumento. Ang pandiwang Griego na di·a·leʹgo·mai ay nangangahulugang “pakikipag-usap; pakikipagtalakayan.” Ibig sabihin, parehong nagsasalita ang dalawang panig. Ang salitang Griegong ito ay ginamit din sa Gaw 17:17; 18:4, 19; 19:8, 9; 20:7, 9.
pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya: Ang salitang Griego ay literal na nangangahulugang “ilagay sa tabi.” Posibleng ipinahihiwatig nito na maingat na pinaghambing ni Pablo ang mga hula tungkol sa Mesiyas sa Hebreong Kasulatan at ang mga pangyayari sa buhay ni Jesus para ipakitang natupad kay Jesus ang mga hulang iyon.
(Gawa 17:17) Dahil dito ay nagsimula siyang mangatuwiran sa sinagoga sa mga Judio at sa iba pang mga tao na sumasamba sa Diyos at sa bawat araw sa pamilihan doon sa mga nagkataong naroroon.
nwtsty study note sa Gaw 17:17
pamilihan: Ang pamilihan (sa Griego, a·go·raʹ) ng Atenas, na matatagpuan sa hilagang-kanluran ng Akropolis, ay may lawak na mga limang ektarya. Hindi lang ito isang lugar para mamilí at magbenta. Sentro din ito ng ekonomiya, politika, at kultura ng lunsod. Gustong-gusto ng mga taga-Atenas na magtipon-tipon dito para pag-usapan ang intelektuwal na mga paksa.
(Gawa 17:22, 23) At si Pablo ay tumayo sa gitna ng Areopago at nagsabi: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba. 23 Bilang halimbawa, habang dumaraan at maingat na nagmamasid sa mga bagay na inyong pinakukundanganan ay nakasumpong din ako ng isang altar na doon ay nakasulat ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Kaya nga yaong pinag-uukulan ninyo ng makadiyos na debosyon nang di-namamalayan, ito ang ipinahahayag ko sa inyo.
nwtsty study note sa Gaw 17:22, 23
Sa Isang Di-kilalang Diyos: Ang mga salitang Griego na A·gnoʹstoi the·oiʹ ay mababasa sa inskripsiyon sa isang altar sa Atenas. Takót sa mga bathala ang mga taga-Atenas kaya gumawa sila ng maraming templo at altar para sa mga ito. Gumawa pa nga sila ng mga altar para sa Kasikatan, Kapakumbabaan, Lakas, Panghihiyakat, at Awa, na itinuturing din nilang mga bathala. Posibleng sa takot na may diyos na hindi sila maparangalan at magalit ito sa kanila, nagtayo sila ng isang altar para sa “Isang Di-kilalang Diyos.” Sa pamamagitan ng altar na ito, inaamin nila na may isang Diyos na hindi pa nila kilala. Ginamit ni Pablo ang altar na ito para makapangaral at maipakilala sa mga tagapakinig ang Diyos—ang tunay na Diyos—na hindi pa nila kilala hanggang sa pagkakataong iyon.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 18:18) Gayunman, pagkatapos na manatili nang ilang araw pa, si Pablo ay nagpaalam sa mga kapatid at naglayag patungong Sirya, at kasama niya sina Priscila at Aquila, yamang ang buhok sa kaniyang ulo ay ipinagupit niya nang maikli sa Cencrea, sapagkat mayroon siyang panata.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Gawa
18:18—Anong panata ang ginawa ni Pablo? Sinasabi ng ilang iskolar na nanata si Pablo ng panata ng pagka-Nazareo. (Bil. 6:1-21) Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya kung anong panata ang ginawa ni Pablo. Sabihin pa, hindi binabanggit ng Kasulatan kung ang panata ay ginawa bago o pagkatapos makumberte ni Pablo o kung nagsisimula pa lamang o patapos na ang kaniyang panata. Anuman iyon, hindi kasalanan ang gumawa ng gayong panata.
