Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr18 Oktubre p. 1-13
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2018)
  • Subtitulo
  • OKTUBRE 1-7
  • OKTUBRE 8-14
  • OKTUBRE 15-21
  • OKTUBRE 22-28
  • OKTUBRE 29–NOBYEMBRE 4
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2018)
mwbr18 Oktubre p. 1-13

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

OKTUBRE 1-7

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 9-10

“Nagmamalasakit si Jesus sa Kaniyang mga Tupa”

(Juan 10:1-3) “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na hindi pumapasok sa kulungan ng tupa sa pamamagitan ng pinto kundi umaakyat sa iba pang dako, ang isang iyon ay isang magnanakaw at isang mandarambong. 2 Ngunit siya na pumapasok sa pamamagitan ng pinto ay pastol ng mga tupa. 3 Ang bantay-pinto ay nagbubukas sa isang ito, at ang mga tupa ay nakikinig sa kaniyang tinig, at tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at inaakay silang palabas.

(Juan 10:11) Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.

(Juan 10:14) Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,

nwtsty media

Kulungan ng tupa

Ang kulungan ng tupa ay dinisenyo para protektahan ang mga tupa mula sa magnanakaw at mababangis na hayop. Tuwing gabi, dinadala ng mga pastol ang mga kawan sa kulungan ng tupa. Noong panahon ng Bibliya, walang bubong ang kulungan at iba’t iba ang laki at hugis nito; kadalasan nang bato ang pader nito at iisa lang ang pasukan. (Bil 32:16; 1Sa 24:3; Zef 2:6) May binanggit si Juan tungkol sa pagpasok sa “pinto” ng kulungan ng tupa, kung saan nakapuwesto ang “bantay-pinto.” (Ju 10:1, 3) Sa isang malaking kulungan ng tupa, mahigit sa isang kawan ang puwedeng magpalipas ng gabi, at nananatiling gisíng ang bantay-pinto para maprotektahan ang mga tupa. Sa umaga, pagbubuksan ng bantay-pinto ang mga pastol. Para matipon ng bawat pastol ang kani-kaniyang kawan, tatawagin nila ang kanilang mga tupa, at makikilala ng tupa ang tinig ng pastol nito at susunod ito. (Ju 10:3-5) Ginamit ni Jesus ang ginagawang ito ng mga pastol para ilarawan kung paano niya inaalagaan ang mga alagad niya.—Ju 10:7-14.

w11 5/15 7-8 ¶5

Mga Pamilyang Kristiyano—‘Manatiling Gising’

5 Ang kaugnayan ng pastol sa kaniyang mga tupa ay nakasalig sa pagkakilala at pagtitiwala. Kilalang-kilala ng pastol ang kaniyang mga tupa, at siya rin naman ay kilala at pinagtitiwalaan ng mga tupa. Kabisado nila at sinusunod ang kaniyang tinig. “Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa,” ang sabi ni Jesus. Pero hindi lang bahagyang impormasyon ang alam niya sa kongregasyon. Ang salitang Griego na isinaling “kilala” ay nagpapahiwatig ng “personal at malalim na kaalaman.” Oo, kilalang-kilala ng Mabuting Pastol ang bawat tupa. Alam niya ang mga pangangailangan, katangian, at kahinaan ng bawat isa. Nakikita ng ating Huwaran kahit ang maliliit na detalye tungkol sa kaniyang mga tupa. At kilalang-kilala naman siya ng mga tupa at nagtitiwala sila sa kaniyang pangunguna.

(Juan 10:4, 5) Kapag nailabas na niya ang lahat ng sa kaniya, humahayo siya sa unahan nila, at ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya, sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. 5 Ang ibang tao ay hindi nga nila susundan kundi tatakas mula sa kaniya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.”

cf 124-125 ¶17

“Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa Kanila”

17 Mula sa personal na obserbasyon, ganito ang isinulat ni George A. Smith sa kaniyang aklat na The Historical Geography of the Holy Land: “Kung minsan ay nagpapahinga kami sa tanghali sa tabi ng isa sa mga balon sa Judea, kung saan dinadala ng tatlo hanggang apat na pastol ang kani-kanilang mga kawan. Nagkakahalu-halo ang mga kawan, at iniisip namin kung paano malalaman ng bawat pastol kung alin sa mga iyon ang kaniyang kawan. Subalit matapos uminom at maglaro ang kawan, isa-isa nang pupuwesto ang mga pastol sa iba’t ibang panig ng libis, at saka tatawagin ng bawat isa ang kaniyang kawan sa kani-kaniyang natatanging paraan; at hihiwalay ang mga tupa ng bawat pastol mula sa pulutong patungo sa kanilang sariling pastol, at maayos na aalis ang mga kawan na gaya ng kanilang pagdating.” Napakahusay ng piniling ilustrasyon ni Jesus upang mapalitaw ang kaniyang punto, samakatuwid nga, kung tatanggapin at susundin natin ang kaniyang mga turo at kung handa tayong magpaakay sa pangunguna niya, pangangalagaan tayo ng “mabuting pastol.”

