Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr19 Marso p. 1-12
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
  • Subtitulo
  • MARSO 4-10
  • MARSO 11-17
  • MARSO 18-24
  • MARSO 25-31
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
mwbr19 Marso p. 1-12

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

MARSO 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 12-14

“Kung Paano Magpapakita ng Kristiyanong Pag-ibig”

(Roma 12:10) Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.

it-2 681

Pagmamahal

Ang pag-ibig na pangkapatid (sa Gr., phi·la·del·phiʹa, sa literal, “pagmamahal sa kapatid”) ay dapat umiral sa gitna ng lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Ro 12:10; Heb 13:1; tingnan din ang 1Pe 3:8.) Sa gayon, ang mga ugnayan sa loob ng kongregasyon ay dapat na maging malapít, masidhi, at mainit gaya ng sa isang likas na pamilya. Bagaman ang mga miyembro ng kongregasyon ay nagpapakita na ng pag-ibig na pangkapatid, inuudyukan silang gawin ito nang lalo pang higit.—1Te 4:9, 10.

Ang salitang Griego na phi·loʹstor·gos, na nangangahulugang “may magiliw na pagmamahal,” ay ginagamit hinggil sa isang taong may matalik at mainit na kaugnayan sa iba. Ang isa sa mga salitang-ugat ng tambalang terminong ito, sterʹgo, ay kadalasan namang ginagamit upang tumukoy sa likas na pagmamahal, gaya ng umiiral sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya. Pinasigla ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na linangin ang katangiang ito. (Ro 12:10) Sinabi rin ni Pablo na ang mga huling araw ay kakikitaan ng mga taong “walang likas na pagmamahal” (sa Gr., aʹstor·goi) at na ang gayong mga tao ay karapat-dapat sa kamatayan.—2Ti 3:3; Ro 1:31, 32.

(Roma 12:17-19) Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. 19 Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.”

w09 10/15 8 ¶3

“Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”

3 Basahin ang Roma 12:17. Sinabi ni Pablo na kapag sinasalansang tayo, hindi tayo dapat gumanti. Napakahalagang sundin ang kaniyang payo lalo na ng mga may kapamilyang di-Saksi. Iniiwasan ng isang Kristiyano na magsalita nang masakit o gumawa nang hindi tama para makaganti sa kaniyang asawa. Wala tayong mapapala kung ‘gaganti tayo ng masama para sa masama.’ Palalalain lamang nito ang sitwasyon.

w07 7/1 24-25 ¶12-13

“Huwag Gumanti Kaninuman ng Masama Para sa Masama”

12 Ang sumunod na payo ni Pablo kung paano dapat pakitunguhan ang mga mananampalataya at di-sumasampalataya ay: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” Ang pangungusap na iyan ay kaugnay ng sinabi niya kanina: “Kamuhian ninyo ang balakyot.” Kung sa bagay, paano masasabi ng isang tao na talagang kinamumuhian niya ang balakyot, o masama, kung gagawan niya ng masama ang iba bilang paghihiganti? Kabaligtaran ito ng pagkakaroon ng pag-ibig na ‘walang pagpapaimbabaw.’ Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.” (Roma 12:9, 17) Paano natin maikakapit ang mga salitang ito?

13 Sa kaniyang naunang liham sa mga taga-Corinto, isinulat ni Pablo ang tungkol sa pag-uusig na nararanasan noon ng mga apostol. Ang sabi niya: “Kami ay naging pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao. . . . Kapag nilalait, kami ay nagpapala; kapag pinag-uusig, kami ay nagtitiis; kapag sinisiraang-puri, kami ay namamanhik.” (1 Corinto 4:9-13) Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagiging panoorin ng mga tao sa daigdig na ito. Kapag nakikita ng ibang mga tao ang ating maiinam na gawa kahit inaagrabyado tayo, baka sakaling makinig sila sa ating mensahe.—1 Pedro 2:12.

