Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
ENERO 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 21-22
“Maganap Nawa ang Kalooban ni Jehova”
(Gawa 21:8-12) Nang sumunod na araw ay humayo kami at dumating sa Cesarea, at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelisador, na isa sa pitong lalaki, at nanatili kaming kasama niya. 9 Ang taong ito ay may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula. 10 Ngunit samantalang nananatili kami roon nang maraming araw, isang propeta na nagngangalang Agabo ang bumaba mula sa Judea, 11 at pumaroon siya sa amin at kinuha ang pamigkis ni Pablo, iginapos ang kaniyang sariling mga paa at kamay at sinabi: “Ganito ang sinasabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito ay igagapos ng mga Judio sa ganitong paraan sa Jerusalem at ibibigay sa mga kamay ng mga tao ng mga bansa.’ ” 12 Nang marinig nga namin ito, kapuwa kami at yaong mga tagaroon ay nagsimulang mamanhik sa kaniya na huwag umahon sa Jerusalem.
“Maganap Nawa ang Kalooban ni Jehova”
15 Habang nakikitulóy si Pablo sa bahay ni Felipe, isa pang iginagalang na panauhin ang dumating—si Agabo. Alam ng mga nagkakatipon sa bahay ni Felipe na isang propeta si Agabo; siya ang humula sa malaking taggutom na nangyari noong panahon ng pamamahala ni Claudio. (Gawa 11:27, 28) Marahil ay nagtataka sila: ‘Bakit nandito si Agabo? Ano kaya ang dala niyang mensahe?’ Habang nakamasid ang lahat, kinuha ni Agabo ang pamigkis ni Pablo—isang mahabang tela na itinatali sa baywang at puwedeng pagsuksukan ng pera at iba pang bagay. Iginapos ni Agabo ang kaniyang mga kamay at paa gamit ang pamigkis. Saka niya sinabi ang mabigat na mensaheng dala niya: “Ganito ang sinasabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito ay igagapos ng mga Judio sa ganitong paraan sa Jerusalem at ibibigay sa mga kamay ng mga tao ng mga bansa.’ ”—Gawa 21:11.
16 Ipinakikita ng hulang ito na talagang dapat pumunta si Pablo sa Jerusalem. Ipinahihiwatig din nito na ang kaniyang pangangaral sa mga Judio roon ang magdadala sa kaniya “sa mga kamay ng mga tao ng mga bansa.” Malaki ang naging epekto ng hulang ito sa mga kapatid na nasa bahay ni Felipe. Isinulat ni Lucas: “Nang marinig nga namin ito, kapuwa kami at yaong mga tagaroon ay nagsimulang mamanhik sa kaniya na huwag umahon sa Jerusalem. Nang magkagayon ay sumagot si Pablo: ‘Ano ang ginagawa ninyo na tumatangis at pinahihina ang aking puso? Makatitiyak kayo, handa ako na hindi lamang maigapos kundi mamatay rin sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.’ ”—Gawa 21:12, 13.
(Gawa 21:13) Nang magkagayon ay sumagot si Pablo: “Ano ang ginagawa ninyo na tumatangis at pinahihina ang aking puso? Makatitiyak kayo, handa ako na hindi lamang maigapos kundi mamatay rin sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
“Maganap Nawa ang Kalooban ni Jehova”
17 Gunigunihin ang eksena. Si Pablo ay pinakikiusapan ng mga kapatid, pati na ni Lucas, na huwag nang tumuloy sa Jerusalem. Bumaha ang mga luha. Damang-dama ni Pablo ang pagmamalasakit nila sa kaniya anupat magiliw niyang sinabi sa kanila na ‘pinahihina nila ang kaniyang puso,’ o ayon sa ibang salin, ‘dinudurog nila ang kaniyang puso.’ Pero matatag pa rin si Pablo, at gaya ng nangyari sa Tiro, hindi mababago ng anumang pakiusap o pagtangis ang kaniyang pasiya. Sa halip, ipinaliwanag niya sa kanila kung bakit dapat siyang tumuloy. Napakalakas ng kaniyang loob at napakatatag ng kaniyang determinasyon! Tulad ni Jesus noon, buo ang pasiya ni Pablo na tumuloy sa Jerusalem. (Heb. 12:2) Hindi naman sa gusto niyang magpakamartir, pero kung talagang hinihingi ng pagkakataon, ituturing niyang isang karangalan ang mamatay bilang tagasunod ni Kristo Jesus.
(Gawa 21:14) Nang ayaw niyang pahikayat, sumang-ayon kami sa mga salitang: “Maganap nawa ang kalooban ni Jehova.”
“Maganap Nawa ang Kalooban ni Jehova”
18 Ano ang naging reaksiyon ng mga kapatid? Iginalang nila ang pasiya ni Pablo. Mababasa natin: “Nang ayaw niyang pahikayat, sumang-ayon kami sa mga salitang: ‘Maganap nawa ang kalooban ni Jehova.’ ” (Gawa 21:14) Hindi naman ipinagpilitan ng mga kumukumbinsi kay Pablo ang kanilang gusto na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Nakinig sila kay Pablo at iginalang nila ang kaniyang pasiya. Tinanggap nila kung ano ang kalooban ni Jehova, kahit na hindi ito madaling gawin. Isang landasing hahantong sa kaniyang kamatayan ang tinatahak ni Pablo. Naging mas madali sana kay Pablo ang pagtahak dito kung hindi siya tinangkang pigilan ng mga nagmamahal sa kaniya.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 21:23, 24) Kaya nga gawin mo itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at maglinis ka ng iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang kanilang mga gastusin, upang mapaahitan nila ang kanilang mga ulo. At sa gayon ay malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga usap-usapan na sinabi sa kanila tungkol sa iyo, kundi sa halip ay lumalakad ka nang maayos, na ikaw rin mismo ay tumutupad sa Kautusan.