(Juan 10:16) “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.

nwtsty study note sa Ju 10:16

dalhin: O “akayin.” Ang ginamit dito na pandiwang Griego, aʹgo, ay puwedeng mangahulugang “dalhin” o “akayin,” depende sa konteksto. Sa isang manuskritong Griego noong mga 200 C.E., ginamit dito ang kaugnay na salitang Griego (sy·naʹgo) na karaniwang isinasalin na “tipunin.” Bilang ang Mabuting Pastol, tinitipon, inaakay, pinoprotektahan, at pinakakain ni Jesus ang mga tupang kasama sa kulungang ito (tinatawag ding “munting kawan” sa Luc 12:32) at ang ibang mga tupa. Ang mga ito ay naging isang kawan sa ilalim ng isang pastol. Ipinapakita nito ang pagkakaisa ng mga tagasunod ni Jesus.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Juan 9:38) Nang magkagayon ay sinabi niya: “Nananampalataya ako sa kaniya, Panginoon.” At nangayupapa siya sa kaniya.

nwtsty study note sa Ju 9:38

nangayupapa siya sa kaniya: O “yumukod siya sa kaniya; sumubsob siya sa harap niya; nagbigay-galang siya sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay isinasaling “sumamba” kapag ang pagkakagamit dito ay may kaugnayan sa pagsamba sa isang diyos o bathala. (Mat 4:10; Luc 4:8) Pero sa kontekstong ito, ang pinagaling na lalaking ipinanganak na bulag ay nangayupapa kay Jesus dahil kinilala niya ito bilang kinatawan ng Diyos. Hindi niya itinuring si Jesus na Diyos o isang bathala, kundi ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na may bigay-Diyos na awtoridad. (Ju 9:35) Ang pagyukod niya kay Jesus ay malamang na katulad ng ginagawa ng mga taong binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Yumuyukod sila sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Sa maraming pagkakataon, nangayupapa ang mga tao kay Jesus bilang pasasalamat sa pagsisiwalat ng Diyos o bilang katunayan ng pagsang-ayon ng Diyos.—Tingnan ang mga study note sa nwtsty-E sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 15:25.

(Juan 10:22) Nang panahong iyon ang kapistahan ng pag-aalay ay naganap sa Jerusalem. Panahon noon ng taglamig,

nwtsty study note sa Ju 10:22

kapistahan ng pag-aalay: Sa Hebreo, ang kapistahang ito ay tinatawag na Hanukkah (chanuk·kahʹ), na nangangahulugang “Inagurasyon; Pag-aalay.” Walong araw itong ipinagdiriwang, pasimula sa ika-25 araw ng buwan ng Kislev, malapit sa winter solstice, (tingnan ang study note sa wintertime sa talatang ito sa nwtsty-E at ang seksiyon 19 ng sgd) para alalahanin ang muling pag-aalay ng templo sa Jerusalem noong 165 B.C.E. Walang paggalang si Haring Antiochus IV Epiphanes ng Sirya kay Jehova, ang Diyos ng mga Judio, kaya nilapastangan niya ang templo ng Diyos. Halimbawa, nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar, kung saan araw-araw na iniaalay ang handog na sinusunog. Noong Kislev 25, 168 B.C.E., para lubusin ang paglapastangan niya sa templo ni Jehova, naghandog si Antiochus ng baboy sa altar at isinaboy sa buong templo ang pinagpakuluan ng karne nito. Sinunog niya ang mga pintuang-daan ng templo, sinira ang mga silid ng saserdote, at kinuha ang ginintuang altar, mesa ng tinapay na pantanghal, at ginintuang kandelero. Pagkatapos, inialay niya ang templo ni Jehova sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus. Makalipas ang dalawang taon, nabawi ni Judas Maccabaeus ang lunsod at ang templo. Matapos linisin ang templo, muli itong inialay noong Kislev 25, 165 B.C.E., eksaktong tatlong taon mula nang mag-alay si Antiochus sa altar ng kasuklam-suklam na handog kay Zeus. Naibalik ang araw-araw na pag-aalay kay Jehova ng handog na sinusunog. Hindi tuwirang sinasabi ng Kasulatan na si Jehova ang nasa likod ng tagumpay ni Judas Maccabaeus at na siya ang nag-utos dito na ibalik sa ayos ang templo. Gayunman, gumamit si Jehova ng banyagang mga lalaki para isakatuparan ang ilang layunin niya may kinalaman sa pagsamba, gaya ni Ciro ng Persia. (Isa 45:1) Kaya makatuwiran ding isipin na puwedeng gumamit si Jehova ng isang lalaki mula sa bansang nakaalay sa kaniya para isakatuparan ang Kaniyang kalooban. Ipinapakita ng Kasulatan na mahalagang manatili ang templo at patuloy itong magamit para matupad ang mga hula tungkol sa Mesiyas, sa kaniyang ministeryo, at paghahandog. Kailangan ding magpatuloy ang paghahain na ginagawa ng mga Levita hanggang sa ihandog ng Mesiyas ang mas malaking hain, ang buhay niya alang-alang sa mga tao. (Dan 9:27; Ju 2:17; Heb 9:11-14) Hindi inutusan ang mga tagasunod ni Kristo na ipagdiwang ang kapistahan ng pag-aalay. (Col 2:16, 17) Pero wala rin namang ulat na nagsasabing kinondena ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pagdiriwang nito.

