Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr19 Pebrero p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
  • Subtitulo
  • PEBRERO 4-10
  • PEBRERO 11-17
  • PEBRERO 18-24
  • PEBRERO 25–MARSO 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
mwbr19 Pebrero p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

PEBRERO 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 1-3

“Patuloy na Sanayin ang Iyong Budhi”

(Roma 2:14, 15) Sapagkat kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. 15 Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.

lv 16 ¶6

Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?

6 Mga lingkod lamang ba ni Jehova ang may budhi? Isaalang-alang ang kinasihang mga salita ni apostol Pablo: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” (Roma 2:14, 15) Kahit ang mga walang alam sa mga kautusan ni Jehova ay maaaring maudyukan ng kanilang budhi na kumilos kasuwato ng mga simulain ng Diyos.

(Roma 2:15) Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.

lv 17-18 ¶8-9

Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?

8 Paano ka magpapasiya salig sa sinasabi ng iyong budhi? Para sa ilan, basta sinusunod na lamang nila ang sa tingin nila ay tama. Pagkatapos ay sasabihin nila: “Malinis naman ang budhi ko.” Napakalakas ng pagnanasa ng puso anupat kaya nitong impluwensiyahan ang budhi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Kung gayon, hindi natin dapat basta na lamang sundin ang ibinubulong ng ating puso. Sa halip, ang dapat na pangunahin nating isaalang-alang ay kung ano ang nakalulugod sa Diyos na Jehova.*

* Ipinakikita ng Bibliya na hindi laging sapat ang pagkakaroon ng malinis na budhi. Halimbawa, sinabi ni Pablo: “Wala akong kamalayan sa anumang bagay na laban sa aking sarili. Bagaman sa pamamagitan nito ay hindi ako napatutunayang matuwid, ngunit siya na sumusuri sa akin ay si Jehova.” (1 Corinto 4:4) Para sa mga nang-uusig sa mga Kristiyano, gaya ni Pablo noon, malinis ang kanilang budhi dahil inaakala nilang sinasang-ayunan ng Diyos ang kanilang ginagawa. Napakahalaga na malinis ang ating budhi sa paningin natin at sa paningin ng Diyos.—Gawa 23:1; 2 Timoteo 1:3.

9 Upang masanay sa tama ang ating budhi, dapat tayong magpasiya salig sa ating pagkatakot sa Diyos, hindi salig sa ating personal na kagustuhan. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Ang tapat na gobernador na si Nehemias ay may karapatang maningil ng buwis mula sa mga naninirahan sa Jerusalem. Pero hindi niya ito ginawa. Bakit? Kasi kapag ginawa niya ito mahihirapan ang bayan ng Diyos at hindi ito makalulugod kay Jehova. At ayaw na ayaw niyang magalit si Jehova sa kaniya. Sinabi niya: “Hindi ko ginawa ang gayon dahil sa takot sa Diyos.” (Nehemias 5:15) Mahalaga ang taimtim na pagkatakot sa Diyos, ang taos-pusong pagkatakot na hindi mapalugdan ang ating makalangit na Ama. Ang gayong may-pagpipitagang pagkatakot ay magpapakilos sa atin na hanapin ang patnubay ng Salita ng Diyos kapag nagpapasiya tayo.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 3:4) Huwag nawang mangyari iyan! Kundi masumpungan nawang tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling, gaya nga ng nasusulat: “Upang ikaw ay mapatunayang matuwid sa iyong mga salita at magwagi kapag hinahatulan ka.”

w08 6/15 30 ¶5

Mga Tampok na Bahagi sa Liham sa mga Taga-Roma

3:4. Kapag ang sinasabi ng tao ay salungat sa sinasabi ng Salita ng Diyos, hinahayaan nating ‘masumpungang tapat ang Diyos’ sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mensahe ng Bibliya at pamumuhay kaayon ng kalooban ng Diyos. Matutulungan naman natin ang iba na masumpungang tapat ang Diyos sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.

