Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 12/15 p. 8-10
  • Ang mga Ammonita—Isang Bayan na Gumanti ng Poot sa Kabaitan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Ammonita—Isang Bayan na Gumanti ng Poot sa Kabaitan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Ammonita, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ammon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Raba
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Gilead—Rehiyon Para sa mga Taong May Tibay ng Loob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 12/15 p. 8-10

Ang mga Ammonita​—Isang Bayan na Gumanti ng Poot sa Kabaitan

ANG modernong lunsod na pinanganlang Amman, kabisera ng Hashemitang kaharian ng Jordan, ay nag-iingat ng alaala ng isang bayang naglaho na sa lupa. Sila’y tinatawag na mga Ammonita. Sino sila, at anong aral ang matututuhan natin sa kanilang pagbagsak?

Ang mga Ammonita ay mga inapo ng matuwid na taong si Lot. (Genesis 19:35-38) Yamang si Lot ay pamangkin ni Abraham, masasabing ang mga Ammonita ay pinsan ng mga Israelita. Gayunman, ang mga supling ni Lot ay bumaling sa pagsamba sa mga huwad na diyos. Gayunpaman, ang Diyos na Jehova ay nanatiling interesado sa kanila. Nang ang bansang Israel ay malapit na sa Lupang Pangako, nagbabala ang Diyos sa kanila: “Huwag ninyong molestiyahin [ang mga Ammonita] o makipag-alitan man sa kanila, dahil hindi ko ibibigay sa inyo ang alinmang lupain ng mga anak ni Ammon bilang isang ari-arian, sapagkat ito ay ibinigay ko sa mga anak ni Lot bilang isang ari-arian.”​—Deuteronomio 2:19.

Pinahalagahan ba ng mga Ammonita ang gayong kabaitan? Sa kabaligtaran, ayaw nilang kilalanin na binigyan sila ni Jehova ng anuman. Ang kabaitan ng Diyos sa kanila ay ginantihan nila ng patuloy na pagkapoot sa bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Bagaman sinunod ng mga Israelita ang utos ni Jehova at hindi gumawa ng anumang pagkilos laban sa kanila, ang mga Ammonita at ang kanilang mga kapatid na Moabita ay nangamba pa rin. Totoo, ang mga Ammonita ay hindi sumalakay, ngunit sila’y umupa ng isang propeta na nagngangalang Balaam at hiniling na sumpain niya ang Israel!​—Bilang 22:1-6; Deuteronomio 23:3-6.

Isang pambihirang bagay ang sumunod na nangyari. Iniuulat ng Bibliya na hindi nagawang mabigkas ni Balaam ang kaniyang sumpa. Pagpapala lamang ang naipahayag niya sa kanila, sa pagsasabi: “Yaong nagpapala sa inyo ang siyang pinagpapala, at yaong sumusumpa sa inyo ang siyang isinusumpa.” (Bilang 24:9) Ang mga kasangkot, kasali na ang mga Ammonita, ay dapat sanang natuto ng isang mahalagang aral dito: Kapag bayan ng Diyos ang nasasangkot, siya’y handang-handa na mamagitan alang-alang sa kanila!

Ang mga Ammonita naman ay patuloy na humanap ng paraan upang salansangin ang Israel. Noong panahon ng mga Hukom, ang Ammon ay nakisama sa Moab at Amalek at lumusob sa Lupang Pangako, na umabante hanggang sa Jerico. Subalit sandali lamang ang tagumpay sapagkat naitaboy pabalik ng Israelitang si Hukom Ehud ang mga manlulusob. (Hukom 3:12-15, 27-30) Nagkaroon ng pansamantalang pagtigil ng labanan hanggang sa mga kaarawan ni Hukom Jepte. Noon ay nahulog na sa idolatriya ang bansang Israel, kaya binawi ni Jehova ang kaniyang proteksiyon. Sa loob ng mga 18 taon, sa gayon ‘sila’y ipinagbili [ng Diyos] . . . sa kamay ng mga anak ni Ammon.’ (Hukom 10:6-9) Muli namang dumanas ng matinding pagkatalo ang mga Ammonita nang itinakwil ng mga Israelita ang idolatriya at nagtulung-tulong sa ilalim ng pangunguna ni Jepte.​—Hukom 10:16–11:33.

