Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
NOBYEMBRE 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 20-21
“Iniibig Mo Ba Ako Nang Higit Kaysa sa mga Ito?”
(Juan 21:1-3) Pagkatapos ng mga bagay na ito ay muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa dagat ng Tiberias; ngunit nagpakita siya sa ganitong paraan. 2 Magkakasama nga sina Simon Pedro at Tomas, na tinatawag na Ang Kambal, at si Natanael na mula sa Cana ng Galilea at ang mga anak ni Zebedeo at ang dalawa pa sa kaniyang mga alagad. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kaniya: “Sasama rin kami sa iyo.” Lumabas sila at lumulan sa bangka, ngunit nang gabing iyon ay wala silang nahuli.
(Juan 21:4-14) Gayunman, nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, ngunit sabihin pa, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. 5 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, wala ba kayong anumang makakain?” Sumagot sila sa kaniya ng “Wala!” 6 Sinabi niya sa kanila: “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may masusumpungan kayo.” Nang magkagayon ay inihagis nila iyon, ngunit hindi na nila makayang hatakin iyon dahil sa dami ng mga isda. 7 Sa gayon ang alagad na iyon na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: “Ang Panginoon iyon!” Kaya si Simon Pedro, sa pagkarinig na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis ng kaniyang pang-itaas na kasuutan, sapagkat siya ay hubad, at tumalon sa dagat. 8 Ngunit ang iba pang mga alagad ay pumaroon na nasa maliit na bangka, sapagkat hindi sila malayo mula sa lupa, mga siyamnapung metro lamang ang layo, na hinihila ang lambat na may mga isda. 9 Gayunman, nang lumunsad sila sa lupa ay nakita nilang nakalatag doon ang nagbabagang uling at isdang nakapatong doon at tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Dalhin ninyo ang ilan sa mga isdang kahuhuli lamang ninyo ngayon.” 11 Nang magkagayon, lumulan si Simon Pedro at hinila sa lupa ang lambat na punô ng malalaking isda, isang daan at limampu’t tatlo ang mga iyon. Ngunit bagaman gayon karami ay hindi napunit ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Halikayo, mag-agahan kayo.” Walang isa man sa mga alagad ang nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong sa kaniya: “Sino ka?” sapagkat alam nilang iyon ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus at kinuha ang tinapay at ibinigay ito sa kanila, at gayundin ang isda. 14 Ito na ngayon ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad pagkatapos na ibangon siya mula sa mga patay.
(Juan 21:15-19) At nang makapag-agahan na nga sila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga ito?” Sinabi niya sa kaniya: “Oo, Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.” Sinabi niya sa kaniya: “Pakainin mo ang aking mga kordero.” 16 Muli ay sinabi niya sa kaniya, sa ikalawang pagkakataon: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya: “Oo, Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.” Sinabi niya sa kaniya: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” 17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: “Simon na anak ni Juan, may pagmamahal ka ba sa akin?” Napighati si Pedro na sinabi niya sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: “May pagmamahal ka ba sa akin?” Kaya sinabi niya sa kaniya: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; batid mong may pagmamahal ako sa iyo.” Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa. 18 Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Noong bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at naglilibot kung saan mo ibig. Ngunit kapag tumanda ka na ay iuunat mo ang iyong mga kamay at ibang tao ang magbibigkis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. Kaya, nang masabi na niya ito, sinabi niya sa kaniya: “Patuloy kang sumunod sa akin.”
nwtsty study note sa Ju 21:15, 17
sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Nangyari ito pagkatapos na ikaila ni Pedro si Jesus nang tatlong beses. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro tungkol sa nadarama nito hanggang sa puntong “napighati si Pedro.” (Ju 21:17) Sa ulat ni Juan sa Ju 21:15-17, dalawang Griegong pandiwa ang ginamit: a·ga·paʹo, na isinaling iniibig, at phi·leʹo, na isinaling may pagmamahal. Dalawang beses na tinanong ni Jesus si Pedro: “Iniibig mo ba ako?” Dalawang beses ding tiniyak ni Pedro na “may pagmamahal” siya kay Jesus. Sa pangatlong pagkakataon, tinanong siya ni Jesus: “May pagmamahal ka ba sa akin?” Muli, tiniyak ni Pedro na mahal niya si Jesus. Sa bawat pagkakataong tiniyak ni Pedro na mahal niya si Jesus, idiniin naman ni Jesus na dapat pakilusin si Pedro ng pagmamahal na iyon na pakainin at “pastulan” sa espirituwal na paraan ang mga alagad ni Jesus, na tinukoy rito bilang mga kordero, o “maliliit na tupa.” (Ju 21:16, 17; 1Pe 5:1-3) Pagkatapos bigyan ni Jesus ng pagkakataon si Pedro na tiyakin ang pagmamahal nito nang tatlong beses, pinagkatiwalaan niya ito ng pananagutang alagaan ang mga tupa. Sa ganitong paraan, binura ni Jesus ang anumang pag-aalinlangan ni Pedro kung napatawad na siya ni Jesus dahil sa pagkakaila niya rito nang tatlong beses.
iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga ito?: Iba-iba ang unawa sa pariralang “nang higit kaysa sa mga ito.” Para sa ilang iskolar, ang ibig sabihin nito ay “higit ba ang pag-ibig mo sa akin kaysa sa pag-ibig mo sa mga alagad na ito?” o “higit ba ang pag-ibig mo sa akin kaysa sa pag-ibig sa akin ng mga alagad na ito?” Pero ang malamang na ibig sabihin nito ay “iniibig mo ba ako nang higit kaysa sa mga bagay na ito?” o sa mga nahuli nilang isda o sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo nilang pangingisda. Kaya lumilitaw na ito ang punto sa talatang ito: ‘Iniibig mo ba ako nang higit sa materyal na mga bagay o tunguhin? Kung gayon, pakainin mo ang aking maliliit na tupa.’ Angkop lang ang tanong na iyan dahil sa nakaraan ni Pedro. Kahit isa siya sa mga unang alagad ni Jesus (Ju 1:35-42), hindi siya agad sumunod kay Jesus nang buong panahon. Sa halip, bumalik siya sa pangingisda. Pagkalipas ng ilang buwan, tinawag siya ulit ni Jesus para iwan ang malaking negosyo niya at maging “mangingisda ng mga tao.” (Mat 4:18-20; Luc 5:1-11) Pero muli, pagkamatay ni Jesus, sinabi niyang mangingisda siya at sumama ang ibang mga apostol sa kaniya. (Ju 21:2, 3) Kaya lumilitaw na gusto ni Jesus na maintindihan ni Pedro na kailangan siyang magdesisyon: Uunahin ba niya sa buhay niya ang negosyo niyang pangingisda, na kinakatawanan ng mga isda sa harap nila, o uunahin niya ang espirituwal na pagpapakain sa maliliit na tupa, o mga tagasunod, ni Jesus?—Ju 21:4-8.
sa ikatlong pagkakataon: Ikinaila ni Pedro ang Panginoon niya nang tatlong beses; binigyan naman siya ngayon ni Jesus ng tatlong pagkakataon para tiyakin na mahal niya ang Panginoon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya na ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng pag-una sa sagradong paglilingkod. Kasama ang iba pang responsableng mga kapatid, pakakainin, papatibayin, at papastulan ni Pedro ang kawan ng tapat na mga tagasunod ni Kristo. Ang mga ito ay pinahiran pero kailangan pa ring pakainin sa espirituwal na paraan.—Luc 22:32.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Juan 20:17) Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Huwag kang kumapit sa akin. Sapagkat hindi pa ako umaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’”
nwtsty study note sa Ju 20:17
Huwag kang kumapit sa akin: Ang Griegong pandiwa na haʹpto·mai ay puwedeng mangahulugan na “humawak” o “kumapit.” Ganito ang salin ng ibang tagapagsalin sa sinabi ni Jesus: “Huwag mo akong hawakan.” Pero hindi ang paghawak ni Maria Magdalena sa kaniya ang tinututulan ni Jesus kasi hindi naman niya pinigilan ang ibang mga babae na nakakita sa kaniya matapos siyang buhaying muli nang ‘hawakan siya ng mga ito sa paa.’ (Mat 28:9) Lumilitaw na natatakot si Maria Magdalena na umakyat na sa langit si Jesus. Dahil gustong-gusto niyang makasama ang Panginoon niya, kumapit siya kay Jesus at ayaw niyang bumitiw. Para maniwala si Maria na hindi pa aalis si Jesus, inutusan siya ni Jesus na huwag nang kumapit sa kaniya kundi puntahan ang mga alagad niya at sabihin ang tungkol sa kaniyang pagkabuhay-muli.
(Juan 20:28) Bilang sagot ay sinabi ni Tomas sa kaniya: “Panginoon ko at Diyos ko!”
nwtsty study note sa Ju 20:28
Panginoon ko at Diyos ko!: Para sa ilang iskolar, ito ay ekspresyon ng pagkamangha na sinabi kay Jesus pero pinatutungkol sa Diyos, ang Ama niya. Sinasabi naman ng iba na sa orihinal na Griego, ang pananalitang ito ay pinatutungkol kay Jesus. Gayunman, para maintindihan ang ibig sabihin ng “Panginoon ko at Diyos ko,” kailangang isaalang-alang ang ibang bahagi ng Kasulatan. Dahil ipinapakita ng ulat na nagpadala ng ganitong mensahe si Jesus sa mga alagad niya, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos,” walang dahilan para isiping naniniwala si Tomas na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (Tingnan ang study note sa Ju 20:17.) Narinig ni Tomas si Jesus na nananalangin sa kaniyang “Ama,” na tinawag niyang “ang tanging tunay na Diyos.” (Ju 17:1-3) Kaya malamang na ito ang mga dahilan kung bakit tinawag ni Tomas si Jesus na “Diyos ko”: Ang tingin niya kay Jesus ay “isang diyos,” pero hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (Tingnan ang study note sa Ju 1:1, mwbr18.09 2.) O tinawag niya si Jesus kung paano tinatawag ng ibang mga lingkod ng Diyos ang mga mensaherong anghel ni Jehova, gaya ng nakaulat sa Hebreong Kasulatan. Malamang na pamilyar si Tomas sa mga ulat sa Bibliya kung saan kinausap ng mga karakter o manunulat nito ang isang mensaherong anghel na para bang ang Diyos na Jehova ang kausap nila. (Ihambing ang Gen 16:7-11, 13; 18:1-5, 22-33; 32:24-30; Huk 6:11-15; 13:20-22.) Kaya posibleng tinawag ni Tomas si Jesus na “Diyos ko” bilang pagkilala na kinatawan siya o tagapagsalita ng tunay na Diyos.