(Roma 3:24, 25) at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus. 25 Inilagay siya ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran, sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi;

w08 6/15 29 ¶6

Mga Tampok na Bahagi sa Liham sa mga Taga-Roma

3:24, 25—Paano nagkabisa ang “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus” sa “mga kasalanan na naganap noong nakaraan” bago pa man ito aktuwal na naibayad? Ang unang Mesiyanikong hula na nakaulat sa Genesis 3:15 ay unang natupad noong 33 C.E. nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. (Gal. 3:13, 16) Gayunman, nang sandaling bigkasin ni Jehova ang hulang iyon, sa kaniyang pananaw ay parang naibayad na ang pantubos sapagkat walang anumang makahahadlang sa Diyos na tuparin ang kaniyang mga layunin. Kaya sa bisa ng haing ihahandog ni Jesu-Kristo, maaaring patawarin ni Jehova ang mga kasalanan ng mga inapo ni Adan na nananampalataya sa pangakong iyon. Dahil sa pantubos, naging posible rin ang pagkabuhay-muli sa hinaharap ng mga lingkod ng Diyos na nabuhay bago ang panahong Kristiyano.—Gawa 24:15.

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 1:1-17) Si Pablo, isang alipin ni Jesu-Kristo at tinawag upang maging apostol, ibinukod ukol sa mabuting balita ng Diyos, 2 na ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa banal na Kasulatan, 3 tungkol sa kaniyang Anak, na nagmula sa binhi ni David ayon sa laman, 4 ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ay ipinahayag na Anak ng Diyos ayon sa espiritu ng kabanalan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay—oo, si Jesu-Kristo na ating Panginoon, 5 na sa pamamagitan niya ay tumanggap tayo ng di-sana-nararapat na kabaitan at ng pagka-apostol upang magkaroon ng pagkamasunurin sa pananampalataya sa gitna ng lahat ng mga bansa may kaugnayan sa kaniyang pangalan, 6 na sa gitna ng mga bansang ito ay kayo rin yaong mga tinawag upang maging kay Jesu-Kristo— 7 sa lahat ng mga nasa Roma bilang mga minamahal ng Diyos, tinawag upang maging mga banal: Magkaroon nawa kayo ng di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo. 8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay pinag-uusapan sa buong sanlibutan. 9 Sapagkat ang Diyos, na siyang pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod taglay ang aking espiritu may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak, ang aking saksi kung paanong walang-lubay ko kayong laging binabanggit sa aking mga panalangin, 10 na nagsusumamo na kung posible nga lamang ay pagpalain ako ngayon sa wakas sa kalooban ng Diyos upang makapariyan sa inyo. 11 Sapagkat nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob nang sa gayon ay mapatatag kayo; 12 o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin. 13 Ngunit hindi ko nais na hindi ninyo malaman, mga kapatid, na maraming ulit kong nilayon na makapariyan sa inyo, ngunit nahahadlangan ako hanggang sa ngayon, upang magkaroon din ako ng ilang bunga sa inyo gaya ng sa iba pang mga bansa. 14 Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga hangal ay may utang ako: 15 kaya may pananabik sa ganang akin na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo riyan sa Roma. 16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya, sa Judio muna at gayundin sa Griego; 17 sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nasisiwalat dahil sa pananampalataya at tungo sa pananampalataya, gaya ng nasusulat: “Ngunit ang matuwid—sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay siya.”

PEBRERO 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 4-6

“Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Sariling Pag-ibig”

(Roma 5:8) Ngunit inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.

(Roma 5:12) Kaya naman, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala—.

w11 6/15 12 ¶5

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

5 Ipinaliwanag ito ni Pablo sa pagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Maiintindihan natin ito dahil ipinasulat ng Diyos ang isang rekord kung paano nagsimula ang buhay ng tao. Lumalang si Jehova ng dalawang tao, sina Adan at Eva. Ang Maylalang ay sakdal, gayundin ang unang mga tao, na ating mga ninuno. Isang pagbabawal lang ang ibinigay ng Diyos sa kanila at sinabing hahatulan sila ng kamatayan kung susuwayin nila ito. (Gen. 2:17) Gayunman, pinili nilang gumawi nang kapaha-pahamak at nilabag ang makatuwirang utos ng Diyos, anupat itinakwil siya bilang Tagapagbigay-Kautusan at Soberano.—Deut. 32:4, 5.