Pagbabasa ng Bibliya

(Juan 9:1-17) At habang dumaraan siya ay nakita niya ang isang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito. 2 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad: “Rabbi, sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, kung kaya’t ipinanganak siyang bulag?” 3 Sumagot si Jesus: “Hindi ang taong ito ang nagkasala ni ang kaniyang mga magulang, kundi upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kaniyang kalagayan. 4 Dapat nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang araw pa; ang gabi ay dumarating kung kailan wala nang taong makagagawa. 5 Hangga’t ako ay nasa sanlibutan, ako ang liwanag ng sanlibutan.” 6 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, at inilagay ang kaniyang putik sa ibabaw ng mga mata ng lalaki 7 at sinabi sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam” (na isinasaling ‘Isinugo’). At sa gayon ay umalis siya at naghugas, at bumalik na nakakakita. 8 Sa gayon ang mga kapitbahay at yaong mga dating nakakakita na siya ay pulubi ay nagsimulang magsabi: “Ito ang lalaking dating umuupo at namamalimos, hindi ba?” 9 Ang ilan ay nagsasabi: “Ito nga siya.” Ang iba ay nagsasabi: “Hindi naman, kundi kahawig niya siya.” Ang lalaki ay nagsasabi: “Ako nga siya.” 10 Dahil dito ay nagsimula silang magsabi sa kaniya: “Kung gayon, paanong nadilat ang iyong mga mata?” 11 Sumagot siya: “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mga mata at sinabi sa akin, ‘Pumaroon ka sa Siloam at maghugas ka.’ Kaya nga pumaroon ako at naghugas at nagkaroon ng paningin.” 12 Dahil dito ay sinabi nila sa kaniya: “Nasaan ang taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi ko alam.” 13 Dinala nila sa mga Pariseo ang mismong lalaki na dating bulag. 14 Nagkataon na Sabbath noon nang araw na gumawa si Jesus ng putik at idilat ang mga mata nito. 15 Sa gayon, sa pagkakataong ito ay pinagtatanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. Sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako at nagkaroon ng paningin.” 16 Sa gayon ang ilan sa mga Pariseo ay nagsimulang magsabi: “Hindi ito isang taong mula sa Diyos, sapagkat hindi niya tinutupad ang Sabbath.” Ang iba ay nagsimulang magsabi: “Paanong ang isang taong makasalanan ay makagagawa ng gayong uri ng mga tanda?” Kaya nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna nila. 17 Dahil dito ay sinabi nilang muli sa lalaking bulag: “Ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya, yamang idinilat niya ang iyong mga mata?” Ang lalaki ay nagsabi: “Siya ay isang propeta.”

OKTUBRE 8-14

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 11-12

“Tularan ang Pagkamahabagin ni Jesus”

(Juan 11:23-26) Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang iyong kapatid ay babangon.” 24 Sinabi ni Marta sa kaniya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” 25 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay; 26 at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay. Pinaniniwalaan mo ba ito?”

nwtsty study note sa Ju 11:24, 25

Alam kong babangon siya: Iniisip ni Marta na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkabuhay-muli sa hinaharap, sa huling araw. (Tingnan ang study note sa Ju 6:39, nwtsty-E.) Kapansin-pansin ang pananampalataya ni Marta sa turong iyon. Itinuturo kasi ng ilang relihiyosong lider noon, ang mga Saduceo, na walang pagkabuhay-muli, kahit pa malinaw itong itinuturo ng Kasulatan. (Dan 12:13; Mar 12:18) Naniniwala naman ang mga Pariseo sa imortalidad ng kaluluwa. Gayunman, alam ni Marta na itinuro ni Jesus ang pagkabuhay-muli at may mga binuhay pa nga siyang muli, pero wala pang katulad ni Lazaro, na ilang araw nang patay.

Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay: Dahil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, nagkaroon ng pagkakataon ang mga patay na mabuhay-muli. Matapos buhaying muli si Jesus, binigyan siya ni Jehova ng kapangyarihan na bumuhay ng mga patay at bigyan pa nga sila ng buhay na walang hanggan. (Tingnan ang study note sa Ju 5:26, nwtsty-E.) Sa Apo 1:18, tinawag ni Jesus ang sarili niya na “ang isa na nabubuhay” at may hawak ng “mga susi ng kamatayan at ng Hades [o, Libingan].” Kaya si Jesus ang pag-asa ng mga buháy at mga patay. Nangako siyang bubuksan niya ang mga libingan at bubuhayin ang mga patay tungo sa langit bilang mga kasama niyang tagapamahala o sa bagong lupa na pamamahalaan ng kaniyang makalangit na gobyerno.—Ju 5:28, 29; 2Pe 3:13.

(Juan 11:33-35) Sa gayon, si Jesus, nang makita niyang tumatangis siya at tumatangis ang mga Judio na sumama sa kaniya, ay dumaing sa espiritu at nabagabag; 34 at sinabi niya: “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kaniya: “Panginoon, halika at tingnan mo.” 35 Si Jesus ay lumuha.

nwtsty study note sa Ju 11:33-35

tumatangis: O “umiiyak.” Ang salitang Griego para sa “tumatangis” ay karaniwan nang tumutukoy sa paghagulgol. Ito rin ang pandiwang ginamit para kay Jesus nang ihula niya ang pagkawasak ng Jerusalem.—Luc 19:41.

dumaing . . . at nabagabag: Dahil pinagsama ang dalawang salitang ito sa orihinal na wika, idiniriin nito ang tindi ng naramdaman ni Jesus sa pagkakataong ito. Ang pandiwang Griego na isinaling “dumaing” (em·bri·maʹo·mai) ay karaniwan nang tumutukoy sa matinding emosyon; pero sa kontekstong ito, lumilitaw na talagang dumaing si Jesus dahil sa tindi ng nararamdaman niya. Ang salitang Griego naman para sa “nabagabag” (ta·rasʹso) ay literal na nangangahulugang “nabulabog.” Sa kontekstong ito, sinabi ng isang iskolar na nangangahulugan itong “pagkaligalig ng kalooban; maapektuhan ng matinding kirot o lungkot.” Ito rin ang pandiwang ginamit sa Ju 13:21 para ilarawan ang naramdaman ni Jesus nang maisip niya ang gagawing pagtataksil ni Hudas.—Tingnan ang study note sa Ju 11:35, nwtsty-E.

sa espiritu: O “sa loob niya.” Sa kontekstong ito, lumilitaw na ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay.—Tingnan ang glossary sa nwt-E, “Spirit.”