Sinasabi ng ilan na dahil may Griegong tiyak na pantukoy bago ang mga salitang “panginoon” at “diyos,” tumutukoy ang mga ito sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero sa kontekstong ito, ang paggamit ng pantukoy ay kailangan lang sa gramatika ng Griego. Halimbawa, may iba pang talata sa Bibliya kung saan ginamit bilang pantawag (vocative) sa Griego ang pangngalan na may kasamang tiyak na pantukoy, gaya sa Luc 12:32 (lit., “ang munting kawan”) at Col 3:18–4:1 (lit., “ang mga asawang babae”; “ang mga asawang lalaki”; “ang mga anak”; “ang mga ama”; “ang mga alipin”; “ang mga panginoon”). Sa katulad na paraan, ganito ang literal na salin ng 1Pe 3:7: “Ang mga asawang lalaki.” Kaya ang paggamit dito ng pantukoy ay maaaring walang halaga sa pag-alam kung ano ang nasa isip ni Tomas nang sabihin niya ang pananalitang ito.
Pagbabasa ng Bibliya
(Juan 20:1-18) Noong unang araw ng sanlinggo ay pumaroon si Maria Magdalena sa alaalang libingan nang maaga, samantalang madilim pa, at nakita niyang naalis na ang bato mula sa alaalang libingan. 2 Sa gayon ay tumakbo siya at pumaroon kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus, at sinabi niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa alaalang libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” 3 Nang magkagayon si Pedro at yaong isa pang alagad ay umalis at pumaroon sa alaalang libingan. 4 Oo, ang dalawa ay magkasamang tumakbo; ngunit yaong isa pang alagad ay nauna kay Pedro sa pagtakbo nang mas mabilis at unang nakarating sa alaalang libingan. 5 At pagyuko niya, nakita niya ang mga bendang nakalapag, gayunman ay hindi siya pumasok. 6 Nang magkagayon ay dumating din si Simon Pedro na kasunod niya, at pumasok ito sa alaalang libingan. At nakita nito ang mga bendang nakalapag, 7 gayundin ang telang nasa kaniyang ulo na hindi nakalapag na kasama ng mga benda kundi hiwalay na nakarolyo sa isang dako. 8 Sa gayon, nang pagkakataong iyon, yaong isa pang alagad na unang nakarating sa alaalang libingan ay pumasok din, at nakita niya at naniwala siya. 9 Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangan niyang bumangon mula sa mga patay. 10 At sa gayon ay bumalik ang mga alagad sa kanilang mga tahanan. 11 Ngunit si Maria ay nanatiling nakatayo sa labas malapit sa alaalang libingan at tumatangis. Nang magkagayon, habang tumatangis siya, yumuko siya upang tumingin sa loob ng alaalang libingan 12 at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, ang isa ay sa may ulunan at ang isa ay sa may paanan, sa pinaghigaan ng katawan ni Jesus. 13 At sinabi nila sa kaniya: “Babae, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.” 14 Pagkasabi ng mga bagay na ito, bumaling siya sa likuran at nakita si Jesus na nakatayo, ngunit hindi niya nakilalang iyon ay si Jesus. 15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?” Siya, sa pag-aakalang iyon ang hardinero, ay nagsabi sa kaniya: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Maria!” Sa pagbaling ay sinabi niya sa kaniya, sa Hebreo: “Rabboni!” (na nangangahulugang “Guro!”) 17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Huwag kang kumapit sa akin. Sapagkat hindi pa ako umaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’” 18 Si Maria Magdalena ay pumaroon at dinala ang balita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon!” at na sinabi niya sa kaniya ang mga bagay na ito.
NOBYEMBRE 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 1-3
“Ibinuhos ang Banal na Espiritu sa Kongregasyong Kristiyano”
(Gawa 2:1-8) At samantalang nagpapatuloy ang araw ng kapistahan ng Pentecostes silang lahat ay magkakasama sa iisang dako, 2 at bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. 3 At nakakita sila ng mga dila na parang apoy at ang mga ito ay nabaha-bahagi, at may isang dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu upang salitain. 5 At sa Jerusalem nga ay may tumatahang mga Judio, mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit. 6 Kaya, nang maganap ang hugong na ito, ang karamihan ay nagtipun-tipon at natilihan, sapagkat narinig ng bawat isa na nagsasalita sila sa kaniyang sariling wika. 7 Tunay nga, sila ay nanggilalas at nagsimulang magtaka at magsabi: “Tingnan ninyo ito, ang lahat ng mga ito na nagsasalita ay mga taga-Galilea, hindi ba? 8 At gayunma’y paano ngang naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang kaniyang sariling wika na kinapanganakan natin?
(Gawa 2:14) Ngunit tumayo si Pedro kasama ang labing-isa at naglakas ng kaniyang tinig at nagsalita sa kanila ng ganito: “Mga lalaki ng Judea at kayong lahat na tumatahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at pakinggan ninyo ang aking mga pananalita.
(Gawa 2:37, 38) At nang marinig nila ito ay nasugatan ang kanilang puso, at sinabi nila kay Pedro at sa iba pang mga apostol: “Mga lalaki, mga kapatid, ano ang gagawin namin?” 38 Sinabi ni Pedro sa kanila: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.