(Roma 12:20, 21) Kundi, “kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.” 21 Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.

w12 11/15 29 ¶13

Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa

13 Marahil may isang di-Saksi na nagkasala sa iyo. Pero baka matulungan mo siyang maunawaan ang mga pamantayang Kristiyano. Isinulat ni apostol Pablo: “ ‘Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.’ Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:20, 21) Kung magpapakita ka ng kagandahang-loob sa kabila ng di-magandang pakikitungo sa iyo, baka mapalambot mo ang puso niya at matulungan mo siyang magbago. Kung magpapakita ka ng pang-unawa, empatiya—at habag pa nga—sa nagkasala, baka matulungan mo siyang matuto ng katotohanan sa Bibliya. Anuman ang maging reaksiyon niya, kung mahinahon ka at mabait, baka mag-isip-isip siya kung bakit ka naiiba.—1 Ped. 2:12; 3:16.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 12:1) Dahil dito ay namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng habag ng Diyos, mga kapatid, na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.

lv 63-65 ¶5-6

Kung Paano Pipili ng Kaayaayang Libangan

5 Lahat ng ginagawa natin sa buhay ay may kaugnayan sa ating pagsamba kay Jehova. Upang maidiin ang katotohanang ito sa kaniyang mga kapananampalataya, gumamit si Pablo ng mapuwersang pananalita sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Hinimok niya sila: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Kasama sa ating katawan ang ating isip, puso, at pisikal na lakas. Lahat ng ito ay ginagamit natin sa paglilingkod sa Diyos. (Marcos 12:30) Sinasabi ni Pablo na ang gayong buong-kaluluwang paglilingkod ay isang hain. Ang salitang ‘hain’ ay may ipinahihiwatig na babala. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang isang haing may kapintasan. (Levitico 22:18-20) Sa gayunding paraan, kung ang espirituwal na hain ng isang Kristiyano ay may kapintasan o nadungisan sa paanuman, hindi ito magiging katanggap-tanggap sa Diyos. Pero paano maaaring mangyari iyon?

6 Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: ‘Huwag ninyong patuloy na iharap sa kasalanan ang inyong mga sangkap [“bahagi ng inyong katawan,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino].’ Sinabi rin ni Pablo na dapat nilang ‘patayin ang mga gawa ng katawan.’ (Roma 6:12-14; 8:13) Sa unang bahagi ng kaniyang liham, nagbigay siya ng ilang halimbawa ng gayong “mga gawa ng katawan.” Ganito ang mababasa natin may kinalaman sa makasalanang sangkatauhan: “Ang kanilang bibig ay punô ng pagsumpa.” “Ang kanilang mga paa ay mabilis sa pagbububo ng dugo.” “Walang pagkatakot sa Diyos sa harap ng kanilang mga mata.” (Roma 3:13-18) Madudungisan ng isang Kristiyano ang kaniyang katawan kung gagamitin niya ang kaniyang “mga sangkap,” o mga bahagi ng katawan, sa gayong makasalanang mga gawain. Halimbawa, kung sadyang titingin ang isang Kristiyano sa ngayon sa maruruming materyal gaya ng pornograpya, o manonood ng sadistiko at marahas na mga panoorin, ‘inihaharap niya sa kasalanan ang kaniyang mga mata’ at sa gayo’y dinurungisan ang kaniyang buong katawan. Dahil dito, anumang pagsamba na gagawin niya ay hindi na maituturing na haing banal ni katanggap-tanggap man sa Diyos. (Deuteronomio 15:21; 1 Pedro 1:14-16; 2 Pedro 3:11) Kapaha-pahamak nga ang resulta kapag pinili natin ang masamang libangan!

(Roma 13:1) Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.

w08 6/15 31 ¶4

Mga Tampok na Bahagi sa Liham sa mga Taga-Roma

13:1—Sa anong paraan ang nakatataas na mga awtoridad ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon”? Ang umiiral na sekular na mga awtoridad ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon” sa diwa na ang Diyos ang nagpahintulot sa kanila na mamahala, at sa ilang kalagayan, patiuna nang nabatid ng Diyos ang kanilang pamamahala. Pinatutunayan ito ng mga hula ng Bibliya hinggil sa ilang tagapamahala.