lumuha: Ang salitang ginamit dito (da·kryʹo) ay ang pandiwa ng pangngalang Griego para sa “luha” na ginamit sa Luc 7:38; Gaw 20:19, 31; Heb 5:7; Apo 7:17; 21:4. Mas nakapokus ito sa pagtulo ng luha kaysa sa paghagulgol. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isang beses lang ginamit ang Griegong pandiwang ito; ibang pandiwa ang ginamit sa Ju 11:33 (tingnan ang study note) para ilarawan ang pag-iyak ni Maria at ng mga Judio. Bubuhayin namang muli ni Jesus si Lazaro, pero nakadama pa rin siya ng matinding lungkot nang makita niyang nagdadalamhati ang mahal niyang mga kaibigan. Dahil sa matinding pag-ibig at habag sa mga kaibigan niya, lumuha siya sa harap nila. Malinaw na ipinapakita ng ulat na ito na naiintindihan ni Jesus ang nararamdaman ng mga namatayan ng mahal sa buhay dahil sa kasalanan ni Adan.

(Juan 11:43, 44) At nang masabi na niya ang mga bagay na ito, sumigaw siya sa malakas na tinig: “Lazaro, lumabas ka!” 44 Ang taong namatay ay lumabas na ang kaniyang mga paa at mga kamay ay natatalian ng mga pambalot, at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kalagan ninyo siya at payaunin siya.”

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Juan 11:49) Ngunit isa sa kanila, si Caifas, na siyang mataas na saserdote nang taóng iyon, ang nagsabi sa kanila: “Wala kayong anumang nalalaman,

nwtsty study note sa Ju 11:49

mataas na saserdote: Noong malayang bansa pa ang Israel, habambuhay na nanunungkulan ang mataas na saserdote. (Bil 35:25) Pero nang masakop ng Roma ang Israel, binigyan ng awtoridad ang mga tagapamahalang itinalaga ng Roma na mag-atas o magpatalsik ng mataas na saserdote. (Tingnan ang glossary sa nwt-E, “High priest.”) Si Caifas, na inatasan ng mga Romano, ay isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas matagal kaysa sa mga sinundan niya. Inatasan siya noong mga 18 C.E. at nanungkulan hanggang noong mga 36 C.E. Nang sabihin ni Juan na si Caifas ang mataas na saserdote nang taóng iyon, 33 C.E., lumilitaw na gusto lang sabihin ni Juan na saklaw ng termino ng panunungkulan ni Caifas ang mahalagang taon kung kailan pinatay si Jesus.—Tingnan ang seksiyon 16 ng sgd para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.

(Juan 12:42) Gayunpaman, marami maging sa mga tagapamahala ang talagang nanampalataya sa kaniya, ngunit dahil sa mga Pariseo ay hindi nila siya ipinapahayag, upang hindi sila matiwalag mula sa sinagoga;

nwtsty study note sa Ju 12:42

mga tagapamahala: Dito, ang salitang Griego para sa “mga tagapamahala” ay malamang na tumutukoy sa mga miyembro ng mataas na hukuman ng mga Judio, ang Sanedrin. Ang termino ay ginamit sa Ju 3:1 para tumukoy kay Nicodemo, isang miyembro ng hukumang iyon.—Tingnan ang study note sa Ju 3:1, nwtsty-E.

matiwalag mula sa sinagoga: O “mapalayas sa sinagoga.” Dito lang ginamit ang pang-uring Griego na a·po·sy·naʹgo·gos at sa Ju 12:42 at 16:2. Ang mga itiniwalag ay nilalayuan at itinatakwil ng lipunan. Kapag naputol ang pakikipag-ugnayan ng isa sa kapuwa niya mga Judio, matindi ang epekto nito sa kabuhayan ng pamilya niya. Ang mga sinagoga, na pangunahin nang ginagamit sa pagtuturo, ay puwede ring maging lokal na mga hukuman na makapagpapataw ng parusang paghahagupit at pagtitiwalag.—Tingnan ang study note sa Mat 10:17, nwtsty-E.

Pagbabasa ng Bibliya

(Juan 12:35-50) Sa gayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang liwanag ay mapapasagitna ninyo nang kaunting panahon pa. Lumakad kayo habang nasa inyo ang liwanag, upang hindi manaig sa inyo ang kadiliman; at siya na lumalakad sa kadiliman ay hindi nakaaalam kung saan siya paroroon. 36 Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, upang maging mga anak ng liwanag.” Sinalita ni Jesus ang mga bagay na ito at umalis at nagtago mula sa kanila. 37 Ngunit bagaman nakagawa na siya ng napakaraming tanda sa harap nila, hindi sila nananampalataya sa kaniya, 38 anupat natupad ang salita ni Isaias na propeta na sinabi niya: “Jehova, sino ang nanampalataya sa bagay na narinig namin? At kung tungkol sa bisig ni Jehova, kanino ito naisiwalat?” 39 Ang dahilan kung bakit sila hindi makapaniwala ay sapagkat muling sinabi ni Isaias: 40 “Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas niya ang kanilang mga puso, upang hindi nila makita ng kanilang mga mata at makuha ng kanilang mga puso ang diwa at manumbalik at mapagaling ko nga sila.” 41 Sinabi ni Isaias ang mga bagay na ito sapagkat nakita nito ang kaniyang kaluwalhatian, at nagsalita ito tungkol sa kaniya. 42 Gayunpaman, marami maging sa mga tagapamahala ang talagang nanampalataya sa kaniya, ngunit dahil sa mga Pariseo ay hindi nila siya ipinapahayag, upang hindi sila matiwalag mula sa sinagoga; 43 sapagkat inibig nila ang kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos. 44 Gayunman, sumigaw si Jesus at nagsabi: “Siya na nananampalataya sa akin ay nananampalataya, hindi lamang sa akin, kundi sa kaniya rin na nagsugo sa akin; 45 at siya na nakakakita sa akin ay nakakakita rin sa kaniya na nagsugo sa akin. 46 Ako ay pumarito bilang liwanag sa sanlibutan, upang ang bawat isa na nananampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman. 47 Ngunit kung ang sinuman ay dumirinig sa aking mga pananalita at hindi tumutupad sa mga iyon, hindi ko siya hinahatulan; sapagkat ako ay pumarito, hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. 48 Siya na nagwawalang-halaga sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita ay may isa na hahatol sa kaniya. Ang salita na sinalita ko ang hahatol sa kaniya sa huling araw; 49 sapagkat hindi ako nagsalita udyok ng aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain. 50 Gayundin, alam kong ang kaniyang utos ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid ang mga bagay na aking sinasalita, kung paanong ang mga iyon ay sinabi sa akin ng Ama, gayon ko rin sinasalita ang mga iyon.”