“Pakinggan Ninyo ang Pagtatanggol Ko”
10 Gayunpaman, naging makonsiderasyon si Pablo sa mga indibiduwal na nagsasagawa pa rin ng ilang kaugaliang Judio, gaya ng hindi pagtatrabaho kapag Sabbath o kaya’y pag-iwas sa ilang uri ng pagkain. (Roma 14:1-6) Hindi rin naman niya ipinagbawal ang pagtutuli. Sa katunayan, ipinatuli ni Pablo si Timoteo, na anak ng isang Griego, para hindi makatisod sa mga Judio. (Gawa 16:3) Ang pagtutuli ay personal na pagpapasiya ng isa. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia: “Walang anumang halaga ang pagtutuli ni ang di-pagtutuli, kundi ang pananampalatayang kumikilos sa pamamagitan ng pag-ibig.” (Gal. 5:6) Pero kung itinuturing ng isa ang pagtutuli bilang pagtupad sa Kautusan o bilang kahilingan para matamo ang pagsang-ayon ni Jehova, ipinakikita niyang wala siyang pananampalataya.
11 Bagaman walang katotohanan ang mga usap-usapan, naligalig pa rin ang mga mánanampalatayáng Judio. Kaya naman tinagubilinan ng matatandang lalaki si Pablo: “Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili. Isama mo ang mga lalaking ito at maglinis ka ng iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang kanilang mga gastusin, upang mapaahitan nila ang kanilang mga ulo. At sa gayon ay malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga usap-usapan na sinabi sa kanila tungkol sa iyo, kundi sa halip ay lumalakad ka nang maayos, na ikaw rin mismo ay tumutupad sa Kautusan.”—Gawa 21:23, 24.
12 Puwede sanang sabihin ni Pablo na ang talagang problema ay ang pagkapanatiko ng mga mánanampalatayáng Judio sa Kautusang Mosaiko, at hindi ang mga usap-usapan tungkol sa kaniya. Pero handa siyang makibagay, hangga’t walang nalalabag na mga simulain ng Diyos. Hindi pa natatagalan, sumulat siya: “Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako mismo ay wala sa ilalim ng kautusan, upang matamo ko yaong mga nasa ilalim ng kautusan.” (1 Cor. 9:20) Sa pagkakataong ito, nakipagtulungan si Pablo sa matatanda sa Jerusalem at naging “nasa ilalim ng kautusan.” Isang mainam na halimbawa para sa atin ang ginawang ito ni Pablo. Matutularan natin siya kung makikipagtulungan tayo sa mga elder at hindi ipagpipilitan ang gusto natin.—Heb. 13:17.
(Gawa 22:16) At ngayon ay bakit ka nagpapaliban? Tumindig ka, magpabautismo ka at hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag mo sa kaniyang pangalan.’
nwtsty study note sa Gaw 22:16
hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag mo sa kaniyang pangalan: O “hugasan ang iyong mga kasalanan at tumawag sa kaniyang pangalan.” Mahuhugasan ang kasalanan ng isang tao, hindi sa pamamagitan ng mismong tubig sa bautismo, kundi sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ni Jesus. Dapat siyang manampalataya kay Jesus at ipakita ito sa mga gawa ng isang Kristiyano.—Gaw 10:43; San 2:14, 18.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 21:1-19) At nang makahiwalay na kami sa kanila at makapaglayag, kami ay naglakbay nang tuluy-tuloy at dumating sa Cos, ngunit nang sumunod na araw ay sa Rodas, at mula roon ay sa Patara. 2 At nang makasumpong kami ng isang barko na tatawid patungong Fenicia, kami ay lumulan at naglayag. 3 Nang matanaw na namin ang pulo ng Ciprus ay iniwan namin ito sa gawing kaliwa at patuloy na naglayag patungong Sirya, at dumaong sa Tiro, sapagkat doon ibababa ng barko ang kargamento nito. 4 Sa pamamagitan ng paghahanap ay natagpuan namin ang mga alagad at nanatili kami rito nang pitong araw. Ngunit sa pamamagitan ng espiritu ay paulit-ulit nilang sinabihan si Pablo na huwag tumuntong sa Jerusalem. 5 Kaya nang matapos na namin ang mga araw na iyon, kami ay humayo at nagsimula sa aming lakad; ngunit silang lahat, kasama ang mga babae at mga anak, ay naghatid sa amin hanggang sa labas ng lunsod. At pagkaluhod sa dalampasigan ay nanalangin kami 6 at nagpaalam sa isa’t isa, at sumakay kami sa barko ngunit sila naman ay bumalik sa kanilang mga tahanan. 7 Sa gayon ay natapos namin ang biyahe mula sa Tiro at dumating kami sa Tolemaida, at binati namin ang mga kapatid at nanuluyang kasama nila nang isang araw. 8 Nang sumunod na araw ay humayo kami at dumating sa Cesarea, at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelisador, na isa sa pitong lalaki, at nanatili kaming kasama niya. 9 Ang taong ito ay may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula. 10 Ngunit samantalang nananatili kami roon nang maraming araw, isang propeta na nagngangalang Agabo ang bumaba mula sa Judea, 11 at pumaroon siya sa amin at kinuha ang pamigkis ni Pablo, iginapos ang kaniyang sariling mga paa at kamay at sinabi: “Ganito ang sinasabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito ay igagapos ng mga Judio sa ganitong paraan sa Jerusalem at ibibigay sa mga kamay ng mga tao ng mga bansa.’ ” 12 Nang marinig nga namin ito, kapuwa kami at yaong mga tagaroon ay nagsimulang mamanhik sa kaniya na huwag umahon sa Jerusalem. 13 Nang magkagayon ay sumagot si Pablo: “Ano ang ginagawa ninyo na tumatangis at pinahihina ang aking puso? Makatitiyak kayo, handa ako na hindi lamang maigapos kundi mamatay rin sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Nang ayaw niyang pahikayat, sumang-ayon kami sa mga salitang: “Maganap nawa ang kalooban ni Jehova.” 15 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naghanda kami para sa paglalakbay at nagsimulang umahon patungong Jerusalem. 16 Ngunit ang ilan sa mga alagad mula sa Cesarea ay sumama rin sa amin, upang dalhin kami sa taong magpapatuloy sa amin sa kaniyang tahanan, isang Minason ng Ciprus, isa sa mga unang alagad. 17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Ngunit nang sumunod na araw, si Pablo ay pumuntang kasama namin kay Santiago; at ang lahat ng matatandang lalaki ay naroroon. 19 At binati niya sila at pinasimulang ilahad nang detalyado ang ulat tungkol sa mga bagay na ginawa ng Diyos sa gitna ng mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo.