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 13:1-14) Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. 2 Kaya nga siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos; yaong mga naninindigan laban dito ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. 3 Sapagkat yaong mga namamahala ay kinatatakutan, hindi dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa masama. Kung gayon, nais mo bang mawalan ng takot sa awtoridad? Patuloy kang gumawa ng mabuti, at tatanggap ka ng papuri mula rito; 4 sapagkat ito ay lingkod ng Diyos sa iyo sa iyong ikabubuti. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito taglay ang tabak nang walang layunin; sapagkat ito ay lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpamalas ng poot sa nagsasagawa ng masama. 5 Kaya nga may mahigpit na dahilan upang magpasakop kayo, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi. 6 Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad din ng mga buwis; sapagkat sila ay mga pangmadlang lingkod ng Diyos na palagiang naglilingkod sa mismong layuning ito. 7 Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot; sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan. 8 Huwag kayong magkautang sa kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa; sapagkat siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa kautusan. 9 Sapagkat ang kodigo ng kautusan, “Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papaslang, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,” at anumang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; kaya nga ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan. 11 Gawin din ninyo ito, sapagkat alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahong tayo ay maging mga mananampalataya. 12 Ang gabi ay malalim na; ang araw ay malapit na. Kaya nga alisin natin ang mga gawang nauukol sa kadiliman at isuot natin ang mga sandata ng liwanag. 13 Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan, hindi sa bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi, hindi sa hidwaan at paninibugho. 14 Kundi ibihis ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo, at huwag magplano nang patiuna para sa mga pagnanasa ng laman.

MARSO 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ROMA 15-16

“Magpatulong kay Jehova Para Makapagbata at Maaliw”

(Roma 15:4) Sapagkat ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.

w17.07 14 ¶11

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

11 Ang ulat tungkol sa matinding pagdadalamhati ni Jesus nang mamatay si Lazaro ay isa lang sa maraming nakaaaliw na teksto sa Salita ng Diyos. Hindi na ito nakapagtataka dahil “ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kung nagdadalamhati ka, puwede ka ring makakuha ng kaaliwan sa mga tekstong gaya nito:

▪ “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18, 19.

▪ “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”—Awit 94:19.

▪ “Nawa’y ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na umibig sa atin at nagbigay ng walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, ay umaliw sa inyong mga puso at magpatatag sa inyo.”—2 Tes. 2:16, 17.

(Roma 15:5) Ngayon ay ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus,

w16.04 14 ¶5

“Hayaang Ganapin ng Pagbabata ang Gawa Nito”

5 Humingi ng lakas kay Jehova. Si Jehova ang “Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan.” (Roma 15:5) Siya lang ang lubusang nakauunawa, hindi lang sa ating mga problema, kundi kung paano nakaaapekto sa atin ang ating kapaligiran, emosyon, at maging ang ating henetikong kayarian. Kaya higit kaninuman, siya ang makatutulong sa atin na makapagbata. “Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa,” ang sabi ng Bibliya. “Ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.” (Awit 145:19) Pero paano sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin ukol sa lakas para makapagbata?

(Roma 15:13) Puspusin nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala, upang managana kayo sa pag-asa sa kapangyarihan ng banal na espiritu.

w14 6/15 14 ¶11

‘Ibigin Mo si Jehova na Iyong Diyos’

11 Binibigyan tayo ni Jehova ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Roma 15:13) Dahil sa pag-asang ito, nakakayanan natin ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. Ang mga pinahiran na mananatiling ‘tapat hanggang kamatayan ay bibigyan ng korona ng buhay’ sa langit. (Apoc. 2:10) Ang iba pang mga tapat ay mabubuhay nang walang hanggan sa ipinangakong Paraisong lupa. (Luc. 23:43) Ano ang nadarama natin sa mga pag-asang iyan? Punong-puno tayo ng kagalakan at kapayapaan, gayundin ng pag-ibig sa Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat sakdal na regalo.”—Sant. 1:17.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Roma 15:27) Totoo, nalugod silang gawin iyon, gayunma’y may utang sila sa mga ito; sapagkat kung ang mga bansa ay nakibahagi sa kanilang espirituwal na mga bagay, may utang din sila na hayagang maglingkod sa mga ito sa pamamagitan ng mga bagay para sa katawang laman.

w89 12/1 24 ¶3

“Subukin ang Pagiging Tunay ng Inyong Pag-ibig”

Tunay, ang kanilang mga kapatid na Gentil ay nangabagbag ang damdamin upang tumulong sa kanila. Mangyari pa, sila’y may natatanging “pagkakautang” sa mga Kristiyano sa Jerusalem. Hindi baga nanggaling sa Jerusalem ang mabuting balita na kumalat hanggang sa mga Gentil? Ipinagunita ni Pablo: “Kung ang kanilang espirituwal na kayamanan ay ibinahagi sa mga Gentil ng mga Judiong Kristiyano, ang mga Gentil ay may maliwanag na tungkuling mag-abuloy sa kanilang materyal na mga pangangailangan.”—Roma 15:27, The New English Bible.