OKTUBRE 15-21

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 13-14

“Nagbigay Ako ng Parisan Para sa Inyo”

(Juan 13:5) Pagkatapos nito ay naglagay siya ng tubig sa isang palanggana at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at tinuyo ang mga iyon ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.

nwtsty study note sa Ju 13:5

hugasan ang mga paa ng mga alagad: Sa Israel noon, sandalyas ang pinakakaraniwang isinusuot sa paa. Parang suwelas lang ito na puwedeng itali sa paa at bandang sakong, kaya talagang madurumhan ang paa ng isang manlalakbay dahil sa maalikabok at maputik na mga daan at bukirin. Kaya kaugalian nila noon na alisin ang kanilang sandalyas kapag pumapasok sa bahay, at sisiguraduhin naman ng mapagpatuloy na may-bahay na mahugasan ang paa ng kaniyang bisita. Maraming beses na binanggit sa Bibliya ang kaugaliang ito. (Gen 18:4, 5; 24:32; 1Sa 25:41; Luc 7:37, 38, 44) Nang hugasan ni Jesus ang paa ng mga alagad niya, tinuruan niya sila na maging mapagpakumbaba at maglingkod sa isa’t isa.

(Juan 13:12-14) Nang mahugasan na niya ang kanilang mga paa at maisuot ang kaniyang mga panlabas na kasuutan at muling humilig sa mesa, sinabi niya sa kanila: “Alam ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sinasabi, sapagkat gayon ako. 14 Samakatuwid, kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa.

nwtsty study note sa Ju 13:12-14

dapat: O “may pananagutan.” Ang pandiwang Griego para dito ay literal na nangangahulugang “may utang.” (Mat 18:28, 30, 34; Luc 16:5, 7) Pero dito at sa iba pang konteksto, mas malawak ang ibig sabihin nito at puwedeng mangahulugan na obligado ang isa na gawin ang isang bagay.—1Ju 3:16; 4:11; 3Ju 8.

(Juan 13:15) Sapagkat nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.

w99 3/1 31 ¶1

Gumawa ng Mapagpakumbabang Paglilingkod ang Pinakadakilang Tao

Sa paghugas sa mga paa ng kaniyang mga alagad, si Jesus ay naglaan ng isang mapuwersang aral sa pagpapakumbaba. Oo, hindi dapat isipin ng mga Kristiyano na sila’y napakahalaga anupat dapat ay lagi silang paglingkuran ng iba, ni dapat man silang maghangad ng mga tungkulin na may dangal at prestihiyo. Sa halip, dapat nilang sundin ang parisan na ibinigay ni Jesus, na “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Oo, ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat na handang gumawa ng pinakahamak na paglilingkod sa bawat isa.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Juan 14:6) Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

nwtsty study note sa Ju 14:6

Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay: Si Jesus ang daan dahil siya lang ang paraan para makalapit tayo sa Diyos sa panalangin. Siya rin ang “daan” para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos. (Ju 16:23; Ro 5:8) Si Jesus ang katotohanan dahil nagsalita siya at namuhay ayon sa katotohanan. Napakarami niya ring tinupad na hula na nagpapakita kung gaano kalaki ang papel niya sa katuparan ng layunin ng Diyos. (Ju 1:14; Apo 19:10) Ang mga hulang ito ay “naging Oo [o, natupad] sa pamamagitan niya.” (2Co 1:20) Si Jesus ang buhay dahil sa pamamagitan ng pantubos, naging posible na magkaroon tayo ng “tunay na buhay,” ang “buhay na walang hanggan.” (1Ti 6:12, 19; Efe 1:7; 1Ju 1:7) Siya rin ang “buhay” para sa milyon-milyong namatay na bubuhaying muli at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso.—Ju 5:28, 29.

(Juan 14:12) Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na nananampalataya sa akin, ang isa ring iyon ay gagawa ng mga gawa na aking ginagawa; at siya ay gagawa ng mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito, sapagkat ako ay paroroon sa Ama.

nwtsty study note sa Ju 14:12

mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito: Hindi sinasabi ni Jesus na mas kamangha-mangha ang mga himalang gagawin ng mga alagad niya kumpara sa mga ginawa niya. Naging mapagpakumbaba lang siya at kinilala niya na mas malaki ang magagawa ng mga tagasunod niya pagdating sa pangangaral at pagtuturo. Mas malawak ang teritoryong masasaklaw nila, mas maraming tao ang makakausap nila, at mas mahabang panahon ang magagamit nila sa pangangaral. Malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus na inaasahan niyang itutuloy ng mga tagasunod niya ang gawain niya.