ENERO 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 23-24
“Inakusahang Salot at Nagsusulsol ng Sedisyon”
(Gawa 23:12) At nang maging araw na, ang mga Judio ay bumuo ng isang sabuwatan at nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa, na sinasabing hindi sila kakain ni iinom hanggang sa mapatay nila si Pablo.
(Gawa 23:16) Gayunman, narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang, at pumaroon siya at pumasok sa kuwartel ng mga kawal at sinabi ito kay Pablo.
“Lakasan Mo ang Iyong Loob!”
5 Napapanahon ang pampatibay-loob na natanggap ni Pablo. Kinabukasan, mahigit 40 lalaking Judio ang “bumuo ng isang sabuwatan at nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa, na sinasabing hindi sila kakain ni iinom hanggang sa mapatay nila si Pablo.” Ang “pinanumpaang sabuwatang” ito ay nagpapakitang determinado talaga ang mga Judiong iyon na patayin ang apostol. Naniniwala silang may masamang mangyayari sa kanila kung hindi nila maisasagawa ang kanilang balak. (Gawa 23:12-15) Kasabuwat nila ang mga punong saserdote at matatandang lalaki. Ipatatawag si Pablo pabalik sa Sanedrin para kunwari’y tanungin at tiyakin ang ilang bagay. Pero bago pa man makarating si Pablo sa Sanedrin, tatambangan na nila siya at papatayin.
6 Pero narinig ng pamangking lalaki ni Pablo ang pakana at ibinalita niya ito kay Pablo. Sinabihan naman ni Pablo ang kaniyang pamangkin na ibalita ito kay Claudio Lisias, ang kumandante ng mga kawal na Romano. (Gawa 23:16-22) Tiyak na iniibig ni Jehova ang mga kabataang gaya ng pamangkin ni Pablo, na buong-tapang na inuuna ang kapakanan ng bayan ni Jehova kaysa sa kanilang sarili at may-katapatang ginagawa ang kanilang makakaya alang-alang sa Kaharian.
(Gawa 24:2) Nang tawagin siya, pinasimulan siyang akusahan ni Tertulo, na sinasabi: “Yamang nagtatamasa kami ng malaking kapayapaan sa pamamagitan mo at may mga reporma na nagaganap sa bansang ito dahil sa iyong patiunang pagpaplano,
(Gawa 24:5, 6) Sapagkat nasumpungan namin ang lalaking ito na isang taong mapanalot at nagsusulsol ng mga sedisyon sa gitna ng lahat ng mga Judio sa lahat ng dako ng tinatahanang lupa at isang tagapanguna ng sekta ng mga Nazareno, 6 isa na nagtangka ring lumapastangan sa templo at siyang dinakip namin.
“Lakasan Mo ang Iyong Loob!”
10 Sa Cesarea, si Pablo ay ‘iningatang nababantayan sa palasyong pretorio ni Herodes’ habang hinihintay ang pagdating ng mga nag-aakusa mula sa Jerusalem. (Gawa 23:35) Dumating sila pagkalipas ng limang araw—ang mataas na saserdoteng si Ananias, isang tagapagsalitang nagngangalang Tertulo, at isang grupo ng matatandang lalaki. Pinapurihan muna ni Tertulo si Felix sa diumano’y nagagawa nito para sa mga Judio, na halata namang pambobola lang upang makuha ang loob nito. Pagkatapos, sinimulan na ni Tertulo ang paghaharap ng akusasyon laban kay Pablo sa pagsasabing isa itong “taong mapanalot at nagsusulsol ng mga sedisyon sa gitna ng lahat ng mga Judio sa lahat ng dako ng tinatahanang lupa at isang tagapanguna ng sekta ng mga Nazareno, isa na nagtangka ring lumapastangan sa templo at siyang dinakip namin.” Nakisali rin ang ibang mga Judio “sa pagtuligsa, na iginigiit na totoo ang mga bagay na ito.” (Gawa 24:5, 6, 9) Panunulsol ng sedisyon, pangunguna sa isang mapanganib na sekta, at paglapastangan sa templo—pawang mabibigat na akusasyon na maaaring mauwi sa sentensiyang kamatayan.
(Gawa 24:10-21) At si Pablo, nang tanguan siya ng gobernador upang magsalita, ay sumagot: “Yamang nalalaman kong lubos na naging hukom ka ng bansang ito sa loob ng maraming taon, handa akong salitain bilang pagtatanggol ko ang mga bagay tungkol sa aking sarili, 11 sapagkat nasa kalagayan kang makaalam na may kinalaman sa akin ay hindi pa hihigit sa labindalawang araw mula nang umahon ako upang sumamba sa Jerusalem; 12 at hindi nila ako nasumpungan sa templo na nakikipagtalo sa kaninuman o nagsusulsol na dumagsang sama-sama ang mga mang-uumog, maging sa mga sinagoga man o sa buong lunsod. 13 Ni mapatutunayan man nila sa iyo ang mga bagay na iniaakusa nila sa akin ngayon. 14 Ngunit aaminin ko ito sa iyo, na, ayon sa daan na tinatawag nilang isang ‘sekta,’ sa ganitong paraan ako nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos ng aking mga ninuno, sapagkat pinaniniwalaan ko ang lahat ng mga bagay na nakasaad sa Kautusan at nakasulat sa mga Propeta; 15 at ako ay may pag-asa sa Diyos, na siyang pag-asa na pinanghahawakan din ng mga taong ito, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid. 16 Sa katunayan, sa bagay na ito ay patuluyan kong sinasanay ang aking sarili na magkaroon ng kamalayan na huwag makagawa ng anumang kasalanan laban sa Diyos at sa mga tao. 17 Kaya pagkaraan ng maraming taon ay dumating ako upang magdala ng mga kaloob ng awa sa aking bansa, at ng mga handog. 18 Habang ginagawa ko ang mga bagay na ito ay nasumpungan nila akong malinis sa seremonyal na paraan sa templo, ngunit hindi kasama ng isang pulutong o kasama sa isang kaguluhan. Ngunit may ilang Judio mula sa distrito ng Asia, 19 na dapat sanang naririto sa harap mo at mag-akusa sa akin kung mayroon silang anuman laban sa akin. 20 O kaya, hayaang ang mga taong narito ang magsabi sa ganang kanila kung anong kamalian ang nasumpungan nila habang ako ay nakatayo sa harap ng Sanedrin, 21 maliban ang may kinalaman sa isang kapahayagang ito na isinigaw ko samantalang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay ay hinahatulan ako ngayon sa harap ninyo!’ ”
“Lakasan Mo ang Iyong Loob!”