(Roma 16:25) Ngayon sa kaniya na makapagpapatatag sa inyo ayon sa mabuting balita na ipinahahayag ko at sa pangangaral tungkol kay Jesu-Kristo, ayon sa pagsisiwalat ng sagradong lihim na pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang mahabang panahon

it-2 876 ¶1

Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga

Ang Mesiyas, o Kristo, ang magiging ipinangakong Binhi na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng mga taong matuwid mula sa lahat ng pamilya sa lupa. (Gal 3:8, 14) Unang binanggit ang gayong “binhi” nang magsimula na ang paghihimagsik sa Eden, ngunit bago isilang si Abel. (Gen 3:15) Mga 4,000 taon pa ang lumipas bago nasiwalat ang “sagradong lihim,” noong malinaw na makilala kung sino ang Mesiyanikong “binhi.” Kaya iyon ay talagang “pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang mahabang panahon.”—Ro 16:25-27; Efe 1:8-10; 3:4-11.

Pagbabasa ng Bibliya

(Roma 15:1-16) Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. 2 Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. 3 Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili; kundi gaya nga ng nasusulat: “Ang mga pandurusta niyaong mga nandurusta sa iyo ay nahulog sa akin.” 4 Sapagkat ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ngayon ay ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus, 6 upang may-pagkakaisa ninyong luwalhatiin sa pamamagitan ng iisang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 7 Kaya nga tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, ukol sa kaluwalhatian ng Diyos. 8 Sapagkat sinasabi ko na si Kristo ay talagang naging lingkod niyaong mga tuli alang-alang sa pagkamatapat ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako na Kaniyang binitiwan sa kanilang mga ninuno, 9 at upang luwalhatiin ng mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa. Gaya nga ng nasusulat: “Kaya naman hayagan kitang kikilalanin sa gitna ng mga bansa at sa iyong pangalan ay aawit ako.” 10 At muli ay sinasabi niya: “Matuwa kayo, kayong mga bansa, kasama ng kaniyang bayan.” 11 At muli: “Purihin ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga bansa, at purihin siya ng lahat ng mga bayan.” 12 At muli ay sinasabi ni Isaias: “Magkakaroon ng ugat ni Jesse, at may isang babangon upang mamahala sa mga bansa; sa kaniya ilalagak ng mga bansa ang kanilang pag-asa.” 13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala, upang managana kayo sa pag-asa sa kapangyarihan ng banal na espiritu. 14 Ngayon ako rin mismo ay naniniwala tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo ay puspos din ng kabutihan, yamang pinuspos kayo ng buong kaalaman, at na magagawa rin ninyong paalalahanan ang isa’t isa. 15 Gayunman, sinusulatan ko kayo nang mas tahasan sa ilang punto, na para bang pinaaalalahanan kayong muli, dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa akin mula sa Diyos 16 upang ako ay maging isang pangmadlang lingkod ni Kristo Jesus sa mga bansa, na nakikibahagi sa banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos, upang ang handog, samakatuwid nga, ang mga bansang ito, ay maging kaayaaya, na pinabanal ito sa banal na espiritu.

MARSO 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CORINTO 1-3

“Ikaw Ba ay Taong Pisikal o Taong Espirituwal?”

(1 Corinto 2:14) Ngunit ang isang taong pisikal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya mapag-aalaman ang mga ito, sapagkat sinusuri ang mga ito sa espirituwal na paraan.

w18.02 19 ¶4-5

Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Taong Espirituwal?

4 Tingnan muna natin kung paano mag-isip ang isang taong pisikal. Ang mundong ito ay nakapokus sa laman. Tinutukoy ni Pablo ang ganitong takbo ng kaisipan bilang “ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (Efe. 2:2) Iniimpluwensiyahan ng espiritung iyan ang mga tao na basta sumunod na lang sa karamihan at magpokus sa laman. Dahil dito, ginagawa ng nakararami ang sa tingin nila ay tama at wala silang pakialam sa mga pamantayan ng Diyos. Ang taong pisikal ay may makalamang kaisipan at labis na nababahala sa kaniyang katayuan sa lipunan, sa materyal na mga bagay, at sa kaniyang personal na mga karapatan.