(Gawa 18:21) kundi nagpaalam at nagsabi sa kanila: “Babalik akong muli sa inyo, kung loloobin ni Jehova.” At siya ay naglayag mula sa Efeso
nwtsty study note sa Gaw 18:21
kung loloobin ni Jehova: Idiniriin nito na kailangang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos anuman ang ginagawa o pinaplano ng isang tao. Laging isinasaisip ni apostol Pablo ang simulaing ito. (1Co 4:19; 16:7; Heb 6:3) Pinasigla rin ng alagad na si Santiago ang mga mambabasa niya na sabihin: “Kung loloobin ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin din ito o iyon.” (San 4:15) Hindi lang dapat maging ekspresyon ang pananalitang ito; kapag sinabi ng isang tao na “kung loloobin ni Jehova,” dapat niyang pagsikapan na kumilos kaayon ng kalooban ni Jehova. Hindi naman kailangan na lagi itong sabihin nang malakas kundi kahit sa puso lang.—Tingnan ang mga study note sa Gaw 21:14; 1Co 4:19; San 4:15 at ang Appendix C sa nwtsty-E.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 17:1-15) At sila ay naglakbay na dumaraan sa Amfipolis at Apolonia at dumating sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio. 2 Kaya ayon sa kaugalian ni Pablo ay pumaroon siya sa kanila sa loob, at sa loob ng tatlong sabbath ay nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan, 3 na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay, at sinasabi: “Ito ang Kristo, ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo.” 4 Dahil dito ang ilan sa kanila ay naging mga mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas, at isang malaking karamihan ng mga Griego na sumasamba sa Diyos at hindi kakaunti sa mga pangunahing babae ang gumawa ng gayon. 5 Ngunit ang mga Judio, palibhasa’y naninibugho, ay nagsama ng ilang lalaking balakyot mula sa mga batugan sa pamilihan at bumuo ng isang pangkat ng mang-uumog at pinagkagulo ang lunsod. At sinalakay nila ang bahay ni Jason at sinikap na dalhin sila sa mga taong nagkakagulo. 6 Nang hindi nila sila masumpungan ay kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid patungo sa mga tagapamahala ng lunsod, na isinisigaw: “Ang mga taong ito na nagtiwarik sa tinatahanang lupa ay naririto rin, 7 at malugod silang tinanggap ni Jason. At ang lahat ng mga lalaking ito ay kumikilos nang salansang sa mga batas ni Cesar, na sinasabing may ibang hari, si Jesus.” 8 Talagang naligalig nila ang pulutong at ang mga tagapamahala ng lunsod nang marinig ng mga iyon ang mga bagay na ito; 9 at pagkatapos na makakuha muna ng sapat na paniguro mula kay Jason at sa iba pa ay pinawalan nila ang mga ito. 10 Nang kinagabihan ay kaagad na pinayaon ng mga kapatid kapuwa sina Pablo at Silas patungo sa Berea, at ang mga ito, nang makarating, ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 At higit na mararangal ang pag-iisip ng mga huling nabanggit kaysa roon sa mga nasa Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya marami sa kanila ang naging mananampalataya, at gayundin ang hindi kakaunti sa mga kinikilalang babaing Griego at sa mga lalaki. 13 Ngunit nang malaman ng mga Judio mula sa Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinahayag din ni Pablo sa Berea, pumaroon din sila upang sulsulan at ligaligin ang mga karamihan. 14 Nang magkagayon ay kaagad na pinayaon ng mga kapatid si Pablo upang pumaroon hanggang sa may dagat; ngunit kapuwa sina Silas at Timoteo ay naiwan doon. 15 Gayunman, dinala si Pablo hanggang sa Atenas niyaong mga naghatid sa kaniya at, pagkatanggap ng utos na paparoonin sa kaniya sina Silas at Timoteo sa lalong madaling panahon, sila ay lumisan.
DISYEMBRE 31–ENERO 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 19-20
“Bigyang-Pansin ang Inyong Sarili at ang Buong Kawan”
(Gawa 20:28) Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.
“Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
5 Isinulat ng apostol na ang matatandang lalaki ay dapat ‘magpastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga.’ Napakahalagang kilalanin nila na ang kawan ay pag-aari ni Jehova at ni Jesu-Kristo. Ang mga elder ay magsusulit sa paraan ng pangangalaga nila sa mga tupa ng Diyos. Ipagpalagay na inihabilin sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang kaniyang mga anak habang wala siya. Hindi ba aalagaan mo silang mabuti at pakakainin? Kung magkasakit ang isa sa kanila, hindi ba ipagagamot mo siya? Sa katulad na paraan, ang mga elder sa kongregasyon ay dapat “magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Lagi nilang iniisip na ang bawat tupa ay binili ng mahalagang dugo ni Kristo Jesus. Yamang magsusulit sila, pinakakain, pinoprotektahan, at pinangangalagaan ng mga elder ang kawan.
(Gawa 20:31) “Kaya nga manatili kayong gising, at isaisip ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw, hindi ako tumigil sa pagpapaalaala sa bawat isa na may pagluha.
Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’
15 Hindi biro ang gawain ng isang pastol. Kung minsan, ang mga elder ay napupuyat dahil sa pag-aalala at pananalangin para sa kawan ng Diyos o dahil sa pagbibigay ng espirituwal na tulong sa mga kapananampalataya. (2 Cor. 11:27, 28) Pero masayang ginagampanan ng mga elder ang kanilang pananagutan, gaya ng ginawa ni Pablo. Sumulat siya sa mga taga-Corinto: “Buong lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol para sa inyong mga kaluluwa.” (2 Cor. 12:15) Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang mga kapatid, lubusan niyang ginugol, o ginamit, ang kaniyang buong lakas, para patibayin sila. (Basahin ang 2 Corinto 2:4; Fil. 2:17; 1 Tes. 2:8) Di-kataka-takang mahal na mahal ng mga kapatid si Pablo!—Gawa 20:31-38.
(Gawa 20:35) Ipinakita ko sa inyo sa lahat ng bagay na sa pagpapagal nang gayon ay dapat ninyong tulungan yaong mahihina, at dapat ninyong isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ay magsabi, ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’”
“Ako ay Malinis sa Dugo ng Lahat ng Tao”
20 Ibang-iba si Pablo sa mga lider na sa paglipas ng panahon ay magsasamantala sa kawan. Naghanapbuhay siya para tustusan ang kaniyang sarili at hindi maging pabigat sa kongregasyon. Ang mga pagsisikap niya alang-alang sa mga kapananampalataya ay hindi para sa materyal na pakinabang. Hinimok ni Pablo ang matatanda sa Efeso na maging mapagsakripisyo. Sinabi niya sa kanila: “Dapat ninyong tulungan yaong mahihina, at dapat ninyong isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ay magsabi, ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’”—Gawa 20:35.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 19:9) Ngunit nang ang ilan ay patuloy na magmatigas at ayaw maniwala, na nagsasalita nang nakapipinsala tungkol sa Daan sa harap ng karamihan, umalis siya sa kanila at inihiwalay sa kanila ang mga alagad, habang sa araw-araw ay nagbibigay ng mga pahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano.
“Lumalago at Nananaig” Kahit Sinasalansang
11 Marahil ay araw-araw na nagpahayag si Pablo sa awditoryum na iyon, posibleng mula alas-onse ng umaga hanggang mga alas-kuwatro ng hapon. (Gawa 19:9, tlb. sa Reference Bible) Malamang na iyon ang mga oras na pinakatahimik at pinakamainit ang panahon at ang mga tao ay nanananghalian at nagpapahinga. Kung ganito ang naging iskedyul ni Pablo sa loob ng dalawang taon, siguradong mahigit 3,000 oras ang ginugol niya sa pagtuturo! Isa na naman itong dahilan kung bakit patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova. Si Pablo ay masipag at marunong makibagay. Iniangkop niya ang kaniyang iskedyul sa iskedyul ng mga tao sa lugar na iyon. Ang resulta? “Narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego.” (Gawa 19:10) Lubusan nga siyang nakapagpatotoo!
(Gawa 19:19) Sa katunayan, tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak.