13 Nag-iwan si Pablo ng isang magandang halimbawa na maaari nating tularan sakaling iharap tayo sa mga awtoridad dahil sa ating pagsamba at akusahan ng pagpapasimuno ng gulo, pagsusulsol ng sedisyon, o ng pagiging miyembro ng isang “mapanganib na sekta.” Hindi binola-bola ni Pablo ang gobernador para lang makuha ang loob nito, di-tulad ng ginawa ni Tertulo. Nanatiling kalmado at magalang si Pablo. Mataktika at malinaw niyang iniharap kung ano ang totoo. Binanggit ni Pablo na wala roon ang mga “Judio mula sa distrito ng Asia” na nag-akusa sa kaniya ng paglapastangan sa templo, at ayon sa batas, dapat na naroroon sila para masabi nila ang kanilang mga akusasyon sa harap niya.—Gawa 24:18, 19.
14 Pero ang lalong kahanga-hanga kay Pablo ay ang hindi niya pagdadalawang-isip na magpatotoo tungkol sa kaniyang mga paniniwala. Buong-katapangang inulit ng apostol ang kaniyang paniniwala sa pagkabuhay-muli, ang paksang lumikha ng kaguluhan noong siya ay nasa harap ng Sanedrin. (Gawa 23:6-10) Sa kaniyang pagtatanggol, idiniin ni Pablo ang pag-asang pagkabuhay-muli. Bakit? Sapagkat siya ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa Kaniyang pagkabuhay-muli—isang bagay na hindi matanggap-tanggap ng mga mánanalansáng na iyon. (Gawa 26:6-8, 22, 23) Oo, ang isyu ay ang pagkabuhay-muli—at partikular na, ang paniniwala kay Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-muli.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 23:6) At nang mapansin ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo ngunit ang isa pa ay mga Pariseo, sumigaw siya sa Sanedrin: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay isang Pariseo, isang anak ng mga Pariseo. Tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ng mga patay ay hinahatulan ako.”
nwtsty study note sa Gaw 23:6
ako ay isang Pariseo: Kilala si Pablo ng ilan sa mga tagapakinig niya. (Gaw 22:5) Nang tawagin ni Pablo ang kaniyang sarili na anak ng mga Pariseo, alam nilang nagsasabi siya ng totoo. Tiyak na naintindihan ng mga Pariseo sa Sanedrin na kinikilala niyang naging Pariseo rin siya tulad nila kahit masigasig na siyang Kristiyano. Pero sa kontekstong ito, Pariseo si Pablo sa relatibong diwa; tinawag niya ang sarili niya na isang Pariseo sa halip na Saduceo dahil gaya ng mga Pariseo, naniniwala rin siya sa pagkabuhay-muli. Dahil sa ginawa niya, mayroon silang puntong mapagkakasunduan ng mga Pariseong naroon. Malamang na iniisip niya na kung ibabangon niya ang kontrobersiyal na isyung iyon, makikisimpatiya sa kaniya ang ilang miyembro ng Sanedrin, at ganoon nga ang nangyari. (Gaw 23:7-9) Ang sinabi ni Pablo sa Gaw 23:6 ay kaayon din ng paglalarawan niya sa sarili niya noong ipagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Haring Agripa. (Gaw 26:5) At nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Filipos noong nasa Roma siya, binanggit ulit niya na siya ay isang Pariseo. (Fil 3:5) Kapansin-pansin din kung paano inilarawan sa Gaw 15:5 ang iba pang Kristiyano na dating mga Pariseo.—Tingnan ang nwtsty study note sa Gaw 15:5.
(Gawa 24:24) Pagkaraan ng ilang araw ay dumating si Felix na kasama si Drusila na kaniyang asawa, na isang babaing Judio, at ipinatawag niya si Pablo at nakinig sa kaniya tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.
(Gawa 24:27) Ngunit, nang lumipas ang dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil nais ni Felix na kamtin ang pabor ng mga Judio, iniwan niyang nakagapos si Pablo.
nwtsty study note sa Gaw 24:24
Drusila: Ang ikatlo at bunsong anak na babae ng Herodes na binabanggit sa Gaw 12:1, si Herodes Agripa I. Isinilang siya noong mga 38 C.E. at kapatid siya nina Agripa II at Bernice. (Tingnan ang nwtsty study note sa Gaw 25:13 at nwt-E glossary, “Herod.”) Si Gobernador Felix ang pangalawa niyang asawa. Una siyang ikinasal sa hari ng Sirya na si Azizus mula sa Emesa. Pero nakipagdiborsiyo siya rito at nagpakasal kay Felix noong mga 54 C.E., o noong mga 16 anyos siya. Posibleng naroon siya nang sabihin ni Pablo kay Felix ang “tungkol sa katuwiran at pagpipigil sa sarili at sa paghatol na darating.” (Gaw 24:25) Nang ibigay ni Felix ang pagkagobernador kay Festo, iniwan niya sa bilangguan si Pablo para makuha “ang pabor ng mga Judio,” at iniisip ng ilan na ginawa niya iyon para matuwa ang kabataan niyang asawa, na isang Judio.—Gaw 24:27.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 23:1-15) Habang nakatinging mabuti sa Sanedrin ay sinabi ni Pablo: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay gumawi sa harap ng Diyos taglay ang budhing ganap na malinis hanggang sa araw na ito.” 2 Sa gayon ay iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi niya na sampalin siya sa bibig. 3 Nang magkagayon ay sinabi ni Pablo sa kaniya: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Ikaw ba ay nakaupo upang hatulan ako ayon sa Kautusan at kasabay nito ay sinasalansang naman ang Kautusan sa pag-uutos mo na saktan ako?” 4 Yaong mga nakatayo sa tabi ay nagsabi: “Nilalait mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” 5 At sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita nang nakapipinsala sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’ ” 6 At nang mapansin ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo ngunit ang isa pa ay mga Pariseo, sumigaw siya sa Sanedrin: “Mga lalaki, mga kapatid, ako ay isang Pariseo, isang anak ng mga Pariseo. Tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ng mga patay ay hinahatulan ako.” 7 Dahil sinabi niya ito, bumangon ang isang di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Pariseo at mga Saduceo, at ang karamihan ay nagkabaha-bahagi. 