Pagbabasa ng Bibliya

(Juan 13:1-17) Sa dahilan ngang alam niya bago pa ang kapistahan ng paskuwa na dumating na ang kaniyang oras upang umalis siya sa sanlibutang ito patungo sa Ama, si Jesus, yamang inibig niya ang mga sariling kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas. 2 Kaya, habang nagaganap ang hapunan, palibhasa’y inilagay na ng Diyablo sa puso ni Hudas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya, 3 siya, sa pagkaalam na ibinigay na ng Ama sa kaniyang mga kamay ang lahat ng bagay at na siya ay nanggaling sa Diyos at paroroon sa Diyos, 4 ay tumayo mula sa hapunan at inilagay sa tabi ang kaniyang mga panlabas na kasuutan. At, pagkakuha ng tuwalya, binigkisan niya ang kaniyang sarili. 5 Pagkatapos nito ay naglagay siya ng tubig sa isang palanggana at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at tinuyo ang mga iyon ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya. 6 At sa gayon ay lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi nito sa kaniya: “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?” 7 Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang ginagawa ko ay hindi mo nauunawaan sa kasalukuyan, ngunit mauunawaan mo pagkatapos ng mga bagay na ito.” 8 Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Tiyak na hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus sa kaniya: “Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.” 9 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: “Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa, kundi gayundin ang aking mga kamay at ang aking ulo.” 10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Siya na nakapaligo na ay hindi na kailangang mahugasan maliban sa kaniyang mga paa, kundi lubusan na siyang malinis. At kayo ay malilinis, ngunit hindi ang lahat.” 11 Sa katunayan, kilala niya ang taong magkakanulo sa kaniya. Ito ang dahilan kung bakit niya sinabi: “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” 12 Nang mahugasan na niya ang kanilang mga paa at maisuot ang kaniyang mga panlabas na kasuutan at muling humilig sa mesa, sinabi niya sa kanila: “Alam ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sinasabi, sapagkat gayon ako. 14 Samakatuwid, kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa. 15 Sapagkat nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin. 16 Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon, ni ang isinusugo ay mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.

OKTUBRE 22-28

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 15-17

“Hindi Kayo Bahagi ng Sanlibutan”

(Juan 15:19) Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.

nwtsty study note sa Ju 15:19

sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hindi lingkod ng Diyos, ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na sumipi kay Jesus nang sabihin niyang ang mga tagasunod niya ay hindi bahagi ng sanlibutan. Sinabi iyan ni Jesus nang dalawang beses sa huling panalangin niya kasama ang kaniyang tapat na mga apostol.—Ju 17:14, 16.

(Juan 15:21) Ngunit gagawin nila ang lahat ng bagay na ito laban sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila kilala siya na nagsugo sa akin.

nwtsty study note sa Ju 15:21

dahil sa aking pangalan: Sa Bibliya, ang “pangalan” ay puwedeng tumukoy sa taong nagtataglay ng pangalang iyon, sa kaniyang reputasyon, at sa lahat ng kinakatawanan niya. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9, nwtsty-E.) Ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan din sa awtoridad at posisyon na ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. (Mat 28:18; Fil 2:9, 10; Heb 1:3, 4) Ipinapaliwanag dito ni Jesus kung bakit magiging malupit ang sanlibutan sa mga tagasunod niya: dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa kaniya. Kung kilala nila ang Diyos, maiintindihan nila kung gaano kahalaga ang pangalan ni Jesus at kikilalanin nila ito. (Gaw 4:12) Kasama rito ang posisyon ni Jesus bilang itinalagang Tagapamahala ng Diyos, ang Hari ng mga hari, kung kanino dapat yumukod at magpasakop ang lahat ng tao para magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Ju 17:3; Apo 19:11-16; ihambing ang Aw 2:7-12.

(Juan 16:33) Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa pamamagitan ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”

it-2 162

Lakas ng Loob

Ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng lakas ng loob upang manatiling di-nahahawahan ng mga saloobin at mga pagkilos ng isang sanlibutang may pakikipag-alit sa Diyos na Jehova at upang manatiling tapat sa Kaniya sa kabila ng kailangan nilang harapin ang pagkapoot ng sanlibutan. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Ju 16:33) Hindi nagpadaig ang Anak ng Diyos sa impluwensiya ng sanlibutan, sa halip ay nagtagumpay siya laban sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagiging hindi katulad nito sa anumang paraan. Ang mahusay na halimbawa ni Jesu-Kristo bilang isa na nanaig at ang resulta ng kaniyang walang-kapintasang landasin ay lubos na makapaglalaan sa isa ng kinakailangang lakas ng loob upang tumulad sa kaniya sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan at pagiging di-nadungisan nito.—Ju 17:16.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Juan 17:21-23) upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na isinugo mo ako. 22 Gayundin, ibinigay ko sa kanila ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay kaisa nila at ikaw ay kaisa ko, upang mapasakdal sila sa isa, upang ang sanlibutan ay magkaroon ng kaalaman na isinugo mo ako at na inibig mo sila kung paanong inibig mo ako.

nwtsty study note sa Ju 17:21-23

maging isa: O “magkaisa.” Ipinanalangin ni Jesus na “maging isa” sana ang tunay na mga tagasunod niya, o magkaisa sila sa pagsasakatuparan ng iisang layunin, kung paanong siya at ang kaniyang Ama ay “iisa,” o nagkakaisa sa kaisipan at nagtutulungan. (Ju 17:22) Sa 1Co 3:6-9, inilarawan ni Pablo ang pagkakaisang ito ng mga Kristiyano habang gumagawa sila nang magkakasama bilang mga kamanggagawa ng Diyos.—Tingnan ang 1Co 3:8 at ang mga study note sa nwtsty-E sa Ju 10:30; 17:11.