“Lumalago at Nananaig” Kahit Sinasalansang
15 Dahil sa kahihiyang inabot ng mga anak ni Esceva, marami ang natakot sa Diyos, anupat iniwan nila ang kanilang espiritistikong mga gawain at naging mga mánanampalatayá. Bahagi na ng buhay ng mga taga-Efeso ang sining ng mahika. Pangkaraniwan na ang pangkukulam, mga bulong, at paggamit ng mga anting-anting. Napakilos ngayon ang mga taga-Efeso na ilabas at sunugin sa harap ng madla ang kanilang mga aklat sa sining ng mahika—bagaman lumilitaw na sa kabuuan, nagkakahalaga ang mga ito ng mahigit isa’t kalahating milyong piso, ayon sa kasalukuyang pagtantiya. Iniulat ni Lucas: “Kaya sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumalago at nananaig ang salita ni Jehova.” (Gawa 19:17-20) Isa ngang malaking tagumpay laban sa kasinungalingan at demonismo! Ang mga tapat na taga-Efeso ay nag-iwan ng magandang halimbawa para sa atin. Laganap din ang espiritismo sa ating panahon. Kung sa mga gamit natin ay may makita tayong isang bagay na may kaugnayan sa espiritismo, dapat nating tularan ang mga taga-Efeso—agad itong sirain, itapon, o sunugin! Iwasan natin at huwag panghinayangan ang gayong kasuklam-suklam na mga bagay.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 19:1-20) Sa takbo ng mga pangyayari, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, lumibot si Pablo sa mga loobang bahagi at bumaba sa Efeso, at nakasumpong ng ilang alagad; 2 at sinabi niya sa kanila: “Tumanggap ba kayo ng banal na espiritu nang kayo ay maging mga mananampalataya?” Sinabi nila sa kaniya: “Aba, hindi pa namin narinig kailanman kung mayroon ngang banal na espiritu.” 3 At sinabi niya: “Kung gayon, sa ano kayo nabautismuhan?” Sinabi nila: “Sa bautismo ni Juan.” 4 Sinabi ni Pablo: “Nagbautismo si Juan ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na maniwala sa isa na dumarating na kasunod niya, samakatuwid nga ay kay Jesus.” 5 Sa pagkarinig nito, sila ay nagpabautismo sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 At nang ipatong ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ang banal na espiritu ay bumaba sa kanila, at nagsimula silang magsalita ng mga wika at manghula. 7 Sa kabuuan ay may mga labindalawang lalaki. 8 Pagpasok sa sinagoga, nagsalita siya nang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nagbibigay ng mga pahayag at gumagamit ng panghihikayat tungkol sa kaharian ng Diyos. 9 Ngunit nang ang ilan ay patuloy na magmatigas at ayaw maniwala, na nagsasalita nang nakapipinsala tungkol sa Daan sa harap ng karamihan, umalis siya sa kanila at inihiwalay sa kanila ang mga alagad, habang sa araw-araw ay nagbibigay ng mga pahayag sa awditoryum ng paaralan ni Tirano. 10 Ito ay naganap sa loob ng dalawang taon, anupat narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego. 11 At ang Diyos ay patuloy na gumagawa ng pambihirang mga gawa ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo, 12 anupat maging ang mga tela at mga epron mula sa kaniyang katawan ay dinala sa mga taong may sakit, at ang mga karamdaman ay lumisan sa kanila, at ang mga balakyot na espiritu ay lumabas. 13 Ngunit ang ilan sa mga gumagala-galang Judio na nagpapalayas din ng mga demonyo ay nangahas na sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus doon sa mga may balakyot na espiritu, na sinasabi: “May-kataimtiman ko kayong inuutusan sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.” 14 At may pitong anak na lalaki ng isang Esceva, isang punong saserdoteng Judio, na gumagawa nito. 15 Ngunit bilang sagot ay sinabi sa kanila ng balakyot na espiritu: “Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?” 16 At ang taong kinaroroonan ng balakyot na espiritu ay lumundag sa kanila, sunud-sunod silang napangibabawan, at nanaig sa kanila, anupat tumakas silang hubad at sugatán mula sa bahay na iyon. 17 Nalaman ito ng lahat, kapuwa ng mga Judio at ng mga Griego na tumatahan sa Efeso; at dinatnan silang lahat ng takot, at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay patuloy na napadadakila. 18 At marami roon sa mga naging mananampalataya ang dumarating at ipinagtatapat nila at isinasaysay nang hayagan ang kanilang mga gawain. 19 Sa katunayan, tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak. 20 Kaya sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumalago at nananaig ang salita ni Jehova.