5 Ano pa ang pagkakakilanlan ng isang taong pisikal? Ginagawa niya ang alinman sa “mga gawa ng laman.” (Gal. 5:19-21) Sa unang liham ni Pablo sa kongregasyon ng Corinto, binanggit niya ang ilang pagkakakilanlan ng mga may makalamang kaisipan. Kasama rito ang pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagtatalo-talo, pagdedemandahan, kawalang-galang sa pagkaulo, at pagmamalabis sa pagkain at pag-inom. Ang taong may makalamang kaisipan ay mahina at bumibigay sa tukso. (Kaw. 7:21, 22) Isinulat ni Judas na may mga manghihina at ‘mawawalan ng espirituwalidad.’—Jud. 18, 19.

(1 Corinto 2:15, 16) Gayunman, ang taong espirituwal ay talagang nagsusuri sa lahat ng bagay, ngunit siya mismo ay hindi sinusuri ng sinumang tao. 16 Sapagkat “sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?” Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.

w18.02 19 ¶6

Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Taong Espirituwal?

6 Kaya ano ang ibig sabihin ng pagiging “taong espirituwal”? Ang taong espirituwal ay nakapokus sa kaugnayan niya sa Diyos, di-gaya ng taong pisikal. Ang mga palaisip sa espirituwal ay nagsisikap na ‘maging mga tagatulad sa Diyos.’ (Efe. 5:1) Kaya sinisikap nilang alamin ang kaisipan ni Jehova at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang pananaw. Totoong-totoo ang Diyos sa kanila. Di-tulad ng mga may makalamang kaisipan, iniaayon nila ang kanilang pamumuhay sa mga pamantayan ni Jehova. (Awit 119:33; 143:10) Sa halip na magpokus sa mga gawa ng laman, sinisikap ipakita ng mga palaisip sa espirituwal ang “bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Para mas maintindihan natin ang ibig sabihin ng pagiging palaisip sa espirituwal, pag-isipan ang paghahambing na ito: Ang isang taong mahusay sa negosyo ay masasabing “business-minded.” Kaya naman, ang taong tunay na nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay ay “spiritually-minded.”

w18.02 22 ¶15

Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Taong Espirituwal?

15 Paano natin matutularan si Kristo bilang indibiduwal? Sinasabi sa 1 Corinto 2:16 na dapat nating taglayin ang “pag-iisip ni Kristo.” Binabanggit naman sa Roma 15:5 na dapat tayong magkaroon ng “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” Kaya para matularan si Kristo, kailangan nating alamin ang kaniyang paraan ng pag-iisip, kilalanin nang lubos ang kaniyang personalidad, at sundan ang kaniyang mga yapak. Nakapokus ang pag-iisip ni Jesus sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Kaya kapag tinutularan natin si Jesus, mas nagiging katulad tayo ni Jehova. Dahil dito, napakahalaga para sa atin na matutuhan kung paano mag-isip na gaya ni Jesus.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(1 Corinto 1:20) Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan?

it-1 1460-1461 ¶4

Karunungan

Dahil sa karunungan nito, tinanggihan ng sanlibutan ang paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo at itinuring itong kamangmangan. Ang mga tagapamahala nito, bagaman marahil ay mahuhusay at matatalinong administrador, ang ‘nagpabayubay sa maluwalhating Panginoon.’ (1Co 1:18; 2:7, 8) Ngunit ngayon ay pinatutunayan ng Diyos na ang karunungan ng marurunong sa sanlibutan ay kamangmangan, anupat hinihiya ang kanilang marurunong sa pamamagitan ng paggamit Niya sa itinuturing nilang “isang mangmang na bagay ng Diyos,” gayundin sa mga taong itinuturing nilang ‘mangmang, mahihina, at mabababa,’ upang matupad ang Kaniyang di-mahahadlangang layunin. (1Co 1:19-28) Ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto na “ang karunungan ng sistemang ito ng mga bagay [at] yaong sa mga tagapamahala ng sistemang ito ng mga bagay” ay mawawalang-kabuluhan; samakatuwid, ang gayong karunungan ay hindi bahagi ng espirituwal na mensahe ng apostol. (1Co 2:6, 13) Nagbabala siya sa mga Kristiyano sa Colosas laban sa pagiging nasilo ng “pilosopiya [phi·lo·so·phiʹas, sa literal, pag-ibig sa karunungan] at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.”—Col 2:8; ihambing ang tal 20-23.