(Roma 5:13, 14) Sapagkat hanggang sa Kautusan ang kasalanan ay nasa sanlibutan, ngunit ang kasalanan ay hindi ipinaparatang laban sa kaninuman kapag walang kautusan. 14 Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan, na nagtataglay ng pagkakahalintulad sa kaniya na darating.

w11 6/15 12 ¶6

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

6 Makasalanan na si Adan nang magkaanak siya, kaya naipasa niya ang kasalanan at ang mga epekto nito sa lahat ng kaniyang mga anak. Siyempre pa, hindi naman sila lumabag sa utos ng Diyos gaya ng ginawa ni Adan, kaya hindi sila pinaratangan ng gayunding kasalanan; at wala pang ibinibigay na kodigo ng kautusan noon. (Gen. 2:17) Gayunman, nagmana ng kasalanan ang mga inapo ni Adan. Kaya naman ang kasalanan at kamatayan ay namahala hanggang sa bigyan ng Diyos ang mga Israelita ng isang kodigo ng kautusan, na malinaw na nagpapakitang sila’y makasalanan. (Basahin ang Roma 5:13, 14.) Bilang ilustrasyon, ihambing natin ang epekto ng minanang kasalanan sa epekto ng ilang sakit gaya ng Mediterranean anemia at hemophilia. Baka nabasa mo na ang tungkol kay Alexis, anak ng Rusong tsar na si Nicholas II at ni Alexandra. Si Alexis ay nagmana ng hemophilia, isang abnormalidad sa dugo. Totoo, maaaring hindi lahat ng anak ay magkaroon ng ganitong sakit, pero posible pa rin nila itong maipasa sa kanilang supling. Iba naman pagdating sa kasalanan. Hindi maiiwasan ang depektong dulot ng kasalanan ni Adan. Lahat ay apektado nito. Lahat ay namamatay. At naipapasa ito sa lahat ng anak. Posible pa kayang makalaya sa kalunus-lunos na kalagayang ito?

(Roma 5:18) Sa gayon nga, kung paanong sa pamamagitan ng isang pagkakamali ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay kahatulan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.

(Roma 5:21) Sa anong layunin? Upang, kung paanong ang kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan, sa gayunding paraan ang di-sana-nararapat na kabaitan ay makapamahala bilang hari sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.

w11 6/15 13 ¶9-10

Inirerekomenda ng Diyos sa Atin ang Kaniyang Pag-ibig

9 Ano ang kahulugan ng mga salitang Griego na nasa pananalitang “pagpapahayag ng katuwiran” at “pagpapahayag sa kanila na matuwid”? Isang tagapagsalin ng Bibliya ang sumulat tungkol sa konseptong ito: “Isa itong metapora tungkol sa batas na waring nagdiriin ng isang legal na punto. Tumutukoy ito sa pagbabago sa katayuan ng isang tao may kaugnayan sa Diyos, hindi sa panloob na pagbabago ng taong iyon . . . Sa metapora, inilalarawan ang Diyos bilang hukom na nakagawa na ng desisyong pabor sa akusado, na iniharap sa hukuman ng Diyos, wika nga, dahil sa paratang na pagiging di-matuwid. Pero pinawalang-sala ng Diyos ang akusado.”