8 Sapagkat sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli ni anghel man ni espiritu, ngunit hayagang sinasabi ng mga Pariseo ang lahat ng mga iyon. 9 Kaya nagkaroon ng malakas na hiyawan, at ang ilan sa mga eskriba na nasa pangkat ng mga Pariseo ay tumindig at nagsimulang makipagtalo nang mainitan, na sinasabi: “Wala kaming masumpungang anumang kamalian sa taong ito; ngunit kung isang espiritu o isang anghel ang nagsalita sa kaniya,—.” 10 At nang lumubha ang di-pagkakasundo, ang kumandante ng militar ay natakot na baka pagluray-lurayin nila si Pablo, at ipinag-utos niya sa pulutong ng mga kawal na bumaba at agawin siya sa gitna nila at dalhin siya sa loob ng kuwartel ng mga kawal. 11 Ngunit nang sumunod na gabi ay tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.” 12 At nang maging araw na, ang mga Judio ay bumuo ng isang sabuwatan at nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa, na sinasabing hindi sila kakain ni iinom hanggang sa mapatay nila si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapung tao ang bumuo ng pinanumpaang sabuwatang ito; 14 at pumaroon sila sa mga punong saserdote at matatandang lalaki at nagsabi: “May-kataimtiman kaming nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa na hindi kami susubo ng pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya nga, ngayon ay linawin ninyo, kasama ng Sanedrin, sa kumandante ng militar kung bakit dapat niyang dalhin siya sa inyo na para bang balak ninyong tiyakin nang lubusan ang mga bagay-bagay may kinalaman sa kaniya. Ngunit bago pa siya makalapit ay nakahanda na kaming patayin siya.”
ENERO 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 25-26
“Umapela si Pablo kay Cesar at Nagpatotoo kay Haring Herodes Agripa”
(Gawa 25:11) Kung, sa isang dako, ako ay talagang isang manggagawa ng kamalian at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tumatangging mamatay; sa kabilang dako naman, kung walang katotohanan ang mga bagay na iyon na iniaakusa sa akin ng mga taong ito, walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”
“Umaapela Ako kay Cesar!”
6 Dahil sa kagustuhan ni Festo na bumango ang kaniyang pangalan sa mga Judio, nanganib tuloy ang buhay ni Pablo. Kaya ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang isang mamamayang Romano. Sinabi niya kay Festo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang mali sa mga Judio, gaya ng nalalaman mo rin nang lubusan. . . . Umaapela ako kay Cesar!” Ang ganitong pag-apela ay karaniwan nang hindi puwedeng tanggihan o bawiin man. Alam ito ni Festo, kaya mariin niyang sinabi: “Kay Cesar ka umapela; kay Cesar ka paroroon.” (Gawa 25:10-12) Ang pag-apela ni Pablo sa isang nakatataas na awtoridad sa batas ay isang halimbawa para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Kapag tinatangka ng mga mánanalansáng na gumawa ng “kaguluhan sa pamamagitan ng batas,” ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga probisyon ng batas para ipagtanggol ang mabuting balita.—Awit 94:20.
(Gawa 26:1-3) Sinabi ni Agripa kay Pablo: “Pinahihintulutan ka nang magsalita para sa iyong sarili.” Nang magkagayon ay iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at sinabi bilang pagtatanggol sa kaniyang sarili: 2 “May kinalaman sa lahat ng bagay na iniaakusa sa akin ng mga Judio, Haring Agripa, ibinibilang kong aking kaligayahan na gagawin ko sa harap mo ang aking pagtatanggol sa araw na ito, 3 lalo na yamang ikaw ay dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio. Kaya nga nagsusumamo ako sa iyo na pakinggan ako nang may pagtitiyaga.
“Umaapela Ako kay Cesar!”
10 Buong-galang na pinasalamatan ni Pablo si Haring Agripa sa pagkakataong ibinigay sa kaniya para magtanggol sa harap nito, at kinilala rin niya ang pagiging bihasa ng hari sa lahat ng kaugalian pati na sa pagtatalo sa gitna ng mga Judio. Pagkatapos, isinalaysay ni Pablo ang kaniyang nakaraan: “Ayon sa pinakamahigpit na sekta ng aming anyo ng pagsamba ay namuhay akong isang Pariseo.” (Gawa 26:5) Bilang Pariseo, inaasahan ni Pablo ang pagdating ng Mesiyas, gaya rin ng inaasahan ng mga nag-aakusa sa kaniya. Ngayon, bilang isang Kristiyano, buong-tapang niyang ipinakikilala na si Jesu-Kristo ang Mesiyas na iyon na matagal na nilang hinihintay. Pero lumilitaw na ang pagdating ng Mesiyas na pare-pareho nilang pinaniniwalaan ang siyang naging dahilan kung bakit nililitis si Pablo noong araw na iyon. Dahil dito, lalong naging interesado si Agripa sa sasabihin ni Pablo.
11 Isinalaysay rin ni Pablo ang malupit niyang pagtrato noon sa mga Kristiyano, na sinasabi: “Ako man ay talagang nag-isip sa loob ko na dapat akong gumawa ng maraming pagsalansang laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno . . . Sapagkat sukdulan ang galit ko sa kanila [sa mga tagasunod ni Kristo], pinag-usig ko pa man din sila maging sa mga lunsod na nasa labas.” (Gawa 26:9-11) Hindi gumagawa ng kuwento si Pablo. Marami ang nakaaalam sa karahasang ginawa niya sa mga Kristiyano. (Gal. 1:13, 23) Malamang na iniisip ni Agripa, ‘Ano kaya ang nagpabago sa ganitong uri ng tao?’