(1 Corinto 2:3-5) At pumariyan ako sa inyo sa kahinaan at sa takot at may matinding panginginig; 4 at ang aking pananalita at yaong ipinangaral ko ay hindi sa mapanghikayat na mga salita ng karunungan kundi sa pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi maging sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

w08 7/15 27 ¶6

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Corinto

2:3-5. Habang nagpapatotoo sa Corinto, ang sentro ng Griegong pilosopiya at edukasyon, malamang na iniisip ni Pablo kung mahihikayat niya ang kaniyang mga tagapakinig. Gayunman, hindi niya hinayaan ang takot o anumang kahinaan na humadlang sa kaniya sa paggawa ng kaniyang bigay-Diyos na ministeryo. Sa katulad na paraan, hindi rin natin dapat hayaan ang mahihirap na kalagayan na pigilan tayo sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Gaya ni Pablo, dapat tayong magtiwala na tutulungan tayo ni Jehova.

Pagbabasa ng Bibliya

(1 Corinto 1:1-17) Si Pablo, na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid 2 sa kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto, sa inyo na mga pinabanal na kaisa ni Kristo Jesus, na tinawag upang maging mga banal, kasama ng lahat niyaong sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo, na Panginoon nila at natin: 3 Magkaroon nawa kayo ng di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo. 4 Lagi kong pinasasalamatan ang Diyos tungkol sa inyo dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ibinigay sa inyo kay Kristo Jesus; 5 na sa lahat ng bagay ay pinayaman kayo sa kaniya, sa lubos na kakayahang magsalita at sa lubos na kaalaman, 6 kung paanong ang patotoo tungkol sa Kristo ay pinatatag sa gitna ninyo, 7 upang huwag kayong magkulang ng anumang kaloob, habang may-pananabik ninyong hinihintay ang pagkakasiwalat ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 8 Patatatagin din niya kayo hanggang sa wakas, upang maging malaya kayo sa anumang akusasyon sa araw ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 9 Ang Diyos ay tapat, na siyang tumawag sa inyo tungo sa pakikibahagi sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo na ating Panginoon. 10 Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan. 11 Sapagkat may ibinunyag sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, yaong mga nasa sambahayan ni Cloe, na may mga di-pagkakasundo na umiiral sa gitna ninyo. 12 Ang ibig kong sabihin ay ito, na ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: “Ako ay kay Pablo,” “Ngunit ako ay kay Apolos,” “Ngunit ako ay kay Cefas,” “Ngunit ako ay kay Kristo.” 13 Lumilitaw na nababahagi ang Kristo. Hindi ibinayubay si Pablo para sa inyo, hindi ba? O binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako na wala akong binautismuhang sinuman sa inyo maliban kina Crispo at Gayo, 15 upang walang sinumang magsabi na binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 Oo, binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Tungkol naman sa iba, hindi ko alam kung may binautismuhan akong iba pa. 17 Sapagkat isinugo ako ni Kristo, hindi upang magbautismo, kundi upang ipahayag ang mabuting balita, hindi nga sa pamamagitan ng karunungan sa pananalita, upang ang pahirapang tulos ng Kristo ay hindi mapawalang-silbi.

MARSO 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CORINTO 4-6

“Ang Kaunting Lebadura ay Nagpapaalsa sa Buong Limpak”

(1 Corinto 5:1, 2) Ang totoo ay may nababalitang pakikiapid sa gitna ninyo, at ang gayong pakikiapid ay wala kahit sa gitna man ng mga bansa, na kinuha ng isang lalaki ang asawa ng kaniyang ama. 2 At nagmamalaki ba kayo, at hindi ba kayo sa halip ay nagdalamhati, upang ang tao na gumawa ng gawang ito ay alisin sa gitna ninyo?

(1 Corinto 5:5-8) ay ibigay ninyo ang gayong tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman, upang ang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoon. 6 Ang dahilan ng inyong paghahambog ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak? 7 Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na. 8 Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.