10 Sa anong saligan mapawawalang-sala ng matuwid na “Hukom ng buong lupa” ang isang taong di-matuwid? (Gen. 18:25) Bilang unang hakbang, maibiging isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa. Lubusang tinupad ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama, sa kabila ng mga tukso, matinding panunuya, at pang-aabuso. Nanatili siyang tapat hanggang sa kamatayan sa pahirapang tulos. (Heb. 2:10) Nang ibigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao, naghandog siya ng pantubos na maaaring magpalaya sa mga supling ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan.—Mat. 20:28; Roma 5:6-8.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 6:3-5) O hindi ba ninyo alam na tayong lahat na binautismuhan kay Kristo Jesus ay binautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Samakatuwid inilibing tayong kasama niya sa pamamagitan ng ating bautismo sa kaniyang kamatayan, upang, kung paanong si Kristo ay ibinangon mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo ay lumakad nang gayundin sa isang panibagong buhay. 5 Sapagkat kung tayo ay naging kaisa niya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tiyak na tayo ay magiging kaisa rin niya sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli;

w08 6/15 29 ¶7

Mga Tampok na Bahagi sa Liham sa mga Taga-Roma

6:3-5—Ano ang ibig sabihin ng bautismo kay Kristo Jesus at ng bautismo sa kaniyang kamatayan? Nang pahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Kristo, naging kaisa sila ni Jesus at naging mga miyembro ng kongregasyon na siyang katawan ni Kristo, kung saan siya ang Ulo. (1 Cor. 12:12, 13, 27; Col. 1:18) Iyon ang kanilang bautismo kay Kristo Jesus. Ang mga pinahirang Kristiyano naman ay ‘binautismuhan sa kamatayan ni Kristo’ sa diwa na itinaguyod nila ang isang mapagsakripisyong buhay anupat tinalikuran nila ang pag-asang mabuhay sa lupa magpakailanman. Kung gayon, ang kanilang kamatayan ay isang hain, gaya ng kamatayan ni Jesus, bagaman ang kamatayan nila ay hindi nagsisilbing pantubos. Lubusang nagaganap ang bautismo sa kamatayan ni Kristo kapag sila ay namatay at binuhay-muli sa langit.

(Roma 6:7) Sapagkat siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.

w14 6/1 11 ¶1

Ano ang Pag-asa ng Aking mga Ninuno?

Kapag binuhay-muli ang mga di-matuwid, hahatulan ba sila batay sa ginawa nila noon? Hindi. Sinasabi sa Roma 6:7: “Siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.” Kapag namatay ang mga di-matuwid, bayád na sila sa kanilang mga kasalanan. Kaya hahatulan sila batay sa gagawin nila matapos silang buhaying muli, hindi sa ginawa nila sa kawalang-alam bago sila namatay. Paano sila makikinabang?

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 4:1-15) Kung gayon nga, ano ang sasabihin natin tungkol kay Abraham na ating ninuno ayon sa laman? 2 Bilang halimbawa, kung si Abraham ay ipinahayag na matuwid dahil sa mga gawa, magkakaroon sana siya ng saligan sa paghahambog; ngunit hindi sa Diyos. 3 Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya.” 4 Ngayon sa tao na gumagawa ay ibinibilang ang bayad, hindi gaya ng di-sana-nararapat na kabaitan, kundi gaya ng pagkakautang. 5 Sa kabilang dako, sa tao na hindi gumagawa kundi nananampalataya sa kaniya na nagpapahayag sa isang di-makadiyos bilang matuwid, ang kaniyang pananampalataya ay ibinibilang na katuwiran. 6 Gaya rin ng sinasalita ni David tungkol sa kaligayahan ng tao na sa kaniya ay ibinibilang ng Diyos ang katuwiran nang hiwalay sa mga gawa: 7 “Maligaya yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang mga gawang tampalasan at ang kanilang mga kasalanan ay tinakpan; 8 maligaya ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hindi na ibinibilang pa ni Jehova.” 9 Ang kaligayahan bang ito, kung gayon, ay dumarating sa mga taong tuli o gayundin sa mga taong di-tuli? Sapagkat sinasabi natin: “Ang kaniyang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran kay Abraham.” 10 Kung gayon, sa ilalim ng anong mga kalagayan ito ibinilang? Noong siya ay nasa pagtutuli o nasa di-pagtutuli? Hindi sa pagtutuli, kundi sa di-pagtutuli. 11 At tumanggap siya ng isang tanda, samakatuwid nga, ang pagtutuli, bilang tatak ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya na tinaglay niya samantalang nasa kaniyang di-tuling kalagayan, upang siya ang maging ama ng lahat niyaong may pananampalataya samantalang nasa di-pagtutuli, upang maibilang sa kanila ang katuwiran; 12 at isang ama ng supling na tuli, hindi lamang niyaong mga nanghahawakan sa pagtutuli, kundi niyaon ding mga lumalakad nang maayos sa mga yapak ng pananampalatayang iyon samantalang nasa di-tuling kalagayan na tinaglay ng ating amang si Abraham. 13 Sapagkat hindi sa pamamagitan ng kautusan tinanggap ni Abraham o ng kaniyang binhi ang pangako na siya ay magiging tagapagmana ng isang sanlibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran dahil sa pananampalataya. 14 Sapagkat kung yaong mga nanghahawakan sa kautusan ay mga tagapagmana, ang pananampalataya ay napawalang-silbi at ang pangako ay napawi. 15 Sa katunayan ang Kautusan ay nagbubunga ng poot, ngunit kung saan walang kautusan, wala rin namang pagsalansang.