(Gawa 2:41) Kaya nga yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong puso ay nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.
(Gawa 2:42-47) At patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol at sa pagbabahagi sa isa’t isa, sa mga pagkain at sa mga pananalangin. 43 Sa katunayan, ang takot ay sumapit sa bawat kaluluwa, at maraming mga palatandaan at mga tanda ang nagsimulang maganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat niyaong naging mga mananampalataya ay magkakasamang nagtaglay ng lahat ng bagay para sa lahat, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa lahat ang pinagbilhan, ayon sa pangangailangan ng sinuman. 46 At sa araw-araw ay lagi silang naroroon sa templo na may pagkakaisa, at sila ay kumakain sa mga pribadong tahanan at nakikibahagi sa pagkain nang may malaking pagsasaya at kataimtiman ng puso, 47 na pumupuri sa Diyos at nakasusumpong ng lingap ng lahat ng mga tao. Gayundin, patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova sa araw-araw yaong mga naliligtas.
Mga Abuloy na Nagpapaligaya sa Puso
Sa unang araw ng pagsilang ng kongregasyong Kristiyano noong taóng 33 C.E., ang 3,000 bagong kababautismong mga magkakapananampalataya ay ‘sama-sama, sa salu-salong pagkain, at sa pananalangin.’ Para sa anong mabuting dahilan? Upang kanilang mapatibay ang kanilang bagong pananampalataya sa pamamagitan ng ‘pananatiling matibay sa turo ng mga apostol.’—Gawa 2:41, 42.
Ang mga Judio at mga proselita ay naparoon sa Jerusalem na ang plano’y dumoon lamang hanggang sa matapos ang Kapistahan ng Pentecostes. Subalit yaong mga naging Kristiyano ay may hangarin na manatili roon ng mas matagal at matuto pa ng higit upang mapatibay ang kanilang bagong pananampalataya. Ito’y lumikha ng isang biglaang pangangailangan ng pagkain at matutuluyan. Ang iba sa mga panauhin ay walang sapat na pondong dala, samantalang ang iba naman ay may sobra. Kaya’t pansamantala ay nagbakas-bakas sila ng kanilang mga ari-arian at ipinamahagi iyon sa mga nangangailangan.—Gawa 2:43-47.
Ang pagbibili ng lupa’t bahay at ang pagpaparti-parti ng lahat ng ari-arian ay kusang-loob. Walang sinuman na obligado na magbili o magbigay ng donasyon, ni ito man ay pagtataguyod sa karalitaan. Hindi ibig sabihin na ipinagbili ng mayayamang miyembro ang lahat ng kanilang ari-arian at sa gayo’y naging mahirap sila. Kundi, dahilan sa pagkahabag sa mga kapananampalataya na nasa karalitaan noong panahong iyon, kanilang ipinagbili ang kanilang ari-arian at ang pinagbilhan ay iniabuloy nila upang may maibili ng mga pangangailangan sa pagpapasulong ng mga intereses ng Kaharian.—Ihambing ang 2 Corinto 8:12-15.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 3:15) samantalang pinatay ninyo ang Punong Ahente ng buhay. Ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, na sa bagay na ito ay mga saksi kami.
Jesu-Kristo
“Punong Ahente ng buhay.” Bilang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng kaniyang Ama, ibinigay ni Kristo Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang hain. Dahil dito, naging posibleng makasama ni Kristo ang kaniyang piniling mga tagasunod sa kaniyang makalangit na paghahari at naging posible rin ang isang kaayusan para sa makalupang mga sakop ng kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Mat 6:10; Ju 3:16; Efe 1:7; Heb 2:5; tingnan ang PANTUBOS.) Kaya naman siya ay naging “ang Punong Ahente [“Prinsipe,” KJ; JB] ng buhay” para sa buong sangkatauhan. (Gaw 3:15) Dito, ang terminong Griego na ginamit ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider,” anupat isang kaugnay na salita ang ikinapit kay Moises (Gaw 7:27, 35) bilang “tagapamahala” sa Israel.