(1 Corinto 5:13) samantalang ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas? “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.”

it-2 197

Lebadura

Gayunding sagisag ang ginamit ng apostol na si Pablo nang utusan niya ang kongregasyong Kristiyano sa Corinto na itiwalag nila ang isang lalaking imoral mula sa kongregasyon, anupat sinabi niya: “Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na.” Pagkatapos ay nilinaw niya kung ano ang “lebadura” na tinutukoy niya: “Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1Co 5:6-8) Dito ay humalaw si Pablo sa makalarawang kahulugan ng Judiong Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, na kasunod mismo ng pagdiriwang ng Paskuwa. Kung paanong sa di-kalaunan ay umaalsa ang buong limpak, o masa, ng tinapay dahil sa katiting na pinaasim na masa, ang kongregasyon din bilang isang kalipunan ay magiging marumi sa paningin ni Jehova kung hindi nila aalisin ang nakasasamang impluwensiyang ito ng taong imoral. Dapat silang kumilos upang maalis sa gitna nila ang “lebadura” na ito, kung paanong hindi dapat magkaroon ng lebadura sa mga bahay ng mga Israelita kapag panahon ng kapistahang iyon.

it-2 1110-1111

Satanas

Ano ang ibig sabihin ng ‘pagbibigay ng isang tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman’?

Nang tagubilinan ng apostol na si Pablo ang kongregasyon sa Corinto hinggil sa aksiyon na dapat gawin sa isang miyembro ng kongregasyon na may-kabalakyutang nagkakasala ng insesto sa asawa ng ama nito, sumulat siya: “Ibigay ninyo ang gayong tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman.” (1Co 5:5) Ito ay isang utos para itiwalag ang lalaking iyon mula sa kongregasyon at putulin ang lahat ng pakikipagsamahan sa kaniya. (1Co 5:13) Ang pagbibigay sa kaniya kay Satanas ay mag-aalis sa kaniya sa kongregasyon tungo sa sanlibutan na doo’y si Satanas ang diyos at tagapamahala. Gaya ng “kaunting lebadura” sa “buong limpak” ng masa, ang lalaking ito ang “laman,” o makalamang elemento sa loob ng kongregasyon. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa lalaking ito na nagkasala ng insesto, mapupuksa ng palaisip-sa-espirituwal na kongregasyon ang “laman” mula sa gitna nito. (1Co 5:6, 7) Sa katulad na paraan, ibinigay ni Pablo sina Himeneo at Alejandro kay Satanas, sapagkat itinakwil nila ang pananampalataya at ang isang mabuting budhi at dumanas sila ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.—1Ti 1:20.

(1 Corinto 5:9-11) Sa aking liham ay sinulatan ko kayo na tigilan ang pakikihalubilo sa mga mapakiapid, 10 hindi ang ibig sabihin ay sa lahat ng mapakiapid sa sanlibutang ito o sa mga taong sakim at mga mangingikil o mga mananamba sa idolo. Sapagkat kung gayon, kailangang umalis na nga kayo sa sanlibutan. 11 Ngunit ngayon ay isinusulat ko sa inyo na tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.

lv 34 par. 19

Ibigin ang mga Iniibig ng Diyos

19 Kung minsan, dapat nating ihinto ang ating pakikisama sa isang dating miyembro ng kongregasyon. Nangyayari ito kapag itiniwalag ang isang indibiduwal na lumabag sa kautusan ng Diyos at hindi nagsisi o kapag itinakwil ng isa ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo ng huwad na doktrina o kapag kusa siyang humiwalay mula sa kongregasyon. Malinaw na sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “tigilan ang pakikihalubilo” sa gayong mga tao. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Maaaring isa talagang hamon na iwasan ang indibiduwal na marahil ay dati nating kaibigan o kaya’y kapamilya natin. Maninindigan ba tayo sa pamantayan ng Diyos, sa gayo’y ipinakikitang pangunahin sa ating buhay ang katapatan kay Jehova at ang pagsunod sa kaniyang matuwid na mga kautusan? Tandaan na napakahalaga kay Jehova ng katapatan at pagkamasunurin.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(1 Corinto 4:9) Sapagkat sa wari ko ay kaming mga apostol ang huling inilagay ng Diyos sa tanghalan bilang mga taong itinalaga sa kamatayan, sapagkat kami ay naging pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.

w09 5/15 24 ¶16

Mga Anghel—“Mga Espiritung Ukol sa Pangmadlang Paglilingkod”