PEBRERO 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 7-8

“Ikaw Ba ay ‘Naghihintay Nang May Pananabik’?”

(Roma 8:19) Sapagkat ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.

w12 7/15 11 ¶17

Magpaakay kay Jehova sa Tunay na Kalayaan

17 Ganito ang isinulat ni Pablo tungkol sa kalayaang ibibigay ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod sa lupa: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Idinagdag niya: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:19-21) “Ang sangnilalang” ay tumutukoy sa mga taong may makalupang pag-asa at makikinabang sa “pagsisiwalat” sa mga pinahirang anak ng Diyos. Magsisimula ang pagsisiwalat na iyan kapag ang “mga anak” na ito, na binuhay-muli sa langit, ay nakibahagi kay Kristo sa paglilinis ng kasamaan dito sa lupa at sa pagliligtas sa “isang malaking pulutong” tungo sa isang bagong sistema ng mga bagay.—Apoc. 7:9, 14.

(Roma 8:20) Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa.

w12 3/15 23 ¶11

Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa

11 Ibinigay ni Jehova ang ‘saligan ng pag-asa’ ng sangkatauhan nang mangako siya ng kaligtasan mula sa “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, sa pamamagitan ng ipinangakong “binhi.” (Apoc. 12:9; Gen. 3:15) Si Jesu-Kristo ang pangunahing bahagi ng “binhi” na iyon. (Gal. 3:16) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, naglaan si Jesus ng matibay na saligan ng pag-asa na ang sangkatauhan ay palalayain mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Ang katuparan ng pag-asang ito ay nauugnay sa “pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Ang niluwalhating mga pinahiran ang pangalawahing bahagi ng “binhi.” ‘Masisiwalat’ sila kapag nakibahagi sila kay Kristo sa pagpuksa sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apoc. 2:26, 27) Magdudulot ito ng kaligtasan sa mga kabilang sa ibang mga tupa na lalabas mula sa malaking kapighatian.—Apoc. 7:9, 10, 14.

(Roma 8:21) na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

w12 3/15 23 ¶12

Magsaya Tayo sa Ating Pag-asa

12 Kaylaking ginhawa ang mararanasan ng “sangnilalang,” o sangkatauhan, sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo! Sa panahong iyon, ang niluwalhating “mga anak ng Diyos” ay ‘isisiwalat’ sa isa pang paraan. Sila’y magiging mga saserdote kasama ni Kristo at tutulong para makamit ng sangkatauhan ang mga pakinabang ng haing pantubos. Ang “sangnilalang,” na sakop ng makalangit na Kaharian, ay makalalaya sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan. Ang masunuring mga tao ay unti-unting “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan.” Kung mananatili silang tapat kay Jehova sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo at sa panghuling pagsubok, ang mga pangalan nila ay permanenteng mapapasulat sa “balumbon ng buhay.” Matatamo nila ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Apoc. 20:7, 8, 11, 12) Tunay na isang maluwalhating pag-asa!