(Gawa 3:19) “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova
Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
14 Higit pang inilarawan ang pagpapatawad ni Jehova sa Gawa 3:19: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan.” Ang salitang iyan na “mapawi” ang siyang pagkasalin sa pandiwang Griego na maaaring mangahulugang “burahin, . . . kanselahin o wasakin.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinahahayag ay yaong pagbura ng sulat-kamay. Paano ito naging posible? Ang tintang karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon ay gawa sa pinaghalong karbon, kola, at tubig. Di-nagtatagal pagkatapos sumulat na gamit ang gayong tinta, ang isang tao ay maaaring kumuha ng isang basang espongha at burahin ang sulat. Nakikita riyan ang isang magandang larawan ng awa ni Jehova. Kapag nagpapatawad siya ng ating mga kasalanan, para bang kumukuha siya ng isang espongha at binubura niya ang mga ito.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 2:1-21) At samantalang nagpapatuloy ang araw ng kapistahan ng Pentecostes silang lahat ay magkakasama sa iisang dako, 2 at bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. 3 At nakakita sila ng mga dila na parang apoy at ang mga ito ay nabaha-bahagi, at may isang dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu upang salitain. 5 At sa Jerusalem nga ay may tumatahang mga Judio, mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit. 6 Kaya, nang maganap ang hugong na ito, ang karamihan ay nagtipun-tipon at natilihan, sapagkat narinig ng bawat isa na nagsasalita sila sa kaniyang sariling wika. 7 Tunay nga, sila ay nanggilalas at nagsimulang magtaka at magsabi: “Tingnan ninyo ito, ang lahat ng mga ito na nagsasalita ay mga taga-Galilea, hindi ba? 8 At gayunma’y paano ngang naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang kaniyang sariling wika na kinapanganakan natin? 9 Mga Parto at mga Medo at mga Elamita, at ang mga tumatahan sa Mesopotamia, at sa Judea at sa Capadocia, sa Ponto at sa distrito ng Asia, 10 at sa Frigia at sa Pamfilia, sa Ehipto at sa mga bahagi ng Libya, na patungong Cirene, at mga nakikipamayan mula sa Roma, kapuwa mga Judio at mga proselita, 11 mga Cretense at mga Arabe, naririnig natin silang nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” 12 Oo, silang lahat ay nanggigilalas at naguguluhan, na sinasabi sa isa’t isa: “Ano ang kahulugan ng bagay na ito?” 13 Gayunman, ang iba ay nanlibak sa kanila at nagsimulang magsabi: “Sila ay punô ng matamis na alak.” 14 Ngunit tumayo si Pedro kasama ang labing-isa at naglakas ng kaniyang tinig at nagsalita sa kanila ng ganito: “Mga lalaki ng Judea at kayong lahat na tumatahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at pakinggan ninyo ang aking mga pananalita. 15 Ang mga taong ito, sa katunayan, ay hindi mga lasing, gaya ng inyong ipinapalagay, sapagkat ngayon ay ikatlong oras lamang ng araw. 16 Sa kabaligtaran, ito yaong sinabi sa pamamagitan ng propetang si Joel, 17 ‘“At sa mga huling araw,” sabi ng Diyos, “ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain at ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip; 18 at maging sa aking mga aliping lalaki at sa aking mga aliping babae ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa mga araw na iyon, at sila ay manghuhula. 19 At ako ay magbibigay ng mga palatandaan sa langit sa itaas at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo at apoy at singaw ng usok; 20 ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo bago dumating ang dakila at maningning na araw ni Jehova. 21 At ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”’
NOBYEMBRE 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 4-5
“Patuloy Nilang Sinalita ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan”
(Gawa 4:5-13) Nang sumunod na araw ay naganap sa Jerusalem ang pagtitipun-tipon ng kanilang mga tagapamahala at matatandang lalaki at mga eskriba 6 (gayundin si Anas na punong saserdote at si Caifas at si Juan at si Alejandro at ang lahat ng mga kaanak ng punong saserdote), 7 at pinatayo nila ang mga ito sa gitna nila at nagsimula silang magtanong: “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?” 8 Nang magkagayon si Pedro, puspos ng banal na espiritu, ay nagsabi sa kanila: “Mga tagapamahala ng bayan at matatandang lalaki, 9 kung sa araw na ito ay sinusuri kami, salig sa mabuting gawa para sa isang taong may sakit, kung sa pamamagitan nino napagaling ang taong ito, 10 alamin ninyong lahat at ng lahat ng mga tao sa Israel, na sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito kung kaya ang taong ito ay nakatayo rito at magaling na sa harap ninyo. 11 Ito ‘ang bato na itinuring ninyong mga tagapagtayo bilang walang halaga na naging ulo ng panulukan.’ 12 Karagdagan pa, walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” 13 Nang makita nga nila ang pagkatahasan nina Pedro at Juan, at mapag-unawa na sila ay mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan, sila ay namangha. At nakilala nila tungkol sa mga ito na dati silang kasama ni Jesus;
Mga Salitang Binigkas na Naging Sagradong Kasulatan—Ang Pagsulat at ang Unang mga Kristiyano
Wala Bang Pinag-aralan ang mga Apostol?
Nang “makita [ng mga tagapamahala at matatandang lalaki ng Jerusalem] ang pagkatahasan nina Pedro at Juan, at mapag-unawa na sila ay mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan, sila ay namangha.” (Gawa 4:13) Talaga bang walang pinag-aralan ang mga apostol? Hinggil sa bagay na ito, ganito ang komento ng The New Interpreter’s Bible: “Sa paanuman, hindi dapat unawain nang literal ang mga terminong ito na para bang hindi talaga nag-aral si Pedro [at si Juan] at hindi sila marunong sumulat o bumasa. Ipinakikita lamang nito ang malaking pagkakaiba ng katayuan sa lipunan ng mga apostol at ng mga humuhusga sa kanila.”
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Gawa
4:13—Talaga bang sina Pedro at Juan ay hindi marunong bumasa’t sumulat o hindi nakapag-aral? Hindi naman. Tinawag silang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” dahil hindi sila pumasok sa mga paaralang rabiniko para sa relihiyosong pagsasanay.
(Gawa 4:18-20) Sa gayon ay tinawag nila ang mga ito at pinag-utusan, na saanman ay huwag nang magsalita ng anuman o magturo salig sa pangalan ni Jesus. 19 Ngunit bilang tugon ay sinabi sa kanila nina Pedro at Juan: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. 20 Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.”