Ang panahon ng pamamahala sa Israel ng mga hukom ay nagtapos nang lumuklok ang unang hari, si Saul. Hindi pa natatagalan mula nang magsimulang mamahala si Saul nang muling sumiklab ang poot ng Ammon. Biglang sinalakay ni Haring Nahas ang Israelitang lunsod ng Jabes-galaad. Nang ang mga lalaki ng lunsod na iyon ay nakiusap upang makipagpayapaan, si Nahas na Ammonita ay nagharap ng mabigat na kahilingan: “Sa kundisyong ito makikipagsara ako sa inyo, sa kundisyon na dudukitin ang lahat ng inyong kanang mata.” Sinabi ng istoryador na si Flavius Josephus na ito’y ginawa sa isang banda bilang pananggalang, upang “kapag ang kanilang kaliwang mata ay natakpan ng kanilang mga kalasag, sila’y magiging ganap na walang-silbi sa digmaan.” Gayunman, ang talagang layunin ng walang pusong ultimatum na ito ay upang gawing isang kahihiyan ang mga Israelita.​—1 Samuel 11:1, 2.

Muli na namang ang mga Ammonita ay gumanti ng poot sa kabaitan ni Jehova. Hindi pinalampas ni Jehova ang buktot na bantang ito. “Ang espiritu ng Diyos ay kumilos kay Saul nang marinig niya ang mga salitang ito [ni Nahas], at ang kaniyang galit ay lubhang nag-init.” Sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos, tinipon ni Saul ang isang puwersa na binubuo ng 330,000 lalaking mandirigma na lubusang nagpangalat sa mga Ammonita anupat “walang dalawang magkasama ang natira sa kanila.”​—1 Samuel 11:6, 11.

Ang mapag-imbot na pagkabahala ng mga Ammonita sa kanilang sariling kapakanan, ang kanilang kalupitan, at ang kanilang kasakiman ang umakay sa kanila sa lubusang pagkapuksa. Gaya ng inihula ng propeta ni Jehova na si Zefanias, sila’y naging “gaya ng Gomorra . . . isang tiwangwang na kaguhuan, maging sa panahong walang takda . . . sapagkat kanilang dinusta at patuloy na nag-asal na mahangin laban sa bayan ni Jehova ng mga hukbo.”​—Zefanias 2:9, 10.

Ang mga lider ng daigdig ngayon ay dapat magbigay-pansin sa nangyari kay Ammon. Ang mga bansa ay pinagpakitaan din ng Diyos ng katulad na kabaitan sa pagpapahintulot sa kanila na mabuhay sa kaniyang tuntungan, ang lupa. Subalit sa halip na alagaan ang lupa, sinisira ito ng mapag-imbot na mga bansa, anupat isinasapanganib pa nga ang planeta sa nuklear na pagkawasak. Sa halip na magpakita ng kabaitan sa mga mananamba ni Jehova sa lupa, madalas na ang mga bansa ay nagpapakita ng pagkapoot, anupat sila’y marahas na pinag-uusig. Samakatuwid ang aralin tungkol sa mga Ammonita ay na hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova kapag ang kaniyang kabaitan ay ginagantihan ng poot. At kikilos siya sa Kaniyang takdang panahon, gaya ng ginawa niya noong unang panahon.​—Ihambing ang Awit 2:6-12.

[Larawan sa pahina 9]

Mga kaguhuang Romano sa Amman, ang kinaroroonan ng Rabba, na kabisera ng mga Ammonita

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga Ammonita ay nanirahan sa lugar na ito

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share