mapasakdal sila sa isa: O “lubusan silang magkaisa.” Sa talatang ito, ang pagkakaisa ay iniugnay ni Jesus sa pag-ibig ng Diyos. Kaayon ito ng sinasabi sa Col 3:14: ‘Ang pag-ibig ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.’ Kapag sinabing ‘lubusang nagkakaisa,’ hindi ibig sabihin na wala nang pagkakaiba-iba ang personalidad ng bawat indibidwal—ang kanilang kakayahan, kaugalian, at konsensiya. Nangangahulugan lang ito na ang mga tagasunod ni Jesus ay nagkakaisa sa pagkilos, paniniwala, at turo.—Ro 15:5, 6; 1Co 1:10; Efe 4:3; Fil 1:27.

(Juan 17:24) Ama, kung tungkol sa ibinigay mo sa akin, nais kong, kung nasaan ako, sila rin ay makasama ko, upang makita ang aking kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, sapagkat inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.

nwtsty study note sa Ju 17:24

pagkakatatag ng sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “pagkakatatag” ay isinaling “maglihi” sa Heb 11:11, kung saan iniugnay ito sa “binhi.” Sa pananalitang “pagkakatatag ng sanlibutan,” lumilitaw na tumutukoy ito sa pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniuugnay ni Jesus kay Abel ang “pagkakatatag ng sanlibutan,” dahil malamang na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at ang unang “napasulat sa balumbon ng buhay mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Luc 11:50, 51; Apo 17:8) Pinapatunayan din ng panalanging ito ni Jesus sa kaniyang Ama, na noon pa man—bago pa magkaanak sina Adan at Eva—iniibig na ng Diyos ang kaniyang kaisa-isang Anak.

Pagbabasa ng Bibliya

(Juan 17:1-14) Sinalita ni Jesus ang mga bagay na ito, at, pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, sinabi niya: “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong anak, upang luwalhatiin ka ng iyong anak, 2 kung paanong binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman, upang may kinalaman sa buong bilang na ibinigay mo sa kaniya ay mabigyan niya sila ng buhay na walang hanggan. 3 Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo. 4 Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin. 5 Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan. 6 “Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. 7 Nalaman na nila ngayon na ang lahat ng bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; 8 sapagkat ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga iyon at talagang nalaman na lumabas ako bilang iyong kinatawan, at naniwala sila na isinugo mo ako. 9 Humihiling ako may kinalaman sa kanila; humihiling ako, hindi may kinalaman sa sanlibutan, kundi may kinalaman doon sa mga ibinigay mo sa akin; sapagkat sila ay sa iyo, 10 at ang lahat ng bagay na akin ay sa iyo at ang iyo ay sa akin, at ako ay niluwalhati na sa gitna nila. 11 “Gayundin, wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan at paroroon ako sa iyo. Amang Banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa na gaya natin. 12 Noong kasama nila ako ay binabantayan ko sila dahil sa iyong sariling pangalan na ibinigay mo sa akin; at iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa maliban sa anak ng pagkapuksa, upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon ay paroroon ako sa iyo, at sinasalita ko ang mga bagay na ito sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay mapasakanila nang lubusan. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.

OKTUBRE 29–NOBYEMBRE 4

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 18-19

“Nagpatotoo si Jesus sa Katotohanan”

(Juan 18:36) Sumagot si Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.”

(Juan 18:37) Sa gayon ay sinabi ni Pilato sa kaniya: “Kung gayon nga, ikaw ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsasabing ako ay isang hari. Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”

nwtsty study note sa Ju 18:37

magpatotoo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, malawak ang kahulugan ng mga salitang Griego na isinasaling “magpatotoo” (mar·ty·reʹo) at “maging saksi” (mar·ty·riʹa; marʹtys). Ang dalawang terminong ito ay nangangahulugang pagbibigay ng patotoo batay sa kaalaman ng isang tao o tungkol sa isang bagay na siya mismo ang nakakita, pero puwede rin itong mangahulugan na “paghahayag; pagkumpirma; pagbibigay ng mabuting ulat.” Bukod sa pagpapatotoo at paghahayag ni Jesus sa mga katotohanang pinaniniwalaan niya, makikita rin sa paraan ng pamumuhay niya na mahalaga sa kaniya na magkatotoo ang mga hula at pangako ng kaniyang Ama. (2Co 1:20) Detalyadong inihula ang layunin ng Diyos na may kaugnayan sa Kaharian at sa Mesiyanikong Tagapamahala nito. Makikita sa buong buhay ni Jesus sa lupa hanggang sa kaniyang kamatayan ang katuparan ng lahat ng hula tungkol sa kaniya, kasama na ang mga bagay na inilalarawan ng tipang Kautusan. (Col 2:16, 17; Heb 10:1) Kaya sa salita at gawa, masasabing si Jesus ay ‘nagpatotoo sa katotohanan.’

katotohanan: Ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang katotohanan sa pangkalahatan kundi ang katotohanan na may kaugnayan sa layunin ng Diyos. Ang isang mahalagang bahagi ng layunin ng Diyos ay ang paglilingkod ni Jesus, ang “anak ni David,” bilang Mataas na Saserdote at Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mat 1:1) Ipinaliwanag ni Jesus na ang paghahayag ng katotohanan tungkol sa Kaharian ang pangunahing dahilan ng pagpunta niya sa sanlibutan, ng pamumuhay niya sa lupa, at ng kaniyang ministeryo. Ganiyan ding mensahe ang inihayag ng mga anghel bago at sa mismong panahong ipinanganak si Jesus sa Betlehem ng Judea, ang lunsod kung saan isinilang si David.—Luc 1:32, 33; 2:10-14.