12 Makikita ang sagot sa sumusunod na pananalita ni Pablo: “Habang naglalakbay ako patungong Damasco taglay ang awtoridad at atas mula sa mga punong saserdote, nakita ko nang katanghaliang-tapat sa daan, O hari, ang isang liwanag na higit sa kaningningan ng araw na suminag mula sa langit sa palibot ko at sa palibot niyaong mga naglalakbay na kasama ko. At nang mabuwal kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig? Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo.’ Ngunit sinabi ko, ‘Sino ka, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon, ‘Ako ay si Jesus, na iyong pinag-uusig.’ ”—Gawa 26:12-15.
13 Bago ang makahimalang pangyayaring ito, si Pablo ay waring ‘sumisipa sa mga tungkod na pantaboy.’ Ibig sabihin, kung paanong nasasaktan ng isang hayop na pantrabaho ang sarili nito kapag sinisipa nito ang matulis na dulo ng tungkod na pantaboy, nasasaktan din ni Pablo ang kaniyang sarili sa espirituwal kapag kinakalaban niya ang kalooban ng Diyos. Dahil sa pagpapakita ng binuhay-muling si Jesus kay Pablo sa daan patungong Damasco, binago ng taimtim pero nailigaw na lalaking ito ang kaniyang pag-iisip.—Juan 16:1, 2.
14 Talaga ngang gumawa si Pablo ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Sinabi niya kay Agripa: “Hindi ako naging masuwayin sa makalangit na tanawin, kundi kapuwa sa mga nasa Damasco muna at sa mga nasa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga bansa ay dinala ko ang mensahe na dapat silang magsisi at bumaling sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:19, 20) Sa loob ng maraming taon, tinupad ni Pablo ang atas na ibinigay sa kaniya ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pangitaing iyon. Ano ang naging resulta? Ang mga tumugon sa mabuting balita na ipinangaral ni Pablo ay nagsisi sa kanilang imoral at di-tapat na paggawi at bumaling sa Diyos. Ang mga taong ito ay naging mabubuting mamamayan, na sumusunod sa batas at namumuhay nang maayos.
15 Gayunman, bale-wala ang mga kapakinabangang iyon sa mga Judiong mánanalansáng ni Pablo. Sinabi niya: “Dahil sa mga bagay na ito ay dinakip ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin. Gayunman, sapagkat natamo ko ang tulong na nagmumula sa Diyos ay nagpapatuloy ako hanggang sa araw na ito na nagpapatotoo kapuwa sa maliliit at sa malalaki.”—Gawa 26:21, 22.
16 Bilang mga tunay na Kristiyano, dapat na lagi tayong “handang gumawa ng pagtatanggol” sa ating pananampalataya. (1 Ped. 3:15) Kapag nagsasalita sa harap ng mga hukom at ng mga tagapamahala tungkol sa ating mga paniniwala, makatutulong kung tutularan natin ang pamamaraang ginamit ni Pablo sa pagsasalita sa harap nina Agripa at Festo. Kung buong-galang nating isasalaysay sa kanila ang mabuting epekto ng mga katotohanan sa Bibliya sa buhay natin at niyaong mga nakikinig sa ating mensahe, maaari nating maabot ang puso ng matataas na opisyal na ito.
(Gawa 26:28) Ngunit sinabi ni Agripa kay Pablo: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”
“Umaapela Ako kay Cesar!”
18 Pero may sagot si Pablo sa gobernador: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo, kundi nagsasalita ako ng mga pananalita ng katotohanan at ng katinuan ng pag-iisip. Sa katunayan, ang hari na kinakausap ko nang may kalayaan sa pagsasalita ay lubos na nakaaalam ng tungkol sa mga bagay na ito . . . Ikaw ba, Haring Agripa, ay naniniwala sa mga Propeta? Alam kong naniniwala ka.” Tumugon si Agripa: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:25-28) Ipinakikita ng mga salitang ito, taimtim man o hindi, na malaki ang naging epekto sa hari ng pagpapatotoo ni Pablo.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 26:14) At nang mabuwal kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig? Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo.’
nwtsty study note sa Gaw 26:14
pagsipa sa mga tungkod na pantaboy: Ang tungkod na pantaboy ay may matulis na dulo at ginagamit para gabayan ang mga hayop. (Huk 3:31) Ang pananalitang “sipain ang tungkod na pantaboy” ay isang kasabihan sa mga literaturang Griego. Inilalarawan nito ang ginagawa ng torong matigas ang ulo, na ayaw sumunod sa pag-akay ng tungkod kundi sumisipa rito kaya nasasaktan lang siya. Parang ganoon si Pablo bago siya naging Kristiyano. Dahil inuusig niya ang mga tagasunod ni Jesus, na tinutulungan ng Diyos na Jehova, inilalagay ni Pablo sa panganib ang sarili niya. (Ihambing ang Gaw 5:38, 39; 1Ti 1:13, 14.) Sa Ec 12:11, binanggit ang “pantaboy sa baka” sa makasagisag na diwa. Tumutukoy ito sa pananalita ng taong marunong na nag-uudyok sa tagapakinig na sundin ang payo niya.
nwt-E glossary
Tungkod na pantaboy. Mahabang tungkod na may matulis na metal sa dulo at ginagamit ng mga magsasaka para gabayan ang isang hayop. Ikinumpara ito sa pananalita ng isang matalinong tao na nag-uudyok sa tagapakinig na sundin ang payo niya. Ang pananalitang “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy” ay galing sa ginagawa ng torong matigas ang ulo, na ayaw sumunod sa pag-akay ng tungkod kundi sumisipa rito kaya nasasaktan lang siya.—Gaw 26:14; Huk 3:31.
(Gawa 26:27) Ikaw ba, Haring Agripa, ay naniniwala sa mga Propeta? Alam kong naniniwala ka.”