16 Ang mga Kristiyanong dumaranas ng pagsubok ay ‘pandulaang panoorin sa mga anghel.’ (1 Cor. 4:9) Tuwang-tuwa sila kapag nakikita nilang nananatili tayong tapat at kapag nagsisisi ang isang nagkasala. (Luc. 15:10) Napapansin din ng mga anghel ang makadiyos na paggawi ng mga babaing Kristiyano. Ipinakikita ng Bibliya na “ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.” (1 Cor. 11:3, 10) Oo, nalulugod ang mga anghel na makita ang mga babaing Kristiyano at ang lahat ng iba pang lingkod ng Diyos sa lupa na sumusunod sa teokratikong kaayusan at pagkaulo. Ang gayong pagsunod ay isang mainam na paalaala sa mga anak na ito ng Diyos sa langit.

(1 Corinto 6:3) Hindi ba ninyo alam na hahatol tayo sa mga anghel? Kung gayon, bakit hindi rin sa mga bagay-bagay sa buhay na ito?

it-2 49

Kautusan

Kautusan sa mga Anghel. Bagaman nakatataas sa mga tao, ang mga anghel ay sakop ng kautusan at mga utos ng Diyos. (Heb 1:7, 14; Aw 104:4) Binigyan pa nga ni Jehova ng utos at restriksiyon ang kaniyang kalaban na si Satanas. (Job 1:12; 2:6) Kinilala at iginalang ni Miguel na arkanghel ang posisyon ni Jehova bilang Kataas-taasang Hukom nang sabihin niya noong nakikipagtalo siya sa Diyablo: “Sawayin ka nawa ni Jehova.” (Jud 9; ihambing ang Zac 3:2.) Inilagay naman ng Diyos na Jehova sa ilalim ng awtoridad ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang lahat ng mga anghel. (Heb 1:6; 1Pe 3:22; Mat 13:41; 25:31; Fil 2:9-11) Kaya naman sa utos ni Jesus, isang anghelikong mensahero ang isinugo kay Juan. (Apo 1:1) Gayunman, sa 1 Corinto 6:3, binabanggit ng apostol na si Pablo na ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo ay inatasang humatol sa mga anghel, maliwanag na dahil sa paanuman ay makikibahagi sila sa paglalapat ng kahatulan sa mga balakyot na espiritu.

Pagbabasa ng Bibliya

(1 Corinto 6:1-14) Ang sinuman ba sa inyo na may usapin laban sa iba ay nangangahas na magtungo sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid, at hindi sa harap ng mga banal? 2 O hindi ba ninyo alam na ang mga banal ang hahatol sa sanlibutan? At kung hahatulan ninyo ang sanlibutan, hindi ba kayo karapat-dapat na lumitis sa napakaliliit na mga bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatol tayo sa mga anghel? Kung gayon, bakit hindi rin sa mga bagay-bagay sa buhay na ito? 4 Kaya nga, kung may lilitisin kayong mga bagay-bagay sa buhay na ito, ang mga lalaki bang hinahamak sa kongregasyon ang inilalagay ninyo bilang mga hukom? 5 Nagsasalita ako upang makadama kayo ng kahihiyan. Totoo ba na wala ni isa mang taong marunong sa gitna ninyo na makahahatol sa pagitan ng kaniyang mga kapatid, 6 kundi ang kapatid ay nagtutungo sa hukuman kasama ng kapatid, at sa harap pa ng mga di-sumasampalataya? 7 Kung gayon, tunay ngang nangangahulugan ng lubusan ninyong pagkatalo ang pagkakaroon ninyo ng mga hablahan sa isa’t isa. Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo? 8 Sa halip, kayo ay gumagawa ng mali at nandaraya, at sa inyong mga kapatid pa man din. 9 Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, 10 ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. 11 Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos. 12 Ang lahat ng bagay ay matuwid para sa akin; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. Ang lahat ng bagay ay matuwid para sa akin; ngunit hindi ako pasasailalim sa awtoridad ng anumang bagay. 13 Ang mga pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa mga pagkain; ngunit papawiin ng Diyos kapuwa iyon at ang mga ito. Ngayon ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon; at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Ngunit kapuwa ibinangon ng Diyos ang Panginoon at ibabangon naman tayo mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share