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 8:6) Sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan;

w17.06 3

Natatandaan Mo Ba?

Ano ang pagkakaiba ng “pagsasaisip ng laman” at ng “pagsasaisip ng espiritu”? (Roma 8:6)

Ang nagsasaisip ng laman ay nakapokus sa pagnanasa at hilig ng di-sakdal na laman, laging nakikipag-usap tungkol sa laman, at nasisiyahan sa mga bagay na may kaugnayan dito. Pero nakasentro ang buhay ng taong nagsasaisip ng espiritu sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang kaisipan; nangingibabaw sa Kristiyanong iyon ang banal na espiritu. Ang nauna ay hahantong sa kamatayan, ang huli naman ay sa buhay at kapayapaan.—w16.12, p. 15-17.

(Roma 8:26, 27) Sa katulad na paraan ang espiritu ay sumasama rin na may tulong para sa ating kahinaan; sapagkat ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan ay hindi natin alam, ngunit ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas. 27 Gayunma’y siya na sumasaliksik sa mga puso ay nakaaalam kung ano ang pakahulugan ng espiritu, sapagkat ito ay nakikiusap kaayon ng Diyos para sa mga banal.

w09 11/15 7 ¶20

Ano ang Isinisiwalat Tungkol sa Iyo ng Iyong Panalangin?

20 May mga pagkakataong hindi natin alam kung ano ang ating sasabihin kapag nananalanging mag-isa. Isinulat ni Pablo: “Ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan ay hindi natin alam, ngunit ang [banal na] espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas. Gayunma’y siya [ang Diyos] na sumasaliksik sa mga puso ay nakaaalam kung ano ang pakahulugan ng espiritu.” (Roma 8:26, 27) Maraming panalangin ang ipinasulat ni Jehova sa Bibliya. Tinatanggap niya ang kinasihang mga panalanging ito bilang mga kahilingang gusto sana nating ipakiusap sa kaniya at sa gayo’y sinasagot ang mga ito. Kilala tayo ng Diyos at alam niya ang kahulugan ng mga ipinasulat niya sa Bibliya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Sinasagot ni Jehova ang ating mga pagsusumamo kapag “nakikiusap,” o namamagitan, ang espiritu para sa atin. Pero habang nagiging pamilyar tayo sa Salita ng Diyos, mas madali na nating maiisip ang dapat nating ipanalangin.

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 7:13-25) Kung gayon, yaon bang mabuti ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari iyan! Ngunit naging gayon ang kasalanan, upang maipakita iyon bilang kasalanan na nagdudulot ng kamatayan sa akin sa pamamagitan niyaong mabuti; upang ang kasalanan ay maging lalo pang higit na makasalanan sa pamamagitan ng utos. 14 Sapagkat alam natin na ang Kautusan ay espirituwal; ngunit ako ay makalaman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. 15 Sapagkat yaong isinasagawa ko ay hindi ko alam. Sapagkat yaong nais ko, hindi ito ang aking isinasagawa; kundi yaong kinapopootan ko ang siyang aking ginagawa. 16 Gayunman, kung yaong hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasang-ayon ako na ang Kautusan ay mainam. 17 Ngunit ngayon ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na nananahanan sa akin. 18 Sapagkat alam ko na sa akin, sa akin ngang laman, ay walang anumang mabuti na tumatahan; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa niyaong mainam ay wala. 19 Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. 20 Ngayon, kung yaong hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na tumatahan sa akin. 21 Nasusumpungan ko, kung gayon, ang kautusang ito sa aking kalagayan: na kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin. 22 Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, 23 ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. 24 Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon! Sa gayon nga, sa aking pag-iisip ay alipin ako ng kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ay sa kautusan ng kasalanan.