(Gawa 4:23-31) Pagkatapos na mapalaya ay pumaroon sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang mga bagay na sinabi sa kanila ng mga punong saserdote at matatandang lalaki. 24 Nang marinig ito ay may-pagkakaisa nilang inilakas ang kanilang mga tinig sa Diyos at sinabi: “Soberanong Panginoon, ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga ito, 25 at sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagsabi sa pamamagitan ng bibig ng aming ninunong si David, na iyong lingkod, ‘Bakit nagulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nagbulay-bulay ng walang-katuturang mga bagay? 26 Ang mga hari sa lupa ay tumindig at ang mga tagapamahala ay nagpisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.’ 27 Kaya nga, kapuwa sina Herodes at Poncio Pilato kasama ang mga tao ng mga bansa at kasama ang mga tao ng Israel ay totoo ngang nagkatipon sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran, 28 upang gawin ang mga bagay na patiunang itinalaga ng iyong kamay at layunin upang maganap. 29 At ngayon, Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan, 30 habang iniuunat mo ang iyong kamay para sa pagpapagaling at habang ang mga tanda at mga palatandaan ay nagaganap sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.” 31 At nang makapagsumamo na sila, ang dako na pinagtitipunan nila ay nayanig; at ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.
Apostol
Ang Kanilang Gawain sa Kongregasyong Kristiyano. Lubhang napalakas ang mga apostol nang ibuhos sa kanila ang espiritu ng Diyos noong araw ng Pentecostes. Pinatototohanan ng unang limang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol ang lubos na kawalang-takot ng mga apostol at ang kanilang katapangan sa pagpapahayag ng mabuting balita at ng pagkabuhay-muli ni Jesus sa kabila ng pagbibilanggo, pambubugbog, at pagbabanta ng kamatayan mula sa kanilang mga tagapamahala. Noong unang mga araw pagkatapos ng Pentecostes, ang masiglang pangunguna ng mga apostol, sa ilalim ng kapangyarihan ng banal na espiritu, ay nagbunga ng kahanga-hangang paglago ng kongregasyong Kristiyano. (Gaw 2:41; 4:4) Noong una ay sa Jerusalem lamang nila isinasagawa ang kanilang ministeryo, pagkatapos ay pinaabot ito sa Samaria, at nang maglaon ay sa buong daigdig na kilala noon.—Gaw 5:42; 6:7; 8:5-17, 25; 1:8.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 4:11) Ito ‘ang bato na itinuring ninyong mga tagapagtayo bilang walang halaga na naging ulo ng panulukan.’
Batong-Panulok
Isinisiwalat ng Awit 118:22 na ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay magiging “ulo ng panulukan” (sa Heb., roʼsh pin·nahʹ). Ang hulang ito ay sinipi at ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili bilang ang “pangulong batong-panulok” (sa Gr., ke·pha·leʹ go·niʹas, ulo ng panulukan). (Mat 21:42; Mar 12:10, 11; Luc 20:17) Kung paanong kitang-kita ang bato na nasa tuktok ng isang gusali, sa gayong paraan si Jesu-Kristo ang pinakakoronang bato ng Kristiyanong kongregasyon ng mga pinahiran, na inihahalintulad sa isang espirituwal na templo. Ikinapit din ni Pedro ang Awit 118:22 kay Kristo, anupat ipinakikitang siya ang “bato” na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na maging “ulo ng panulukan.”—Gaw 4:8-12; tingnan din ang 1Pe 2:4-7.
(Gawa 5:1) Gayunman, isang lalaki, na Ananias ang pangalan, kasama si Sapira na kaniyang asawa, ang nagbili ng isang pag-aari
Nagsinungaling Sina Pedro at Ananias—Ano ang Matututuhan Natin?
Nagbenta sina Ananias at Sapira ng ari-arian para makatulong sa mga bagong bautisado. Nang dalhin ni Ananias ang pera sa mga apostol, sinabi niyang iyon na ang lahat ng pinagbentahan. Pero hindi iyon totoo! Hindi niya talaga ibinigay ang lahat ng pinagbentahan! Ipinaalam ito ng Diyos kay Pedro, kaya sinabi ni Pedro kay Ananias: “Nagbulaan ka, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” Biglang namatay si Ananias! Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok naman ang kaniyang asawa. Hindi niya alam ang nangyari kay Ananias. Nagsinungaling din siya at namatay.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 5:27-42) Kaya dinala nila sila at pinatayo sila sa bulwagan ng Sanedrin. At ang mataas na saserdote ay nagtanong sa kanila 28 at nagsabi: “Mahigpit namin kayong pinag-utusan na huwag nang magturo salig sa pangalang ito, at gayunman, narito! pinunô ninyo ng inyong turo ang Jerusalem, at determinado kayong ipataw sa amin ang dugo ng taong ito.” 29 Bilang sagot ay sinabi ni Pedro at ng iba pang mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao. 30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay, na ibinayubay sa isang tulos. 31 Dinakila ng Diyos ang isang ito sa kaniyang kanan bilang Punong Ahente at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel at ng kapatawaran ng mga kasalanan. 32 At mga saksi kami sa mga bagay na ito, at gayundin ang banal na espiritu, na siyang ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.” 33 Nang marinig nila ito, labis silang nasugatan at nais na patayin sila. 34 Ngunit may isang taong tumindig sa Sanedrin, isang Pariseo na nagngangalang Gamaliel, isang guro ng Kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao, at nagbigay ng utos na ilabas sandali ang mga lalaki. 35 At sinabi niya sa kanila: “Mga lalaki ng Israel, bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili sa binabalak ninyong gawin may kaugnayan sa mga taong ito. 36 Bilang halimbawa, bago ang mga araw na ito ay bumangon si Teudas, na nagsasabing siya ay dakila, at ilang mga lalaki, mga apat na raan, ang sumama sa kaniyang pangkat. Ngunit siya ay pinatay, at ang lahat ng mga sumunod sa kaniya ay nagkawatak-watak at nauwi sa wala. 37 Pagkatapos niya ay bumangon si Hudas na taga-Galilea noong mga araw ng pagpaparehistro, at nakahila siya ng mga tao upang sumunod sa kaniya. Gayunma’y nalipol ang taong iyon, at ang lahat ng mga sumusunod sa kaniya ay nangalat. 38 Kaya nga, sa kasalukuyang mga kalagayan, sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; 39 ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.” 40 Sa gayon ay pinakinggan nila siya, at tinawag nila ang mga apostol, pinagpapalo sila, at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus, at pinawalan sila. 41 Nang magkagayon ay yumaon ang mga ito mula sa harap ng Sanedrin, na nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan. 42 At bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.