(Juan 18:38a) Sinabi ni Pilato sa kaniya: “Ano ang katotohanan?”

nwtsty study note sa Ju 18:38a

Ano ang katotohanan?: Lumilitaw na katotohanan sa pangkalahatan ang itinatanong ni Pilato, hindi ang espesipikong “katotohanan” na tinutukoy ni Jesus. (Ju 18:37) Kung taimtim siya sa pagtatanong, siguradong sinagot siya ni Jesus. Pero malamang na hindi naman talaga humihingi ng sagot si Pilato at hindi siya naniniwala na may katotohanan. Para bang sinasabi niya, “Katotohanan? Ano ’yon? Walang katotohanan!” Ang totoo, hindi naghintay ng sagot si Pilato kundi umalis siya at pinuntahan niya ang mga Judio.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Juan 19:30) Nang matanggap na niya ang maasim na alak, sinabi ni Jesus: “Naganap na!” at, pagyuko ng kaniyang ulo, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.

nwtsty study note sa Ju 19:30

ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu: O “namatay siya; huminto siya sa paghinga.” Dito, ang terminong “espiritu” (sa Griego, pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa “hininga” o “puwersa ng buhay.” Sinusuportahan ito ng katulad na ulat sa Mar 15:37 at Luc 23:46 kung saan ginamit ang pandiwang Griego na ek·pneʹo, na isinaling “nalagutan ng hininga” sa mga tekstong ito at siya ring literal na kahulugan nito. (Isinalin din itong “hinugot niya ang kaniyang huling hininga” sa study note sa mga talatang ito sa nwtsty-E.) May mga nagsasabi na ipinapakita ng terminong Griego para sa “ipinaubaya” na hindi na sinikap ni Jesus na manatiling buhay dahil naganap na ang lahat ng bagay. Kusang-loob niyang ‘ibinuhos ang kaniyang kaluluwa [o, buhay] hanggang sa mismong kamatayan.’—Isa 53:12; Ju 10:11.

(Juan 19:31) Nang magkagayon ang mga Judio, yamang noon ay Paghahanda, upang ang mga katawan ay hindi manatili sa pahirapang tulos nang Sabbath, (sapagkat ang araw ng Sabbath na iyon ay dakila,) ay humiling kay Pilato na ipabali ang kanilang mga binti at ipaalis ang mga katawan.

nwtsty study note sa Ju 19:31

ang araw ng Sabbath na iyon ay dakila: Laging sabbath ang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa, anumang araw ng linggo ito tumapat. (Lev 23:5-7) Kapag tumapat sa iisang araw ang espesyal na sabbath na ito at ang regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng linggo ng mga Judio, mula sa paglubog ng araw sa Biyernes hanggang sa paglubog ng araw sa Sabado), tinatawag na “dakila” ang sabbath na ito. Nang mamatay si Jesus sa araw ng Biyernes, ang sumunod na araw ay isang dakilang sabbath. Mula 29 hanggang 35 C.E., noong 33 C.E. lang tumapat ng Biyernes ang Nisan 14. Sinusuportahan nito ang konklusyon na noong Nisan 14, 33 C.E., namatay si Jesus.

Pagbabasa ng Bibliya

(Juan 18:1-14) Pagkasabi ng mga bagay na ito, lumabas si Jesus na kasama ang kaniyang mga alagad patawid sa agusang-taglamig ng Kidron kung saan may isang hardin, at siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon. 2 At alam din ni Hudas, na magkakanulo sa kaniya, ang dakong iyon, sapagkat maraming ulit nang nakipagtagpo roon si Jesus sa kaniyang mga alagad. 3 Sa gayon ay dinala ni Hudas ang pangkat ng mga kawal at ang mga opisyal ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo at dumating doon na may mga sulo at mga lampara at mga sandata. 4 Si Jesus, nang magkagayon, yamang nalalaman ang lahat ng bagay na darating sa kaniya, ay lumabas at nagsabi sa kanila: “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 Sumagot sila sa kaniya: “Si Jesus na Nazareno.” Sinabi niya sa kanila: “Ako nga siya.” At si Hudas, na magkakanulo sa kaniya, ay nakatayo ring kasama nila. 6 Gayunman, nang sabihin niya sa kanila: “Ako nga siya,” nagsiurong sila at nabuwal sa lupa. 7 Sa gayon ay tinanong niya silang muli: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sinabi nila: “Si Jesus na Nazareno.” 8 Sumagot si Jesus: “Sinabi ko sa inyo na ako nga siya. Samakatuwid, kung ako nga ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga ito”; 9 upang matupad ang salita na sinabi niya: “Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko naiwala ang kahit isa man.” 10 Nang magkagayon, yamang siya ay may tabak, hinugot iyon ni Simon Pedro at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote at pinutol ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Gayunman, sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ipasok mo ang tabak sa kaluban nito. Ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama, hindi ko ba ito dapat inuman?” 12 Nang magkagayon ay dinakip si Jesus ng pangkat ng mga kawal at ng kumandante ng militar at ng mga opisyal ng mga Judio at iginapos siya, 13 at dinala muna nila siya kay Anas; sapagkat siya ay biyenan ni Caifas, na mataas na saserdote nang taóng iyon. 14 Si Caifas, sa katunayan, ang siyang nagpayo sa mga Judio na para sa kanilang kapakinabangan na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share