PEBRERO 25–MARSO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 9-11

“Ang Ilustrasyon Tungkol sa Punong Olibo”

(Roma 11:16) Karagdagan pa, kung ang bahaging kinukuha bilang mga unang bunga ay banal, gayundin ang limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.

w11 5/15 23-24 ¶13

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

13 Ikinumpara ni Pablo sa mga sanga ng makasagisag na punong olibo ang mga magiging bahagi ng binhi ni Abraham. (Roma 11:21) Ang alagang punong olibong ito ay kumakatawan sa katuparan ng layunin ng Diyos may kinalaman sa tipang Abrahamiko. Ang ugat ng puno ay banal at kumakatawan kay Jehova bilang ang isa na nagbigay-buhay sa espirituwal na Israel. (Isa. 10:20; Roma 11:16) Ang pinakakatawan nito ay lumalarawan kay Jesus bilang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham. Ang mga sanga naman ay kumakatawan sa “hustong bilang” ng mga kasama sa pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham.

(Roma 11:17) Gayunman, kung ang ilan sa mga sanga ay pinutol ngunit ikaw, bagaman isang ligáw na olibo, ay inihugpong na kasama nila at naging kabahagi sa ugat ng katabaan ng olibo,

(Roma 11:20, 21) Tama nga! Dahilan sa kanilang kawalan ng pananampalataya ay pinutol sila, ngunit ikaw ay nakatayo dahil sa pananampalataya. Tigilan mo ang pagkakaroon ng matatayog na kaisipan, kundi matakot ka. 21 Sapagkat kung hindi pinaligtas ng Diyos ang likas na mga sanga, hindi ka rin naman niya paliligtasin.

w11 5/15 24 ¶15

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

15 Kaya ano ang ginawa ni Jehova para matupad ang kaniyang layunin? Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga sanga mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa alagang punong olibo bilang kapalit ng pinutol na mga sanga. (Basahin ang Roma 11:17, 18.) Sa gayon, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano mula sa mga bansa, gaya ng ilan sa kongregasyon sa Roma, ay inihugpong, wika nga, sa makasagisag na punong olibo, anupat naging bahagi sila ng binhi ni Abraham. Noong una, tulad sila ng mga sanga ng ligáw na punong olibo na walang anumang oportunidad na maging bahagi ng pantanging tipang iyon. Pero binuksan ni Jehova ang daan para sila’y maging espirituwal na mga Judio.—Roma 2:28, 29.

(Roma 11:25, 26) Sapagkat hindi ko nais, mga kapatid, na kayo ay maging walang-alam sa sagradong lihim na ito, upang hindi kayo magmarunong sa inyong sariling paningin: na isang pamamanhid ng pandamdam sa isang bahagi ang nangyari sa Israel hanggang sa makapasok ang hustong bilang ng mga tao ng mga bansa, 26 at sa ganitong paraan ay maliligtas ang buong Israel. Gaya nga ng nasusulat: “Ang tagapagligtas ay lalabas mula sa Sion at ilalayo ang di-makadiyos na mga gawain mula sa Jacob.

w11 5/15 25 ¶19

‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’

19 Oo, natutupad sa kamangha-manghang paraan ang layunin ni Jehova hinggil sa “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang sabi nga ni Pablo, “maliligtas ang buong Israel.” (Roma 11:26) Sa takdang panahon ni Jehova, “ang buong Israel”—samakatuwid nga, ang kumpletong bilang ng espirituwal na mga Israelita—ay maglilingkod bilang mga hari at saserdote sa langit. Walang makahahadlang sa layunin ni Jehova!