Tulungan ang Iba na Tanggapin ang Mensahe ng Kaharian
14 Alam ni Pablo na naturingang Judio si Agripa. Umaasa sa kaalaman ni Agripa sa Judaismo, nangatuwiran si Pablo na ang pangangaral niya ay talagang “walang anumang sinasabi maliban sa mga bagay na ipinahayag ng mga Propeta at gayundin ni Moises na magaganap” hinggil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ng Mesiyas. (Gawa 26:22, 23) Kinakausap mismo si Agripa, nagtanong si Pablo: “Ikaw ba, Haring Agripa, ay naniniwala sa mga Propeta?” Napaharap sa gipit na kalagayan si Agripa. Kung sasabihin niyang hindi siya naniniwala sa mga propeta, masisira ang kaniyang reputasyon bilang mananampalatayang Judio. Ngunit kung sasang-ayon siya sa pangangatuwiran ni Pablo, hayagan siyang papanig sa apostol at manganganib na tawaging Kristiyano. May-katalinuhang sinagot ni Pablo ang sarili niyang tanong, sa pagsasabing: “Alam kong naniniwala ka.” Paano pinasagot si Agripa ng kaniyang puso? Tumugon siya: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:27, 28) Bagaman hindi naging Kristiyano si Agripa, maliwanag na naapektuhan kahit paano ng mensahe ni Pablo ang puso nito.—Hebreo 4:12.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gawa 25:1-12) Sa gayon si Festo, nang makapasok upang mamahala sa probinsiya, ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea pagkaraan ng tatlong araw; 2 at ang mga punong saserdote at mga pangunahing lalaki ng mga Judio ay nagbigay sa kaniya ng impormasyon laban kay Pablo. Kaya nagsimula silang mamanhik sa kaniya, 3 na humihingi ng pabor laban sa lalaking ito na ipatawag niya siya upang pumaroon sa Jerusalem, sapagkat naglagay sila ng mga mananambang upang patayin siya sa daan. 4 Gayunman, sumagot si Festo na iingatan si Pablo sa Cesarea at na siya mismo ay lilisan sa di-kalaunan patungo roon. 5 “Kaya yaong mga may kapangyarihan sa gitna ninyo,” sabi niya, “ay bumabang kasama ko at akusahan siya, kung may anumang bagay na mali tungkol sa lalaking ito.” 6 Kaya nang makagugol na siya ng hindi hihigit sa walo o sampung araw sa kanila, bumaba siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa luklukan ng paghatol at nag-utos na dalhin si Pablo. 7 Nang dumating siya, ang mga Judio na bumaba mula sa Jerusalem ay tumayo sa palibot niya, na naghaharap laban sa kaniya ng marami at malulubhang paratang na may kaugnayan sa mga ito ay wala naman silang maipakitang katibayan. 8 Ngunit sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: “Hindi ako nakagawa ng anumang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio ni laban sa templo ni laban kay Cesar.” 9 Si Festo, sa pagnanais na makamit ang pabor ng mga Judio, ay nagsabi bilang tugon kay Pablo: “Nais mo bang umahon sa Jerusalem at doon mahatulan sa harap ko may kinalaman sa mga bagay na ito?” 10 Ngunit sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang mali sa mga Judio, gaya ng nalalaman mo rin nang lubusan. 11 Kung, sa isang dako, ako ay talagang isang manggagawa ng kamalian at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tumatangging mamatay; sa kabilang dako naman, kung walang katotohanan ang mga bagay na iyon na iniaakusa sa akin ng mga taong ito, walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!” 12 Nang magkagayon si Festo, pagkatapos na makipag-usap sa kapulungan ng mga tagapayo, ay tumugon: “Kay Cesar ka umapela; kay Cesar ka paroroon.”
ENERO 28–PEBRERO 3
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GAWA 27-28
“Naglayag si Pablo Papuntang Roma”
(Gawa 27:23, 24) Sapagkat nang gabing ito ay tumayong malapit sa akin ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod, 24 na sinasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar, at, narito! lubusang ibinigay sa iyo ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalayag.’
“Walang Isa Mang Kaluluwa sa Inyo ang Mawawala”
15 Malamang na nakapagpatotoo na si Pablo sa maraming kasama niya sa barko tungkol sa “pag-asa ng pangako na binitiwan ng Diyos.” (Gawa 26:6; Col. 1:5) Ngayong nakikini-kinita na nilang mawawasak ang barko, napakagandang pagkakataon ito upang mabigyan sila ni Pablo ng matibay na dahilan para umasang makaliligtas sila. Sinabi niya: “Nang gabing ito ay tumayong malapit sa akin ang isang anghel . . . na sinasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar, at, narito! lubusang ibinigay sa iyo ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalayag.’ ” Pinasigla sila ni Pablo: “Kaya magalak kayo, mga lalaki; sapagkat naniniwala ako sa Diyos na gayon nga ang mangyayari gaya ng sinabi sa akin. Gayunman, kailangan tayong mapadpad sa baybayin ng isang pulo.”—Gawa 27:23-26.
(Gawa 28:1, 2) At nang makarating kaming ligtas, nang magkagayon ay nalaman namin na ang pulo ay tinatawag na Malta. 2 At ang mga taong may wikang banyaga ay nagpakita sa amin ng pambihirang makataong kabaitan, sapagkat nagpaningas sila ng apoy at tinanggap kaming lahat lakip ang pagtulong dahil sa bumubuhos na ulan at dahil sa ginaw.
“Walang Isa Mang Kaluluwa sa Inyo ang Mawawala”
18 Lumilitaw na sa pulo ng Malta, sa timog ng Sicilia, napadpad ang mga nakaligtas. (Tingnan ang kahong “Saang Malta Sila Napadpad?”) Bagaman iba ang wika ng mga naninirahan sa pulong iyon, nagpakita sila ng “pambihirang makataong kabaitan.” (Gawa 28:2) Nagpaningas sila ng apoy para mainitan ang mga estrangherong basang-basa at nangangatog sa ginaw. Sa pagkakataong ito, isang himala ang naganap.
“Walang Isa Mang Kaluluwa sa Inyo ang Mawawala”
21 Ang mayamang si Publio, na may mga lupain, ay naninirahan sa lugar na iyon. Maaaring siya ang pinakamataas na Romanong opisyal sa Malta. Ayon kay Lucas, si Publio “ang pangunahing lalaki sa pulo.” Ang titulong ginamit ng manunulat ang eksaktong makikita sa dalawang inskripsiyong natagpuan sa Malta. Pinatulóy at inasikaso ni Publio sa kaniyang tahanan si Pablo at ang mga kasama nito sa loob ng tatlong araw. Pero may sakit ang ama ni Publio. Isinulat ni Lucas na ang lalaki ay “nakahiga na napipighati dahil sa lagnat at disintirya,” na eksaktong nagsasabi kung ano talaga ang sakit ng lalaki. Muli, tumpak na namang nailarawan ni Lucas ang isang sakit. Nanalangin si Pablo at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa lalaki, at ito’y gumaling. Manghang-mangha ang mga tagaroon sa himalang naganap, kaya dinala nila ang iba pang maysakit upang mapagaling ang mga ito, at nagbigay sila ng mga kaloob para matugunan ang mga pangangailangan ni Pablo at ng kaniyang mga kasama.—Gawa 28:7-10.