NOBYEMBRE 26–DISYEMBRE 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 6-8
“Nasubok ang Bagong Kongregasyong Kristiyano”
(Gawa 6:1) Nang mga araw ngang ito, nang ang mga alagad ay dumarami, nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.
“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”
17 Napapaharap ngayon ang bagong-tatag na kongregasyon sa isang di-nakikitang panganib mula mismo sa loob ng kongregasyon. Ano iyon? Ang marami sa mga nabautismuhang alagad ay mga panauhin sa Jerusalem at gusto nilang matuto pa bago umuwi. Ang mga alagad namang taga-Jerusalem ay kusang-loob na nag-aabuloy para masapatan ang pangangailangan sa pagkain at iba pang mga suplay. (Gawa 2:44-46; 4:34-37) Sa pagkakataong ito, bumangon ang isang maselan na problema. “Sa araw-araw na pamamahagi” ng pagkain, ang mga babaing balo na nagsasalita ng Griego “ay napapabayaan.” (Gawa 6:1) Pero ang mga babaing balo na nagsasalita ng Hebreo ay hindi napapabayaan. Lumilitaw na ang nagiging problema ay may kinalaman sa diskriminasyon, isang isyu na madaling pagmulan ng pagkakabaha-bahagi.
(Gawa 6:2-7) Kaya tinawag ng labindalawa ang karamihan ng mga alagad at sinabi: “Hindi kalugud-lugod na iwanan namin ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain sa mga mesa. 3 Kaya, mga kapatid, humanap kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito; 4 ngunit iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.” 5 At ang bagay na sinalita ay naging kalugud-lugod sa buong karamihan, at pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu, at si Felipe at si Procoro at si Nicanor at si Timon at si Parmenas at si Nicolas, isang proselita mula sa Antioquia; 6 at inilagay nila ang mga ito sa harap ng mga apostol, at, pagkatapos manalangin, ipinatong nila sa mga ito ang kanilang mga kamay. 7 Dahil dito ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem; at isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.
“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”
18Inisip ng mga apostol, ang nagsisilbing lupong tagapamahala ng lumalaking kongregasyon, na hindi naman nila puwedeng “iwanan . . . ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain.” (Gawa 6:2) Para malutas ito, inutusan nila ang mga alagad na humanap ng pitong lalaki na “puspos ng espiritu at karunungan” at puwedeng atasan ng mga apostol na mag-asikaso sa “mahalagang gawaing ito.” (Gawa 6:3) Mga kuwalipikadong lalaki ang kailangan dito dahil ang gawaing ito ay malamang na hindi lamang basta pagpapakain kundi kasama na rin ang paghawak ng salapi, pagbili ng mga suplay, at pag-iingat ng mga rekord. Ang mga lalaking pinili ay pawang may mga pangalang Griego, na maaaring ikinatuwa naman ng nagdamdam na mga babaing balo. Matapos isaalang-alang ang mga inirekomenda sa pamamagitan ng panalangin, inatasan ng mga apostol ang pitong lalaki na mag-asikaso sa “mahalagang gawaing ito.”
(Gawa 7:58–8:1) At matapos siyang itapon sa labas ng lunsod, pinasimulan nilang pagbabatuhin siya. At inilapag ng mga saksi ang kanilang mga panlabas na kasuutan sa paanan ng isang kabataang lalaki na tinatawag na Saul. 59 At pinagbabato nila si Esteban habang siya ay nagsusumamo at nagsasabi: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” 60 Nang magkagayon, pagkaluhod ng kaniyang mga tuhod, sumigaw siya sa malakas na tinig: “Jehova, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” At pagkasabi nito ay natulog siya sa kamatayan.
8 Si Saul, sa ganang kaniya, ay sumasang-ayon sa pagpaslang sa kaniya. Nang araw na iyon ay bumangon ang malaking pag-uusig laban sa kongregasyon na nasa Jerusalem; ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 6:15) At habang nakatitig sa kaniya ang lahat ng mga nakaupo sa Sanedrin, nakita nila na ang kaniyang mukha ay gaya ng mukha ng isang anghel.