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 9:21-23) Ano? Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok sa luwad upang mula sa iisang limpak ay gumawa ng isang sisidlan para sa marangal na gamit, at ng isa pa para sa walang-dangal na gamit? 22 Ngayon, kung ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, 23 upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda ukol sa kaluwalhatian,

w13 6/15 25 ¶5

Magpahubog sa Disiplina ni Jehova

5 Paano kung nagmamatigas ang mga tao at ayaw magpahubog sa Dakilang Magpapalayok? Paano niya ngayon gagamitin ang kaniyang awtoridad? Isipin kung ano ang puwedeng gawin sa luwad kung hindi na ito mahulma ayon sa orihinal na plano ng magpapalayok. Puwede itong gawing ibang uri ng sisidlan, o kaya’y itapon na lang! Kung hindi na magamit ang luwad, kadalasan nang kasalanan ito ng magpapalayok. Pero iba pagdating sa ating Magpapalayok. (Deut. 32:4) Kapag hindi mahubog ang tao ayon sa nilayon ni Jehova, tao ang may kasalanan. Hinuhubog ni Jehova ang mga tao depende sa pagtugon nila. Ang mga wastong tumutugon ay hinuhubog ni Jehova sa kapaki-pakinabang na paraan. Halimbawa, ang mga pinahirang Kristiyano ay mga “sisidlan ng awa” na hinubog at ginawang mga “sisidlan para sa marangal na gamit.” Ang mga sumasalansang naman sa Diyos ay nagiging mga “sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.”—Roma 9:19-23.

(Roma 10:2) Sapagkat nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman;

it-2 304 ¶5

Mapanibughuin, Paninibugho

Maling Sigasig. Maaaring taimtim ang isang tao sa kaniyang sigasig, o paninibugho, para sa isang partikular na adhikain ngunit maaaring mali iyon at di-kalugud-lugod sa Diyos. Ganiyan ang marami sa mga Judio noong unang siglo. Sinikap nilang magkamit ng katuwiran sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Ngunit ipinakita ni Pablo na ang kanilang sigasig ay mali dahil sa kawalan ng tumpak na kaalaman. Kaya naman hindi nila tinanggap ang tunay na katuwiran na nagmumula sa Diyos. Kailangan nilang makita ang kanilang kamalian at kailangan silang bumaling sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo upang tumanggap sila ng katuwiran at kalayaan mula sa paghatol ng Kautusan. (Ro 10:1-10) Si Saul ng Tarso ay isa sa gayong uri ng mga tao yamang labis-labis noon ang kaniyang sigasig para sa Judaismo, anupat kaniyang “pinag-uusig ang kongregasyon ng Diyos at winawasak iyon.” Ubod-ingat niyang tinutupad ang Kautusan bilang “isa na napatunayang walang kapintasan.” (Gal 1:13, 14; Fil 3:6) Gayunman, mali ang kaniyang paninibugho para sa Judaismo. Ngunit dahil taimtim ang kaniyang puso, pinagpakitaan siya ni Jehova ng di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ni Kristo anupat ibinaling Niya siya sa tunay na pagsamba.—1Ti 1:12, 13.

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 10:1-15) Mga kapatid, ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan. 2 Sapagkat nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; 3 sapagkat, dahil sa hindi pagkaalam sa katuwiran ng Diyos kundi pinagsisikapang itatag ang sa kanilang sarili, hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos. 4 Sapagkat si Kristo ang wakas ng Kautusan, upang ang bawat isa na nananampalataya ay magkaroon ng katuwiran. 5 Sapagkat isinulat ni Moises na ang tao na gumagawa ng katuwiran ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito. 6 Ngunit ang katuwiran na resulta ng pananampalataya ay nagsasalita sa ganitong paraan: “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’ samakatuwid nga, upang ibaba si Kristo; 7 o, ‘Sino ang bababa sa kalaliman?’ samakatuwid nga, upang iahon si Kristo mula sa mga patay.” 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong sariling bibig at nasa iyong sariling puso”; samakatuwid nga, ang “salita” ng pananampalataya, na aming ipinangangaral. 9 Sapagkat kung hayagan mong sinasabi yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na ibinangon siya ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas. 10 Sapagkat sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan. 11 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan: “Walang sinumang naglalagak sa kaniya ng kaniyang pananampalataya ang mabibigo.” 12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat, na mayaman sa lahat niyaong mga tumatawag sa kaniya. 13 Sapagkat “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” 14 Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? 15 Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila? Gaya nga ng nasusulat: “Pagkaganda-ganda ng mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share