(Gawa 28:16, 17) Sa wakas, nang pumasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na nagbabantay sa kaniya. 17 Gayunman, pagkaraan ng tatlong araw ay tinawag niya yaong mga pangunahing lalaki ng mga Judio. Nang magkatipon na sila, sinabi niya sa kanila: “Mga lalaki, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman na salungat sa bayan o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ibinigay ako bilang isang bilanggo mula sa Jerusalem sa mga kamay ng mga Romano.
“Lubusang Pagpapatotoo”
10 Pagdating sa Roma, “si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na nagbabantay sa kaniya.” (Gawa 28:16) Ang mga bilanggong sa bahay lang nakakulong ay kailangang itanikala sa kanilang bantay para hindi makatakas. Pero si Pablo ay isang tagapaghayag ng Kaharian, at walang tanikalang makahahadlang sa kaniya. Kaya nang makabawi-bawi na siya ng lakas pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag niya ang mga pangunahing lalaki ng mga Judio sa Roma para ipakilala ang kaniyang sarili at makapagpatotoo sa kanila.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Gawa 27:9) Yamang mahabang panahon na ang lumipas at sa ngayon ay mapanganib nang maglayag sapagkat maging ang pag-aayuno ng araw ng pagbabayad-sala ay nakaraan na, si Pablo ay nagmungkahi,
nwtsty study note sa Gaw 27:9
pag-aayuno ng Araw ng Pagbabayad-Sala: O “pag-aayuno sa panahon ng taglagas.” Lit., “pag-aayuno.” Ang terminong Griego na “pag-aayuno” ay tumutukoy sa tanging pag-aayuno na iniutos sa Kautusang Mosaiko, ang pag-aayunong may kaugnayan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, na tinatawag ding Yom Kippur (sa Hebreo, yohm hak·kip·pu·rimʹ, “araw ng mga pagtatakip”). (Lev 16:29-31; 23:26-32; Bil 29:7; tingnan ang nwt-E glossary, “Day of Atonement.”) Ang pananalitang “pighatiin ang kaluluwa,” kapag may kinalaman sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang anyo ng pagkakait sa sarili, kasama na ang pag-aayuno. (Lev 16:29, tlb. sa nwt-E) Ipinapakita ng paggamit ng terminong “pag-aayuno” sa Gaw 27:9 na kasama ito sa pangunahing paraan ng pagkakait sa sarili tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. Ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala ay ginagawa sa dulo ng Setyembre o pasimula ng Oktubre.
(Gaw 28:11) Pagkaraan ng tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barko na nagmula sa Alejandria na nagpalipas ng taglamig sa pulo at may roda na “Mga Anak ni Zeus.”
nwtsty study note sa Gaw 28:11
Mga Anak ni Zeus: Ayon sa mitolohiyang Griego at Romano, ang “Mga Anak ni Zeus” (sa Griego, Di·oʹskou·roi) ay sina Castor at Pollux, kambal na mga anak ng diyos na si Zeus (Jupiter) at ni Reyna Leda ng Sparta. Ipinapalagay na sila ang tagapagsanggalang ng mga marinero at nagliligtas sa mga mandaragat na nanganganib sa laot. Ang detalye tungkol sa roda, o simbolo sa unahan, ng barko ay isa pang patunay na ang sumulat nito ay nakasaksi sa pangyayaring ito na nakaulat sa Bibliya.
Pagbabasa ng Bibliya
(Gaw 27:1-12) At yamang naipasiya na maglalayag kami patungong Italya, ibinigay nila kapuwa si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang opisyal ng hukbo na nagngangalang Julio na nasa pangkat ni Augusto. 2 Paglulan sa isang barko mula sa Adrameto na malapit nang maglayag patungo sa mga dako sa baybayin ng distrito ng Asia, kami ay naglayag, at kasama namin si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica. 3 At nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon, at pinakitunguhan ni Julio si Pablo nang may makataong kabaitan at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan at tamasahin ang kanilang pangangalaga. 4 At pagtulak mula roon ay naglayag kami na nanganganlong sa Ciprus, sapagkat ang hangin ay pasalungat; 5 at naglayag kami sa laot ng dagat sa tapat ng Cilicia at Pamfilia at dumaong sa Mira sa Licia. 6 Ngunit doon ay nakasumpong ang opisyal ng hukbo ng isang barko mula sa Alejandria na maglalayag patungong Italya, at pinalulan niya kami roon. 7 Nang magkagayon, pagkatapos na maglayag nang marahan nang maraming araw at makarating sa Cinido nang may kahirapan, sapagkat hindi kami tinulutan ng hangin na magpatuloy, naglayag kami na nanganganlong sa Creta sa Salmone, 8 at sa pamamaybay rito nang may kahirapan, nakarating kami sa isang dako na tinatawag na Magagandang Daungan, na doon ay malapit ang lunsod ng Lasea. 9 Yamang mahabang panahon na ang lumipas at sa ngayon ay mapanganib nang maglayag sapagkat maging ang pag-aayuno ng araw ng pagbabayad-sala ay nakaraan na, si Pablo ay nagmungkahi, 10 na sinasabi sa kanila: “Mga lalaki, sa tingin ko ay magdudulot ng pinsala at malaking kawalan ang paglalayag hindi lamang sa kargamento at sa barko kundi maging sa ating mga kaluluwa.” 11 Gayunman, ang opisyal ng hukbo ay nakinig sa piloto at sa may-ari ng barko sa halip na sa mga bagay na sinabi ni Pablo. 12 At sapagkat ang daungan ay di-kumbinyente para sa pagpapalipas ng taglamig, ipinayo ng karamihan na maglayag mula roon, upang tingnan kung sa paanuman ay makararating sila sa Fenix upang doon magpalipas ng taglamig, isang daungan ng Creta na bukás patungo sa hilagang-silangan at patungo sa timog-silangan.