Si Esteban—“Puspos ng Kagandahang-Loob at Kapangyarihan”
2Kapansin-pansin ang ekspresyon sa mukha ni Esteban sa pagkakataong ito. Nakatitig sa kaniya ang mga hukom at napansin nilang ang mukha niya ay “gaya ng mukha ng isang anghel.” (Gawa 6:15) Mensahe mula sa Diyos na Jehova ang dala ng mga anghel, kaya naman sila’y walang takot, kalmado, at mahinahon. Ganiyan din ang nadarama ni Esteban—at napansin iyan maging ng galít na galít na mga hukom na iyon. Bakit kaya kalmadung-kalmado pa rin siya?
(Gawa 8:26-30) Gayunman, ang anghel ni Jehova ay nagsalita kay Felipe, na sinasabi: “Tumindig ka at pumaroon sa timog sa daan na pababa mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza.” (Ito ay isang daan sa disyerto.) 27 Sa gayon ay tumindig siya at pumaroon, at, narito! isang bating na Etiope, isang taong may kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope, at siyang namamahala sa lahat ng kaniyang kayamanan. Siya ay pumaroon sa Jerusalem upang sumamba, 28 ngunit pabalik na siya at nakaupo sa kaniyang karo at binabasa nang malakas ang propetang si Isaias. 29 Kaya sinabi ng espiritu kay Felipe: “Lumapit ka at sumama ka sa karong ito.” 30 Tumakbo si Felipe sa tabi at narinig na binabasa niya nang malakas si Isaias na propeta, at sinabi niya: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?”
Ihayag “ang Mabuting Balita Tungkol kay Jesus”
16Ang mga Kristiyano sa ngayon ay may pribilehiyong makibahagi sa gawaing tulad ng ginawa ni Felipe. Madalas na naibabahagi nila ang mensahe ng Kaharian sa mga nakakausap nila sa araw-araw, halimbawa kapag naglalakbay. Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na hindi masasabing nagkakataon lamang ang kanilang pakikipag-usap sa isang interesado. Inaasahan na natin ito, dahil maliwanag na sinasabi sa Bibliya na pinapatnubayan ng mga anghel ang gawaing pangangaral upang makarating ang mensahe sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6) Inihula mismo ni Jesus na papatnubayan ng mga anghel ang gawaing pangangaral. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo, sinabi ni Jesus na sa panahon ng pag-aani—katapusan ng sistema ng mga bagay—“ang mga manggagapas ay mga anghel.” Sinabi rin niya na “titipunin [ng mga espiritung nilalang na ito] mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod at yaong mga gumagawa ng katampalasanan.” (Mat. 13:37-41) Kasabay nito, titipunin din ng mga anghel ang makalangit na mga tagapagmana ng Kaharian—at pagkatapos ay ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa”—na gustong ilapit ni Jehova sa kaniyang organisasyon.—Apoc. 7:9; Juan 6:44, 65; 10:16.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 6:1-15) Nang mga araw ngang ito, nang ang mga alagad ay dumarami, nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi. 2 Kaya tinawag ng labindalawa ang karamihan ng mga alagad at sinabi: “Hindi kalugud-lugod na iwanan namin ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain sa mga mesa. 3 Kaya, mga kapatid, humanap kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito; 4 ngunit iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.” 5 At ang bagay na sinalita ay naging kalugud-lugod sa buong karamihan, at pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu, at si Felipe at si Procoro at si Nicanor at si Timon at si Parmenas at si Nicolas, isang proselita mula sa Antioquia; 6 at inilagay nila ang mga ito sa harap ng mga apostol, at, pagkatapos manalangin, ipinatong nila sa mga ito ang kanilang mga kamay. 7 Dahil dito ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem; at isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya. 8 At si Esteban, puspos ng kagandahang-loob at kapangyarihan, ay gumagawa ng dakilang mga palatandaan at mga tanda sa mga tao. 9 Ngunit may ilang lalaking tumindig mula sa tinatawag na Sinagoga ng mga Pinalaya, at mula sa mga taga-Cirene at mga Alejandrino at yaong mga mula sa Cilicia at Asia, upang makipagtalo kay Esteban; 10 gayunma’y hindi sila makapanindigan laban sa karunungan at espiritu na taglay niya sa pagsasalita. 11 Nang magkagayon ay palihim nilang inudyukan ang mga lalaki na magsabi: “Narinig namin siyang nagsasalita ng mapamusong na mga pananalita laban kay Moises at sa Diyos.” 12 At sinulsulan nila ang mga tao at ang matatandang lalaki at ang mga eskriba, at, sa biglang pagsugod sa kaniya, kinuha nila siya nang puwersahan at dinala sa Sanedrin. 13 At nagharap sila ng mga bulaang saksi, na nagsabi: “Ang taong ito ay hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga bagay laban sa banal na dakong ito at laban sa Kautusan. 14 Bilang halimbawa, narinig naming sinabi niya na ibabagsak nitong Jesus na Nazareno ang dakong ito at babaguhin ang mga kaugalian na ibinigay sa atin ni Moises.” 15 At habang nakatitig sa kaniya ang lahat ng mga nakaupo sa Sanedrin, nakita nila na ang kaniyang mukha ay gaya ng mukha ng isang anghel.